"At ano naman ang iyong binabalak sa pagsusuot ng pangit na kasuotang iyan? Sa tingin mo ba ay papansinin ka ng Mahal na Prinsipe? Hah! Huwag kang umasa."
Kumunot ang noo ni Maia. 𝘚𝘦𝘳𝘺𝘰𝘴𝘰 𝘣𝘢 '𝘵𝘰?
Akala pa man din niya ay humupa na ang atensyon sa kaniyang kasuotan nang magpasya siyang magtago sa gilid ng mesa ng mga pagkain. Ngunit bakit may nais umistorbo sa kaniya? Wala naman siyang ginagawang mali. Tahimik lamang siyang kumakain at nagmamasid.
Nilingon niya ang istorbo. May limang dalaga ang nakatayo sa kaniyang kaliwa at ang nasa gitna ang sa tingin niya ay ang nagsalita.
Sa alaala ni Malika, isa itong binibini na mula sa angkan ng mga maginoo na nasa ikaapat na antas. Ang bunsong anak ng Palasyo Dornogan, si Binibining Rusilla.
Mukhang mataray ngunit maganda ito. At ayon rin sa alaala ni Malika, ang pamilya nito ay mga negosyante. May-ari ang mga ito ng isa sa mga pinakamalaking plateriya ngunit dahil sa isang eskandalo ng mga pekeng bato at hiyas, unti-unti nang lumulubog ang negosyo ng mga ito. Ngunit dahil sa pagiging maginoo ng Pamilya Dornogan, kahit paano ay naisasalba pa iyon at ang usapan ay makatutulong sa mga ito ng malaki ang pagkakaroon ng matibay na ugnayan sa isang maimpluwensiyang pamilya...
Sa pamamagitan ng kasal.
Na tiyak na tunay na pakay ng mga ito sa pagdalo sa pagdiriwang na ito.
At base sa mga salita nito, mukhang ang prinsipe ang ninanais nitong mapangasawa. Kung sabagay, kung ang kailangan nito ay maimpluwensiyang tao, wala nang hihigit pa sa isa sa pamilya ng hari, hindi ba?
"Magandang gabi rin sa iyo, Binibining Rusilla," sarkastiko niyang tugon. "Hindi ko batid kung bakit iyong nasabi ang iyong nasabi ngunit kung sa iyong palagay na makukuha ng isang pangit na kasuotan ang atensyon ng prinsipe, tila ay nagkamali ka ng piniling suotin."
"Hah!" Umikot ang mga ito at nagpakawala ng maliit at nang-iinsultong pagtawa. "At bakit ko naman ibababa ang aking sarili sa pagsusuot ng isang pangit na kasuotan? Isang katulad mo lamang ang may kakayanan na magsuot ng ganiyan." Humalukipkip ito at tinignan siya mula ulo hanggang paa. "Kung sabagay, bagay na bagay sa iyo ang iyong bestido."
Isang malalim na hinga ang hinugot ni Maia bago walang ganang sumagot. "Maraming salamat, kung gayon, Binibini. Ngayon, kung inyong mamarapatin..."
Nagtangka na lamang siyang umalis upang umiwas sa gulo katulad ng kaniyang ipinangako sa Punong Lakan ngunit nagulat siya nang hinawakan nito ang kaniyang braso. "Tila lumakas ang iyong loob matapos kang makulong sa Palasyo Raselis. Hindi pa kita tapos kausapin, 𝘢𝘭𝘪𝘱𝘪𝘯."
Nabigla siya sa sinabi nito at hindi niya maiwasang mapapikit nang makaramdam ng hilo. 𝘈𝘢𝘢𝘩.... 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢, 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢....
Lagi itong tinatrato ng ganito ngunit hindi ito lumalaban. Hindi na.
Noong una, akala ni Maia ay maldita lang si Malika nang walang dahilan ngunit ngayon iyon pala ay pawang kasinungalingan. Sadyang marunong lamang itong sumagot at lumaban sa tuwing inaapi ito. Ang kaso, lahat ng pangyayari ay madaling maibintang kay Malika dahil sa pagiging alipin nito noon. Dahil din doon kaya walang naniniwala dito. At sa kagustuhan nito na mapansin ng pamilyang umampon dito, unti-unti ay tumahimik na lamang ito at hinayaan ang lahat ng pang-aapi mula sa mga tagasilbi sa palasyo at sa mga maginoo, umaasa na isang araw ay may makakasaksi at magtatanggol dito...
Na may maniniwala.
Ngunit wala. Lumala lamang ang mga sabi-sabi tungkol dito hanggang sa wala na itong magawa.
Mabagal na huminga si Maia. 𝘞𝘢𝘭𝘢 𝘬𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘬𝘢𝘮𝘱𝘪... 𝘞𝘢𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘯𝘪𝘯𝘪𝘸𝘢𝘭𝘢 𝘴𝘢 𝘪𝘺𝘰... 𝘐𝘬𝘢𝘸 𝘢𝘺 𝘯𝘢𝘨-𝘪𝘪𝘴𝘢...
Alam ni Maia ang pakiramdam na iyon. Ang walang matakbuhan, walang kakampi... ang walang kahit sino na maaari niyang masandalan.
Ngunit siya ay ipinagpala sapagkat dumating sa kaniyang buhay si Kali. Nagkaroon siya ng kaibigan. Kasangga. Kasama sa mga pagsubok.
Nagkaroon siya ng lakas na magpatuloy dahil alam niyang hindi siya nag-iisa. Hindi na.
At hanggang ngayon, sa lahat ng nangyayari sa kaniya, nakakaya pa rin niya. Dahil alam niya na gugustuhin ni Kali na magpatuloy siya... Magpatuloy para sa kanilang dalawa. Dahil dito, nagagawa pa niyang umasa na magiging maayos ang lahat. Nagkaroon siya ng kaibigan... ng kapatid... ng pamilya.
Ngunit si Malika...
Walang tao sa buhay nito ang ganoon para dito. Mag-isa ito. Walang mahingian ng tulong. Walang kaibigan. Walang pamilya.
𝘕𝘨𝘶𝘯𝘪𝘵 𝘯𝘨𝘢𝘺𝘰𝘯, 𝘯𝘢𝘯𝘥𝘪𝘵𝘰 𝘢𝘬𝘰 𝘢𝘵 𝘵𝘪𝘵𝘪𝘺𝘢𝘬𝘪𝘯 𝘬𝘰 𝘯𝘢 𝘸𝘢𝘭𝘢 𝘯𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘯𝘨-𝘢𝘢𝘱𝘪 𝘴𝘢 𝘪𝘺𝘰.
Hindi man siya katulad ni Kali na masayahin at puno ng pag-asa... At hindi niya tiyak kung magagawa niyang baguhin ang isip nito tungkol sa balak nitong paghihiganti katulad na lamang ng ginawa ni Kali para sa kaniya, kumpyansa naman siyang kaya niyang protektahan si Malika ngayon.
Tinanggal ni Maia ang kamay ni Rusilla sa braso ni Malika nang may pwersa. Kitang-kita niya kung paano bumilog ang mga mata nito dahil sa gulat.
"Lumakas ang aking loob?" tanong niya, ang ngipin niya ay nagngangalit. "Ako lamang ay nagpapakabait." Yumuko siya at nilapit ang bibig sa tainga nito. "Batid ko na iyong alam ang aking 𝘬𝘢𝘮𝘢𝘭𝘥𝘪𝘵𝘢𝘩𝘢𝘯 sa loob ng isang saradong silid kung saan ikaw at ang iyong mga kaibigan lamang ang nakaaalam."
Tumayo siya nang maayos at tinitigan ito na hindi iniyuyuko kahit kaunti ang kaniyang ulo, ang mga mata nito ay puno ng gulat at takot na hindi niya maiwasang mapangisi. "Ako ay ginawa niyong maldita sa harap ng karamihan kaya hayaan mong ipakita ko sa iyo kung anong uri ng kasamaan ang aking tunay na taglay." Lumapad ang kaniyang pagkangisi at tinitigan ito ng mabuti sa mga mata. "Bilang hindi ka lalaban sa akin sa harap ng ganito karaming tao, tignan natin kung magagawa mo pang humarap sa iyong 𝘔𝘢𝘩𝘢𝘭 𝘯𝘢 𝘗𝘳𝘪𝘯𝘴𝘪𝘱𝘦 kapag natapos kong sirain ang pagkakaayos mo. Alam mo na... kung ikaw ay aking sasambunutan ngayon."
Napaatras si Rusilla at malinaw ang pagkawala ng tapang nito." A-Ano? H-Hindi ka magtatangka---"
"Binibini?"
Gulat na nilingon ng limang babae ang tumawag habang hinarap naman ito ni Maia, nawala na ang lahat ng emosyon sa kaniyang mukha. "Gat Einar."
Nagbigay-galang ito sa kaniya at sa limang binibini. "Magandang gabi po, mga Binibini. May problema po ba dito?"
"W-Wala!" halos pasigaw na sagot ni Rusilla na ikinagulat rin nito. Lumayo lalo ito kay Maia at biglang nagbago ang ekspresyon sa mga mukha nito. Naging tila mababait at mahihinhin na mga dalaga ito. "Uh... Gat Terre, kami lamang ay bumati sa Binibini." Yumuko ito sa kaniyang direksyon kasabay ng mga kasama nito at bumalik ang ngiti ni Maia.
Sa katayuan ng Punong Lakan, mataas ang antas ni Malika kumpara sa mga binibining ito at sa ayaw o gusto ng mga ito, dapat yumuko ang mga ito kay Malika. Sa ibang pagkakataon, hindi matutuwa si Maia sa ganitong kaugalian ngunit dahil sa mga alaala ni Malika sa mga dalagang ito, wala siyang pakialam sa ngayon.
"Kung inyo pong mamarapatin, Mahal na Binibini. Nawa'y magkaroon po kayo ng masayang gabi," mahina at pilit na sambit nito.
Sunud-sunod ding nagpaalam sa kaniya ang iba pang mga binibini bago dali-daling naglakad palayo ang mga ito. Napailing na lamang si Maia sa ipinakita ng mga ito at tiyak siya na kailangan niyang mag-ingat sa mga binibining iyon.
Sa kabilang banda, nagtatakang nagsalit naman ang tingin ni Einar sa kaniya at sa mga Binibining umalis. "Binibini? A---"
"Bakit ka nandito, Gat Einar?" pagputol niya dito. Hindi niya maiwasang maisip na maaaring mabato niya dito ang inis na nadarama at malala ay bigla niya itong masuntok kung pagbibintangan na naman siya nito ng hindi maganda.
Tiyak na siya na iniisip nito na may ginawa at sinabi siya sa mga binibini kaya nagmadaling umalis ang mga ito. Ah, ngayong iniisip niya, totoo nga naman na may sinabi siyang hindi maganda sa mga doble-karang iyon.
Natigilan si Einar at tila lumungkot ang mga mata bago nagsalita, "Binibini, hinahanap po kayo ng inyong Ama."
Nais mangiwi ni Maia sa narinig bago lumibot ang kaniyang paningin sa loob ng bulwagan upang hanapin ang Punong Lakan habang iniisip ang dahilan kung bakit siya nito hinahanap.
Marahil kaya sa sinabi nito na hindi dapat siya umalis sa tabi nito?
Napaisip siyang lalo. Hindi naman siguro siya nito paparusahan sa harap ng maraming tao, hindi ba?
Nagpatuloy siya sa paghahanap sa kinaroroonan nito ngunit sa laki ng silid at sa dami ng tao, hindi niya ito makita. Tumingin siya kay Einar. "Saan ko dapat puntahan ang Punong Lakan?"
Inalok ni Einar ang braso nito sa kaniya. "Hayaan niyo po sana ako na samahan kayo sa inyong Ama, Mahal na Binibini."
Kung sa ibang pagkakataon, hindi niya hahayaan ito na alalayan pa siya. Hihilingin na lamang niya na ituro sa kaniya ang daan na kailangan niyang tahakin. Ngunit dahil may kailangan rin siyang malaman dito, ikinawit niya ang kaniyang kamay sa braso nito at nagsimula silang maglakad.
Inisip niya kung paano itatanong dito kung bakit nito inilihim ang munti niyang pagpasyal sa pamilihan ng mga karaniwang tao ngunit bago pa siya makabuo ng tamang pangungusap, ay bigla itong nagsalita, "Binibini, maaari po ba akong magtanong?"
"Maaari naman," aniya matapos ng ilang segundong pag-iisip. Wala namang mawawala sa kaniya kung malalaman niya ang tanong nito. At kung tutuusin, kahit pumayag siya sa pagtatanong nito, hindi naman ibig-sabihin na siya ay kailangang sumagot.
Tila huminga muna ng malalim si Einar bago sabihin ang tanong nito na nagpakaba ng kaunti kay Maia sapagkat naisip niya ang posibilidad na tungkol sa baril ang itatanong nito.
"Binibini, kayo po ba ay galit sa akin sapagkat aking binanggit sa inyong Ama at kapatid ang inyong pagtakas at paglibot nang mag-isa sa pamilihan ng mga pangkaraniwang tao?"
Agad ikinubli ni Maia ang pagkaluwag ng kaniyang paghinga sa sinabi nito kasabay ng kaniyang pagkabigla at pagtataka. Ipinagpasalamat niya na hindi nito alam ang tungkol sa baril ngunit hindi niya rin inasahan na sinabi nitong lahat sa Punong Lakan at kay Akila ang mga nangyari noong araw na iyon dahil hindi siya naipatawag at pinarusahan ng mga ito.
𝘈𝘯𝘰'𝘯𝘨 𝘪𝘣𝘪𝘨 𝘴𝘢𝘣𝘪𝘩𝘪𝘯 𝘯𝘪𝘵𝘰? tanong niya sa isipan.
Maging sa isang oras na byahe kanina, walang nabanggit ang mga ito sa kaniya. Ni hindi nga siya pinansin---
𝘈𝘩...
Iyon marahil ang kasagutan. Tila ay tuluyan nang sumuko ang mga ito kay Malika. Wala nang pakialam ang mga ito dito lalo na kung wala namang malaking gulong maidudulot ang mga pagsuway nito.
At dahil wala namang nangyaring hindi maganda noong araw na iyon na maaaring ikadamay ng pangalan ng mga ito, marahil ay nagpasya na lamang ang mga ito na siya ay hindi pansinin. Kumbaga, maaaring umaasa ang mga ito na titigil na lamang si Malika isang araw.
Nais ngumiti ni Maia sa isiping iyon. Napakalaking pakinabang ang maidudulot niyon sa kaniya kung nagkataon. Mas magiging madali ang mga pagkilos niya at maaaring makalayo pa siya sa lugar na ito nang walang kahirap-hirap at walang nakaaalam.
Tama. Iyon ang pinakamagandang mangyayari sa kaniya, lalo na para kay Malika.
Bahagya niyang nilingon si Einar upang sagutin ang tanong nito dahil kahit ayaw niyang sumagot, nagpapasalamat siya sa magandang balitang kaniyang narinig mula dito. "Gat Einar, malalim na salita... at emosyon ang 'galit'. Hindi ko iyon sasabihin at mararamdaman sa iyo kung kaya't wala kang dapat ipag-alala."
Kunot-noong tinignan siya nito. "Binibini? A-Ano po ang inyong ibig-sabihin?"
Tapat na sumagot si Maia sa kaniyang isipan. Na hindi ako malapit sa'yo at wala akong pakialam sa'yo upang makadama ng kahit ano'ng emosyon.
"Na iyo lamang ginagawa ang iyong tungkulin," pahayag niya dito habang tinapik ng dalawang beses ang braso nitong hawak niya.
Hindi niya maiwasan ang bahagyang pagtaas ng dalawang gilid ng kaniyang labi. Mukhang kailangan niya lamang talaga na magpakabait ngayong gabi. At matapos ito, malaki ang tyansa na magiging madali na lamang ang mga susunod niyang hakbang.