PINILIT NI JACK NA MANAHIMIK NA LANG sa buong maghapon, kahit naaasar siya sa mga pa-cute ni Camille at Brett. Sobrang sigla ni Camille—tuwing may tanong ang teacher, nakataas lagi ang kamay. Kapag tama ang sagot, isang kindat kay Brett; kapag mali ang sagot niya, isang nanlilisik na sulyap kay Jack. May tililing yata sa kukote ang babaeng ito, naiisip ni Jack. Pati sa English, hataw si Camille. Nang ibagsak ni Miss Rodriguez ang mala-bombang tanong na, "Who or what inspires you the most," isa si Camille sa mga naunang nagtaas ng kamay. Syempre, dahil paborito, siya agad ang tinawag ng teacher.
"Wat inspayrs me da most is may ispeysyal samwan, Mam," pa-bulol na sagot nito. Hiyawan ang buong klase—palibhasa alam nila kung sino ang tinutukoy ni Camille. Bilib rin naman si Jack dito—ang lakas ng loob ng dalaga, kahit hindi na niya territory, gusto pa rin i-conquer. Alam naman ni Camille na dog, cat, I love apple lang ang alam niya pagdating sa English. Halatang pasikat ito dun sa mokong na Brett na akala mo may naiintindihan din sa diskusyon.
"Why do you say that? Please explain," sabi ni Miss Rodriguez.
"It's becos… It's becos…" Nasa kisame yata ang sagot, dahil dun nakatanaw si Camille. "It's becos Ma'm he was so handsome." Sabay nag-bow na akala mo may mabigat at life-changing na sinabi.
Tilian ang mga kaklase, harutan. Game na tumayo si Brett, nag-astang contestant ng Mr. Pogi, inilabas ang biceps, saka nag-bow din. Lalong naloka ang mga girls. Lalong lumala ang kantiyawan. Kahit si Miss Rodriguez, namumula sa kakapigil ng pagtawa.
Eventually, pati si Jack nadamay. "Jack! Jack! Jack!" sigawan ng mga kaklase. "Si Jack naman!"
"All right, Jack, how about you?"
Grabe naman, Ma'am! Isa ka pa! Alanganing tumayo pa rin si Jack. Pero kilala siya ng mga kaklase na nag-iisang magaling sa subject na ito. Kaya cool lang siya. Kayang kaya niya ito kahit nakapikit.
"My inspiration is my mother, Ma'am," seryosong bungad ni Jack. "Ever since my father died, she has been single-handedly raising me. She works so hard from dawn till dusk. That's why I've been studying hard—when I become rich, I want to give my mother everything she's ever wanted."
Siguro out of curiosity na rin, sinundan pa ito ni Miss Rodriguez ng, "But how do you plan on becoming rich, Jack? How will you do it?"
"I don't know how I'd do that, yet, Ma'am," sabi ni Jack. Nasulyapan niya si Camille na titig na titig sa kanya. "But one thing is for sure—I will give everything, do everything in my power to achieve what I want in life. All my talents, my abilities—God gave them to me for a reason. And I will use them to make my life better, and also to make the world a better place."
Napatahimik ang lahat. Nakangiti lang si Miss Rodriguez, tila tinitimbang ang mga sinabi ni Jack. May isang mokong sa bandang likod na nagsimulang mag-slow clap. Mabagal na palakpak na sinundan ng isa, at isa pa, hanggang ang buong klase na ang pumapalakpak. Hiyawan ulit. May sumigaw ng "Iboto si Jack!" Tawanan. Nasulyapan ni Jack si Camille na nakatitig pa rin sa kanya, pumapalakpak din.
"Ang galing mo naman talaga," sabi ni Thea sa kanya nung mag-uwian. Medyo nagulat pa si Jack—hindi naman dating sumasabay sa kanya si Thea. Ni hindi nga siya nito pinapansin. At saka di ba kaka-walk out lang nito kaninang umaga?
"Thanks," sabi na lang ni Jack. "Yun rin naman ang gustong gawin ng lahat ng anak, di ba? Ang masuklian ang lahat ng hirap ng parents natin."
"Kaya nga bilib ako sa iyo e." Ngumiti si Thea. Tila nangingimi na hinawakan si Jack sa braso. Parang nakuryente naman si Jack nang maramdaman ang paglapat ng palad ni Thea sa braso niya. Hindi niya alam kung paano magre-respond. Sa huli'y hinayaan na lang niya na naka-angkla sa kanya si Thea na akala mo'y nahihilo ito at kailangan ng makakapitan. Awkward. Pero mas awkward kung sasawayin niya ang dalaga. Idinaan niya na lang sa joke. "Anlamig pala ng kamay mo," hirit ni Jack, "parang yelo." Natawa si Thea, pero kapit pa rin. Himala yata, naiisip ni Jack. Bakit biglang nagbago ang mood nito? Ano'ng nakain nito?
Paglingon niya, andun si Camille kasunod lang nila, mag-isang naglalakad, nakatitig kay Jack. Saka lang niya naalala na may practice sa basketball sila Brett kaya solo flight si Camille pauwi. May isang maliit na moment na gustong balikan ni Jack si Camille at alukin itong sabayan pauwi—ngunit mabilis niyang pinigilan ang sarili. OK na ang ganito. Move on din pag may time.