webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urban
Not enough ratings
165 Chs

Bawal Ka Ng Magdrive Sa Susunod

Nang maialis na sa peligro si Lin Che, nahagip ng kanyang mata ang papalapit na si Gu Jingze. Binuksan nito ang pinto at lumabas mula sa kotse. Malakas ang hangin doon at inililipad ang suot nitong damit. Bahagyang inililipad ang suot nitong coat at nakikita ang puting shirt sa loob.

Malalaki ang hakbang ni Gu Jingze.

Agad namang tumabi ang mga taong nandoon nang makita nila si Gu Jingze.

Hindi nagtagal ay nakalapit na ito kay Lin Che.

Kanina lang ay nasa bingit na ng kamatayan si Lin Che. Sa loob ng ilang minuto ay naisip niya na hindi na niya makikita pang muli si Gu Jingze.

Puno ng takot ang kanyang puso pero nang makita niya si Gu Jingze, bahagyang kumalma ang kanyang puso at nakaramdam ng panghihina.

Halos katapusan na niya kanina. Muntik na siyang mamatay kanina.

Inunat niya ang kamay at sinabi, "Gu Jingze…"

Namumutla ang kanyang mukha at kulay berde na ang kanyang labi. Galit at pag-aalala ang nararamdaman ni Gu Jingze.

Gusto niya itong pagalitan pero nang makita niya ang hitsura nito, ang tanging nagawa niya lang ay hawakan ang kamay nito at niyakap. Noon lang kumalma ang kanyang puso nang mayakap na niya si Lin Che.

Bagamat ilang minuto lang ang pangyayaring iyon, pakiramdam niya ay ilang taon kaagad ang lumipas.

Nang makita niya ang balita, hindi niya makayang titigan ang kotse na nakabitin sa tulay. Pero, gustong-gusto niyang tumalon papasok sa screen at kunin agad si Lin Che mula sa sasakyan.

Pero alam niyang imposibleng magawa niya iyon. Kaya mabilis siyang tumawag ng kanyang mga tauhan. Kailangan niyang manatiling kalmado dahil kung hindi, tiyak na mas lalaki pa ang problema niya.

Wala na siyang panahon pa para magpanic. Ang tanging nasa isip niya lang kanina ay ang mailigtas nang buhay si Lin Che.

At ngayong nailigtas na ito, muling gumapang ang takot sa puso niya.

Kung nagkataong nahulog ito doon, hindi niya kayang isipin ang posibleng nangyari.

Ang babaeng ito talaga, hindi ba nito naisip na maaari itong mamatay?

Napakatapang nito para magmaneho nang mag-isa. Wala na ba itong pakialam sa sariling buhay?

Kung namatay ito…

Hindi maisip ni Gu Jingze ang buhay na wala si Lin Che. Hindi niya alam kung ano ang magiging buhay niya kapag nawala ito.

Habang pinagmamasdan ang namumutlang mukha ni Lin Che, hindi niya kayang pagalitan pa ito. Niyakap niya na lang ito at mabilis na dinala sa hospital.

Nang nasa sasakyan na sila, noon lang din napagtanto ni Lin Che kung gaano siya katakot kanina. Napayakap siya sa baywang ni Gu Jingze habang nakaupo sa mga hita nito at mahigpit na nakadikit. Dahil sa ginawang iyon ni Lin Che ay parang bula na biglang naglaho ang galit na nararamdaman kanina ni Gu Jingze. Tiningnan niya ang kamay nito na mahigpit na nakayakap sa kanya, ang ulo nito ay nakasandal sa dibdib niya. Napakasarap pagmasdan ang ganitong hitsura ni Lin Che… napakaamo.

Nakangiti siya habang nasa biyahe. Niyakap niya rin ito nang mas mahigpit at tumingin na sa unahan. Sobrang kalmado na ng kanyang pakiramdam.

Hindi nagtagal ay nakarating na sila sa hospital.

Kaagad na tumawag si Gu Jingze ng doktor para icheck si Lin Che.

Sinuri ng doktor si Lin Che. Nagtamo siya ng iilang mga gasgas sa katawan, pero medyo malalapad ang mga gasgas na iyon.

Habang nanonood ay nakasimangot si Gu Jingze. Sinabi nito sa doktor, "Ayokong mag-iwan iyan ng peklat sa kanyang katawan."

Sumagot naman ang doktor, "Huwag ka pong mag-alala, Mr. Gu. Mababaw lang naman ang mga gasgas na ito. Hindi ho ito mag-iiwan ng marka sa katawan ng pasyente. Gagawin po namin ang lahat para sa kanya."

Habang nagsasalita ang doktor ay parang kinabahan si Lin Che. Bahagyang gumalaw ang kanyang kamay at sabay na napataas ang kanyang balakang.

Natatarantang nagtanong ang doktor, "Sorry, sorry. Napalakas ba ang paghawak ko?"

Mas lalong sumimangot si Gu Jingze. "Magdahan-dahan ka naman, pwede?"

Mabilis naman itong sinaway ni Lin Che. "Okay lang, okay lang 'to. Bakit ang sungit mo?" Tiningnan niya ang bata at magandang doktor. "sige lang, ipagpatuloy mo lang ang ginagawa mo. Okay lang ako. Maliit lang naman ang sugat ko, kaya hindi ito gaanong masakit. Kapag mas lalo kang nataranta, mas mapapatagal iyang ginagawa mo, diba?"

Napasulyap si Gu Jingze sa kanya. Maliit na sugat lang iyan?

Nagpatuloy si Lin Che, "Oh diba? Mas okay na ngayon iyang pagkakahawak mo. Sisiw lang 'tong sugat na ito. Wala itong pinagkaiba sa sugat na nakuha ko nang nag-aaral pa lang akong magbisikleta. Ang ginagawa ko lang noon ay kinukuskos ko lang ito nang dahan-dahan tapos okay na ako. Mag-iiwan lang 'to ng marka pagdaan ng ilang araw. Pero paglipas ng isang taon, wala na ito."

"Isang taon…" Bumagsak ang mukha ni Gu Jingze. "Dok, ayokong umabot pa sa isang taon bago ito tuluyang gumaling."

Nag-aalalang tiningnan ng doktor si Gu Jingze. "Ito po… imposible pong mabura ang marka nito nang lubusan. Medyo may kaunting marka lang na maiiwan pero hindi naman iyon gaanong malaki at hindi gaanong mapapansin."

Sumingit si Lin Che, "Tatakpan ko lang iyan ng foundation tapos okay na. Sige na, dok, magpatuloy ka na."

Sinamaan ng tingin ni Gu Jingze si Lin Che.

Hindi talaga nito kayang itikom ang bibig kahit sa ganitong sitwasyon.

"Hindi na natin kukunin pa ang kotseng iyon," sabi ni Gu Jingze.

". . ."

Hindi makapaniwalang tiningnan ni Lin Che si Gu Jingze, "Bakit?!"

"At talagang nagtatanong ka pa kung bakit? Hindi ka na pwedeng magdrive simula ngayon."

"Ano… Hindi…" hindi niya naman ginusto ang nangyari ah.

Nagtataka si Gu Jingze. Naiiba talaga ito kay Mo Huiling. Napakaliit na sugat lang pero panay na ang sigaw ni Mo Huiling dahil daw sa sakit. Pero itong si Lin Che, halos mamatay na ito pero parang wala lang sa kanya ang nangyari.

Hindi niya maintindihan kung gaano ba katibay ng loob nito.

Tumutol naman si Lin Che sa kanyang sinabi. "Para ano pa na binilhan mo ako ng kotse tapos di naman pala ako pwedeng gumamit nun?"

Malambing na hinawakan ni Lin Che ang manggas ng damit ni Gu Jingze, "Sige na. Mag-iingat na ako sa susunod… Bigay mo sa'kin iyon. Hindi ako papayag na masisira lang iyon nang di man lang nagagamit!"

Dahil sa ginagawa niya'y parang lumalambot na ang puso ni Gu Jingze.

Pero nang muli niyang maalala ang nangyari ngayong araw, nagmatigas siya. "Kukuha ng personal driver mo. Hindi ka na pwedeng magdrive kahit kailan."

". . ." Lumabi si Lin Che. "Kainis naman."

Sinulyapan siya ni Gu Jingze. "Dapat sana'y hindi ko nalang binili ang kotseng iyon."

Kung magbibigay man siya ulit sa susunod, titiyakin niyang hindi na ito makapagdudulot ng kapahamakan kay Lin Che.

Dahil kung hindi, baka mas malala pa ang mangyari sa babaeng ito sa susunod.

"Pumayag ka mismo na bilhin iyon," sabat ni Lin Che.

"Nagkamali ako noon. Hindi ko naisip iyang kakayahan mo. Ngayon ay alam ko na wala kang future sa pagmamaneho. Ikamamatay mo kapag nagpatuloy ka pa rin sa pagda-drive!"

". . ." Sumagot si Lin Che, "Marunong naman akong mag-ingat ah!"

"Marunong kang mag-ingat?!"

Naisip ni Lin Che na 'okay, sige. Oo na. Delikado nga ang pagmamaneho pero hindi naman yata tama na maging istrikto sa kanya nang ganito.'

"Masyado lang talaga akong maraming iniisip kanina kaya nakalimutan ko na hindi pala ako dapat sumasagot ng tawag habang nagmamaneho."

". . ." Biglang naisip ni Gu Jingze na siguro ay mas mabuti kung magkakaroon ito ng personal assistant para palaging may nagpapaalala dito ng mga dapat at hindi dapat gawin. Hindi siya dapat makampante sa klase ng utak nito na madaling makalimot.

Naalala ni Lin Che si Yu Minmin. "Oo nga pala, kailangan kong tawagan si Miss Yu. Teka, nasaan ba ang cellphone ko?"

Noon di'y naalala ni Lin Che na kanina pa pala nawawala ang kanyang cellphone.

Iniabot ni Gu Jingze ang cellphone nito sa kanya. "Sakin nalang muna ang gamitin mo."

"Oh, sige." Kinuha ni Lin Che ang cellphone pero narealize niya na hindi niya pala kabisado ang number ni Yu Minmin.

Tahimik lang na napailing si Gu Jingze at tinawag si Qin Hao na kasalukuyang nasa labas. "May number ka ni Yu Minmin, diba?"

Maagap na tao si Qin Hao kaya bilib dito si Lin Che. Lahat ng ipinapagawa ni Gu Jingze dito ay mabilis nitong naisasagawa.

Ibinigay ni Qin Hao ang number ni Yu Minmin sa kanila.

Agad namang idinial ni Lin Che ang numero. Samantala mula sa kabilang linya ay nagtataka ang boses na nagtanong, "Hello?"