webnovel

Mga Kakaibang Kuwento

Itong libro ay isang koleksyon ng mga kuwento na ipinagsama sa isang libro. Dito makababasa ka ng mga pang araw-araw na sitwasyong magiging nakatatakot, o mga nakatatakot na sitwasyong magiging pang araw-araw. Linggo-linggo may bagong kuwento.

BayaniBear · Urban
Not enough ratings
2 Chs

Kakaibang Jeep

Gabi nanaman uuwi si Fernando. Minsan talagang nagpapagabi sa paaralan si Fernando para lang makagawa ng mga takdang-aralin. Kadalasan pagkauwi niya, agad siyang inuutusan ng nanay niya na tumulong sa bahay. Kapag magpagabi siya, mas kaunti ang utos na ipapagawa sa kanya.

Ala-siyete ng gabi na umalis nang paaralan si Fernando. Ganitong oras kasi nagpapalabas ang guwardiya.

Naghintay siya ng jeep sa Makarilag Street. Mas mabilis sana siyang makakuha ng jeep kung maghintay siya sa main road ng barangay nila, ngunit hindi naman siya nagmamadali.

Habang naghihintay, nilabas ni Fernando mula sa bag niya ang kanyang selpon. Nagbasa muna siya habang naghihintay.

Malamig ang simoy ng hangin dahil malapit nang magpasko. Madilim pa ang gabi. Ang tanging liwanag lang sa Makarilag Street noong gabing iyon ay nagmula sa iisang streelight sa likod ni Fernando, at ang kanyang selpon.

Kahit madilim ang kapaligiran, hindi ganoong kalitaw ang mga bituin. Natatakpan ang langit ng mga maitim na ulap.

Nagbabasa lang ng libro si Fernando sa kanyang selpon nang napansin niya ang oras. Mahigit isang oras na pala siyang naghihintay. Tiningnan niya ang dulo ng kalye para makita kung may padating na jeep. Sa kanyang pagkadismaya, kahit motor hindi dumadaan sa kalye.

Maglalakad na dapat si Fernando papuntang main road nang napatigil siya dahil sa ingay ng makina ng paparating na jeep.

Nilagay ni Fernando ang kanyang bag sa harapan niya bago dumating ang jeep. Pagtigil ng jeep sa harapan niya, napansin niyang kakaiba ang itsura ng jeep. Una, halos buong jeep ay pininturahang itim. Ang bubong nito ay matingkad na asul. Sa loob at sa ilalim ng jeep, may asul na ilaw na nagpapakalma ng puso.

Walang nakalagay na card sa harap ng jeep kung saan ang daan nito, ngunit ayon sa dilaw na plate number, hindi ito private jeep.

Lumapit si Fernando sa may driver ng jeep. Magtatanong na dapat siya, ngunit nakita niyang umiilaw ng asul ang mata ng driver. 

"Saan kayo?" tanong ng driver.

Tatakbo na dapat si Fernando sa takot, ngunit napatigil siya sa boses ng driver. Kahit alam niyang alanganin ang sitwasyon, napapakalma siya ng boses ng driver. Nang titigan pa niya ang mata ng driver, mas kumalma lang siya lalo.

"Malapit po sa barangay hall," sagot ni Fernando.

"Sige, sakay ka na."

Sumakay naman si Fernando, para bang tulog na gising. Pagkaupo niya, umandar na ang jeep. Tumunganga lang si Fernando habang nakaupo.

Maya-maya, naramdaman niyang mausok ang hangin. Nagising si Fernando mula sa kanyang pagmamasid at sinuri ang kanyang paligid. Nakita niya sa labas ng bintana na wala na sila sa kalsada. Ang makikita lang sa labas ay isang dagat ng bituin.

Natataranta, nagtanong agad si Fernando sa driver, "Kuya, nasaan na po tayo?"

Nagulat ang driver at napalingon kay Fernando. Tinitigan niya si Fernando nang ilang saglit gamit ang kanyang asul na mata. Napangiti lang ang driver at humalakhak.

"Malapit na tayo, iho."

Tumingin muli si Fernando sa labas ng bintana. Alam ni Fernando na walang dagat ng bituin malapit sa kanila, kaya sigurado siyang hindi sila "malapit na".

"Nakagugulat iho," sabi ng driver, "hindi ko akalain na magigising ka habang nagmamaneho ako. Madalas tinutulugan mo ako tuwing hinahatid kita pauwi."

Tumaas ang isang kilay ni Fernando, "Madalas? Ngayong gabi lang ko lang po nakita ang kakaiba niyong jeep."

Humalakhak nanaman ang driver, "Sa tingin mo may dadaang jeep sa maliit na kalye tulad ng Makarilag?"

Bago makapagtanong muli si Fernando, nagsalita nanaman ang driver. "O siya, matulog ka muna. Ayaw mong makita ang dadaanan natin."

Bumusina ang driver nang malakas. Ngunit sa halip na magising lalo si Fernando, mas inantok pa siya. Bago siyang tuluyang pumikit, nakita ni Fernando na naging pula bigla ang langit sa labas. Nawala ang mga bituin, at ang pumalit ay mga mata. May mga kakaibang boses na bumubulong sa kanyang tainga bago siya nakatulog.

Nang makaramdam si Fernando ng malay, napansin niyang nakatayo siya sa harapan ng kaniyang bahay. Tiningnan niya ang kanyang selpon para makita ang orasan, at napansin niya na halos limang minuto pa lang ang nakalipas mula sa kanyang huling tingin. Hindi siya makapaniwala dahil alam niyang dapat dalawampung minuto man lang ang kailangan niya upang makauwi mula sa jeep sa main road.

May narinig siyang makina ng jeep sa likod niya, ngunit pagkalingon niya, katahimikan at kadiliman na lang ang natira sa kalye.