"Alangan naman forever ka na lang best friend," sabi niya tapos naupo na siya doon sa may pasemano. Ngalay na siguro siya dahil kanina pa kami nag-aantay sa may hallway para magsimula na yung grad ball.
Sumang-ayon naman sa kanya si Aya. "Kahit sabihin natin na maghihiwalay din yang si Stan at Denise balang araw, makakahanap din si Stan ng ipapalit sa kanya at kahit kailan hindi magiging ikaw yun kung wala kang gagawin."
"Pero—"
"Even if he rejects you, you can still remain as friends. Oo, magiging awkward sa una pero kung kasing importante ka para sa kanya, hindi niya pababayaan na mauwi sa lahat ang pagkakaibigan niyo," sabi ni Mia bago ko pa natapos ang sasabihin ko.
"At tsaka paano ka na magmamahal ng iba nan? Kung kailan naman ayos na 'yung kay Keith," sabi naman ni Aya.
Napatawa ako ng konti. "Pero, Aya, hindi ko naman nakikita ang sarili ko na magmamahal ng iba."
"Sabi mo lang yan at 'wag mo ngang sayangin ang pagkabata natin sa pagmamahal sa taong kahit kailan hindi ka mamahalin ng higit pa sa kaibigan." Ngumiti si Aya at kay Mia siya tumingin tapos sa akin ulit. "At tsaka mas mabilis makaka-move on pag nareject ka na tapos kami na ang bahala sayo ni Mia. Ihahanap ka namin ng bago."
Tinawanan ko lang sila kasi alam ko naman na nag-alala lang sila sa akin at bago pa ako nakaisip ng magandang isasagot, may sumigaw na na magsisimula na ang entrance. Sa pag mamadali ko pagpunta sa unahan at dahil sa nakatali ng mataas ang buhok ko, mas sumunod ito sa paggalaw ko kaya sumabit ang buhok ko sa butones ng longsleeves ng taong kasalubong ko.
Napa-aray ako ng konti at napasabi agad ako ng, "'Wag mong hihilahin."
Nang nilingon ko, si Kim pala, isa sa mga gumanap na seven dwarves sa play. Kinukutingting pa niya ang buhok ko nang dumating ang class adviser namin. Dahil nagsisimula nang maglakad, pinapunta kaagad ni Ma'am ang kapartner ko sana na puntahan ang kapareha ni Kim sa class c. Wala na ang klase ko noong natanggal na ni Kim ang pagkakasalabid ng buhok ko sa butones niya. Ang nagawa na lang namin ay sundin ang utos ni Ma'am na sa class c na lang muna ako sumama.
Ang entrance ay sa may likod ng school papuntang gym at ang pinaka-arko ng pasukan ay nasa daanan na may bubungan na nagdudugtong sa building at sa gym. Sa espasyo na namagigitan sa school building at ng gym, ginanap ang grad ball. Kompleto ang setup, may mga lamesa at upuan at maraming ilaw, mayroon ding maliit na stage.
Kahuli-hulihan kaming lumabas ni Kim bago ang mga fourth year dahil masyadong halata na hindi nila ako kaklase dahil ako lang ang naka-itim sa kanila. Lahat sila ay naka-puti at sa class a kasi sumabay ang dapat naming kapareha. Black and white kasi ang theme ng grad ball at napagdesisyunan ng klase namin na mag-itim kaming lahat at kabaligtan naman ito ng class c.
Pagkatapos na ng pambungad na pagbati saka lang ako nakabalik sa klase ko. Tinawanan pa nga ako ni Aya dahil para daw akong naligaw na demonyo sa grupo ng mga anghel. May ilang intermission bago nagsimula ang hapunan at ilang ihinandang pagtatanghal ng mga first at second years naman bago nag-umpisa ang sayawan.
Lumipat kaagad ako sa table kung nasaan si Mia. Nagkwentuhan at namuna pa kami ng suot ng iba bago may nagyaya sa aming sumayaw, dalawang lalaki galing sa class c. Si Kim ang isa pero hindi ko maalala ang pangalan nung kasayaw ni Mia. Pagkatapos ni Kim, may mga ilan pang nagyaya, mapakaklase at hindi. Nang nagsimula ang slow dance, nagulat ako ng nilapitan ako ng isang senior.
Alangan namang tanggihan ko. Kung hindi ako nagkakamali, naging kaklase ni ate 'to at nakarating na siya ng bahay namin. Dark skinned at matangkad si Patrick. Nagpakilala siya noong napansin niya na medyo naiilang ako. Sinabi ko naman sa kanya na hindi ko inaasahan na may magyaya sa akin na senior at siya ang kauna-unahan.
Natawa siya ng konti at ito ang sagot niya sa akin. "Ang dala mo kasing date noong Christmas Ball ay college student kaya walang nagtangkang ayain ka. At ngayon naman wala ka ng bantay kasi may girlfriend na."