"¿Cómo estuvo hijo, Juliana?" malungkot na ngumiti ang ginang sa kaniyang asawa.
"Sa tingin ko ay maayos na ang sugat sa kaniyang ulo, ang sabi ng doktor ay kailangan na lamang ng maayos na pahinga."
Dalawang buwan na ang nakalipas mula ng maaksidente sa kaniyang kabayo si Lucas. At isang linggo na mula ng ito ay nagising. Hindi pa rin nila ito makausap. Nakatulala lamang at hindi nagsasalita.
"Ako na ang maghahatid ng pagkain kay Lucas nanang Pasing." aniya sa matanda ng makitang naghahatid na ito ng pagkain sa kaniyang anak.
Agad namang iniabot ng matanda ang dala nito sa ginang. Marahan itong umakyat sa hagdanan sa ikalawang palapag alam nito ang dahilan ng kalungkutan ng anak. Maging ito ay nagdadalamhati sa nararamdaman nito kung maaari lamang na akuin nito ang sakit na iyon upang bumalik na ang anak sa dati.
Marahang binuksan ng ginang ang ikatlong pinto sa ikalawang palapag ng malaking bahay. Nakita niya ang marahas na paglingon ng kaniyang anak sa pintong binuksan niya.
May pagkasabik sa mga mata nito subalit agad iyong naglaho at muling tumitig sa labas ng bintana.
"Hijo ve y come, dejaré tu comida aquí." Kumain ka na anak, iiwan ko na lamang ito dito. Ang nakangiting wika ng ginang sa tahimik na anak. Bahagya lamang itong tumango.
Ilang minuto na ang lumipas bago hinarap ni Lucas ang pagkaing dinala ng kaniyang ina. Marahan siyang umupo mula sa pagkakahiga. Kakainom lamang niya ng medesinang dinala ng doktor kanina.
Hindi na kumikirot ang kaniyang ulo subalit hindi pa rin siya hinahayaang lumabas sa kaniyang silid ng doktor. Nilalamon siya ng matinding kalungkutan at pakiramdam niya ay lumiliit ng lumiliit ang kaniyang mundo habang nagtatagal siya sa loob ng apat na sulok ng kaniyang silid.
Tanging ang sinag ng araw sa umaga at liwanag ng buwan sa gabi ang tanglaw niya sa madilim niyang mundo. Bawat araw na lumilipas ay tila parusa kay Lucas, gusto na niyang lumabas at hanapin ang kaniyang kasintahan. Kahit hindi man niya alam kung papaano at saan siya magsisimula.
Malapit ng dumilim ng pinili niyang tumayo, bahagya siyang nahilo at napakapit sa dingding. Napahawak siya sa ulo ng maramdaman ang pagkirot noon. Nang hindi na niya nararamdaman ang kirot ay humakbang na siya ng marahan palabas ng kaniyang silid.
Wala siyang nakitang tao sa unang palapag ng kanilang bahay, nakaramdam siya ng kaginhawahan ng tuluyan siyang makalabas. Sa malalaking hakbang ay nagtungo siya sa lugar kung saan makakahinga siya ng maluwag.
Ang lugar kung saan maari niyang naramdaman ang presensiya ng taong sa tingin niya ay hindi na niya muli pang makikita.
Mas lalong bumilis ang kaniyang mga hakbang, matigas at nagngangalit ang kaniyang bagang, mahigpit na nakakuyom ang kaniyang kamao at parang nauubusan siya ng hangin sa dibdib habang papalapit siya ng papalapit sa burol.
Kakaibang kaba ang nararamdaman niya at sinasakal siya ng matinding antisipasyon. Malayo pa ay nalalanghap na niya ang mahahalimuyak na bango ng mga ligaw na bulaklak, nagliliwanag ang tuktok ng burol dahil sa daan-daang mga alitaptap.
Tinatawag siya at inaakit ng hiwaga noon at para bang may naghihintay sa pagdating niya. Hinawi niya ang mga baging nakaharang ng makalapit at agad bumungad sa kaniya ang tahimik at payapang burol.
Agad na naghanap ang kaniyang mga mata, sa mabagal na hakbang ay nagtungo siya sa gitna, napapalibutan siya ng makukulay na paro-parong nagliliwanag dahil sa mga alitaptap.
Muli siyang nagpalinga-linga, at huminto iyon sa nagliliwanag na batis. Binalot siya na matinding kalungkutan at parang sinasakal siya ng nakaliliyong sakit. Nagmukhang walang buhay ang paligid sa kabila ng kagandahan noon. Nawala ang dating kasiyahang hinahatid sa kaniya ng mahiwaga at tahimik na burol. Tila sumama ito sa paglaho ng dalaga sa kaniyang buhay.
"Lucas!" una niyang naramdaman ang pagdaloy ng dugo sa kaniyang ugat at ang unti-unting pagtibok ng kaniyang puso, palakas ng palakas at pabilis ng pabilis.
Pinigil niya ang mabilis na paghinga at marahang nilingon ang may-ari ng tinig ng babaeng tumawag sa kaniya. Subalit muli na naman siyang nabigo ng masilayan kung sino iyon.
Parang bulang naglahong muli ang buhay sa kaniyang mga mata at tinapunan ng mapanglaw na ngiti ang dalaga dunating.
"Mariya..."
Marahang lumapit sa ito sa kaniya at tila nag-aalangan. May nabasa siyang pag-aalala sa malungkot rin nitong mga mata.
"H-hinahanap ka ng iyong ina, nag-aalala silang lahat sa iyo. Nabanggit sa akin ng inyong katiwala ang lugar na ito. Kung kaya't napagtanto kung dito kita maaaring makita."
Nakatungo ito, hindi magawang tumingin sa kaniyang mga mata. Ngayong alam na niya ang ginawa ng ama nito ay tila naging malayo ang loob niya sa kababata. Higit sa lahat ay ito ang pinagkakatiwalaan niya, subalit pinagtakpan nito ang ginawa ng Gobernadorcillo.
Subalit hindi naman niya magawang tuluyang magalit dito. Hindi niya itinuloy ang kasal, alam niyang nasaktan niya ang kababata subalit alam rin niyang naiintindihan siya nito. Katulad ng pag-iintindi niya sa ginawa nitong pagtatakip sa kasalanan ng ama.
"Uuwi na rin ako. Hindi ka na dapat na nagpunta dito delikado ang daan."
"Matagal na tayong magkakilala, simula pagkabata subalit ito ang unang beses na nakita ko ang lugar na ito." narinig niya ang paghihinampo sa mahinang tinig nito. Parang pilit na itinatago ang pagdaramdam.
Hindi siya nakaimik, muli niyang ibinalik ang titig sa maliwanag na lawa. Nakikita niya ang nagliliwanag na mga isda sa ilalim niyon. Isang nakakamanghang bagay na nilikha ng diyos.
Nakakabingi ang katahimikan sa paligid at parang walang gustong bumasag noon. Alam niyang pinakikiramdaman siya ng dalaga. Ang presensya nito ay naghahatid rin ng pagkabalisa niya. Hindi siya komportableng naroon ito sa lugar na para lamang sa kanila ni Lyra.
"May hinihintay ka ba?" tanong nito na hindi nakatingin sa kaniya.
Nanatiling nakaikom ang kaniyang bibig at lumamig ang kanina ay mapanglaw niyang mata.
"Hindi na siya babalik Lucas, kailangan mong tanggapin iyon. Una pa lamang ay napagtanto ko ng hindi siya nababagay sa lugar natin." hindi ito nakatingin sa kaniya kaya't hindi nito nakita ang pagtigas ng kaniyang panga at pagtalim ng kaniyang mata.
"At saan siya nababagay kung ganoon?" malamig niyang tanong, nais kumawala ng inis sa kaniyang tinig subalit pinigilan niya ang sarili.
Nanatili itong nakatingin sa lawang kanina ay pinagmamasdan niya.
"Sa malawak na mundo, hindi sa maliit at masalimuot na mundong ito. At alam mo ang sinasabi ko Lucas, alam mong hindi talaga siya magtatagal sa iyong mundo. Kalimutan mo na siya, natitiyak kong nakalimutan ka na rin niya. Siya ang uri ng babaeng makakahanap ng kaligayahan saan man ito magpunta, matapang at kayang lumaban sa sakit at pangungulila, hindi siya katulad mo Lucas..."
Parang tinadyakan ng kabayo ang kaniyang dibdib. At muntik na siyang mapaungol sa sakit dahil sa mga salitang binitiwan nito at nalulubog siya sa kumunoy ng kabiguan, unti-unti siyang hinihila pailalim sa kawalan, hindi siya makahinga.
Kinuyom niya ang nanginginig na palad. Binabalot siya ng matinding galit at nais niyang manakit, pinikit niya ng mariin ang mga mata at humugot ng malalalim na hininga.
"Walang kang alam, hindi mo siya kilala!" singasing niya, nararamdaman niya ang tila apoy na galit na tinutupok siya. Nagulat at napaatras ito, tila hindi inaasahan ang galit na nakikita sa kaniyang mga mata.
Ito ang unang pagkakataon na nasigawan niya ito, subalit wala siyang nararamdamang pagsisisi. Walang sinoman ang may karapatang magsabi na hindi nababagay sa kaniyang mundo ang pinakamamahal niyang kasintahan. Sa kaniya lamang si Lyra, walang lugar sa mundo na higit na babagayan ng dalaga kung hindi ang lugar sa kaniyang tabi.
Nabasa niya ang takot sa muka ng kababata. Subalit napalitan iyon ng poot at tumalim ang naluluhang mata.
"Alam mo ang sinasabi ko... Nagawa mo namang kalimutan ang kapatid ko, sana ay magawa mo ring makalimutan si binibining Kallyra, alam mong hindi na siya babalik. Nakita ko sa mga mata niya noong siya ay umalis. Alam kong hindi na siya babalik."
Sa kabila ng galit nito ay nababasa niya ang kalungkutan sa maganda nitong mga mata. Marahas siyang umiwas ng tingin, hindi niya gusto ang awang nakikita sa muka ng kaharap. Sa unang pagkakataon ay nais niyang magwala at manakit.
Pilit niyang pinakalma ang sarili hindi niya nais na masaktan ang kababata. Ipinagpasalamat niya na hindi na ito muling nagsalita pa subalit nakikita niya sa gilid ng mga mata nito ang tahimik na pag-iyak.
Marahas siyang humugot ng hangin at kinabig niya ito, magaang niyakap ang nanginginig na dalaga, pinayapa niya ang galit sa kaniyang dibdib. Lalong naiyak ang dalaga at mahigpit na yumakap sa kaniya, umaalog ang balikat nito at nararamdaman niya ang pagkabasa ng kaniyang baro sa tapat ng kaniyang dibdib dahil sa mga luha nito.
"Ipagpatawad mo ang pagtaas ng aking boses Mariya... Alam mong hindi ako sa iyo nagagalit. Kailanman ay hindi ko magagawang magalit sa iyo."
Tumingala ang luhaan nitong muka sa kaniya at pilit na hinagilap ang kaniyang mga mata, marahang kinulong ng malalambot nitong mga palad ang kaniyang magaspang na pisngi dahil sa papatubong balbas.
"Alam mong hindi ko lang nais na makita kang nasasaktan... " ang mahina nitong wika sa pagitan ng paghikbi. Marahan siyang tumango. Alam niya iyon.
Pumikit ang mga mata nito at para siyang tinulos sa kintatayuan ng maramdaman ang malambot nitong mga labi sa kaniyang labi. Hindi niya magawang ilayo ang muka sa labis na pagkabigla. Kumabog ang kaniyang dibdib at kakaibang kaba ang kaniyang naramdaman, ito na mismo ang naghiwalay sa mga labi nila matapos ang ilang sandali, may kislap sa mga mata nito subalit siya ay nanatiling natutulala.
*****
"Sinabi ko na sa iyong hindi mo magagawang umakyat diyan." ang natatawang wika ni Lucas sa nakasimangot na dalaga.
"Iyon ay dahil sa aking kasootan, hindi mo dapat minamaliit ang kakayahan ng isang maganda at maparaang binibining katulad ko." nakataas pa ang dalawang balikat nito at tila nagyayabang sa kaniya.
Malakas na natawa ang binata. Lumapit siya dito at ginulo ang nakapusod nitong itim na buhok. Asar na iniwas naman nito ang ulo nito sa kamay niya. Humaba ang mapusyaw na nguso na ikinangiti niya ng malapad.
"Aray ko Lucas!" inis na reklamo nito ng pisilin niya ang mabilog nitong pisngi.
"Para ka pa ring bata... " natatawang turan niya.
"Mas malakas naman ako sayo, baka nakakalimutan mong ako palagi ang tagapagtanggol mo noong mga bata pa tayo!" binelatan pa siya nito.
"Hindi na ngayon dahil... " mayron ng ibang nagtatanggol sa aking mas malakas sayo. Nahinto siya sa balak sabihin. "Dahil ako na ngayon ang tagapagtanggol mo." seryoso niyang turan.
Namula ang kayumanggi nitong balat at malawak ang ngiting nakatitig sa seryoso niyang mga mata.
"Totoo ang sinabi mo, napakasuwerte ko at kasama kita ngayon Lucas, ikaw ang pinakamahalagang tao sa buhay ko..." madamdaming turan nito. Ngumiti siya ng tipid at marahang hinaplos ang pisngi nito.
"Mahalaga ka rin sa buhay ko Mariya, palagi mong tatandaan yan." aniya.
"Gaano kahalaga...?" nangingislap ang mga mata nitong nakatunghay sa kaniya.
"Katulad ni ama at ina." lalong lumawak ang ngiti nito at halatang nasiyan sa isinagot niya.
"Umuwi ka na.., may kailangan pa akong asikasuhin sa bahay-kalakalan." aniya at marahang ibinaba ang palad pagkatapos ay isinuksok sa bulsa ng suot niyang pang-ibaba.
Tumalikod na siya at naglakad palayo sa munting gubat na iyon. Narinig niya ang yabag ng mga paa nitong nakasunod sa kaniya.
"Sasamahan na lamang kita." nasa tabi na niya ito at sumasabay sa kaniyang paglalakad, may maliit at masayang ngiti sa mga labi.
Malayo na ang ayos nito kumpara dati. Wala na ang magarang kasootan at ang mamahaling alahas, maging ang makukulay na abaniko na paborito nitong dalhin. Subalit mas masaya ang bukas ng maganda nitong mukha ngayon kumpara noon.
"Aabutin ako ng takip-silim, hindi maaaring abutin ng dilim sa daan ang isang binibining katulad mo." aniya pa at lumapit sa nakahintong kalesa sa bungad ng gubat.
"Ihatid mo ang binibini sa kanilang tahanan ng maayos." utos niya sa upahang kutsero.
"Sisiguruhin ko ginoo." tumango siya at hinarap ang nakangusong dalaga. Inalalayan niya ito pagsampa sa kalesa. Muli niyang ginulo ang buhok nito at nakangiting nagpaalam. Ngumiti na ito ng magsimulang tumakbo ang kabayo.
"Mag-ingat ka pauwi mamaya!" bilin nito, malayo na ay kumakaway pa din.
Unti-unting nawala ang kaniyang ngiti. Nagsimula na siyang humakbang paalis sa kintatayuan patungo sa ibang direksyon, hindi sa bahay kalakalan. Hindi na siya nag-abalang umupa ng kalesa dahil mas nakakapag-isip siya habang naglalakad.
Nang halikan siya ng kababata ay tila siya natuka ng ahas, nanigas siya at tila sinabuyan ng malamig na tubig pagkatapos. Para siyang nakagawa ng malaking kataksilan para sa babaeng pinakamamahal. Ano na lamang ang iisipin ni Lyra sa oras na malaman nitong hinalikan niya ang kababatang itinuturing niyang parang kapatid. Kahit nakaramdam ng inis kay Mariya sa ginawa nitong paghalik ay hindi niya iyon ipinahalata subalit sinabi niyang hindi na iyon maaring maulit.
Totoo ang sinabi niya ditong mahalaga ang kababata sa kaniya katulad ng kaniyang ama at ina. Subalit hanggang doon na lamang iyon, wala na siyang kayang ibigay pa ng higit sa pagmamahal ng isang kapatid dahil nakatali at nabihag na ng iba ang kaniyang puso at wala siyang balak na kumawala hanggang sa malagutan siya ng hininga.
Matagal siyang nagpalipas ng oras sa burol, nakaidlip din siya sa damuhan kahit mataas ang sikat ng araw, hindi naman iyon masakit sa balat. Ganoon palagi ang ginagawa niya sa mga nakalipas na araw at buwan.
Habang dumadaan ang panahon ay tila naiiwan siya sa kahapon. Subalit hindi siya natatakot na hindi makaahon at malubog sa nakaraan. Mananatili siya doon hanggang sa maisipan ng kaniyang hinihintay na bumalik. Hindi niya haharapin ang kinabukasan mananatili siya sa kaniyang kinalalagyan hanggang sa mapagod ang tadhana at tanglawan ang daraanan ng dalaga pabalik sa kaniya.