NAPAKALIGAYA NI CAMILLE. MATATAPOS NA ANG FOUNDATION WEEK, at successful ito. Malaki ang naging participation niya dito, kaya proud siya sa accomplishment. Ngayon ay nakaupo siya sa panel ng mga organizers—siya lang ang nag-iisang estudyante, ang iba ay mga teachers—habang pinanonood ang final game ng basketball tournament. Abot-kamay na ng team ni Brett ang panalo. Ten points ang lamang, pero second quarter pa lang kaya masyado pang maaga para mag-celebrate. Kung magpapatuloy ang performance ni Brett, na siyang star player ng team, panalo sila.
Kaya excited na si Camille—pangako kasi ni Brett na magdi-dinner sila mamayang gabi. Siyempre, mamayang gabi ay Prom Night din, at escort niya si Brett—feeling niya siya na ang pinakamaswerteng babae sa buong mundo.
Pero sa tutoo lang, hindi buo ang excitement at saya ni Camille. Bati na sila ni Jack, pero parang lumalayo ang binata. Hindi niya nakita maghapon. Tinext niya, hindi rin nagrereply. Minsan, kapag tahimik na ang lahat, may mga bagay na gumugulo sa isip at puso ni Camille. Hindi niya naman kasi alam kung ano ba talaga ang gusto ni Jack. Pero minsan, parang nafi-feel niya na parang gusto siya ni Jack—hindi bilang kaibigan lang, kundi bilang girlfriend na rin. Sabagay, OK naman sila—pareho sila ng toyo, 'ika nga. Ang kaso mahirap i-dismiss si Brett—sinong babae ang makaka-resist dito? Pero hindi lang naman kaguwapuhan at kakisigan ang importante, di ba? Minsan, kapag nasa mood siya para magpakatotoo, ini-imagine ni Camille: what if? Kung sila nga ni Jack?
Tutal masarap naman humalik si Jack.
Naka-shoot si Brett—dagundong ang buong gym sa tilian ng fans. Pero parang wala doon ang isip ni Camille. Parang mas masaya yata kung andito rin sa tabi niya si Jack. Panay ang check niya sa phone—wala pa ring reply ang mokong. Ano kaya kung biruin niya? Magtext kaya siya ng "I love you," ano kaya reaction nun? Naku, huwag na. Mahirap na. Baka pagsimulan ulit ng away.
Humingi ng time-out ang coach ng kalabang team. Saka naman biglang tumunog ang phone ni Camille—pero hindi familiar sa kanya ang ring tone. Iba ang alarm nito. Nang tingnan niya ang screen, ang salitang "EasySpy" agad ang nabasa niya. At sa gitna ng screen ay isang blinking red button. "Press" nakasulat sa ibaba ng button. Kunot ang noo ni Camille: hindi ba inutusan niya si Jack na huwag i-install ang app? Dahil ayaw niyang malaman ang tutoo? Pero tila tumitibok at nag-aapoy na puso ang red button, at inaakit siya nitong pindutin. Press.
Pindutin na ba niya?