Chapter 6
YUKONG-YUKO SI Oddyseus habang nasa loob sila ng cafeteria kasama sina Olcea at Adeva. Halos lahat ng estudyante ay nakatingin sa kanilang pwesto. Parang piniprito ang kaniyang pwet. Kanina pa niya gustong tumayo at tumakbo ngunit hindi niya magawa.
Kasama niya si Olcea ang babaeng pinakamamahal niya. Hindi niya alam kung paano siya napasama sa dalawa basta ang natatandaan na lamang niya ay hinila siya kanina sa hallway ni Olcea, saka dinala rito sa loob ng cafeteria. Kung saan pinagsisisihan niyang sumama.
Kumakain ang dalawa ng spaghetti. Samantalang siya hindi manlang ginagalaw ang pagkain sa kaniyang plato.
"Oo nga pala, Oddy. Wala ka naman talagang lahing aswang 'di ba?" biglang untag sa kaniya ni Adeva dahilan upang mawala ang malalim niyang pag-iisip.
Bago pa man siya makasagot naunahan na siya ni Olcea. "Ano ka ba naman, insan. Maniniwala ka rin ba sa mga tsismis ng kababayan natin? At mapapaniwala sa mga kwento-kwento nila?"
Napangiti siya ng walang dahilan dahil sa sinabi ni Olcea. Bumaling ito sa kaniya saka rin siya nginitian.
"Oddy, basta kahit na anong mangyari. Hinding hindi ako maniniwala sa sinasabi nila. Naku kung nakikita lang nila iyang kabutihan ng puso mo. Hindi ko lang alam, baka hindi na sila maniniwala sa tsismis."
Nahihiya siyang napakamot sa kaniyang batok. "Salamat Olcea, hindi ko alam kung ano ang masasabi ko sa inyong dalawa ni Adeva."
Bigla na lamang siyang nagitla nang hawakan ni Olcea ang kaniyang kamay. Maging si Adeva ay napapalunok ng sariling laway dahil sa nandidiring nararamdaman.
"Wala iyon, Oddy. Basta ikaw. Simula sa araw ngayon, kaibigan ka na namin ni Adeva, 'di ba insan?"
Napatango naman si Adeva kahit walang kasiguraduhan...napangiti si Olcea at ganoon rin siya.
Wala na siguro siyang mahihiling pa sa araw na 'to. Mukhang tinupad na ng Diyos ang panalangin niya. Mas lalo niya tuloy nagugustuhan si Olcea dahil sa angking kabaitan nito.
Hindi lang ito maganda kundi napakabait pa. May busilak na puso. "Always in love with a soul, not with a face."
Doon na silang dalawa ni Adeva napa-ubo. Anong ibig sabihin ni Olcea sa sinabi nito? In love? Sa kaniya ba?
"Iyon ang sabi sa akin ni Ina noong buhay pa siya," dugtong nito.
Napatango na lamang siya. Akala na niya talaga may gusto sa kaniya si Olcea. Iyon pala nasabi lang nito iyon dahil sinabi rin ng Ina nito.
Nagkatitigan sila ni Adeva saka sila napakibit balikat na dalawa.
"Kaya mali talaga ang mga taong nanlalait sa 'yo, Oddy. Hindi nila alam kung ano nararamdaman mo sa t'wing nilalait ka nila. Kung pwede lang talaga sila panghahampasin eh, matagal ko nang ginawa."
Kitang-kita ang inis sa mga mata nito. Hindi niya alam pero biglang sumikdo ang saya sa kaniyang dibdib. Ewan niya lang pero ang saya-saya niya sa mga oras na 'to. Makita lang na ganoon ka concern sa kaniya si Olcea parang nakalutang na siya sa ulap.
Kinikilig siya. Kinikilig ang isang kubang tulad niya. Pero wala siyang karapatang kiligin. Dahil kahit na kailan hindi siya magugustuhan ni Olcea, hanggang kaibigan lang ang turing nito sa kaniya.
Hanggang awa lang ang nararamdaman nito sa kaniya. Iyon lang at kahit na kailan hindi na iyon lalagpas pa roon. Hinding-hindi iyon magiging isang pagmamahal.
Siguro habang buhay na nga siyang magiging kuba at kulubot ang balat. Walang babaeng magmamahal sa kaniya at makakaligtas sa kaniya mula sa sumpa ng diwata.
"HAWAKAN NIYO ng mahigpit! Siguraduhin niyong hindi makakapalag kahit na anong gawing pangpupumiglas!"
Buong pwersa siyang kumakawala sa mga kalalakihang inutusan ni Connor na hawakan siya sa kaniyang mga kamay at inidipa siya sa harapan nito.
Nanlilisik ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya ng masama. Apat na lalaking malalaki ang hawak-hawak siya kaya't wala na siyang laban pang kumawala mula sa mga ito.
Hahayaan na lamang niya kung ano ang masamang mangyagari sa kaniya ngayon. Kung bubugbugin ulit siya ng mga ito. Handa niyang tiisin at tanggalin. Handa narin at sanay narin ang katawan niya doon.
Agad siyang hinawakan ni Connor sa kwelyo ng kaniyang uniporme na suot. Pagkatapos no'n pinanlisikan ulit siya ng mga mata. Nagtatagis ang panga nito at nanggigil ang mga ngipin habang nakatitig sa kaniya.
Naglalakad siya kanina pauwi sa isang eskeneta na ito, nang bigla na lamang siyang harangan ng mga utusan ni Connor.
"Layuan mo si Olcea! Naiintindihan mo ba, Kuba? Layuan mo ang babaeng mahal ko, dahil kahit na anong gawin mo hinding-hindi ka niya magugustuhan. Hindi kayo bagay sa isa't isa. Isa siyang napakagandang bulaklak, samantalang ikaw mukhang hinukay mula sa lupa. Kaya sana maintindihan at malaman mo kung saan ka dapat lumugar. Dahil ako ang bagay sa kaniya. Ako ang bagay kay Olcea, naiintindihan mo?"
Nanginginig siyang tumango. Mukha yata siyang tinakasan ng dugo dahil sa mga nanlilisik na mata ni Connor at sa laway nitong tumatalsik sa kaniyang pisngi.
"Madali ka rin palang kausap, simula bukas at sa araw na `to. Huwag na huwag ka nang makipag-kita pa kay Olcea...naiintindihan mo? Huwag na huwag ka na ring lalapit sa kaniya...kung ayaw mong mabugbog at masaktan."
Umubo-ubo siya habang tumatango. Ang higpit ng pagkakasakal sa kaniya ni Connor at mukhang kahit na ano mang oras ikakamatay niya ang pagsakal nito.
"Mabuti, ayaw ko nang makita pa iyang pagmumukha mo Kuba, kasama si Olcea. Kung hindi," binitawan siya nito sabay aksyon nito na gigilitin siya sa leeg.
Kakabahan na sana siya dahil sa banta nito pero natawa siya ng palihim nang makita niya kung paano nadulas ang sapatos nito.
Kung papalayuin nito si Olcea, okay na rin. Kesa mapahamak pa ang babaeng mahal niya at maging siya.