Madilim na ang paligid ngunit wala pa rin sa sariling naka tunganga si Mira sa duyan sa silong ng mayabong na punong mangga sa kanilang bakuran. Palaisipan talaga ang nangyari sa kanyang ama at mga kasama nito. Gayun pa man, napangiti siya nang maalala ang gwapong mukha ni Marcus. Nagtagumpay kaya ito na hanapin ang kanyang ina? Naipilig niya ang kanyang ulo nang mapansing naka ngiti pa rin siya. Ano ba ang ginawa ng Marcus na iyon sa kanya?
Hindi man maalis ang tanong sa isip ay maayos pa rin ang naging pakikitungo niya sa kanyang ama. Si Aira, ang kanyang kapatid ay enjoy na enjoy sa pagkakaroon ng sariling ama. halos ipagsigawan nito sa mga kaibigan at kakilala. Nagtataka man ay natutuwa naman ang mga ito, dahil alam nila ang kuwento ng kanilang pamilya.
Bukas ay magsisimula na siya sa kanyang unang trabaho sa isang bangko. Sunod-sunod ang blessings na dumarating, may trabaho na siya, at dumating pa ang kanyang ama. Hindi na kailangan pang magtinda sa palengke ang kanyang ina. Taimtim siyang nagpasalamat sa panginoon. After all the struggles, ngayon ay nagbunga na ang kanilang pagsisikap.
Sa susunod na buwan ay graduation na niya.
Ang sabi ng kanyang ama ay maghahanap na rin ito ng trabaho sa mga susunod na araw. Ewan niya, napaka panatag ng kanyang kalooban ngayon na kapiling na nila ang kanilang ama. Wala talagang imposible sa panalangin.
"Ate," untag ni Aira. Hindi niya napansing nasa likuran na niya ito.
"Napaka layo naman ng iniisip mo," sabi nito habang tumabi sa kanya.
"Ano sa palagay mo, ano kaya ang sikreto ni tatay?" sabi nitong tinutukoy ang pagkawala ng ama.
"Pero kahit na siguro ano pa man iyon, matatanggap ko pa rin siya. Mukha naman siyang mabait 'diba ate?" mahabang tinuran nito.
"Isa pa, ngayon ko lamang nakita na ganoon ka saya si nanay," dagdag pa nito.
"Oo nga eh, parang laging nasa cloud nine si nanay, tingnan mo gumaling agad 'yung mga sakit n'ya," natatawang tugon niya.
"Iminulat tayo ni nanay na mabuting tao si tatay, kaya't magtiwala tayo dahil si nanay ang higit na nakakakilala kay tatay,"
"Oh, pumasok na kayong dalawa at nagdidilim na," tawag ni aling Martha sa magkapatid. Alam niyang may seryosong pinag-uusapan ang mga ito. Malapit sa isa't isa ang kanyang mga anak, pasalamat na lamang siya at lumaking mababait at maunawain ang mga ito, bonus na lamang ang pagiging matalino ng mga ito, kaya naman proud na proud siya.
"Opo!" sabay na sagot ng dalawa saka nagtawanan.
Pagpasok nila ay nasa sala ang kanilang ama na nagbabasa ng mga lumang diyaryo. Iniipon kasi iyon ng kanilang lola dahil mahilig mag basa ang kanilang lolo, binabasa nito ang mga iyon tuwing magbabakasyon ito.
"Nagkakatuwaan yata ang mga dalaga ko," naka ngiti itong nagtaas ng tingin.
"Eh pa'no kasi 'tay, sabi ni ate bigla daw gumaling si nanay sa mga sakit n'ya mula nang dumating kayo," tudyo ng madaldal na si Aira.
Bigla niyang pinalo sa wetpu ang kapatid, pinanlakihan niya ito ng mata.
"Iniisip n'yo bang nag-iinarte lamang ako sa mga sakit ko noon?" si aling Martha na nagkunwaring nagtatampo.
"Nanay naman hindi na mabiro," bawi naman ni Aira sabay akbay sa ina.
"Pero 'Nay, alam mo bang bumabata kang tingnan mula nang dumating si tatay," muling tukso nito sa ina.
"Hay naku Aira, tigil tigilan mo ako!" natatawang sagot ng kanilang ina.
"Dahil baka maniwala ka, gano'n ba 'Nay?" si Aira uli.
"Aba't-" akmang kukurutin siya ng ina ngunit maagap siyang tumakbo sa likod ng ama na hawak pa rin ang diyaryo.
"Pilyang batang 'to," umiiling ang natatawang ina.
"Siya, maghahain na ako nang maka kain na," anitong dumiretso sa kusina.
Umupo naman si Mira sa tabi ng ama habang sinundan ni Aira ang ina sa kusina para tulungan itong maghanda ng hapunan.
"Tatay," panimula niya sa ama.
"Graduation ko na po sa susunod na buwan, maaari bang kayong dalawa ni nanay ang dumalo," nahihiyang pakiusap niya sa ama.
Hinarap siya nito at ngumiti, "Oo naman anak, kung maari nga lamang na ibalik ang panahon, gusto kong samahan ka sa lahat ng graduation mo."
"Anak, gagawin ko ang lahat para punan ang mga pagkukulang ko," naluluhang tugon ng ama.
"Iyon ay kung hindi mo ikahiya ang mukhang taong bundok mong Tatay," biro nito. Pina haba kasi nito ang balbas para magmukang kasing edad ng ina.
"Tatay naman," naluluha at natatawang sagot niya.
"Syempre naman hindi, guwapo yata ng tatay ko," dagdag niya.
"Oy, sali naman ako," agaw atensyon ni Aira sa mga ito nang makitang nagkakatuwaan sila.
"Pumarito na kayo at lalamig ang mga pagkain," malakas na tawag ni aling Martha mula sa kusina.
Sabay silang dumulog sa hapag. Magkatabing umupo ang magkapatid, magkatabi naman ang mag-asawa.
Hindi na naman mapigilan ni Aira ang tuksuhin ang mga ito.
"Alam n'yo nanay, tatay hindi naman kayo nagkakalayo ng itsura kasi si tatay mukha nang matanda, si nanay naman bumabata," sabi nitong kumindat sa ina.
"Aira tigil tigilan mo ako," natatawa at nagbabantang tumingin ito sa anak.
"Ilang araw pa lamang si tatay pero napaka laki ng ibinata n'yo 'Nay," dagdag naman ni Mira.
"Kita mo? Hindi kaila na anak mo ang mga 'to," natatawang baling ni aling Martha sa asawa.
"Iba ang saya kapag kumpleto ang pamilya," ang naka ngiti at tila nangangarap pa ring si Mira.
Larawan sila ng masaya at kuntentong pamilya nang mga sandaling iyon.
Kinabukasan ay maagang nagising si Mira. Tulad ng dati ay naghanda ng almusal para sa lahat. Maya-maya pa ay nagising na rin ang lahat, sabay silang nag-agahan.
At dahil lunes noon ay maagang pumasok sa iskwela si Aira. Siya naman ay naghanda na para sa kanyang unang araw sa trabaho.
Isinuot ang kulay puting long sleeve polo shirt at pinatungan ng itim na coat, tinernuhan ng pencil cut skirt na lagpas tuhod ang haba at may maliit na slit sa likod.
"Wow, napaka ganda naman ng dalaga ko," huahangang tinuran ng kanyang ama nang makita siya.
"Mana yata sa akin," natutuwang sabi naman ng kanyang ina.
Napangiti na lamang siya.
"Mauna na po ako," aniyang humalik sa pisngi ng ina.
"Sandali, ihahatid na kita," mabilis na prisinta ng kanyang ama. Tila ba umalalay sa isang prinsesa na hinawakan siya nito sa kamay habang bumababa ng hagdan. Naka ngiti lamang ang kanyang ina na nanonood sa kanila.
"Babalik ako agad," paalam nito sa asawa.
"Sabihin mo kay Marcus ay hintayin na lamang ako sandali kung sakaling maaga siyang dumating," dagdag pa nito.
Nagtataka naman siyang tumingin sa ama.
"Ang sabi kasi niya ay babalik siya sa ikatlong araw," paliwanag naman nito.
"Ahh," tumango tango lamang siya habang patuloy na naglakad palabas ng bakuran. Naka alalay pa rin ang ama hanggang sa pagsakay niya ng tricycle. Ilang minuto lamang ay narating na nila ang bangko kung saan siya magtatrabaho.
"Sige po mauna na ako," aniya sa ama habang bumababa ng sinakyang tricycle. Mabilis pa rin itong bumaba para alalayan siya.
"Mag-iingat ka, hintayin mo ako at susunduin kita mamaya," habol nitong bilin nang papasok na siya sa gusali.
Ngumiti lamang siya at tumango. Medyo over protective naman yata ang tatay niya, napangiti siya, sa totoo lang gustong gusto naman niya na bukod sa kanyang ina ay mayroon nang mag-aalala sa kanya, sa kanila ng kanyang kapatid.
Tamang tama lamang ang kanyang pagdating sa office, naroon na ang kanyang boss si Mrs. Reyes, nakilala na niya ito sa kanyang interviews. Magsisimula muna siya bilang sekretarya nito, habang inaalam niya ang mga pasikot sikot sa bangko at hintayin na rin ang magreretirong empleyado na kanyang papalitan.
"Good morning," naka ngiting bati nito sa kanya. Maaliwalas ang mukha nito, kahit na medyo may edad na at may katabaan ay mababakas sa mukha nito ang kagandahan.
"Good morning ma'am," bati din niya dito.
"Ito ang magiging table mo iha," iginiya siya nito sa isang sulok malapit sa pinto ng malaking opisinang iyon,
"Ikaw na lamang ang bahalang mag-ayos, matagal na rin kasi na walang gumamit niyan, pero regular namang nalilinis," paliwanag nito.
"Ako na po ang bahala," aniyang nagsimulang ayusin ang lamesa, mga papel at log book ang naroon. Isinalansan niya ang mga ito sa shelf na nasa bandang likuran ng kanyang upuan. Mayroong type writer at isang bundle ng bond paper sa kanyang mesa. Napangiti siya, oo nga pala, sekrtarya siya, hindi tindera.
Nang dumating ang lahat ng empleyado ay ipinakilala siya ni Mrs. Reyes sa mga ito. Mainit naman ang pag tanggap s kanya, at mukhang mababait ang mga ito.
Naging maayos naman ang kanyang unang araw sa trabaho. Napatingin siya sakabuuan ng opisina, ito na ang simula ng pagbabago ng buhay niya, nila ng kanyang pamilya sabi niya sa sarili bago tuluyang lumabas ng gusali.
Tulad ng inaasahan ay naroon ang kayang ama, matiyagang naghihintay sa kanya. Napangiti ito at kumaway nang makita siya.