webnovel

Unravel the Twisted Play (Tagalog)

Due to her father's illness, Janelle trapped herself to a twisted game. Confident to win the prize, she risk her own life. Will she really get out alive or the play will just twist her fate?

Shayara_xx · Teen
Not enough ratings
5 Chs

The First Game

Alas tres nang hapon nang makarating siya sa timog na daungan ng mga barko. Bitbit ang bag ay dumiretso siya palapit sa barkong may nakasulat na U.M.

"Ang tipid ha! Di pa binuo na lang yung ibig sabihin, United Minds lang naman, pa-mysterious pa!" komento niya.

Hindi pa man tuluyang nakakalapit ay tanaw na niya ang iba pang mga estudyanteng nakasuot din ng unipormeng katulad nang sa kanya. Kilala niya ang ilan sa mga ito dahil pare-pareho silang galing sa Southern High.

Sa bandang kanan kung saan naka-parada ang isang tricycle ay napansin niya ang isang babaeng umiiyak kasama ang mga magulang at kapatid nito.

"Kupas at gusot-gusot ang damit ng pamilya niya. Maiitim at madudungis ang mukha ng mga kapatid niya. May mga kalawang na yung tricycle nila. Okay, confirm, mahirap ang mga 'to."

"Ano, nilalait mo na naman ba ang hindi kaaya-aya sa paningin mo?"

Natigilan siya at hinarap ang pinagmulan ng boses. At napairap na lang nang mapagtantong iyon ang bestfriend niya.

"FYI, Ren, observation ang tawag doon. Observation! Kuha mo?"

"E ano namang masasabi mo doon?" tanong ni Ren sabay turo sa grupo ng mga estudyanteng kabababa lang sa isang latest model ng mamahaling kotse.

"Mga feelingera. Kung mayaman talaga sila, malamang, bayad ang buhay nila, 'di ba Janelle?" entrada naman ng kadarating na si Gelene.

"Kotse ni Misty 'yon, alam mo na, na-bully na naman ng mga pabibo girls," sabi naman ng kasama ni Gelene na dumating na si Ira.

"Nagpapa-bully? Hmm, no wonder kahit mayaman siya ay kasali siya sa game. Parusa siguro ng parents niya dahil mahina siya o baka naman pabida lang din talaga ang pamilya niya," aniya.

"Paano mo naman nasabi, Janelle?" tanong ni Ira. Ipinagkibit-balikat na lang niya iyon dahil tinatamad na siyang sumagot ngunit sadyang makulit ang kaibigan.

"Tatlong klase lang naman kasi ang nandito. Ang una, ang mayayamang hindi marunong makuntento––mga walang pusong handang ibuwis ang buhay ng anak masabi lang na malakas ang pamilya nila. Mga pabida na nagawa pang hilingin na ipalabas sa buong bansa ang mangyayari sa U.M.A.––"

"Ah! Gaya ni Misty. Tama!" putol ni Gelene sa kaniya. Inirapan niya ito sa ginawa pero tinawanan lang siya bago nag-peace sign.

"Pangalawa, ang mahihirap na hindi ko maintindihan. Mahirap sila, pero aware naman sila sa Two Child Policy, 'di ba? At alam din nila na wala silang pambayad. Kaya pa'nong nangyari na umabot pa sa apat at lima ang anak nila? Wala silang pinagkaiba sa mayayamang pabida, ang ipinagkaiba lang, pagse-sex ang ipinagmamalaki nila!"

"Ang sakit mo naman magsalita! Parang sinabi mong ang sama ng magulang namin ni Ira ah!" putol muli ni Gelene.

"Bakit, totoo naman, 'di ba? Alam nila ang consequences pero pinili pa rin nilang kuman––oh, nevermind!" depensa naman ni Janelle.

"May point naman siya, Gelene, at the end of the day, mapapaisip ka rin, na baka ginusto rin nilang danasin natin 'to..." pagsang-ayon ni Ira. Natahimik ang magkakaibigan na binasag din naman agad ni Ren.

"Ano naman ang pangatlong klase, Janelle?" tanong nito.

Hindi sumagot si Janelle at nakita ni Ira na naging sensitibo bigla ito kaya siya na ang sumagot. "E di yung mga kagaya niya. Ligtas na pero kailangang magsakripisyo."

Hindi narinig ni Janelle ang sinabing iyon ni Ira. Masyadong siyang kinain ng sariling isip matapos makita ang mga estudyanteng kasama ang kanilang mga pamilya. Tulad nang sa mga kaibigan niya... lahat sila ay narito, kahit papaano ay sumusuporta. Umiiyak at sinasabing mag-iingat sila, na mahal na mahal nila sila. Niyayakap. Ramdam ang pagmamahal. Hindi katulad ng mga magulang niya––wala. Ang ama niyang walang kasiguraduhan kung mabubuhay pa. At ang ina niyang imbis na yakapin siya at suportahan siya... walang ginawa. Na ang mga huling salitang narinig pa niya ay mali ang desisyon niya...

Ipinagsawalang bahala na lamang niya ang pag-iisip doon at nakinig na lamang sa isang babaeng nag-aanunsyo––si Diana. Nakatayo ito malapit sa hagdan ng barko at pinapipila ang mga estudyante.

"What? Kakapkapan pa?" inis na sambit ni Janelle habang pinagmamasdan ang ginagawa nito sa mga babae bago paakyatin ng barko.

"Sa pagkakarinig ko kasi bawal daw ang mga deadly weapons kaya may inspection," paliwanag naman ni Ira.

Tumango na lamang si Janelle ngunit napakaunot naman ang noo ni Gelene. "Sino naman ang matapang na magdadala ng mga armas?" tanong nito, hindi naman siya pinansin ng dalawa.

"Nakakatawa. Bawal magdala ng mga weapons pero ang mga games nila... deadly," sarkastikong sambit ni Ren, mahina lang para hindi marinig ng iba. Ngunit hindi naman iyon nakatakas sa matalas na pandinig ni Janelle.

"Tama nga..." Palihim na napahawak siya sa hita at nagpanggap na inaayos ang sariling  palda, ngunit ang totoo'y sinisiguro lang naman talaga niyang maayos na nakalagay roon ang baril. At napangiti na lamang nang maalala kung paano niya iyon nakuha.

Papasok na sana siya sa kuwarto niya nang mapansing hindi nakalapat ang pinto ng ate niya. Dahan-dahan siyang sumilip sa siwang at nakitang mahimbing itong natutulog.

"Psh! Mabuti na lang pala hindi ka nagising. Baka pati ikaw tumutol sa gagawin ko," bulong niya.

Ayaw niyang ipaalam din sa ate niya ang desisyon niya. Dahil baka kapag ito na ang pumigil sa kaniya, ay hindi na talaga matuloy ang balak niya.

Mahal niya ang ate niya. Siya ang inspirasyon niya, ngunit hindi maiwasan na magalit siya minsan dahil sa pagkukumpara ng mga magulang nila.

"Sorry, ate... Ikaw na muna ang mag-alaga kina Mommy." Nangingilid na ang luha niya kung kaya't isasara na niya sana ang pinto ng kuwartong iyon pero may nahagip ang kaniyang mata.

Sa study table... kung saan maayos na nakasalansan ang mga libro at notebook. Sa gilid noon ay kitang-kita niya ang pinakapaboritong bagay nilang dalawa. Isang baril.

Dahan-dahan siyang pumasok at dinampot iyon. Tagumpay naman siya dahil hindi nagising ang kaniyang kapatid.

"Magagamit ko na ang itinuro mo, ate, mapo-protektahan ko na ang sarili ko gaya ng nais mo," bulong niya rito bago tuluyang lumabas ng kwarto.

Agad siyang nag-isip kung paano maiipuslit ang armas na 'yon. Ngunit kahit anong gawin ay wala siyang maisip. Pati kasi ang bag na dala ay iniinspeksyon.

Palapit nang palapit.

Hanggang sa dalawang estudyante na lamang bago siya.

"Diana!"

Natigil sa pag-i-inspect ang babae dahil sa isang boses na narinig. Mula sa barko ay mayabang na bumaba ang isang babae. Nakasuot ito ng fitted na itim na damit na nakapagpa-define pa lalo ng kurba ng katawan nito. Nakalugay rin ang straight nitong buhok. Sa tindig ay masasabi mong may mataas itong posisyon.

'Di maiwasang maningkit ang mga mata ni Janelle sa nakita. Pamilyar sa kaniya ang mukhang iyon ngunit hindi niya maalala kung saan niya nga ba nakita.

"Umakyat ka na sa taas, ako na ang magtutuloy rito."

"Pero ma'am..."

"May reklamo ka, Diana?"

Tila natakot naman si Diana. Bawat bigkas kasi nito ng salita ay puno ng awtoridad.

Sunud-sunod na lunok naman ang ginawa ni Janelle. Bigla siyang kinabahan dahil ang babaeng ito na ang magche-check sa kaniya. Mas lalo tuloy siyang nahirapang mag-isip kung paano tatakasan ang gulong pinasok niya.

Aalis sana siya sa pila para itapon na lang sa dagat ang baril ngunit agad siyang sinenyasan ng babaeng iyon na lumapit. Nanlalamig na sinunod naman niya ito.

Nagtama ang mga mata nila. 'Di niya magawang pigilan ang kaba sa tingin ng mataray nitong mga mata.

"Aalis ka? Bakit? May tinatago ka ba?"

Nakatingin lang ito sa kaniyang mga mata habang ang mga palad ay sinimulan na siyang kapkapan.

Pababa nang pababa.

"Natatakot ka?" nakangising tanong nito. Nag-iwas na lamang siya ng tingin at lalong kinabahan nang malapit na sa hita niya ang kamay nito.

"May tinatago ka nga."

Gusto na niyang lamunin ng lupa ng mga oras na iyon. Nakahawak na ang babae sa baril na nasa ilalim ng palda niya.

Ngunit hindi niya naman inaasahan ang sumunod na nangyari.

"Umakyat ka na," sabi nito habang suot ang mala-demonyong ngisi.

🗡🗡🗡

Sa open air terrace ng barko, prenteng nakatayo si Janelle habang pinagmamasdan ang repleksyon ng kahel na langit at papalubog na araw sa dagat.

Limang oras na siyang binabagabag ng babaeng iyon na pinalampas ang pagdadala niya ng armas.

"Anong meron? Bakit niya gagawin 'yon?" paulit-ulit niyang tanong.

Naguguluhan siya. Kung talagang bawal, bakit pinayagan siya? Lalo siyang kinabahan nang maisip na baka may mas mabigat itong parusa sa kaniya.

"Anong anong meron? Anong iniisip mo, Janelle?"

Napatalon siya sa gulat. Hindi niya namalayang nasa tabi na pala niya si Ren.

"Saan ka galing?" pag-iiba niya ng usapan.

"Sa dining hall. Kain na tayo? Ang sabi, libre raw yon at tingin ko dapat sulitin natin. Masasarap yung hinanda nila," sabi naman ni Gelene na kasunod din pala ni Ren.

"Mukhang bubusugin muna nila tayo bago patayin," natatawang ani Ren. Napatawa rin si Janelle ngunit kunut-noo naman si Gelene.

"Ang talino mo, pero di marunong sumakay sa biro? Hays," pang-aasar ni Janelle kay Gelene. Totoo nga naman, siya ang nangunguna sa ranking ng klase nila. Minsan pa nga ay nagpapatulong si Janelle gumawa ng assignment sa kaniya.

🗡🗡🗡

Naglibot ang tingin ni Janelle nang makarating na sila sa dining hall. Puno iyon ng mga estudyanteng kumakain na akala mo huling araw na nilang makakatikim ng masarap na pagkain.

"Mas takot yata silang mamatay sa gutom kesa game," bulong niya.

Habang ang iba naman ay nakikipagkuwentuhan sa grupo ng mga kalalakaihan na umiinom ng wine. Napailing na lamang siyang muli, hindi pa rin talaga nawawala ang kalandian ng pabebe girls.

Naghanap na lamang siya ng bakanteng table at sakto namang natanaw niya si Ira na nakaupong mag-isa sa round table hindi malayo sa kinatatayuan nila.

"Ira!" tawag ni Janelle ngunit hindi siya pinansin nito.

"Bingi na ata ang kaibigan natin?" bungisngis ni Gelene.

Lumapit na lamang sila sa kaibigan at napansin naman niyang hindi maalis ang tingin nito sa iisang direksyon-sa isang lalaking nakaupo, tatlong mesa ang layo sa kanila.

Naupo na sila sa bakanteng upuan sa tabi ng kaibigan, habang sinundan naman ng tingin ni Janelle ang pinagmamasdan ni Ira.

Napailing na lang din siya.

"Hindi oras ng paglalandi," puna niya.

Natauhan naman si Ira at agad na umayos ng upo.

"Sino ba kasi yung tiniti-" Hindi na natapos ni Gelene ang sasabihin dahil sumagot agad si Ira.

"Exchange student, Aidan Ong-ang gwafu niya no?"

Nairita naman si Janelle dahil parang uod na inasinan si Ira nang sabihin iyon. Langya nga naman.

"Nag-iisa siya. Wala siyang kilala kasi nga galing siyang Northern High. Samahan ko kaya?" Tatayo na sana si Ira para puntahan ngunit napigilan agad ng kamay ni Janelle.

"Mahiya ka nga!" saway niya rito.

"Janelle naman, paano kung mamamatay na pala ako bukas? Pagbigyan mo na ko, pramis, ngayon lang ako lalandi," nagpapaawang sabi nito ngunit hindi naman umubra iyon sa kaniya. Walang nagawang umupo na lang ito ulit bago malungkot na pinagmasdan mula sa malayo ang lalaki.

Naguguluhan tuloy siya sa inaasta ng kaibigan. "Wala namang special sa itsura no'n, gwapo ba 'yon? Psh," bulong niya.

"Guys, guys, naisip ko lang! Kung oras niyo na bukas, anong huling gusto niyong gawin?" tanong ni Gelene.

"Uminom!" Hinarang agad ni Ira ang waiter na dumaan bago kumuha ng apat na baso ng wine.

Agad naman siyang lumagok bago napaisip ng malalim. Isa lang naman kasi ang gusto niya. Ang malamang proud sa kaniya ang mga magulang niya.

"Ako, gusto ko, balikan natin yung masasayang memories. Gusto kong maalala sa huling oras ng buhay ko na ang swerte ko dahil kayo ang naging kaibigan ko," maluha-luhang sambit naman ni Gelene. Napailing na lang siya. Aniya ay mukhang tinamaan agad ng wine ang bruha kaya nagda-drama. Pero aaminin niya sa sarili niya, masaya rin siya dahil kahit papaano ay may mga kaibigan siya na gaya nila.

"Tapos-"

Hindi na natapos ni Gelene ang kadramahan nang biglang tumunog ang isang bell. Nakatayo sa gitna ng dining hall ang babaeng pumalit kanina kay Diana.

"Good evening, players! I am Jazz. At masaya kong ibabalita sa inyo na may resulta na ang first game!"

Bigla na namang bumilis ang tibok ng puso ni Janelle nang magtama ang mga tingin nila. Ngayon ay gamit pa rin nito ang mala-demonyong ngisi katulad nang kanina. Lalo pang nadagdagan ang takot na iyon matapos pumasok ng lalaking may dalang baril at kahon sa dining hall. Pinaupo ang mga estudyante at pinalibutan ang bawat table.

Ipinagsawalang bahala na lamang niya iyon, hindi naman kasi sila tinutukan ng baril. Baka binabantayan lang ang galaw nila, aniya.

First game? Hindi nila alam na may nangyari na palang gano'n. Sa pagkakaalam nila ay wala. At iyon din ang pagkakaalam niya. Ang balita kasi ay magaganap ang sampung laro sa isang isla, o mas madaling sabihin na sa islang kinatatayuan ng U.M Academy.

"And here are your prizes and punishments." Itinaas nito ang dalawang maliit na botelyang na may kulay puting likido.

Kasabay rin noon ang pamimigay ng mga lalaking nakaitim na suit. Mula sa mga karton ay kinuha nila ang mga botelya bago binigyan ng tig-iisa ang bawat estudyante.

"Ang unang game ay ang periodical exam ninyo," sabi naman ni Diana na pumasok mula sa isang pinto. Suot pa rin nito ang damit niya kanina pero may bitbit na siya ngayong notebook. Kung anong nakalista roon ay hindi nila alam. Siguro ay ang mga listahan ng pumasa, aniya.

Biglang nanlamig ang buong katawan ni Janelle. Mukhang alam na niya ang mangyayari. Nanginginig ang mga kamay na pinagmasdan niya ang botelya sa harap niya. Alam niyang kaniya iyon dahil may pangalan niya.

Nilingon niya ang mga kaibigan sa tabi niya at pare-pareho itong tulala habang nakikinig kay Jazz na nagsasalita sa harapan.

"Sabay-sabay ninyong iinumin ang laman niyan. Who will pass? And who will fail?-malalaman natin yan sa epekto ng liquid na maiinom niyo."

Inangat ni Janelle ang bottle at pinagmasdan ang likido doon. Ineeksamina ngunit wala siyang masabi dahil wala iyong pagkakaiba sa liquid na laman din ng botelya ng mga kaibigan niya.

Parang mga tubig. Pero sigurado siyang naiiba ito sa mga iyon. Mayroon doong may lason.

At sigurado rin siya na 'yun ay ang kaniya. Napasabunot na lang siya sa sarili nang may maalala...

"Guys, tingin niyo pasado kaya tayo sa exam?"

"Pasado o hindi, anong pinagkaiba? Pare-pareho naman tayong sasali sa game, wala rin ang paghihirap natin," sagot niya.

Para sa kaniya ay balewala rin ang paghihirap nila na mag-isip. Hindi rin magbubunga ang pag-aaral nila. Balewala na ang resulta ng periodical test. Dahil lahat naman sila ay sasailalim sa Twisted Play.

Pinagpapawisan na siya kahit na ang lamig-lamig naman ng buga ng aircon sa silid na 'yon. Parang gusto na lang niya tumalon sa dagat at magpakalunod. Pero hindi. Ayaw niyang mamatay.

Hindi niya tuloy matanggap na hindi niya binasa ang mga tanong sa exam at sumagot na lang nang basta-basta.

Kaya sigurado siya... siguradong ito na ang katapusan niya.

Pero hindi. Ipinangako na niya sa sariling hinding-hindi siya mamamatay.

Muli niyang pinagmasdan ang botelya at napansing naalis ang piraso ng papel kung saan nakasulat ang pangalan niya. Hinanap niya iyon at nakitang nakadikit na pala sa palad niya.

Kinakabahan man ay bigla naman siyang nabuhayan ng loob nang maalala na naman pangyayaring iyon. May pag-asa pa...

"Guys, tingin niyo pasado kaya tayo sa exam?"

"Pasado o hindi, anong pinagkaiba? Pare-pareho naman tayong sasali sa game, wala rin ang paghihirap natin," sagot niya.

"Ganoon ba? Kayo ba, Ren, ganoon din ba ang ginawa niyo? Ako kasi sinagot ko lahat ng alam ko. Sayang naman ang pagpupuyat ko ng ilang araw sa pagrereview kung di ko rin naman gagamitin yung natutunan ko," pagpapaliwanag ni Gelene.

Pinagmasdan niya ang kaibigang hindi maalis ang tingin sa harapan. Tila pa nga ay hindi pa nito alam na nasa harapan na niya ang botelyang para sa kaniya.

"Kung meron mang siguradong pumasa sa amin... si Gelene 'yon..." aniya.

Nilingon niya sina Ren, tutok din ito sa sinasabi ni Jazz at mukhang hindi napapansing kanina pa siya hindi mapakali.

Kaya naman mabilis at ingat na ingat niyang hinila ang sticker na may pangalan ni Gelene bago idinikit ang pangalan niya.

"Oras na para buksan niyo ang mga botelya, In my count, sabay-sabay niyo iyang iinumin," anunsyo ni Jazz kaya naman mabilis niyang kinuha ang botelya ni Gelene at ipinalit ang sa kaniya, bago umarteng natatakot gaya ng iba.

"One!" bilang ni Jazz. Isa-isa ring tinutukan ng baril ng mga armadong lalaki ang bawat estudyante.

Lahat ay walang nagawa kundi ang sundin ang sinabi ni Jazz. Gustuhin man nilang itapon at magpanggap na nainom na ang laman ay hindi nila magawa. Bantay sarado sila ng mga lalaking handang iputok ang baril sa oras na magkamali ka ng galaw.

"Two!"

"Three!"

Sabay-sabay nila iyong ininom.

"Very good! Wala namang nangyari, 'di ba?" sabi ni Jazz bago humalakhak ng malakas. Lahat ay nakahinga ng maluwag at sinabayan na rin ang tawa niya, ngunit saglit lang ay tumigil na rin si Jazz bago muling sumeryoso ang mukha.

"Ngunit, siguradong sa mga oras na 'to ay kumakalat na ang lason sa mga katawan niyo. Unti-unting manlalabo ang mga paningin niyo. Mamanhid isa-isa ang bawat parte ng katawan niyo. Maninikip ang dibdib. Hanggang sa titigil na lang ang tibok ng puso niyo..."

"J-Janelle? J-J-"

Gulat na napabaling siya sa kaibigan.

"G-Gelene..." bulong niya. Paghigpit nang pahigpit ang kapit nito sa blazer niya. Nag-panic na rin si Ira at Ren at inaalalayan si Gelene. Hindi siya makatingin ng ayos sa kaibigan at tinanggal pa niya ang kamay nitong napahawak sa braso niya.

Mayamaya lang ay bigla na lamang itong napahawak nang mariin sa sariling dibdib habang naghahabol ng hininga.

"A-anong nangyayari? T-tulong... T-Tulungan niyo-" hindi na nito natapos ang paghingi ng saklolo nang bigla na lamang siyang nawalan ng malay.

Pilit ginigising ng mga kaibigan niya si Gelene samantalang siya... hindi niya malaman ang gagawin. Nakatitig lang siya sa kaibigan habang lumuluha.

"What if hindi tayo makaligtas?" tanong ni Ira sa kanila.

"Syempre, makakaligtas tayo! Magtutulungan tayo! Sampung laro lang naman kailangan natin lagpasan tapos magiging malaya na tayo!" masayang turan ni Gelene.

"Talaga, Gelene? Tutulungan mo rin ako?" tanong niya sa kaibigan.

"Oo naman, Janelle! Ikaw pa ba?"

Kahit paano'y napawi ang kaba sa puso ni Janelle ng mga oras na iyon. Kahit papaano ay may kaibigan siyang tutulong sa kaniya. Laking pasasalamat niya. Dahil nandiyan ang mga kaibigan niya... nandyan si Gelene na tumutulong sa kaniya at hindi nawala sa tabi niya.

Pero ngayon?

Wala na siya. Wala na si Gelene.

At iyon ay dahil sa kaniya. I killed her.

Ngunit kahit gaano pa man niya kagustong ibalik ang buhay ng kaibigan ay hindi niya na magagawa pa. Nangyari na. Nakapagdesisyon na siya.

At 'yon ay ang isipin ang sarili niya. Lahat ay gagawin makaligtas lamang siya. Hindi ako maaaring mamatay, patawad... Gelene.

"Congratulations! Mukhang alam na nating lahat kung sinu-sino ang magiging players ng second game!"

Pinunasan niya ang mga luhang patuloy sa pagbuhos. Pero natigil siya nang may maglahad ng isang panyo sa harapan niya.

"Aidan?" naguguluhang tanong niya. Siya 'yong lalaking kaninang pinagmamasdan ni Ira. Sigurado siya, pero hindi niya maintindihan kung anong ginagawa ng binata sa harapan niya.

"Tapos na ang unang laro. Tingin mo... karapat-dapat ka ba?"