webnovel

Trying Again (Tagalog)

Nabigo ka na ba sa pag-ibig? Nawalan ng pag-asa magmahal muli? Hindi madaling umibig muli lalo na pag nasaktan ng sobra. Andyan ang takot na baka masaktan lamang muli pero hindi nito matatalo ang saya na mararamdaman sa muling pag-ibig. Subaybayan ang muling pagsubok ni Risa sa pag-ibig na muli niyang nakita kay Lance na kamukha ng dati niyang kasintahan na umiibig naman sa kanyang ate na si Liza o makikita niya ito sa iba. Photo by Artem Kim on Unsplash

wickedwinter · Teen
Not enough ratings
69 Chs

Huh? Bakit? Kailan... (2)

Pagkatapos noon ay bumalik na kami sa tulad ng dati ni Stan. At ang ibig sabihin ko sa tulad ng dati ay yung dati talaga, bago pa naging sila ni Denise. Nagulat na lang ako noong isang umaga dahil nagising ako sa ring ng cellphone ko. Hindi ko na nagawang tingnan kung sino bago ko sinagot.

"Hoy, Risa, gumising ka na dyan."

"Stan?" tanong ko sa boses kong antok na antok pa.

"Oo. Bilisan mo na dyan at bumangon ka na."

Tiningnan ko ang oras at wala pang alasais. "Ano bang meron?"

"Nasa inyo na ako. Bumaba ka na," sagot niya at napabaligwas kaagad ako. Ibinaba ko na ang tawag at nagmadali pababa at saka ko lang naalala na wala naman kaming usapan noong bubuksan ko na ang pintuan namin.

Todong ngiti ang sumalubong sa akin at mas lalo akong nagtaka pero hindi ko pa din napigilan at napangiti na din ako. Naka-gray na jacket at shorts siya. Hindi din siya mukhang bagong gising. Napahikab ulit ako pagkabukas ko ng gate namin.

"Tara." Ang unang sinabi niya sa akin.

"Saan?" tanong ko habang nag-uunat.

"May basketball kami," sagot niya.

Naalala ko bigla na lagi niya akong isinasama pag may basketball sila pag umaga basta summer. Wala naman akong ginagawa doon basta nanonood lang. Swerte pag nanalo sila kasi pati ako libre ng pagkain. Dati dahil sa pagkain lang ako sumasama. Ngayong taon lang niya hindi ako niyaya at hindi ko na inaasahan pang isasama niya ulit ako pero doon pala ako mali.

"Teka hindi pa ako naliligo." Papasok na sana ulit ako sa bahay pero pinigilan niya ako.

"Hayaan mo na. Tara na. Mahuhuli na tayo." Hinawakan na niya ang braso ko.

"Pero hindi pa nga ako naghihilamos," reklamo ko sa kanya.

Bigla niyang inilagay ang dalawa niyang kamay sa mukha ko. "Ayan, wala ka ng muta at tsaka wala ka namang panis na laway. "

Pinalo ko ang kamay niya at itinulak siya palayo. "Grabe ka."

"'Wag ka ng maarte at tara na. Wala namang aamoy sayo dun." Lumapit siya ng kaunti at inamoy ako. "At tsaka hindi ka pa naman mabaho."

"Che!" sinuntok ko siya ng pabiro sa braso. "Akin na na yang jacket mo."

Hindi na siya nagtanong at hinubad na niya yung jacket niya at inabot sa akin. Sinuot ko agad ito pati ang hood kasi hindi man lang ako nakapagsuklay. Hindi pa kami nakakalayo ng bahay ng naalala ko na wala akong dalang cellphone. Babalikan ko pa sana ito pero pinigilan ulit ako ni Stan. "Hayaan mo na. Dala ko naman yung akin."

Masyado kaming bumalik sa normal at sa sobrang bilis ng mga pangyayari nawalan na ako ng timing para magreact pa.

Tayo, upo, tayo, upo, yun lang ang ginawa ko doon habang pinapanood ko silang magbasketball. Sanay na naman akong ma-bore habang nag-aantay lalo na ngayon at inaantok ako pero ni isang beses hindi ko siya tinanggihan pag nagyaya siyang manuod ako ng laro nila. At ngayon alam ko na kung bakit nagtyatyaga akong mag-antay sa kanya, hindi lang gawa ng pagkain kundi gusto ko kasi siyang makasama.

Nakaupo ako at naglalaro sa cellphone niya ng natapos na ang laro nila at nilapitan na niya ako. Naupo siya sa tabi ko at uminom ng tubig.

"Oh, Risa, ngayon ka na lang ulit nanood ah," bati ng isang kalaro ni Stan habang kumukaha ng gamit nila.

"Risa?" gulat na tanong ni Lance nang napansin na niya ako. "Nanonood ka ng basketball? Di nga? Alam mo ang rules?"

Itinuro ko siya gamit ang cellphone ni Stan. "Oo naman! Anong tingin mo sakin?"

"Sports illiterate?" sagot niya kaagad.

Tumayo ako bigla para hampasin si Lance pero muntik ng magpatak ang bag ni Stan na kalong ko kaya medyo nataranta ako dahil bukas ito. Buti na lang at mabilis si Stan. Hinila niya agad ako paupo at niyakap ko ang bag niya para hindi ito tumilapon.

"Hindi lang ako maalam maglaro pero may alam pa din naman ako nu!" sigaw ko kay Lance.

"Oo nga, tol. Ako kaya ang nagturo dito," pagyayabang ni Stan.

Natawa lang naman si Lance at uminom na uli siya ng hawak niyang bote ng tubig. Maliwag na maliwanag na kumpara sa kanina at medyo nakaramdam na din ako ng banas sa suot kong jacket. Inalis ko na ang pagkakazipper at ang hood sa ulo ko. Sinuklay ko ang buhok ko gamit ang mga kamay ko lalo na yung bangs ko pero mayroon pa rin talagang ayaw sumunod.

"May sanrio pa ata dyan sa bulsa ng bag ko," biglang sabi ni Stan.

Binuksan ko yung bulsa at hinanap ko ang backup stash ko ng sanrio na nilagay ko sa bag niya noong second year pa kami. Akala ko itinapon na niya ito pero may ilan pang natira. Pagkatali ko ng buhok ko, kinuha ko yung pamalit na t-shirt ni Stan sa bag niya at inabot ito sa kanya. "Oh, magpalit ka na. Gutom na ako."

Inabot naman niya sa akin yung twalya niya at tumalikod siya. "Ano na naman ginawa mo sa cellphone ko? Bising bisi ka kanina eh. Hindi mo tuloy nakita yung three points shot ko."

"Nakita ko kaya," sagot ko sa kanya saka ko ipinasok ang kamay ko sa loob ng jersey niya at pinunasan ang likod niya. "Sablay naman ah."

"Tamo, edi hindi mo nga nakita." Nilingon pa niya ako saglit.

"Kaya ayokong nagdadala ng cellphone." Narinig kong bulong niya sa sarili niya.