Pagkatapos mag-merienda ay pumasok na si Gabriel sa Mansiyong Balangay para magpahinga. Si Ellie naman ay nagmamadaling umalis, para bang may mahalagang gagawin. Ang matandang si Bagwis ay hindi rin niya nakita sa loob. Ngunit ang ikinagulat at ipinagtaka niya ay wala si Kris sa computer station nito. Palagi kasi niyang nakikita ang binata na nakaupo sa harap ng computer, tahimik na nakatitig sa malaking monitor.
Dala na rin ng kuryosidad, lumapit si Gabriel sa computer station. Isang mahabang lamesa ito na hugis letrang-L. Mayroong dalawang monitor sa dalawang gilid nito. Kalat-kalat ang kung anu-anong mga papel, makakapal na libro, at mahahabang electrical wires. Dahan-dahang umupo si Gabriel sa malambot na upuan.
Sa monitor na nasa kanyang harapan, isang video game ang kanyang nakita. Bagamat hindi nahilig sa ganitong mga laro, pamilyar naman siya sa mga ito dahil marami sa mga kasama niyang bata ang palaging naglalaro ng computer.
"Mahilig ka rin ba sa video games?" isang boses ang narinig ni Gabriel mula sa kanyang likuran.
Agad siyang tumayo at nakita si Kris, may hawak na isang boteng softdrinks.
"Ah, hindi masyado. Tinitingnan ko lang."
"Ganun ba?" tanong ni Kris na para bang nalungkot. "Akala ko kasi pwede tayo maglaro. Alam mo ba yung DOTA?"
Napangiti si Gabriel. "Oo naman! Yung mga kaibigan ko, adik sa larong yun."
"Eh, ikaw? Hindi ka ba naglalaro ng video games?" Lumapit si Kris kay Gabriel. "Teka, bakit di mo subukan 'tong larong ito? Madali lang 'yan!"
Muling umupo si Gabriel, sa paggigiya ni Kris. "Anong laro ba 'yan?"
"Simpleng laro lang 'to. Mouse Maze Game. Kontrolin mo lang yung daga para makalabas sa maze."
"Ah, madali lang pala!" Sinubukan ngang maglaro ni Gabriel ngunit ilang minuto lang ang nakakalipas ay nakakunot na ang kanyang noo.
"Ano ba 'to? Nakakaligaw naman!"
Malakas na tawa ang sinagot ni Kris. "Akala ko ba madali lang?" pambubuska nito. "Di bale. Ituturo ko sa'yo ang sikreto ng mga maze.
"Mahahanap mo ang daan papalabas sa mga maze basta't susundan mo lamang ang isa sa mga pader."
"Isa sa mga pader?"
"Oo," masayang sagot ni Kris. "Halimbawa, kung napili mo ang kanang pader, ang kailangan mo lang gawin ay sundan ito at siguradong mararating mo ang exit. Mabuti pa subukan mo."
Ganoon na nga ang ginawa ni Gabriel. Titig na titig siya sa monitor, halos hindi kumukurap. Maya-mayang konti ay isang ngiti ang gumuhit sa kanyang labi.
"Nagawa ko! Nailabas ko yung daga sa maze!"
"Sabi sa'yo, eh," nakangiting sabi ni Kris.
"Isa pa! Susubukan ko ulit."
Halos isang oras ding naglaro si Gabriel, habang si Kris ay masayang nanonood sa kanya. Nagulat na lamang sila ng marinig ang boses ni Bagwis. Tinatawag ng matanda si Gabriel at pinapapanhik sa kanyang kuwarto.
Tumayo na si Gabriel at matapos magpasalamat kay Kris, ay mabilis na tumakbo paakyat.
###
"Ano 'yan?" gulat na tanong ni Gabriel.
Kasalukuyan siyang nasa kanyang kuwarto, titig na titig sa damit na nakalatag sa kanyang kama. Si Bagwis naman ay tahimik na nakatayo sa tapat ng pinto, ang dalawang kamay ay nakakrus sa harap ng kanyang dibdib.
"Hindi ba't sinabi ko sa'yong aalis tayo?" tanong ng matanda. "Iyan ang isusuot mo." Lumapit si Bagwis sa kama ni Gabriel at kinuha ang damit sa nakalagay sa ibabaw nito. Isa itong itim na amerikana, na halos kamukhang-kamukha ng amerikanang suot niya. Ang pinagkaiba nga lamang ay medyo maliit ito, sukat na sukat para kay Gabriel. Makintab ito at malinis, tanda na bagong gawa lamang ito.
"Isusuot ko 'yan? Teka, sa'n ba tayo pupunta? Sa burol ko?" Nakakunot ang noo ni Gabriel, hindi matanggap ang gustong mangyari ni Bagwis. "Hoy, buhay pa ako. Ayokong ilibing ng buhay!"
"At ano naman ang gusto mong isuot?" tanong ni Bagwis na bahagyang tumaas ang boses. "T-shirt at pantalong maong? Gabriel-"
"Sabing Gab na lang eh," sabat ng batang lalaki.
"Gabriel," madiing pag-uulit ni Bagwis. "ikaw ang susunod na magiging Datu. Dapat lang na magmukha kang kagalang-galang. Hindi yung mukha kang pulubi."
"Bakit? Anong masama sa T-shirt at maong? Mas komportable naman ako dun, ano. At isa pa, paano ko naman isusuot 'yang sapatos na iyan?" tanong ni Gabriel sabay turo sa pares ng balat na sapatos na nasa lapag. "Mabubulag ako niyan sa sobrang kintab!"
"Akala ko ba gagawin mo ang lahat para maging Datu?" mahinahong tanong ni Bagwis. Dito ay natigilan ang batang lalaki.
"Akala ko ba kahit anong hirap na pagsasanay ay haharapin mo?" Muling inilatag ng matanda ang amerikana sa kama at dahan-dahang naglakad patungo sa pintuan.
"Akala ko ba gusto mong maghiganti?" Hindi hinarap ng matanda si Gabriel, bagkus ay dire-diretso lamang itong lumabas ng silid. Naiwan si Gabriel na nakatitig sa kawalan, ang dalawang kamay ay mahigpit na nakatikom sa galit.
###
Halos tatlumpung minutong hinintay nila Bagwis na bumaba si Gabriel. Tahimik lamang siyang nakaupo at nagbabasa ng isang tabloid.
Dalaga sa Laguna, Dinukot ng mga Duwende! Ang nagsusumigaw na headline nito.
Samantala, balisa namang palakad-lakad si Ellie. Siya kasi ang nagtahi ng bagong amerikana at pantalong slacks ni Gabriel.
Magustuhan kaya niya? Tama lang kaya ang sukat? paulit-ulit niyang tanong sa sarili.
Si Kris naman ay abalang naglalaro ng computer games, ngunit paminsan-minsan ay sinisilip niya ang hagdanan, halatang hinihintay din ang pagbaba ng batang lalaki.
Maya-maya nga lamang ay narinig na nila ang pagbukas at pagsara ng pintuan ng kuwarto ni Gabriel. Sumunod dito ang mahihinang yabag ng lalaki. Lahat sila ay napako ang tingin sa hagdanan.
"Oh ano? Masaya na ba kayo?" galit na tanong ni Gabriel ng makita ang tulalang mukha ng mga naghihintay sa kanya.
Katahimikan ang sumalubong sa tanong niya.
"Pwede bang patayin niyo na lang ako?" Napatungo si Gabriel, ramdam ang pamumula ng kanyang mukha.
"A-Ang ganda!" bulalas ni Ellie. "Bagay na bagay sa'yo. Ang guwapo-guwapo mo!" Abot-tenga ang ngiti ni Ellie. Pumapalakpak pa ito at tumatalon sa kinatatayuan.
Lalong nahiya si Gabriel ngunit pinilit niyang itaas ang kanyang noo. Hinding-hindi niya kailanman papayagang mapahiya siya. Dahan-dahan niyang binunot ang nakatagong baril sa loob ng kanyang amerikana at itinaas ito.
"Sige lang, kantiyaw pa," mayabang na sabi ni Gabriel habang winawagayway ang hawak na baril.
Nanlaki ang mga mata ni Ellie at napanganga sa gulat. Sa kanyang computer station naman ay nakita ni Gabriel si Kris, nakatakip ang bibig ng dalawang kamay, halos hindi makahinga sa pagpigil sa pagtawa. Sa kanyang upuan naman ay nakatingin lang si Bagwis sa kanya ngunit kitang-kita ni Gabriel ang bahagyang pag-usli ng isang gilid ng labi nito pataas, tanda na masaya ang matanda sa kanyang nakikita.
"Itabi mo 'yan, Gabriel," sabi ni Bagwis sabay tayo. "Hindi mo 'yan kakailanganin kung saan tayo pupunta."
Sumunod naman ang binata. Dahan-dahan siyang bumaba ng hagdan, halatang hindi pa sanay sa kanyang bagong sapatos. Tatlong pares ng mga mata ang nakasunod sa kanya, natutuwa at humahanga.
Pagdating sa huling baytang, natisod si Gabriel at sumubsob sa matigas na semento.
###
Kasalukuyang binabagtas nina Bagwis at Gabriel ang kahabaan ng EDSA. Malamig sa loob ng kulay abong kotse ngunit pinagpapawisan pa rin si Gabriel. Pabalik-balik kasi sa isipan niya ang nangyari kanina. Lalo na ng makita niya ang hitsura nina Bagwis, Ellie, at Kris ng siya'y tumayo mula sa pagkakasubsob.
Kanina pa hinihintay ni Gabriel na banggitin ng matanda ang nangyari. Alam niyang pinagtatawanan siya nito at nais siyang mapahiya. Ngunit tahimik lamang sa pagmamaneho si Bagwis.
"Malapit na ba tayo?" iritang tanong ni Gabriel.
"Huwag ka masyado maiinip. Darating din tayo doon."
"Eh, saan nga ba talaga tayo pupunta?"
"Bibisita lang tayo sa isang kaibigan," sagot ni Bagwis. "Mabuti pa, matulog ka muna. Gigisingin na lang kita kapag naroroon na tayo."
Dahil nayayamot ay sinunod na lamang ni Gabriel ang payo ng matanda. Pumihit siya at humarap sa bintana, sinandal ang ulo at pumikit.
Hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya. Naramdaman na lamang niya ang marahang pagyugyog sa kanya ng matanda.
"Andito na tayo," sabi ni Bagwis.
Kinusot ni Gabriel ang kanyang mga mata at tumingin sa paligid. Pamilyar sa kanya ang lugar na iyon.
"Quiapo Church 'to, ah."
Hindi sumagot si Bagwis. Lumabas lamang ito ng sasakyan at nagsimulang maglakad papalayo. Mabilis namang sumunod si Gabriel.
Ilang minuto rin silang walang imikan. Sumunod lamang si Gabriel sa matanda, na mabilis na naglalakad kahit na maraming tao silang nakakasalubong. Makailang ulit ding natukso si Gabriel tuwing makakakita siya ng bulsang may matambok na wallet, mga gintong bracelet at kuwintas, at mga bago at mamahaling cellphone. Sinubukan nga niyang dukutin ang wallet ng isang lalaki ngunit parang kabute ay biglang sumulpot sa kanyang harapan si Bagwis. Masama ang tingin nito sa kanya, ang ulo ay dahan-dahang umiiling.
Tumigil sila sa tapat ng isang matandang babae na nakaupo sa isang maliit na bangko. Nakatungo ito at tahimik na nagpapaypay gamit ang isang lumang abaniko. Sa harapan nito ay may isang maliit na lamesa kung saan nakalatag ang mga baraha. Mayroon ding isang maliit na karatula kung saan nakasulat: Hola. Singkwinta lang.
"Tingnan mo nga naman. Hindi ko akalaing magkikita pa tayo," biglang sabi ng matandang babae. Dahan-dahan nitong itinaas ang ulo at tiningnan si Bagwis. Ngiting-ngiti ang matanda, kita ang gilagid na wala ng mga ngipin.
"Bakit naman?" tanong ni Bagwis. "Hindi ka ba masayang nandito ako, Berta?"
Napatingin si Gabriel kay Bagwis. Nagulat siya sa maamong boses nito. Nagulat siya ng makitang nakangiti ang matanda. Pati ang mga mata nito ay kumikinang sa tuwa.
"Masaya naman," sagot ng matandang si Berta. "Kaso, alam ko kasi na isa lang ang ibig sabihin kung bakit ka nandito. May dala kang masamang balita."
Tumawa ng malakas si Bagwis na lalong ikinagulat ni Gabriel.
"Masamang balita? Bakit mo naman nasabi iyon?" Muling tumawa si Bagwis. Tumawa rin si Berta, animo'y nababasa ang isip ng matandang lalaki. Walang nagawa si Gabriel kundi ang makitawa na rin.
"At sino naman ang batang ire?" biglang tanong ni Berta.
Agad tumigil ang pagtawa ni Bagwis at bumalik ang kanyang mukha sa masungit na hitsura nito. "Siya ang dahilan kung bakit nandito ako."
Nagkatitigan ang dalawang matanda.
"Siya ang anak ni Leon. Siya ang anak ng Datu."
Walang reaksiyon si Berta. Hindi mo mabasa ang kanyang kulubot na mukha. Lumipas ang ilang minutong katahimikan ng biglang ibaling ni Berta ang kanyang tingin kay Gabriel. Biglang kinilabutan ang batang lalaki sa titig ng babae. Sobrang tanda na kasi ng hitsura nito na para bang isa ng mummy.
"A-Ah, eh, b-bakit ho?" nauutal na tanong ni Gabriel.
"Talaga bang ikaw ang anak ni Leon," halos kapos-hiningang tanong ni Berta.
"Ewan ko. Yun ang sabi nito," sagot ni Gabriel sabay turo kay Bagwis.
"Siya nga, Berta. Hindi ba't sinabi kong buhay pa siya. At di ba't sinabi kong makikita ko siya."
Hindi kumibo si Berta. Nakatitig pa rin ito kay Gabriel, na hindi naman mapakali sa atensyong ibinibigay sa kanya ng matanda.
"Siguro naman ay tutuparin mo na ang sinabi mo noon," pagpapatuloy ni Bagwis. "Siguro naman ay babalik ka na sa Balangay."
Muling humalakhak si Berta. Humalakhak siya ng humalakhak hanggang sa kapusin ng hininga at maubo. Tiningnan lamang siya nina Bagwis at Gabriel. Nang mahimasmasan ay muli niyang hinarap si Bagwis.
"Ano ka ba naman, Bagwis. Iniiisip mo pa rin ba ang bagay na iyan? Matanda na ako. Ano pa ang kailangan mo sa akin?"
"Kailangan ka namin, Berta," seryosong sagot ni Bagwis. "Huwag mong sabihing nakalimutan mo na ang iyong tungkulin? Hindi ba't ikaw ang manghuhula ng Datu?"
"Patay na ang Datu!" iritang sagot ni Berta. "At kung sa tingin mo ay mababago ang isip ko kapag hinarap mo sa akin ang isang batang paslit, sinasabi ko sa iyong nagkakamali ka."
Tahimik na tinitigan ni Bagwis ang matandang manghuhula na muling nangingisay sa kakatawa.
"Tatanungin kita ulit, Berta," mahinahong sabi ni Bagwis. "Babalik ka ba sa Balangay o hindi?"
"Hay naku, Bagwis," hingal na sagot ni Berta, "bakit hindi ka na lang magpahula?"
Ngumiti si Bagwis sa kausap. "Alam mo naman na ayaw na ayaw ko ang nagpapahula."
Biglang hinarap ng manghuhula si Gabriel, na nagulat at napahakbang paatras. "Ikaw batang paslit, bakit hindi ka magpahula?"
"H-Ha? Eh..." hindi alam ni Gabriel ang isasagot.
"Hay naku, huwag ka na ngang maarte. O sige, para sa iyo libre na." Biglang hinablot ni Berta ang kanang kamay ng batang lalaki at agad na ininspeksyon.
"Ay naku, ano ba naman itong Head Line mo. Sigurado akong tamad kang mag-aral. Saka itong Heart Line mo, ahay! Siguradong wala ka pang karanasan sa pag-ibig."
"T-Teka lang," sabat ni Gabriel, "ano bang pinagsasasabi mo?"
"O hindi!" biglang natigilan ang matanda habang hinihimas ng kanyang daliri ang isa sa mga guhit sa palad ni Gabriel. "Ang Life Line mo. Mamamatay ka na. Bukas!"
Parang nabingi si Gabriel sa narinig. Kasabay nito ay biglang nanlamig ang buo niyang katawan.
"A-Ano hong sinabi niyo?"
"Ang sabi ko, mamamatay ka na bukas."
"Sigurado ka ba diyan, Berta?" tanong ni Bagwis.
Tiningnan ng masama ng manghuhula si Bagwis. "At kelan naman ba ako nagkamali?"
"Kung gayon, mabuti yan," mahinahong sabi ni Bagwis.
"Anong mabuti!" sigaw ni Gabriel sabay hila ng kanyang kamay mula sa pagkakahawak ng manghuhula. "Anong mabuti sa mamamatay na ako?"
"Huminahon ka lang. Wala kang dapat ipag-alala." Muling hinarap ni Bagwis ang matanda. "Tutuloy na kami, Berta. Sana ay magbago pa ang isip mo."
Nginitian lamang ni Berta ang dalawa. Tumalikod na si Bagwis at naglakad pabalik sa kanyang sasakyan.
"T-Teka lang! Paano na ko?" habol ni Gabriel sa matanda.
Hala! Ano kayang mangyayari kay Gabriel? Kayo, nagpapahula rin ba kayo sa Quiapo? Paano kung sabihin sa inyo ng manghuhula na mamamatay na kayo bukas?