Kung titingnan sa labas ay masasabing pangkaraniwang bahay lamang ang Balangay. Oo, malaki ito ngunit wala naman itong ipinagkaiba sa ibang mga mansion na makikita sa lugar na iyon. Malawak ang lupain na sakop nito, na napapalibutan ng mataas na bakod na gawa sa bato. Ang bahay ay puting-puti, laging mukhang bagong pintura.
Walang nakakaalam kung gaano na katanda ang Balangay o kung kailan ito ipinatayo. Kung ipagtatanong mo naman, ang tanging maisasagot lamang ng mga matatanda ay hindi pa sila ipinapanganak ay nakatayo na ang mansion na iyon.
Bagamat hindi nila aaminin, ang mga tao sa paligid ay nahihiwagaan at natatakot sa Balangay. Hindi naman nila maipaliwanag kung bakit. Basta't kapag nagagawi ang kanilang mga mata sa mansion, para bang bigla silang kinikilabutan. Ang kanilang mga mata ay para bang inaatake ng kung anong puwersang hindi nakikita kaya't wala silang magawa kundi ang ibaling ang kanilang tingin sa iba. Kakaiba rin ang pakiramdam kapag may dumadaan sa harap ng malaking gate ng mansion. Para bang lalagnatin ang isa at hindi makahinga. Ang tanging magagawa lamang ng sinumang lumapit sa Balangay ay ang tumakbo papalayo.
Kahit ang loob ng mansion ay puno ng hiwaga. Ang mga kuwarto ay napakarami at hindi mabilang. Marami ring mga silid na hindi maipaliwanag kung para saan. May ilang kuwarto na biglang naglalaho, habang marami naman ang nagpapalipat-lipat ng puwesto. Sa katunayan, kahit si Bagwis na sa Balangay na lumaki, ay hindi pa rin alam hanggang ngayon kung gaano ba talaga kalaki ang loob ng mansion. Noong bata pa siya ay sinubukan niyang tuklasin ito at gumawa ng isang mapa. Ilang taon din niya itong pinagkaabalahan ngunit napagtanto niya na kahit gugulin niya ang kanyang buong buhay, hindi niya matutuklasan ang lihim ng Balangay. Kaya't kahit nanghihinayang ay itinigil na rin niya ito.
Hanggang sa ngayon ay isa pa ring misteryo ang mansion na tinatawag na Balangay. Walang anumang datos na naisulat tungkol sa mga gumawa nito at sa kung sino ang unang tumira dito. Sinadya kayang maging isang lihim ito o talagang nabaon na lamang ang katotohanan sa pag-usad ng panahon?
Marahil ay wala na talagang makakasagot sa mga katanungang ito.
###
"Ano 'to? Bakit ang daming libro?" tanong ni Gabriel.
Dalawang araw na ang nakakalipas mula ng magising siya at matagpuan ang sarili sa loob ng malaking mansion. Pinagpahinga siya ni Bagwis dahil ayon sa matanda, kakailanganin niya ang lahat ng kanyang lakas sa gagawing pagsasanay. Bagamat nababagot ay wala namang nagawa ang batang lalaki kundi ang sumunod. Nasasabik na rin kasi siya sa pagsasanay na kanyang pagdadaanan. Kayat laking tuwa niya ng tawagin siya ni Bagwis sa silid-aklatan.
"Ang mga librong iyan," sagot ni Bagwis, "ang magbibigay sa'yo ng kakailanganin mong karunungan."
Nagtatakang tinitigan ni Gabriel ang mga libro. "Anong gagawin ko sa mga ito?"
Bahagyang napakunot ang noon ng matanda sa tanong ng lalaki. "Ano pa, eh di babasahin."
"L-Lahat 'to? Niloloko mo ba 'ko?"
"Hindi basta-basta ang pagiging isang Datu. Napakarami mong dapat matutunan. Kailangan mong malaman ang kasaysayan ng mga Datu, ang mga batas, ang mga nilalang na pamumunuan mo, ang iba't ibang mundo-"
"Pero," putol ni Gabriel, "paano ko naman mababasa ang lahat ng ito? Napakarami nito! Sa tingin ko eh, puti na ang lahat ng buhok ko hindi ko pa ako nangangalahati."
"Di mabuti pang simulan mo na ngayon," galit na sagot ni Bagwis sabay talikod at labas ng silid.
Naiwan si Gabriel na hindi makapaniwala sa nais ipagawa ng matanda sa kanya. Dahan-dahan siyang lumapit sa bundok ng mga libro na nasa lamesa. Karamihan sa mga ito ay luma na at nababalutan ng makapal na alikabok. Kinuha niya ang isa at binasa ang pamagat nito.
Salawikain ng mga Nuno, Nalimkom ni Datu Malaya at Isinalin ni Datu Pakakak.
Binuksan ni Gabriel ang aklat sa bandang gitna at nagsimulang magbasa.
Ang karunungan ng mga Nuno ay kasing tibay ng bato, kasing tanda ng mga puno.
Ang mga Aswang ay sakim at gahaman
Gustong ipasailalim ang lahat ng nilalang.
Ang mga Engkanto ay hambog at mapagmataas
walang pakialam at bilib sa sariling lakas.
Ang mga tao ay mahina, marupok ang laman
parang isang hayop na walang nalalaman.
Ang mga Nuno, may dugo ng tunay na pinuno
may tibay at lakas na hindi nanlulumo.
Walang nakakaalam sa rurok ng...
Biglang isinara ni Gabriel ang hawak na libro. Isang makapal na alikabok ang sumambulat sa kanyang mukha, dahilan para siya mabahing ng ilang ulit. Nang mahimasmasan ay muli niyang inilapag ang libro sa lamesa.
Isang malaki, makapal, at kulay itim na libro naman ang sunod na nakakuha nga kanyang atensyon. Nilapitan niya ito at binuhat, ngunit kahit anong pilit niya ay hindi niya ito maiangat dahil sa sobrang bigat.
"Sino naman ang makakabas nito kung ganito ito kabigat?"
Muling iginala ni Gabriel ang kanyang mga mata sa buong silid. Sa tantiya niya ay hindi bababa sa isang daang libro ang nasa kanyang harapan.
"Imposible ito!" sabi niya sabay upo sa isa sa mga silya. Napabuntong-hininga siya ng malalim at pagkatapos ay kinuha ang isang maliit at manipis na aklat na nasa kanyang harapan.
Ang huling propesiya ng Paru-parong Diwata.
Binuksan ito ni Gabriel sa unang pahina at nagsimulang magbasa.
###
"Sa tingin niyo ba, Sir Bagwis, kayang basahin ni Gabriel ang lahat ng iyon?" tanong ni Kris. Nakaupo siya sa kanyang computer station ngunit nakaharap siya kay Bagwis, na tahimik lang na nagkakape.
"Bakit naman hindi? Ako nga nabasa ko lahat ng mga iyon. Kayo, hindi ba't nabasa niyo rin naman lahat ng mga libro sa aklatan?" sagot ni Bagwis ng hindi tumitingin sa kausap.
"Oo nga ho, pero ilang taon din naming binasa ang mga librong iyon. Kayo ho, mahigit pitumpung taon na kayo..."
Biglang tiningnan ni Bagwis si Kris, na para bang naghahamon na ituloy ang sinasabi nito.
"Ehem... ang ibig kong sabihin," pagtutuloy ni Kris, "hindi ba't parang minamadali natin sa Kris?"
Muling ibinaling ng matanda anga kanyang atensyon sa kanyang lumalamig na kape. "Dapat lang. Alam kong alam mo na wala na tayong oras."
Dito ay walang naisagot ang binata.
"Yamang nabanggit ko na rin ang oras," biglang sabi ni Bagwis makalipas ang ilang minutong katahimikan, "halos dalawang oras sa mula ng iwan ko si Gabriel. Mabuti pa ay kamustahin natin siya."
"Good idea, Sir Bagwis," mabilis na tugon ni Kris. Tumayo siya mula sa kinauupuan at sinundan ang matanda na dahan-dahang naglalakad patungo sa silid-aklatan. Pagdating sa harap ng pintuan, hindi na kumatok pa si Bagwis. Tuloy-tuloy na lamang siyang pumasok sa loob.
"Gabri-"
Sa loob, walang ibang tunog na maririnig kundi ang malakas na hilik ni Gabriel.
Biglang napakunot ang noo ni Bagwis. Sa kanyang likuran, pilit pinipigil ni Kris ang kanyang pagtawa.
"Malaking problema ito," sabi ng matanda habang hinihimas ang kanyang noo.
Biglang natigilan si Kris.
"May ideya ho ako, Sir Bagwis!"
###
Halos isang oras nawala si Kris mula ng nagmamadali itong lumabas ng silid-aklatan. Hindi naman sumunod si Bagwis. Sana'y na kasi siya sa ugaling ito ng binata. Madalas ay kung anu-ano ang naiisip nito, na madalas naman ay nakakatulong sa kanya. Kaya't hinayaan lang niya ang binata at naupo na lamang sa tapat ng natutulog pa ring si Gabriel. Kinuha niya ang isang luma at kapal na libro at binasa ang pamagat nito.
Ang Kumpletong Kasaysayan ng mga Diwata.
Binuklat ni Bagwis ang libro sa unang pahina at nagsimulang magbasa.
###
Nang maalimpungatan si Gabriel ay nagbabasa pa rin ang matanda. Kinusot-kusot niya ang kanyang mga mata at malakas na naghikab.
Hindi siya pinansin ng matanda.
Nagmasid si Gabriel sa paligid, nagtataka kung nasaan siya. Biglang nanlaki ang kanyang mga mata ng maalala ang ipinagagawa sa kanya ni Bagwis.
"Naku, Nakatu-"
"Shhhh!" mahina ngunit madiing saway ni Bagwis na hindi tumigil sa pagbabasa.
Hindi alam ni Gabriel ang gagawin. Alam niya na galit ang matanda pero nagtataka siya dahil kalmado itong nakaupo sa kanyang harapan.
Ano bang problema nito? naisip niya.
Tiningnan ni Gabriel ang orasang nakasabit sa pader. Nagulat siya sa nakita.
"Wow! Halos dalawang oras pala ako nakatulog!"
Sa pagkakataong iyon ay itinaas ni Bagwis ang kanyang ulo at tiningnan ang batang lalaki.
"Ay, sori," namumulang sabi ni Gabriel.
Muling bumalik sa pagbabasa ang matanda, na para bang walang nangyari. Lumipas ang mga minuto, tinititigan lang ni Gabriel si Bagwis. Sa tuwing magsasalita siya ay sinasaway siya ng matanda. Nang hindi na makatiis ay bigla siyang tumayo.
"Pwede ba muna akong lumabas?"
Hindi sumagot si Bagwis. Ni hindi nga siya tiningnan nito. At dahil hindi pinansin, dumeretso si Gabriel sa pintuan. Laking gulat niya ng bigla itong bumukas.
"Sir Bagwis, ayos na!" pasigaw na sabi ni Kris. "Natapos ko na 'yung ginagawa ko."
Dahan-dahang isinara ni Bagwis ang hawak na libro. Pagkatapos ay tumayo siya at hinarap si Kris.
"Ang tagal mo naman," malumanay na sabi ni Bagwis.
"P-Pasensya na ho," sagot ni Kris na biglang napakamot ng ulo. "Medyo marami kasi 'yung-"
Itinaas lang ni Bagwis ang kanang kamay nito, tanda na hindi siya interesado sa mga detalye.
Mabuti pa ay ipakita mo na sa amin 'yung ginawa mo. 'Yung sinasabi mong solusyon."
"Opo, Sir Bagwis!" masayang tugon ni Kris. Mabilis siyang lumabas ng silid-aklatan. Sumunod sa kanya si Bagwis, at pagkatapos ay ang naguguluhang si Gabriel.
Tumigil sila sa tapat ng isang pinto sa tabi ng hagdanan.
"Dito tayo," nakangiting sabi ni Kris.
Biglang natigilan si Gabriel. Kumunot ang kanyang mukha, halatang nagtataka.
"T-Teka lang," sabi niya, "parang wala namang pintuan diyan kanina, ah." Alam niya na ilang linggo pa lamang naninirahan sa mansion na iyon pero sigurado siya na walang kuwarto o pinto sa tabi ng hagdanan.
Ngiti lang ang sinagot ni Kris. Kahit si Bagwis ay bahagyang napangiti rin.
"Relax ka lang," sabi ni Kris, "basta pumasok na tayo sa loob at ipapaliwanag ko ang lahat.
Sa loob, mayroong nakahanay na mga upuan, mga desk na tulad ng sa isang eskuwelahan. Sa harap ng silid ay may whiteboard na nakadikit sa pader. Mayroon ding isang malaking kahon na nakasabit sa bubong na hindi malaman ni Gabriel kung ano.
"Pasok, pasok. Upo ka dito Gabriel," turo ni Kris sa isang upuan sa harap.
"Di ba sabi ko Gab na lang," nakasimangot na sabi ni Gabriel.
"Ay oo nga. Sorry."
Naupo si Gabriel at pinagmasdan ang buong paligid. Para itong isang silid aralan. Napansin niya na sa likod umupo si Bagwis, ang dalawang kamay ay naka-krus sa kanyang dibdib. Papansinin sana ito ni Gabriel ngunit biglang namatay lahat ng ilaw sa silid.
"Hala, brownout!" sabi ni Gabriel.
"Hindi brownout," narinig niya ang boses ni Kris. Isang mahinang tunog ang sunod na narinig ni Gabriel at pagkatapos ay biglang naglabas ng liwanag ang kahon na nakasabit sa kisame. Sa whiteboard ay lumabas ang mga salitang Datu 101.
"Astig," mahinang nasabi ni Gabriel.
"Okay", tumayo si Kris sa harap ng whiteboard, "dahil mukhang aabutin tayo ng siyam-siyam kung hahayaan ka lang naming magbasa sa library, minabuti ko ng igawa ka ng isang Powerpoint Presentation."
"Power... ano?" pagtataka ni Gabriel.
Napangiti si Kris. "Huwag mo ng itanong kung ano iyon. Basta't ang mahalaga ay makikinig ka sa akin. Kunwari ay nasa eskwelahan ka ngayon at ako ang iyong titser."
"Yes, sir!" sagot ni Gabriel sabay saludo.
Sinilip ni Kris si Bagwis, at ng hindi ito umimik ay nagsimula na siya.
"Lingid sa kaalaman ng nakararami," malakas at maliwanag na sabi ni Kris, "mayroong apat at hiwa-hiwalay na mundo. Ang mundo ng mga tao, mundo ng mga engkanto, mundo ng mga lamanlupa, at ang mundo ng mga aswang." Napansin ni Gabriel na may kung anong hawak si Kris, na malakas na nag-klik ng kanyang pindutin. Sa whiteboard, nawala ang mga salitang Datu 101 at napalitan ng mga iba't ibang imahe. Mayroong apat na bilog na kung saan nakasulat ang mga salitang Tao, Engkanto, Lamanlupa, at Aswang. Nasa gitna ang bilog na may nakasulat na Tao samantalang ang iba naman ay nakapalibot dito. Sa ibabaw ng mga imahe ay nakasulat ang titulong "Iba't Ibang mga Mundo."
"Ayon sa mga alamat at sa mga lumang kasulatan," pagpapatuloy ni Kris, "ang mundo raw ng mga tao ay nasa gitna, at ang iba pang mga mundo ay umiikot sa palibot nito. Kaya't para makapunta ang mula sa isang mundo patungo sa ibang mundo, kailangang dumaan muna sa mundo ng mga tao. Iyan daw ang dahilan kung bakit mayroong mga Datu. Sila ang tagapamahala sa lahat ng mga nilalang na pumapasok sa ating mundo."
Tiningnan ni Kris si Gabriel. Nakakunot ang noo nito ngunit hindi naman nagtanong kaya't pinagpatuloy na lamang niya ang pagtuturo. Muli niyang pinindot ang hawak na buton at lumabas ang sunod na slide. Dito ay makikita ang mga larawan ng mga sinaunang Datu.
"Marahil ay narinig mo na na ang mga Datu ang mga pinuno ng lipunan noon, tulad nila Datu Lapu-Lapu, Datu Simakwel, at marami pang iba. Sila yaong mga tinaguriang makalupang Datu. Sila ang namumuno sa mga tao. Ngunit," isang klik mula sa button na hawak ni Kris at napalitan ang larawan sa whiteboard ng mga imaheng hugis tao, ngunit pawang kulay itim lahat.
"Pero, sa likod ng mga makalupang Datu, tahimik na nagtatrabaho ang mga tinatawag na mahihiwagang Datu. Sila nga ang tinutukoy ko kanina na namamahala sa iba't ibang nilalang na pumapasok dito sa ating mundo.
"Ang pinakamahahalagang tungkulin ng mga Datu ay ang panatilihing isang lihim ang tungkol sa ibang mga mundo. Sa katunayan, ayon sa nasusulat na kasaysayan ng mga Datu, ang panatilihing isang lihim ang mga bagay na ito ang kauna-unahang kautusan ng kauna-unahang Datu. Ito ang dahilan kung kaya't walang alam ang mga pangkaraniwang tao tungkol dito.
"Pero siyempre, hindi lahat ay sumusunod." Tiningnan ni Kris si Gabriel, hindi mapigilan ang mapangiti. "At diyan pumapasok ang ikalawang tungkulin ng mga Datu. Ang ipatupad ang mga batas at parusahan ang mga lumalabag dito."
"Hmmn," nag-iisip na sabi ni Gabriel. "Para palang pulis ang isang Datu."
"Tama," masayang sagot ni Kris. "Pulis, presidente, congressman, senator, at kung anu-ano pa.
"Okay, gets ko na," sabi ni Gabriel sabay tayo. "Pwede na ba mag-recess?"
"Anong recess? Kasisimula lang natin ah! Upo ka lang diyan. Marami pa akong idi-discuss."
Walang nagawa si Gabriel kundi sumunod.
"Okay," pagpapatuloy ni Kris, "siyempre para maipatupad ang mga batas, kailangang mayroong mga batas. 'Yan ang ikatlong tungkulin ng mga Datu, ang gumawa ng mga batas.
"Pero hindi basta-basta ang paggawa ng mga batas. Ito ay nakabatay sa taglay na lakas ng isang Datu. Noong unang panahon, noong hindi pa nahahaluan ng ibang lahi ang ating mga ninuno, walang limitasyon ang kapangyarihan ng mga Datu. Nagagawa at naipapatupad nila ang kahit anong batas na naisin nila. Walang magawa ang ibang mga nilalang kundi ang sumunod.
"Kaso lang, sa paglipas ng panahon, humina ang kapangyarihan ng mga Datu. Lalo na ng dumating ang mga dayuhan. Mayroon ding mga Datu na tumalikod sa kanilang tungkulin at naakit sa kayaman ng mundong ito. Dahil dito, unti-unting nabawasan ang bilang ng mga Datu. Nabawasan din ang kanilang kapangyarihan. Kaya't mayroon tuloy mga nilalang na nagkalakas ng loob na sumuway sa mga batas.
"At ang pinakamadalas na sumuway ay ang mga aswang." Sa sumunod na slide, lumitaw ang larawan ng mga taong nakasuot ng itim. Sa ibabaw ng larawan ay nakasulat ang salitang Mga Aswang.
"Gaya nga ng naipaliwanag na sa'yo ni Sir Bagwis, dumating ang mga aswang dito para makakuha ng pagkain. Sa katunayan, ang pinakamalalaking animal farms at meat processing plant dito sa atin ay pag-aari ng mga aswang. At gaya nga rin ng naipaliwanag na sa iyo, masama para sa mga aswang ang pagkain ng tao dahil nasisira ang kanilang isip at katawan. Kaya nagkaroon ng iba't ibang uri ng mga aswang tulad ng manananggal, tik-tik, ekek, at kung anu-ano pa."
"Teka," sabat ni Gabriel, "pati ba mga bampira, aswang din?"
Napangiti si Kris. "Oo naman. Pero imbes na mga lamanloob, ang dugo ng tao ang kinakain nila. At ang masamang epekto ng pagkain ng dugo ng tao ay napapanood mo sa telebisyon at pelikula. Nasusunog sila kapag naarawan, buhay pa sila pero mga bangkay na ang kanilang mga katawan, et cetera, et cetera."
Naging seryoso ang hitsura ni Gabriel, malalim ang iniisip.
"May tanong ka pa, Gab?"
"Meron," sagot ni Gabriel. "May I go out?
###
Hindi alam ni Gabriel kung gaano sila katagal sa silid na iyon. Napakaraming impormasyon ang tinalakay ni Kris, na hirap namang sundan ng batang lalaki. Nasundan pa ang pag-aaral nilang iyon. Halos araw-araw ay naroroon siya sa silid-aralan, tahimik na nakikinig kay Kris.
Lumipas ang mga araw at nagsimula namang magsanay si Gabriel sa pakikipaglaban. Sa isang malaking kuwarto (na alam ni Gabriel na bigla ding sumulpot tulad ng classroom) siya tinuruan ni Bagwis. Malupit si Bagwis, todo pahirap ang ginawa sa kanya. Tinuruan siya nito ng hand to hand combat at paggamit ng patalim at espada. Araw-araw ay bugbog sarado si Gabriel, puro pasa at sugat ang katawan. Pero hindi siya susuko. Papatunayan niya sa matanda na malalagpasan niya ang lahat ng iyon.
Pinag-aralan din niya kung paano ang paggamit ng baril. Ito ang pinakapaborito niya sa lahat. Kahit para kay Bagwis ay sandata ng mga barbaro ang baril, hindi naman niya mapigilan na mapahanga sa galing ni Gabriel pagdating sa paghawak ng mga ito. Ilang araw lamang ay asintado na ang bata, lalo na kapag handgun ang gamit nito.
"Ano ba! Para kang babae kung sumuntok," panunuya ni Bagwis isang araw habang nagsasanay. Agad namang uminit ang ulo ni Gabriel. Sumigaw siya ng malakas at sinugod ang matanda.
Pinaulanan niya ng mga suntok at sipa ang matanda. Likas na mabilis si Gabriel ngunit mas lalo pa siyang bumilis dahil sa kanyang pagsasanay. Kung titingnan siya ng isang pangkaraniwang tao, halos hindi nito masusundan ang galaw ni Gabriel dahil sa bilis. Ngunit madali lamang nailagan ni Bagwis ang pag-atake ng batang lalake. Ni hindi nga man lamang ito pinagpapawisan, na laong ikinagalit ni Gabriel.
"Masyadong mainitin ang ulo mo. Hindi ka mananalo sa akin niyan kung ganyan ka," malumanay na sabi ni Bagwis. Biglang itinaas ng matanda ang kaliwang kamay nito at sinalo ang kamao ni Gabriel. Pagkatapos ay isang malakas na sipa ang tumama sa tagiliran ng batang lalaki dahilan para tumalsik ito. Gumulong si Gabriel, namimilipit sa sakit.
"Hanggang diyan ka na lang ba, Gabriel?"
Agad tumayo si Gabriel, namumula sa galit. "Sinabi ng Gab na lang, eh!" Muli siyang sumugod ngunit agad din siyang bumagsak matapos sikmuraan ni Bagwis.
"Kalmahin mo ang isip at damdamin mo," sabi ng matanda. "Huwag mong hayaang kainin ng galit ang iyong puso."
"Tumigil ka!" Sinipa ni Gabriel si Bagwis, na mabilis na isinalag ang kanyang kaliwang braso.
"Bakit hindi mo alalahanin ang isa sa mga pinakamasayang araw ng iyong buhay?" tanong ni Bagwis.
"Sus, para saan pa," galit na sigaw ni Gabriel ngunit bigla siyang may naalala. Ang araw ng kanyang kaarawan.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Nakita niya ang warehouse ni Teban, ang mga bata ay masayang nagkakainan.
Para sa'yo yan. 'Di ba birthday mo ngayon? sabi ni Teban sabay itsa sa kanya ng isang maliit na kahon.
Kala mo nakalimutan ko ano. Teka, ilang taon ka na nga ba?
Naramdaman ni Gabriel ang kuwintas na regalo sa kanya ni Teban, na nakasuot ngayon sa kanyang leeg. Biglang parang gumaan ang pakiramdam ni Gabriel. Bumagal ang kanyang paghinga. Nawala ang galit na kanyang nararamdaman. Dahan-dahan niyang idinilat ang kanyang mga mata.
"Magaling," mahinang sabi ni Bagwis. Sa pagkakataong iyon ay ang matanda naman ang sumugod. Nagulat si Gabriel sa bilis ng matanda, para itong kidlat.
Isang malakas na sipa ang pinakawalan ni Bagwis. Nakita ito ni Gabriel at iniharang ang kanyang braso. Malakas at mabigat ang sipa ng matanda. Napangiwi siya sa sakit ngunit agad niyang itinulak ang hita ng matanda. Ang kabilang paa naman ni Bagwis ang sumipa. Yumuko si Gabriel para makailag. Sinundan naman ni Bagwis ng mabibilis na suntok. Pilit na umilag si Gabriel, sinasalag ang mga kamaong hindi niya mailagan.
"Ano? Iilag ka na lang ba?" panunuya ng matanda.
Hindi umimik si Gabriel. Alam niya na ginagalit lamang siya nito para masira ang kanyang konsentrasyon. Patuloy lamang ang kanyang pag-iwas sa pag-atake ni Bagwis, naghihintay ng pagkakataon. Naghihintay ng butas.
Walang humpay ang matanda sa mga suntok at sipa nito. Lalo pa nga yatang bumibilis ang kanyang kilos ngunit kalmado pa rin ang mukha nito. Ni hindi rin siya hinihingal o pinagpapawisan man lang.
Kailangang makaisip ng paraan, sabi ni Gabriel sa sarili.
"Hoy! Bakit lumilipad ang isip mo?" sigaw ni Bagwis. Parang kidlat ay bigla itong tumalon sa ere na parang isang ibon, pumihit at sumipa. Parang latigo ang kanyang kanang binti sa sobrang bilis.
Tapos na 'ko! Napapikit si Gabriel at yumuko, ang dalawang kamay ay nakataas upang proteksiyonan ang kanyang ulo. Isang malakas na hangin ang naramdaman niya sa kanyang tuktok. Para bang may dumaang isang mabilis na kotse.
Mintis!
Agad niyang idinilat ang kanyang mata at nakita si Bagwis, nasa ere pa rin, nakatalikod sa kanya. Sa lakas ng sipa ng matanda ay nadala ang katawan nito at napaikot sa puwesto.
Ngayon na! Agad na humakbang si Gabriel papalapit kay Bagwis. Pabagsak na ito kaya't siguradong wala itong anumang pagkakataon upang makailag. At dahil nakatalikod ito sa kanya, tiyak na hindi rin ito makakasangga o mapro-proteksiyonan ang sarili.
"Huli ka ngayon!" sigaw ni Gabriel at pinakawalan ang kanyang kanang kamao.
Isang matigas na bagay ang tumama sa kaliwang pisngi ni Gabriel. Bagamat napangiwi sa tindi ng sakit, pinilit niyang idilat ang kanyang isang mata upang makita kung ano ang tumama sa kanya. Laking gulat niya sa kanyang nakita.
Sa di maipaliwanag na paraan, naka-ikot si Bagwis sa ere at sumipa gamit ang kanyang kabilang paa. Ang matigas na sapatos ng ng matanda ang tumama sa mukha ni Gabriel.
Tumalsik ang batang lalaki sa lakas ng sipa ni Bagwis. Gumulong siya sa semento ngunit agad din namang naitukod ang mga kamay at napaupo. Nagkatitigan silang dalawa ng matanda.
"Ay, bakit di muna kayo magmerienda?" Isang malakas na boses ang narinig nila. Napalingon naman si Gabriel sa kanyang kanan at nakitang pumasok si Ellie na may dalang isang malaking tray. Agad naamoy ni Gabriel ang bagong luto at mainit-init pang ensaymada.
"Eto, may dala akong ensaymada," masayang sabi ni Ellie, "saka meron ding orange ju-"
Mula sa gilid ng mga mata ni Gabriel ay nakita niyang biglang naglaho ang matanda sa kanyang harapan. Sa isang iglap, naramdaman niya ito sa kanyang likuran. Isang matalas na bagay ang nakatutok sa kanyang leeg.
"Huwag na huwag mong bibigyan ng pagkakataon ang iyong kalaban. Kapag ginawa mo iyon, tinitiyak ko sa iyong tapos ka," mahinahong sabi ni Bagwis.
Napuno ng katahimikan ang buong silid. Kahit si Ellie ay natulala na lamang sa kanyang nasaksihan.
Ipinihit ni Gabriel ang kanyang ulo upang tingnan ang matanda. Tinitigan niya ang pagod na mukha ng matanda. Ngunit sa mga mata nito ay makikita ang di maipaliwanag na lakas.
Napangiti si Gabriel.
"Ikaw din. Hindi mo dapat bibigyan ng butas ang kalaban."
Dahan-dahang tumungo si Bagwis at nakita ang isang baril. Nakatutok ito sa kanyang dibdib. Hawak-hawak ni Gabriel ang baril sa kanyang kanang kamay, na pinadaan niya sa kanyang tagiliran sa ilalim ng kanyang kaliwang kilikili.
Napangiti rin si Bagwis.
"At saan mo naman itinatago 'yang dala-dala mong baril?" tanong ng matanda.
"Eh, saan mo naman itinatago 'yang dala-dala mong balisong?" sagot ni Gabriel.
Dahan-dahang inilayo ni Bagwis ang patalim sa leeg ng batang lalaki. Bigla itong naglaho sa loob ng kanyang manggas. Pagkatapos ay humakbang siya paatras. Si Gabriel naman ay mabilis na tumayo at isinuksok ang hawak na baril sa kanyang likuran. Masaya niyang hinarap ang matanda.
"Magaling," mahinang sabi ni Bagwis. "Maghanda ka. Aalis tayo mamaya." Hindi na ito naghintay pa ng sagot mula kay Gabriel. Tumalikod na ang matanda mabilis na lumabas ng silid.
"Ang sungit talaga ng matandang iyon," sabi ni Gabriel na napakamot na lamang ng ulo. Sa pagkakataong iyon ay narinig niya ang pagkalam ng kanyang sikmura. Muli niyang naamoy ang masarap na ensaymada na dala ni Ellie. Patakbo siyang lumapit sa babae at halos agawin ang hawak nitong tray.
"K-Kain mabuti," ang tanging nasabi ni Ellie.
Nagustuhan niyo po ba ang kabanatang ito? Saan kaya pupunta sina Bagwis at Gabriel?