Muli niyang pinakatitigan ang mga salitang nakasulat sa kahuli-hulihan ng kontrata.
Dalawang-daang libo bilang kapalit ng pagpasok sa United Minds Academy.
"Kung desidido ka na ay maaari mo nang lagdaan," ani Diana—ang U.M.A staff na nagpo-proseso ng aplikasyon niya. Inabot nito ang isang ballpen na may pulang likido—o mas madaling sabihing panulat na dugo niya ang nagsisilbing tinta.
Kaunting hintay na lang, dad, maooperahan ka na. Gagaling ka na...
"Sana'y hindi mo pagsisihan ang desisyon mo, hija."
Iyon ang sinabi ng staff bago siya lumabas ng silid. Tila ipinaalalang siya na mismo ang nagbaon ng mga sariling paa sa hukay. Ngunit, ano nga naman kung manganganib siya, ang mahalaga'y may pagkakataon na para iligtas ang ama.
It takes a little sacrifice to be happy again. Buhay ko para kay Dad—nope, manganganib lang ang buhay ko pero hindi ako mamamatay. Mabubuhay kami ni Dad. Mabubuhay kami.
Paulit-ulit niyang pinapaalala sa sariling tama ang desisyon niya, ngunit isang sampal ang natanggap niya sa ina nang makauwi siya.
"Wala akong sinabing gawin mo 'to, Janelle!" Namumula sa galit ang ina ngunit kinalma lamang ni Janelle ang sarili.
"This is the answer, Mom! Two hundred thousand. Kahit pagsama-samahin mo 'yang mga pera sa tatlong alkansyang binasag mo, hindi yan makakabuo ng ganitong halaga, mommy. I just wanted to help Dad, mom. Let me. Please." Yayakapin sana niya ang ina nang makita ang pagpatak ng mga luha nito ngunit itinulak lang siya.
"Hindi namin binayaran ang buhay mo para lang ibenta ulit, Janelle."
Iyon ang totoo. Nang ipinanganak siya'y nagbayad ang mga magulang niya ng malaking halaga upang hindi niya danasin ang impyernong balak niyang pasukin ngayon. Alam na alam niya iyon ngunit iyon lang ang naiisip niyang gawin upang magkaroon ng ganoon kalaking halaga.
"Kaya ko naman, Mommy, e! Mananalo ako sa larong 'yon! Sisiguraduhin kong pagkatapos no'n maiuuwi ko 'yong premyo, tapos gagaling na si Da—" Sunud-sunod na iling naman ang ginawa ng ina.
"Janelle, hindi! Naririnig mo ba yang sinasabi mo? Hindi biro ang larong 'yon! Hindi mo kaya!" pangungumbinsi ng ina ngunit alam nito sa sariling huli na para pigilan pa siya. Inilagda na niya ang sariling dugo bilang kapalit ng kaligtasan ng ama.
"Kaya ko, Mommy! Kaya ko! Wala ka bang tiwala sa akin?" Pumipiyok na siya, hindi pa rin maintindihan kung bakit hindi na lamang ito matuwa dahil nakakuha siya ng pera. Hindi na lamang matuwa sa sakripisyo niya.
Hindi sumagot ang ina kaya naman pagak na lang siyang natawa. Naghahalo-halo na ang emosyon sa puso niya. Kung bakit kahit kailan ay hindi natuwa ang magulang niya sa mga desisyon niya. Kung bakit laging ang ate lang niya ang magaling para sa kanila.
"A, oo nga. Oo nga pala! Wala kayong tiwala sa akin. Si Ate lang naman ang magaling sa inyo, tama?" Muli, wala na namang naibigay na sagot sa kaniya ang ina. Dali-daling umakyat na lamang siya sa sariling kwarto at doon hinayaang tumulo ang mga luhang kanina niya pa pinipigilan.
May pakinabang din ako, Mommy.
Patutunayan ko 'yan sa inyo.
Just watch.
🗡🗡🗡
"What the fudge!"
Sunud-sunod na tunog ng doorbell ang pumutol sa mahimbing na pagtulog ni Janelle. Pasikat pa lamang ang araw kaya ganoon na lamang ang inis niya. Hindi maisip kung sino nga ba iyon.
Hindi naman ang ate niya dahil siguradong natutulog pa iyon sa kabilang kwarto.
Hindi rin naman ang ina niya dahil hindi umuuwi 'yon kapag walang bantay ang ama sa ospital.
At mas lalong hindi naman ang ama niya dahil imposible namang makalabas iyon ng ospital.
"Who the hell are you?" asar na tanong niya nang makalabas ng bahay. Binuksan niya ang gate ngunit wala namang tao. Tanging isang itim na kahon lang ang nakita niya. Kung saan galing at para kanino ay hindi niya alam. Wala naman kasing ibang nakalagay rito bukod sa isang pulang laso.
Kibit-balikat na ipinasok na lamang niya iyon sa bahay.
"Hindi naman siguro masama kung bubuksan kita, 'di ba?" bulong niya habang tinitigan ang kahong ipinatong sa lamesa. Kinain ng kuryosidad, inangat niya ang takip nito't bumungad ang isang itim na card.
Alam na niya kung para kanino ang regalo. Nakasulat ang kaniyang pangalan gamit ang kulay dugong tinta.
CAÑA, JANELLE C.
Ibinaba niya ang card at tiningnan ang iba pang laman ng kahon.
Isang puting blouse na may pulang checkered na ribbon, navy blue na blazer, at maikling palda.
Nasagot ang pagtataka niya nang mapadako sa kaliwang bahagi ng blazer ang paningin. Sa loob ng isang pentagon, nakatatak ang United Minds Academy.
"Ang dami naman palang pakulo ng gobyerno!"
Muli niyang dinampot ang card na may pangalan. Binaliktad at nakitang may iba pang nakasulat. Ang mga detalye ukol sa gaganaping paligsahan at ang katagang...
"Are you ready to unravel the twisted play?"
"I am," natatawang sagot niya kahit na ang totoo'y natatakot siyang mabigo, at mamamatay nang hindi man lang nailigtas ang ama.