Hindi ko na siya sinagot pero sa totoo lang, nakita ko naman talaga. Ni hindi ko nga maalis ang tingin ko sa kanya habang naglalaro sila pero hindi na niya kailangan malaman yun.
"Wow, sadyang close na close pala kayo. Kaya siguro nagseselos si Denise," biglang komento ni Lance.
Balikwas agad ang ulo ko para tingnan siya. Kung pwede ko lang siya batuhin ng tsinelas ko, nagawa ko na. Tiningnan ko siya ng masama. Minsan talaga ang bibig ni Lance, pahamak. Buti na lang at may sumagot sa kanyang iba. "Ngayon mo lang nakitang ganyan sila? Hindi na nakakapanibago yan, pre. Normal lang yan."
Dahil sa nailang na ako, tinapos ko na agad ang pagpupunas ko at sinampay ang twalya sa balikat ni Stan. Normal na nga sa aming dalawa ni Stan yun, sa puntong hindi ako magdadalawang isip na punasan ang likod niya. Ni hindi din ako kakabahan dahil normal, nakasanayan na namin pero hindi ibig sabihin, wala lang sa akin yun. Gusto ko ako lang ang gagawa noon para sa kanya hangga't maaari.
Akala ko nga biglang maiiba ang pakikitungo sa akin ni Stan dahil sa sinabi ni Lance kasi tahimik siya noong paalis na kaming tatlo sa park pero nang maghihiwalay na kami ng kanya kanyang daan, hinawakan niya ako sa braso para pigilan.
"Sige tol, kita na lang tayo sa pasukan," paalam ni Stan kay Lance.
Kaya ako nagpaalam na din. "Pinasasabi nga pala ni Mama na dumaan ka pa din sa bahay paminsan minsan kahit wala doon si ate."
Hindi na nagtanong si Lance pero kitang kita ko sa mga mata niya na gustong gusto niya akong tanungin kung ano na ang kalagayan ng relasyon namin ni Stan. Pero kahit ako ay hindi ko alam ang isasagot sa kanya.
"May pupuntahan pa tayo? Gutom na 'ko," reklamo ko kay Stan habang nilagay ko parehas ang kamay ko sa bulsa ng jacket.
"Kaya nga kakain tayo," sagot niya sa akin.
Nagtaka ako dahil hindi naman sila nanalo at hindi papuntang bahay nila ang dinadaanan namin kundi papuntang labasan.
"Nagtext ka ba sa inyo na kasama kita? Baka mamaya hinahanap ka na ng mga yun," tanong ni Stan. Inabot niya sa akin ang cellphone niya at tinext ko na si Mama. Sigurado naman ako na kung hahanapin man nila ako, sa bahay nina Stan sila unang tatawag.
"Saan tayo kakain? Baka nakakalimutan mo, wala akong dalang pera," sabi ko sa kanya.
Binatukan naman niya ako ng pabiro. "Alam ko naman. Libre ko na. Lomi lang naman eh."
"Sabi mo yan ah baka mamaya magpalibre ka sa'kin." I nudged him in the arm using my head and a big grin was plastered on my face.
Nasa jeep na kami ng naisipan kong itanong kung bakit hindi niya niyaya si Lance. Ang sagot naman niya sa akin ay alangang ilibre din niya si Lance eh hindi naman ganoon kadami ang dala niyang pera. Kakaunti ang sakay na jeep at tumigil pa ito para mag-antay. Nagkwentuhan naman kaming dalawa ni Stan habang nag-aantay ng pasahero. Hindi ko ba maintindihan dito sa lalaking 'to, pwede naman sa bahay na lang nila kami kumain. Solve na naman ako sa pancit canton at itlog o di kaya sa lugaw na malapit lang sa labasan.
Nang medyo dumadami na ang sakay, pinalipat niya ako sa tabi niya. Parehas kaming nasa dulo ng jeep at magkatapat kaming dalawa. Nasa isip ko pa din ang sinabi ni Lance at baka nagulumihanan din si Stan doon kaya hindi ako tumabi sa kanya. Ayokong mailang pa lalo siya dahil sa pagiging malapit namin sa isa't isa.
"Dito ka na nga," sabi niya sa akin noong may katabi na ako.
Tatanggihan ko pa sana kaso mukhang hindi siya magpapatalo kaya lumipat na ako ng upuan. Umandar din kaagad yung jeep pagkalipat ko at hindi nagtagal nakarating na din kami sa dinayo pa naming lomian. Medyo marami na din ang tao noong dumating kami. Sa may gilid kami naupo at si Stan na ang umorder total siya naman ang magbabayad.
Habang umoorder siya, nakita kong umilaw ang cellphone niya na iniwan niya sa ibabaw ng lamesa. Bigla akong napaisip kung girlfriend niya ang nagtext. Mas lalong hindi napalagay ang loob ko. Hindi ko na tinanong kung sino ang nagtext sa kanya noong tiningnan niya ito. Mas okay na ang hindi ko alam. Mayamaya ay dumating na ang lomi namin.
"Nga pala, hindi pa ba kayo ayos ni Keith?" natanong ko bigla nang naalala ko na wala si Keith kanina sa mga kalaro nila.
Humigop muna siya ng noodles bago niya ako sinagot. "Nag-away ba kami?"
"Eh bat wala siya?" tanong ko ulit.
"Hindi daw siya pwede ngayon. May gagawin ata," paliwanag ni Stan.
Tumango lang ako. "Ang girlfriend mo? Bakit hindi mo isinama?"
Napatigil siya sa pagkain at napatingin sa akin. He had a nonchalant expression. "Hindi naman siya mahilig sa basketball."
Sasagutin ko sana siya ng ako din naman ah pero naunahan niya akong magsalita. "At tsaka break na kami."