KINAHAPUNAN nang araw ring iyon sa may terrace naglagi si Sara. Nagpunta kasi sa palengke si Benjamin para mamili ng ilang kailangan sa kusina. Mula sa pagkakaupo sa paborito na niya ngayong tumba-tumba ay nagsalubong ang mga kilay niya nang matanawan ang isang kulay pulang kotseng tumigil sa tapat ng kanilang gate. At dahil silang dalawa lang ng binata doon ay wala siyang choice kundi ang lapitan iyon.
"Hi!" bati sa kanya ng isang magandang babae.
Nakangiti siyang tumango. "Anong maipaglilingkod ko?" tanong niya.
Noon hinubad ng babae ang suot nitong shades saka nakangiting lumapit sa gate kung saan siya nakatayo. Nagbuka ito ng bibig pero bago ito nakapagsalita ay isang pamilyar na tinig na ang narinig nilang nagmula sa likuran ng babae.
"Benj!" masaya nitong sambit saka nagmamadaling nilapitan ang binatang noon ay kabababa lang ng traysikel at bitbit ang mga pinamili. Mabilis na nanibugho si Sara nang makitang yumakap at humalik sa pisngi ni Benjamin ang babae.
"W-What are you doing here? At paano mo nalamang nandito ako?" ang nasorpresang tanong ni Benjamin.
Nagkibit ito ng balikat saka ikinawit ang braso sa braso ni Benjamin na mataktika naman kinalas ng binata. Naglakad palapit sa gate saka siya nginitian na tila humihingi ng paumanhin. "By the way si Sara, sweetheart siya si Kelly" mabilis na nahugasan ng ginamit na endearment ni Benjamin ang selos na kanina ay unti-unti nang lumalamon sa kanyang dibdib.
"Hi" aniyang nakangiting inilahad ang kamay sa babae.
"Sara" anitong nanunuksong kinindatan ang binata pagkatapos.
Tumawa siya ng mahina. "I'm pleased to meet you."
Tumango lang ang babae. "Sige, babalik nalang ako sa mga susunod pang araw, at least ngayon alam ko na kung saan ka hahanapin Benj. Si Lorna ang nagturo sa akin na nandito ka raw" anitong nilapitan si Benjamin saka hinalikan sa pisngi. "bye" para sa kanya naman iyon.
Wala na sa harapan niya ang kotse ni Kelly ay nanatili parin siyang nakatayo roon. Kundi pa siya iginiya papasok ng gate ni Benjamin ay hindi siya matatauhan. "I'm sorry natagalan ako, pero may pasalubong naman ako sa'yo eh" ang binata habang naka-akbay.
"Ano?" ang kinikilig na tanong niya.
Noon itinaas ni Benjamin ang isang gallon ng ice cream na nasa supot na bitbit nito. "Mango flavor, paborito mo" anito.
"Thank you Benjie, you are the greatest" aniya.