BUTI NA LANG MAY PAGKA-ALBULARYO SI NANAY ROSING. Alam nito kung ano'ng mga halamang gamot ang dapat itapal at ipainom kay Jack para mabilis na bumaba ang lagnat nito. Tanghali na kinabukasan nang mahimasmasan ang binata. Nang kaya na nyang umupo o dumilat nang hindi umiikot ang paligid nya, noon lang nya nakita na naka-ilang missed calls at texts na pala si Camille, hinahanap siya. "Pupunta ka ba sa school meeting natin? About the Foundation Week? OK ka lang ba?"
Natutuksong mag-reply si Jack, pero pinigilan niya ang sarili. Hindi pa siya OK. Ayaw niyang malaman ni Camille kung ano'ng nangyari sa kanya, dahil siguradong mag-aalala ito at hahangos ng dalaw dito sa bahay. Ayaw niya munang makita si Camille, dahil kapag andito ang dalaga, magkukuwento ito, at malamang mapunta na naman sa usapan sa kung ano na naman ang status ng relasyon nila ni Brett. Yun pa naman ang topic na gusto niyang iwasan—feeling niya lalo siyang magkakasakit kapag naiisip yun.
Lumitaw sa kuwarto si Nanay Rosing na may dalang pagkain. "Huwag ka muna bumangon. Baka mabinat ka niyan."
"Medyo OK na'ko, Nay."
"Huwag mo nga akong bolahin. Hindi ka pa OK. Kailangan mo ng mahaba-habang pahinga." Naupo sa gilid ng kama ang matanda. "Ang tigas kasi ng ulo mo. Hindi ka na bata. Alam mo na'ng hindi ka dapat sumugod sa ulan na yun."
"Tumawag ba sa landline si Camille?"
Kunot ang noo ng matanda. "Hindi naman. Bakit? Hindi ba nagte-text sayo?"
"Nagtext naman. Kapag tumawag sa iyo, Nay, sabihin nyo umalis ako, wala ako sa bahay."
"Aba! At tuturuan mo pa akong magsinungaling, bata ka."
"Ayaw ko kasi muna siyang makausap. Nai-stress ako."
"Ano ba kasi'ng nangyayari sa inyong dalawa?"
Yun nga eh, wala nga'ng "nangyayari" sa aming dalawa. "Wala naman po. Baka magpunta yun dito, nakakahiya, nangangamoy efficascent oil ako, para na akong matandang hukluban—ay, no offense, Nay ha!"
Napatawa na lang si Nanay Rosing.
"Saka baka kung anong balita ang dalhin nun sa akin tungkol sa school. Alam nyo namang puro projects ang inaatupag nun. Walang kapaguran. Lalo ako mabibinat nun."
Seryoso siyang tinitigan ng matanda. "Baka naman kasi—" umpisa nito, pero hindi na itinuloy. Napabuntong-hininga na lang. Hindi kahapon lang ipinanganak si Nanay Rosing—papunta pa lang si Jack, matagal na siyang nakabalik, 'ika nga. Matagal na niyang gustong kausapin ng masinsinan si Jack tungkol sa buhay nito, pero lalaki ang anak niya—hindi niya alam kung paano niya sisimulan ang isang pag-uusap nang hindi magiging awkward para sa kanila. Mula kasi nang mamatay ang ama nito, lagi nang nakasubsob sa mga libro si Jack, laging nasa harap ng computer, kung anu-anong sinusulat at binu-butingting. Hinahayaan na lang niya dahil baka 'kako yun ang kailangan ng anak. Mukha namang libang na libang si Jack sa mga ginagawa niya. Isa pa, sabihin man ng iba na "modern" na ang kabataan ngayon at hindi na naiilang, pero iba sa bahay na ito: dito, may mga saloobin si Jack na kanya na lang, na hinuhulaan na lang ni Nanay Rosing. Tulad ngayon: may nangyari sigurong masama sa kanila ni Camille. Sa tutoo lang, hindi makapaniwala si Nanay Rosing na "kaibigan" lang ang turing ni Jack sa dalaga—sino naman ang hindi magkakagusto kay Camille, e napakagandang bata nun? Mabait, maalalahanin, at magalang pa. Hindi nga lang matanong ng matanda ang anak ng deretsahan—hinihintay niya pa rin na dumating ang panahon na mag-open up si Jack sa kanya.
"Kawawa naman yata si Camille kung hindi ko sasabihin sa kanya na may sakit ka at kung saan saan pa siya maghahanap? Paano kung kailangan ka niya?"
"Nay, tingnan mo nga ako—nasa situation ba ako ngayon na pwedeng makatulong sa kung ano man ang kailangan niya? May lagnat pa kaya ako—" sabay sapo ng palad sa noo niya—"ayan o, ang init. Kailangan ko ng uninterrupted bed rest."
"Ganito na lang," sabi ni Nanay Rosing. "Kapag hindi tumawag sa landline si Camille, swerte mo, walang iistorbo sa iyo. Pero kapag tumawag siya, hindi ako magsisinungaling ha. Sasabihin ko ang tutoo."
"Nay, naman—"
"Ayokong lokohin yung bata. Saka isa pa, ang arte arte mo. Lagnat lang, may 'uninterrupted bed rest' ka pang nalalaman. Akala ko ba hindi ka tinatablan ng mikrobyo? Malayo sa bituka kamo? O ayan ang napapala mo."
"E kasi nga Nay—"
Pero hindi na narinig ni Nanay Rosing ang sasabihin pa ni Jack. Nakalabas na ito ng kuwarto. Nang mapag-isa, tinitigan na lamang ni Jack ang kisame hanggang makatulog.