webnovel

Mga Kakaibang Kuwento

Itong libro ay isang koleksyon ng mga kuwento na ipinagsama sa isang libro. Dito makababasa ka ng mga pang araw-araw na sitwasyong magiging nakatatakot, o mga nakatatakot na sitwasyong magiging pang araw-araw. Linggo-linggo may bagong kuwento.

BayaniBear · Urban
Not enough ratings
2 Chs

Ginoong Duwende

Minsan, nagpapasalamat si Raffy na namana ng magulang niya ang malaki nilang bahay mula sa lolo't lola niya. Ngunit madalas, kinikilabutan si Raffy sa malamig na simoy ng hangin na pumapasok mula sa mga bintana at sa paglangitngit ng sahig sa bawat yapak ng kaniyang paa.

Matagal nang nasanay si Raffy sa laki ng bahay, ngunit hindi siya masanay sa pakiramdam ng bahay sa gabi. Alam naman niya na hindi totoo ang mga multo at lamang-lupa, ngunit minsan pakiramdam niya may mga matang nakatingin sa kaniya mula sa kadiliman ng mga pasilyo ng bahay.

Hangga't maaari hindi siya gagala-gala sa mga pasilyo tuwing gabi, ngunit minsan may mga pagkakataon na may makalilimutan siyang gamit sa isang sulok ng bahay na hindi niya maalala. At ngayon, ang hinahanap niyang gamit ay ang kaniyang selpon.

Nalaman niyang nawala ang kaniyang selpon noong patulog na siya. Nakasanayan ni Raffy na magchat sa jowa niya ng good night bago matulog, kaya nagulat siya nang wala siyang nakapang selpon sa kaniyang mesa.

Nalibot na niya ang ikalawang palapag ng kanilang bahay, ngunit hindi niya pa rin nakita ang selpon. Naglabas si Raffy ng buntong hininga dahil alam niyang kailangan niyang bumaba sa unang palapag para hanapin ang selpon.

Kapag may araw, kita mula sa ikalawang palapag ang sala dahil sa bukas at malawak na disenyo ng lumang bahay. Ngunit kapag gabi, walang makikita kundi isang hagdanang pababa sa kadiliman.

Sinubukan ni Raffy lumunok ng laway, ngunit napansin niyang tuyo ang kaniyang bibig. Binuksan niya ang ilaw sa itaas ng hagdanan at nagsimulang maglakad pababa. Buti na lang ang ilaw na 'yun ay may tig-isang switch sa baba at sa taas ng hagdanan.

Ngunit ang sala ay nakabalot pa rin sa itim. Ang switch ng ilaw sa sala ay malapit sa pintuan palabas, kaya kailangan ni Raffy na dumaan sa dilim bago niya mabuksan ang ilaw.

"Malapit lang 'yung switch." sabi ni Raffy sa sarili niya, "kaya ko 'yun takbuhin."

Naglakad siya nang mabilis sa dilim patungo sa switch. Pagdating niya, agad niya itong binuksan. Lumayas ang kadiliman nang magpakita ang liwanag mula sa malaking aranya sa taas ng sala.

Naglabas si Raffy ng isang buntong hininga dahil lumuwag ang loob niya. "Dilim nga lang naman talaga 'yan."

Ngayong kumalma na si Raffy, nagsimula na siyang maghanap sa sala. Bagaman hindi bukas ang ilaw ng mga katabing kwartong bukas ang pintuan, hindi na niya muna ito inisip. Kung mahahanap niya sa sala ang kaniyang selpon, mas mabuti.

Nakasanayan niya na tuwing naghahanap ng gamit na nawawala, tatawagan niya si Ginoong Duwende para ibalik sa kaniya. Naniniwala kasi ang mga magulang at lolo't lola niya na kapag may nawalang gamit, posibleng may duwende na humiram. Bagaman hindi naniniwala si Raffy sa mga lamang-lupa, nakasanayan na niyang magtawag dito.

Makalipas ng ilang minuto ng pagtatawag kay Ginoong Duwende at paghahanap, hindi niya pa rin makita ang selpon. Naisip na niyang maghanap sa ibang kwarto ng unang palapag.

Hinarap niya ang madilim na karugtong kwarto sa sala. Ang iisang karugtong na kwarto na walang pintuan ay ang ang hapag-kainan o ang dining room. Sa halip na pintuan, may simpleng arkong daanan.

Kinakausap na ni Raffy ang sarili niya para mabuksan niya ang ilaw ng silid na iyon nang mapansin niyang may dalwang maliit na bilog na umiilaw mula sa loob ng silid.

"Namamalikmata ba ako?" sabi ni Raffy.

Tiningnan niya ulit nang maiigi ang dalawang bilog. Kadalasan kapag tumitingin sa dilim, may mapapagkamalan kang bagay na nakatatakot. Kapag nakita mo na nang maayos o nabuksan mo na ang ilaw, malalaman mo na mali pala ang nakikita mo.

Ngunit biglang gumalaw ang dalawang bilog.

"Huh?"

Lumapit pa ang dalawang bilog. Nakita ni Raffy na para bang mga matang nakatitig sa kaniya ang dalawang bilog.

Nakatitig nga.

Bago makasigaw si Raffy, napansin na lang niya na gumalaw ang katawan niya para tumakbo paakyat ng hagdanan. Sa tuktok ng hagdanan huminga siya nang malalim.

Sa ilang segundo na iyon, napigilan ni Raffy na huminga. Hindi niya alam kung sumunod ba ang kung anumang nakita niya sa baba, ngunit nakahinga na siya.

At biglang may tumunog na mabilis na hakbang paakyat.

Tumigil ulit ang paghinga ni Raffy at tumakbo papuntang kwarto niya. Pagkapasok ng silid, agad niya itong nilock at nagtago sa ilalim ng kaniyang kama, hindi pinapansin na nakasara ang ilaw niya. Pinabayaan niyang lumabas-pasok ang hangin sa kaniyang baga, ngunit sinigurado niyang hindi ito maririnig.

Tinitigan lang ni Raffy ang ilaw mula sa labas ng pintuan niya. Dahil nagmadali siyang umakyat at magtago, hindi na niya nasara ang mga ilaw sa labas. Pero dahil dito, malalaman niya kung sumunod sa kaniya batay sa anino.

Sa tagal ng paghintay niya, nagsimula na siyang magbilang ng hininga. Bawat isa ay malalim, mabagal, at tahimik.

Isa. Wala pa rin.

Dalawa. Wala pa rin.

Tatlo. Wala pa rin.

Apat. Wala pa rin.

Lima. Wala pa rin.

Pito. Wala pa rin.

Walo. Wala pa rin.

Siyam. Wala pa rin…

Sampu…

Biglang napabilis ang hinga ni Raffy at tinaas ang ulo mula sa sahig. Nauntog siya nang malakas sa ilalim ng kama niya at binaba ulit ang ulo sa sakit.

Tiningnan niya muli ang pintuan, ngunit napansin niya na maliwanag na ang kwarto niya. Gumapang si Raffy palabas mula sa ilalim ng kama, ramdam ang sakit ng katawan. Umaga na pala, hindi niya namalayan.

Ininat ni Raffy ang kaniyang leeg bago bago kunin ang kaniyang selpon mula sa mesa para tingnan ang oras.

"Magtatanghali na? Tagal ko palang nakatulog 'don."

Kinamot niya ang ulo niya bago nanlaki ang kaniyang mata sa pagtanto na nahanap niya ang selpon niya.

"Nandito ka lang pala?!" sabi ni Raffy sa kaniyang selpon.

Napangiti si Raffy nang bulsahin niya ang kaniyang selpon, "Hay, salamat nakita ko rin."

Pagkabulsa ni Raffy, may nakapa siyang papel. Binunot niya ito at tiningnan. Mukhang isang lukot na sticky note na may magulong sulat:

"Huwag mo na iiwan kung saan-saan ang cellphone mo"

Dati nilagay ko sa deskripsyon na araw-araw ako maglalabas ng bagong kwento, ngunit hindi ko kinaya iyon pagkatapos ng unang araw haha. Ngayon susubukan kong linggo-linggo. Maraming salamat sa mga nagdagdag ng libro na ito sa inyong library! Nakakatuwa na may mga nagbabasa nito kahit ilang buwan hindi ako nagpopost. I-tutuloy ko pa ang pagsulat ng mga kwento!

BayaniBearcreators' thoughts