Pinanatili ko ang aking titig sa kaniyang mga mata. Mga matang naging dahilan ng pagkahulog ng aking damdamin. Mga matang nagturo sa akin ng pag-ibig sa murang edad. Mga matang nagbibigay sa akin ng pag-asa, pag-asang may aasahan akong sukli mula sa aking pagmamahal.
Unti-unting sumilay ang kaniyang ngiti sa kaniyang labi. Ang ngiting ito ay gumapang patungo sa kaniyang mga mata, dahilan ng pagkakabalisa ng aking puso. Rinig na rinig ko ang tibok sa aking dibdib at nangangamba na baka umabot sa kaniyang pandinig. Hinawakan niya ang aking kamay sa malumanay na paraan na nagbigay ng libo-libong boltahe sa aking sariling kamay patungo sa iba't ibang parte ng aking katawan. Ang mga pawis ko'y unti-unting namumuo sa aking balat at ang magulong pakiramdam ko'y biglang lumitaw muli. Nakakakaba din ang pagpapawis ng aking palad na kasalukuyang hawak niya, medyo nakaramdam ako ng hiya doon.
Itinaas niya ang aking kamay at hinawakan ang bewang ko gamit ang isa pang kamay. Doon ay unti-unti kaming umindayog at sumabay sa musika. Isa ang pagsasayaw sa mga ayaw ko. Hindi lang dahil sa nahihiya ako kundi dahil napakatigas din ng katawan ko. Ngunit totoo palang kapag gusto mo talaga ay wala ka ng ibang iisipin kundi 'yung bagay na iyon. Sinimulan namin ang mga hakbang na aming inensayo nitong mga nakaraang araw. Natatakot ako dahil baka magkamali ako at mapahiya sa kapareha ko. Ayokong makita niya ang mga kapalpakan ko. Gusto ko mga tagumpay ko lamang ang nasisilayan niya dahil pakiramdam ko na kapag nagkamali ako, magiging kamuhi-muhi na ako sa kaniya.
"You're getting better on it huh" sabi nito na nagpainit ng aking kapaligiran.
Natapos ang musika at ang mga estudyante ay tumigil na sa pag-indak. Hinatid niya ako sa aking upuan at hindi ko na naman makontrol ang mga bagay na umiikot-ikot sa loob ng aking tiyan. Dahil sa paghatid niyang iyon, 'di ko mapigilang paganahin ang aking imahinasyon. Pumapasok sa aking pansariling kaisipan ang mga pangyayari kung sakaling nobyo ko ang lalaking ito. Mararamdaman ko ang kaniyang kamay na unti-unting humihigpit sa aking kamay at sabay kaming tatahak at babagtasin ang daan patungo sa aming tahanan. Habang naglalakad ay 'di nahihinto ang tawanan. Nasasaisip ko lamang ang pakiramdam ng 'ako ang mahal niya at siya ay nakatalaga sa akin'. Sa simpleng pag-iisip 'nun, hindi ko mapigilang dagdagan ang aking pag-asa.
Ngumiti muli siya sa akin na agad ko namang sinuklian ng aking napakatamis na ngiti. Walang pasabing umalis siya sa aking harapan. Pinagmasdan ko ang kaniyang likuran, napakakisig niya 'di hamak na't nahulog ako sa kaniya. Lumapit siya sa babaeng may angking kagandahan. Gwapo siya at ang babaeng ito ay maganda na nagpabagay sa kanilang relasyon. Parang may kumurot sa aking puso at umusbong ang matinding selos pero agad ko itong pinigilan. Sa loob ng sampung taon na pagkakagusto ko sa kaniya, ni kailanman ay 'di ako nagpahalata sa kaniya. Palagi kong pinipilit ang aking sarili na umakto ng normal sa harapan niya kahit pa ang puso ko'y naghuhurumintado sa tuwing kausap siya. Minsan ay nahihiya ako sapagkat hindi ko mapigilang kabahan kapag malapit siya, dahil doon kusa na akong lumalayo. Sa totoo lang, ayoko ng pakiramdam na ito dahil nagbibigay lamang ito ng kalituhan sa aking utak.
"Meng, nakapagpaalam ka na ba?" Tanong ni Ashley. Lumingon ako sa kaniya at nasilayan ang kaniyang malakoreanang hitsura. Purong pilipina si Ashley ngunit dahil sa pagkakabighani sa mga sikat na koreano/koreana ngayon 'di mapagkakailang dumalatay na sa kaniyang kilos at pananamit ang kultura ng mga taga-korea.
"Syempre naman hahaha. Sigurado naman akong papayagan ni Mama at malapit lang naman"sagot ko.
Plano naming magpalipas ng gabi sa bahay nina Linea. Ito na kasi ang huling araw na pagsasama namin sa iisang paaralan. Kasalukuyan naming idinaraos ang grad ball matapos ganapin kanina ang aming graduation. Lima kaming magkakaibigan na kataka-taka dahil nagkamabutihan kami sa isa't isa gayong iba iba naman ang interes sa buhay. Madami akong kaibigan, kung tutuusin lahat ng kaklase namin ay napagkakalagayang loob ko. Dahil sa maagang pagmulat ng aking mga mata sa mga kaalaman, lumaki ako sa sitwasyong itinuturing bilang matalino. Simula elementarya ay nakakakuha ako ng pinakamataas na marka na naging dahilan ng paglapit sa akin ng mga kamag-aral ko.
"Magluluto tayo ng talong. Pupunta dito si Papa mamaya gawa ng aking pamalit at ichinat ko na si Ate na pagdala rin ako ng talong." Dagdag ko.
Tuwing maglalaan kami ng oras para sa isa't isa, palaging tagpuan namin ang bahay nina Linea. Palagi rin akong nagdadala ng talong para bawas gastos sa pagkain. Ang ama ko ay magtatalong. Siya ay nasa ilalim ng pamamahala ni Lolo Victor. Dahil sa mabait naman ang boss nila at same vibes din, naging maluwag ang aking pakiramdam dito. Iyong huli kasi, ang boss ng papa ko ay mata-pobre na naging sanhi ng pag-aaway sa pagitan nina papa at ng dati nitong boss.
"Tortang talong? Bukas! Almusal natin!" Magiliw na sabi naman ni Elena,isa sa mga kaibigan ko. Sumimsim ako sa baso ng juice na nasa harap ko nang maramdaman ko ang ibang init sa aking lalamunan. Agad kong nailayo ang baso sa aking labi at kunot-noong tumingin dito.
"Anong klaseng inumin ito?" Tanong ko at sumulyap sa kanila. Lalong kumunot ang noo ko ng humagalpak sila ng tawa.
"Nakatikim ka na rin ng alak sa wakas! Hahaha! Masyado mo kasing kinamumuhian ang alak kaya 'yan! Masarap naman di ba?!" Tugon naman ni Dia.
Inis kong binaba ang basong iyon sa kaharap na lamesa at walang pasabing naglakad sa buffet table. Lumapit ako sa table ng mga inumin upang kumuha ng tubig dahil 'di ko talaga gusto ang lasa ng inuming iyon. Mapait iyon na kumakalat sa buong bunganga ko at dumidikit sa panlasa ko. Kumuha ako ng baso doon at pinuno iyon ng malinis na tubig. Sa pagtalikod ko sa lalagyan ng mga inumin ay napapikit ako ng mariin. Nabuhay ang aking bilis at agad na nailayo ang baso ng tubig sa aking katawan upang maiwasan ang pagtapon nito sa aking suot. Ngunit ang kilos na iyon ay isa palang pagkakamali, dahil ang tubig na akin sanang pampawi sa alak na namutawi sa aking bibig hanggang lalamunan ay tuluyan ng lumabas sa aking baso patungo sa damit ng babaeng aking nakabunggo. Sinalubong ng aking nanlalaking mga mata ang mga kaniyang mga matang makikitaan ng gulat na unti-unting nababahiran ng galit.
"The hell are you!!!"
Busangot ang kaniyang mukhang lumingon sa kaniyang basang damit, hindi alam kung hahawakan ba ito o susugod na lang sa akin. Hindi ko rin alam ang gagawin ko, para akong naestatwa sa aking kinatatayuan. Iniisip ko na kapag pinunasan ko iyon ay lalo lang siyang magagalit. Hindi rin ako makapagsalita dahil wala akong makapang magandang salita na makakapagpalubag sa kaniyang galit.
"What happened?!" Sabi ng isang lalaki sa baritonong boses at agad na dumalo sa babaeng natapunan ko ng tubig.
"T-tubig lang na-naman iyon. U-uhm hindi naman s-siya m-malagkit" Pagsasatinig ko dahil lalo akong kinabahan sa lalaking nasa harapan ko. Siya 'yung kapareha ko at ang babaeng ito ang kaniyang nobya.
"But still, nabasa pa din ang damit ko!!" Nanggagalaiting tugon nito. Mabuti na lang at may taong nakaharang sa amin dahil kung wala ay baka nadambahan na ako.
Hindi sa paaralang ito pumapasok ang babaeng ito at bawal ang outsider. Pero dahil presidente ng SSG ang nobyo, maging sa classroom namin isama mo pang pabor ang lahat sa relasyon nila ay nakapuslit ito.
"S-sorry, 'di ko alam na nasa likod pala kita" agaran kong sabi.
"It was an accident, Ellish"pagpapalubag loob ni Enzo sa girlfriend nito.
"I know, Babe. Pero kasi itong damit ko!" Naiiyak na tugon nito.
"Change it, then"
"Ayoko! This is my favorite dress, Babe. Sinuot ko pa ito para sayo eh" si Ellish.
Hindi ko na narinig pa ang kanilang pag-uusap dahil malayo na ang distansiyang kanilang tinatahak. Napabuntong-hininga ako. Nilagay ko na lamang ang baso ulit sa may tubigan at bumalik na sa aming table. Nadatnan ko ang mga kaibigan ko na nagtatawanan, walang alam sa nangyari sa akin dahil 'di naman umabot sa eskandalo ang pangyayari kanina. Kami lang tatlo siguro ang nakakaalam.
"Oo at 'nung bumili ng isang garapon ng stick-o si Luiza at iniwan ang garapon sa tabi ng bintana, 'di pa natatapos ang araw ay puno na ng basura hahah" Si Akiro, bukod sa aming lima, siya ang pinakaclose ko na lalaki.
"'Yung durabox ni Ma'am!! Hahaha! Makikita mo 'yung mga bond paper at papel dun, may nakapangalan na 'Ashley De Fuentes'" sambit ni Linea sa pagitan ng kaniyang pagtawa.
May naging teacher kasi kami, mabait naman kaso walang pakealam sa amin kaya nagagawa namin ang lahat ng gusto namin sa loob ng silid-aralan. Yung durabox na tinutukoy ni Linea ay yung durabox ng teacher naming iyon. At dahil si Ashley ay tamad magbitbit ng gamit pauwi, at wala kaming locker ay doon niya ito tinatambak, akala mo nama'y kaniyang pag-aari.
Lumingon sila sa akin ng bigla akong lumitaw doon at pabagsak na umupo sa aking upuan. Maya-maya pa'y tumawa na naman si Dia at tinuturo ako.
"Hahaha! May naalala na naman ako! Hahaha! 'Yung janitor ni Mentice!! Grabe ang tawa ko dun! Bwahahahah!" Sambit nito na nagpalakas lalo ng tawanan sa aming lamesa pero nagpapantig sa tenga ko. Bumusangot ako sa kanila upang iparating na hindi ako natutuwa sa pang-aasar nila.
Noong Grade 11 kasi kami, inatasan akong mag-uulat sa aming grupo. 'Nung araw ding iyon ay may observer na galing sa ibang school. Sa panimula ng aking ulat ay nagpasya akong bumati sa kanila. Nakangiti ko pang binati ang aming guro sa asignaturang iyon pati ang aming mga kaklase. Ngunit hindi ko alam dahil imbis na ang sabihin ko ay 'Good Morning to our visitor' ay naging 'good morning to our janitor'. Gustong gusto kong maglaho nung araw na iyon. Hindi ko na din alam kung maayos pa rin ba ang pagdaloy ng aking ulat dahil sa mga oras na iyon ay kahihiyan ang nangingibabaw sa aking damdamin.
"Wala ako sa sarili 'nun. Ni hindi ko nga alam kung ba't janitor ang nabanggit ko" pagdadahilan ko dahil iyon naman ang totoo. Siguro lutang ako ng mga oras na iyon. Tinawanan lamang nila ang sinabi ko. Ngumuso ako at kumuha na lamang ng platito tsaka naghiwa ng cake na nakahain sa table namin.
"Aki, sama ka? Mag- oovernight kami kina Linea." Walang gana kong sambit.
"Oo nga pala! Magpaalam ka na sa Mommy mo!" Si Elena.
"Hahaa oo na! 'Wag niyo lang akong gapangin!" Tugon nito na nagpabusangot sa mukha naming lima.
"Hindi ka talaga namin gagapangin dahil sa labas ka matutulog!" Nandidiring sambit ni Ashley.
Natapos ang event na iyon ng walang kagana-gana. 'Yung kapareha ko lang naman ang dinayo ko dito. Ang swerte ko pa nga at siya pa ang nakapareha ko.
"Tuloy ba ang overnight niyo?" Napatingin ako sa lalaking nagsalita at doon ay nasalubong ko ang seryoso niyang mga mata. Napatingin pa ako sa aking mga kasama na nakasulyap rin sa lalaki at binalik ang paningin sa kaniya.
"H-ha? Ahh oo! N-nagpaalam na rin a-ako." Kinakabahang sambit ko at doon ay nag-iwas ako ng tingin. Sa tagal na naming magkakilala ay hindi ko pa nagagawang makatagal sa kaniyang mga mata. Iyong mga mata kasing iyon ang tumutulak sa akin pababa upang mahulog ng tuluyan sa kaniya at ayoko sa ideyang iyon.
"Text me tomorrow kapag pauwi ka na, ako na ang magsusundo sa'yo" sabi nito at muling lumapit sa nobya upang alalayan ito paalis. Hindi rin nakatakas ang matalim na tingin ng babaeng iyon na ipinukol niya sa akin bago sila mawala sa aking paningin.
Ang mama ko at ina ni Enzo ay matalik na magkaibigan, na nagiging dahilan rin ng pagkakaroon ko ng pagkakataon na masulyapan siya tuwing pumupunta kami sa kanilang tahanan. Malapit lamang ang bahay namin sa bahay nila at ang tirahan namin ay isang sitio. Kilala ito bilang Sitio Cutta na kung saan ito ay napapalibutan ng ilog. Para makapunta ka sa Sitio namin ay kinakailangan mo pang dumaan sa hanging bridge. Ang Sitiong ito ay tagong lugar ngunit dahil parami na ng parami ang kabahayan dito ay hindi naman ganung nakakatakot.
"Mentice 'yung cellphone mo naiwan mo!" Si Linea habang tinuturo ang bagay na nasa lamesa. Agad akong nagtungo doon at kinuha ang cellphone.
"Tara na!" Pag-aanyaya ko.
@Aquawrites26
Don't forget to vote and comment:)