webnovel

Kabanata Isa [2]: Gabi ng Hapis

Makalipas ang ilang minuto ay bumaba na rin ang lider ng grupo na dala-dala ang isang garbage bag na may lamang kung ano. Nakuha nito ang atensyon ng mga naiwan at lahat ng tingin nila'y nabaling at napako sa lalake.

Umaabot sa kalahati ng bag ang may laman, bagay na ipinagtaka ni Glyza sa kung ano ito 'pagkat alam niya ang laman ng safe nila at sigurado siyang hindi gano'n karami ang alahas at pera nilang itinatago.

"Nakuha mo ba lahat?" Tanong ng isang lalake na sumalubong sa kanilang lider.

"Oo, nasa kaniya nga." Sagot nito at napatingin kay Criston sabay iling, "Ang galing magsinungaling. Itinanggi pa niya talaga. Gago."

"Anong gagawin natin sa kanila?" Tanong pa ng isa.

"Iligpit n'yo sila. Kunin n'yo ang lahat ng gusto n'yo rito at uuwi tayo nang maaga ngayon." Aniya at dumiretso sa bakanteng upuan at naupo.

Nanlamig sa takot si Glyza sa kaniyang narinig. Ang kaniyang puso'y parang sasabog na sa bilis at lakas ng pagkabog. Nagkatinginan sila ng kaniyang asawa at wala siyang nakikita sa mga mata ng mister kung hindi ang miserable; umiiyak din ito at parang humihingi ng patawad base sa kaniyang hitsura.

Nalipat ang tingin niya sa kaniyang anak na lalake at nakita niyang umiiyak na ito ng malakas kahit na may busal sa bibig; dinig na dinig niya ang mumunting ungol at palahaw ng apat na taong anak.

Malabo man para sa bata na maintindihan ang lahat ng kaganapan, ramdam pa rin ng ina ang takot na namamayani sa bata na naiintindihan ang mangyayari sa kanila.

Kasabay nitong masalimuot na pangyayari ay may parte sa isipan ni Glyza na nagsasabing magiging maayos din ang lahat kung diringgin ang kaniyang panalangin. Siya na lang ang pag-asa niya kaya taimtim siyang nananalangin na sana'y darating ito bago pa man mahuli ang lahat.

Marahas na nagpumiglas si Glyza na umaasang maaalis niya ang nakabalot na duct tape sa kaniyang namamawis na braso kung kikiskisin niya ang mga ito. Sa mga oras na ito ay takot na takot siya't ayaw niyang mauwi ang lahat sa wala na hindi man lang siya lumalaban o sumusubok.

Habang walang tigil na nagpupumiglas si Glyza ay binabalingan niya ng tingin si Criston upang sabihin sa kaniya na gano'n din ang gagawin. Kinontrol niya rin ang dila niya't pilit niyang dinidilaan at tinutulak ang duct tape na nasabusal sa bibig upang sumigaw ng tulong kung magagawa man niya itong maalis.

Pero sa kasamaang-palad, naisip niyang parang siya lang itong lumalaban. Naroon lamang ang mister niya sa pwesto nito at nakayuko, bagay na lumusaw ng determinasyon at pag-asa ni Glyza na mailigtas ang pamilya niya.

Unang tumatak sa kaniyang isipan ay ang katotohanang marupok na ang haligi ng kanilang tahanan.

"H'wag kang malikot!"

Bumagsak na nahihilo si Glyza habang tinitiis ang 'di mawaring sakit sa kaniyang tagiliran nang sipain siya ng lalake. Mas naiyak siya habang kinakapos ng hangin dulot ng iniindang sakit. Ang paningin niya'y bahagyang nanlalabo at kalauna'y naglalaban na ang kadiliman at liwanag sa mga mata niya.

Nakuha nito ang atensyon ni Criston at nasaksihan niya ang karahasan ng mga kalalakihan sa kaniyang asawa, kaya bigla na lang na sumabog at sumidhi ang galit sa kaloob-looban nito.

Nagsimula na rin siyang magpumiglas habang pilit na kinukuha ang atensyon ng kalalakihan. Dulot ng galit ay marahas at agresibo siyang nanlalaban sa higpit ng duct tape, umaasang maalis o mapupunit ito bago pa man may magawang 'di maganda ang mga lalake kaniya asawa.

Pero nakatanggap din siya ng malakas na sipa sa mukha na nagpatigil sa kaniya. Bumagsak siya sa sahig at nauntog ang ulo niya sa semento na nagdulot ng pandidilim ng kaniyang paningin.

"Magpasalamat ka Criston at madali lang ang kamatayan mo ngayon. Ang sarap mo pa naman balatan at sunugin ng buhay, gago ka." Asik ng lalake.

Nanlalantang napaupo si Glyza nang hilain siya ng lalakeng sumipa. Isang sampal ang ginawad sa kaniya na gumising ng kaniyang diwa't nagbalik sa takot niya. Napahagulhol na lamang siya habang nagmamakaawa kahit na napakalabong maririnig at maiintindihan siya ng mga ito dahil sa busal ng bibig niya.

"Patayin n'yo na 'yan. Ayokong magtagal dito."

▪ ▪ ▪

Mula sa labas ng bintana, maingat na sumilip si Kariah sa loob ng kusina upang sipatin kung naroon pa ba ang mga magulang niya.

Nang makitang walang tao roon at sa sala ay tahimik siyang nagpasalamat 'pagkat nakaakyat na ang mga ito sa kanilang kwarto. Kaya agad siyang kumilos at dahan-dahan niyang inangat ang bintana saka saka tinulungan ang sarili papasok.

Pahirapan kay Kariah ang pagpasok 'pagkat nakainom siya ng kaunting beer mula sa birthday party ng kaniyang kaibigan. Pero kailangan niyang magtiis at magmadali lalo pa't may puruhang pwede siyang mahuli ng sariling magulang at nakakatakot na dadaan na naman sila sa agarang parusa.

Nananakit na ang kaniyang ulo at parang mabibiyak na ito; ramdam niyang parang paulit-ulit siyang inuuntog sa pader sa sakit nito kaya sabik na sabik na talaga siyang bumulagta sa higaan at ipahinga ang lahat ng dinaramdam niya.

At ilang saglit pa'y matagumpay rin siyang nakapasok sa loob ng kusina sa kabila ng hirap nito. Isinara niya kaagad ang bintana at nakayukong nagmasid sa paligid.

Maingat pa rin siya sa paghakbang habang tinatahak ang daan palabas ng kusina; hinubad na niya ang sariling sapatos at binitbit ito upang 'di makagawa ng tunog at 'di mag-iiwan ng dumi.

Ngunit nang makalabas siya ng kusina ay labis siyang nagimbal sa nadatnan.

Napatakip ng bibig si Kariah nang makitang nakahandusay na sa sahig ang mga magulang niya at pati ang nakababata niyang kapatid; duguan at wala ng buhay.

Kasama nito ay ang dalawang lalakeng nakamaskara at may hawak-hawak na baril, kapwa nakatingin sa bangkay ng kaniyang pamilya. At ang isa naman ay prenteng nakaupo sa upuan habang naninigarilyo.

Nahilo si Kariah sa kaniyang nakita at parang nawasak ang kaniyang mundo. Bigla siyang nahirapan sa paghinga habang humahakbang paatras upang tumakas. Takot na takot siya't hindi niya maipaliwanag ang nadarama.

"Shit!"

"May babae!"

"Hulihin n'yo bilis!"

"Tulong!"

Sa takot ni Kariah dali-dali siyang bumalik papasok ng kusina habang sumisigaw ng tulong.

"Tulungan n'yo ko! Mga kapitbaha—"

Pero nang akmang hihilain na sana niya ang seradora ng pinto upang ito'y isara ay bigla na lang siyang bumagsak sa sahig habang dumadaing at namimilipit sa sakit. Sa sobrang bilis ng pangyayari ay hindi niya napansin ang pagtangkang pagbaril sa kaniya ng isa sa mga lalake.

Nang tignan niya ang kaniyang kaliwang hita ay labis siyang nagimbal nang makitang nagdurugo ito; takot na takot siya sa walang tigil na pagbulwak ng dugo palabas ng sugat dulot ng balang dumaplis sa kaniya.

"Mukhang nahuli ka ata sa selebrasyon."

Nag-uunahang nagbagsakan ang mga luha ni Kariah nang makita ang lalakeng nakamaskara sa may bungad ng pinto. May hawak itong baril na kahit anong oras ay pwedeng iputok sa kaniya.

"H'wag m-maawa ka." Iyak ni Kariah.