webnovel

Kabanata Isa [1]: Gabi ng Hapis

"Ma, matagal ka pa ba riyan?" Tanong ng batang lalake na yakap-yakap ang librong gusto niyang mabasa ng ina para sa kaniya bago ito matulog.

"Saglit lang Mikael, patapos na ako rito." Sagot ni Glyza na sandaling tumigil sa paghuhugas ng pinagkainan at binalingan ng tingin ang anak.

Napahiga na lang ang bata sa sofa at itinabi muna ang libro. Niyakap nito ang may kalakihang unan habang diretso lamang ang tingin sa ina na nag-aayos na ng pinggan.

"Mikael, mauna ka na lang susunod lang ak-" hindi natapos ni Glyza ang pahayag nang marinig niyang may kumatok sa pinto, "Sige na anak, umakyat ka muna. Titignan ko lang 'to at malapit din naman akong matapos sa paghuhugas. Pagkatapos ay susunod kaagad ako."

Kahit ayaw ng bata ay nakinig na lamang ito sa ina. Bumangon kaagad ito at mabilis na umakyat sa pangalawang palapag, diretso sa sariling kwarto.

Nang makita ni Glyza na nakaakyat na si Mikael ay dali-daling nagpunas ito ng kamay gamit ang nakasabit na basahan sa tabi. At dali-dali nitong tinungo ang pintuan upang alamin kung sino itong walang-tigil na kumakatok.

"Andiyan na!" Sigaw na may halong inis ni Glyza.

Nang marating niya ay ang pintuan ay agad niyang pinihit ang seradora at bahagyang binuksan ito. Sinilip niya ang tao sa labas at bago pa man siya makakilos ay labis siyang nagimbal nang makita ang dulo ng baril na nakatutok sa noo niya.

"H'wag kang magsalita at h'wag mo ring subukang manlaban o tumakas, isang kalabit lang siguradong wasak ang ulo mo." Banta ng lalakeng may suot-suot na puting maskara, "Ngayon itaas mo ang kamay mo at umatras ka."

Nanginginig na humakbang paatras si Glyza habang ang magkabilang kamay niya ay nakataas, kasabay ng pag-atras niya ay nagsibagsakan din ng kaniyang mga luha sa takot. Gustuhin man niyang sumigaw upang humingi ng tulong at bigyan ng babala ang asawa't mga anak ay hindi niya talaga magawa 'pagkat ang lalamunan niya'y nanunuyo at ang buong sistema niya'y nilamon na ng takot at pag-alala.

Pagpasok ng lalakeng armado ay sumunod sa kaniya ang tatlo pang lalake na nakamaskara rin. Kakulay ng budhi nilang apat ang kanilang suot na purong itim na damit. Bawat isa sa kanila'y walang ibang sinisigaw kung hindi ang pangamba at pawang mga banta sa seguridad ninuman.

"Itali n'yo 'to, bilis." Utos ng lalakeng may hawak ng baril sa lalakeng nasa kanan niya.

Agad na kumilos ang lalake at marahas hinila si Glyza. Itinulak niya paupo ang babae sa sahig at kumuha ng isang duct tape mula sa dala-dalang bag. Gamit ang duct tape ay binalot niya ng mahigpit ang magkabilang braso at binti ni Glyza at inubos talaga ang isang rolyo upang masigurong walang tsansa ang babae sa pagtakas. Pagkatapos ay naglabas ulit ang lalake ng panibagong duct tape at binusalan ang bibig ni Glyza.

Walang magawa ang babae kung hindi ang hayaang bumuhos ang luha niya. Hindi niya alam kung anong pakay ng mga lalake sa kanilang pamilya, pero taimtim siyang nananalangin na sana'y pababayaan lamang sila ng pamilya niya't hindi sila sasaktan. Kahit anong hihilingin ng lalakeng ito ay ibibigay niya basta't ligtas lamang silang lahat.

Para sa kaniya'y wala ng mas importante pa kaysa sa pamilya niya.

"Suyurin n'yo ang buong bahay," utos ng lider sa iba pang mga lalake.

Walang inaksayang oras ang tatlong lalake at tahimik na nagsialisan. Sabay nilang tinahak ang hagdan paakyat dala-dala ang kaniya-kaniyang baril.

"Makinig ka sa 'kin Glyza."

Nagulat si Glyza sa kung paano nalaman ng lalake ang pangalan niya. Malabo man, pero nahinuha niya na kilala sila nitong mga lalakeng nanloob at may tsansang kilala niya rin ang mga ito. Ngunit hindi niya lang ito matukoy o makumpirma 'pagkat hindi pamiyar ang boses nito at medyo nag-iba dahil sa suot-suot na maskara.

"Walang masasaktan sa inyo kung susunod ka sa 'kin. Sagutin mo 'ko ng tama at magiging maayos 'to. Maliwanag ba?"

Nanginginig na napatango si Glyza bilang pagsang-ayon. Wala siyang ibang hinangad sa mga oras na 'yon kung hindi ang kaligtasan ng pamilya niya kaya pumayag ito.

Ilang saglit pa'y nagsibabaan na rin ang mga lalake at kasama nito si Criston, ang mister ni Glyza at si Mikael na umiiyak. Nauna ang mag-ama habang nakasunod naman ang tatlong lalake na nakatutok ang kaniya-kaniyang baril sa kanilang dalawa.

Hindi maipaliwanag ang takot at galit sa kaloob-looban ni Glyza sa mga oras na iyon. Pati si Criston ay nanginginig at mahigpit ding nakahawak sa kamay ng anak niya sa takot na may mangyayaring masama sa kanila.

"Patahimikin mo 'yang bata o pasasabugin ko ang utak niyan," banta ng lalakeng kasama ni Glyza.

"Mikael, nandito lang si Papa. Hindi ka iiwanan ni Papa," sa takot ni Criston ay mabilis nitong inakay ang anak na humihikbi at saka niyakap ito. Nanginginig niyang hinaplos ang likod ng bata upang patahananin, "H'wag ka nang umiyak. Tahan na."

Kahit papano'y gumaan ang loob ni Criston nang tumahimik ang anak niya kalaunan pero hindi pa rin ito tumitigil sa pag-iyak. Niyakap lang niya ito ng mahigpit habang tinutulak-tulak ng kalalakihan.

"Talian n'yo 'yan." Utos ng lider, "Silang dalawa lang ba?"

Napailing ang isa sa kalalakihan, "Sinuyod na namin ang bawat kwarto, wala na talaga." Sagot nito habang pinapaupo nila ang mag-ama sa sahig.

Isang lalake ang humarap kay Mikael at tinalian nito ang kamay at paa niya ng duct tape. Iyak nang iyak naman ang bata sa takot at naihi na rin ito. Pero tinawanan lang siya ng lalake at binusalan ang bibig saka malakas na tinulak pahiga.

Samantalang kay Criston naman ay dalawang lalake ang nagtulungan 'pagkat nagpupumiglas ito nang makitang tinulak ang anak niya. Pero nadaig pa rin siya ng tatlong lalake, natalian siya ng mahigpit at nabusalan na rin gamit ang duct tape.

Tango lang ang sagot ng lider ng grupo nang makitang maayos na ang lahat. Saka nito hinarap si Glyza at marahas na inalis ang busal sa bibig nito.

"Nasaan ang safe? At ano ang code?" Tanong ng lalake kay Glyza at itinutok ang baril nito kay Mikael na nakahiga sa sahig.

"N-Nasa k-kwarto n-namin, 'y-yong kulay asul na p-pintuan. Tignan m-mo sa a-aparador, n-naroon 'yon. 7-9-2-5-6." Pahayag ni Glyza na umiiyak na nakatingin sa anak, "K-Kunin n'yo ang l-lahat ng la-laman do'n, b-basta hayaan n'yo lang kami."

"Masunuring babae," natatawang puri ng lalake at ibinaba ang baril, "siguraduhin mo lang na tama 'yon para walang bubulagtang duguan sa inyo."

Next chapter