webnovel

Date Nga Ba?

HINDI RIN MALAMAN NI JACK KUNG BAKIT nya ginagawa ang mga ginagawa nya para kay Camille. Wala naman talaga syang gusto dito. Maganda si Camille, makinis, maputi, matalino rin naman—magaling sa math kahit medyo sablay sa English—at siguro kung tititigan nya ang hubog ng katawan nito objectively (objectively ha, walang malisya), sexy rin naman, may ipagmamalaki, 'ika nga. Pero yun nga, wala syang balak ligawan ito. Dahil una, hindi nya alam kung paano manligaw. At pangalawa, hindi naman sya in love na in love kay Camille. Medyo type nya lang, natutuwa lang sya dahil nagkakasundo sila. Medyo may pagkabaliw kasi si Camille, masarap kasama, tamang tamang pantapat sa personality ni Jack na introvert. Bestfriend. Yun ang salitang pinanghahawakan ni Jack, ang definition nya sa kung ano ang meron sila ni Camille. Alangan namang taluhin nya ang bestfriend nya?

Class president si Camille. Class vice president si Jack. Hindi naman talaga sila nagpapansinan nung una. Nerd kasi si Jack, walang barkada, wala kasing makaintindi madalas sa mga pinagsasabi nya. Madalas ang kausap nya lang ay yung poste, o kaya yung puno ng talisay sa may entrance ng school. Si Camille naman ay popular sa campus, maganda kasi, friendly, mabilis mo mapatawa at mapangiti. Natural na "people person," 'ika nga. Kung paanong nag-krus ang mga landas nila at naging magkaibigan ay isang malaking tsamba lang. Noong nagbotohan kung sino ang magiging class officers, walang kahirap-hirap na ibinoto ng madla si Camille sa pinakamataas na pwesto. Ang problema, walang maiboto bilang vice president. Nang sandaling yun, napansin ni Camille sa may isang sulok ng classroom si Jack, nagsusulat ng kung ano sa notebook nito. Saka nya naalala na matalino nga pala ito, nanalo sa isang essay writing contest nung isang taon. "I hereby nominate Jack Ramos as my vice president," biglang announce ni Camille. Lahat napalingon kay Jack. Si Jack naman, namutla, hindi nakapagsalita, lumunok ng laway, kumamot ng ulo sa sobrang gulat at kaba. Napalingon siya sa nakabukas na bintana ng classroom, isa lang ang naisip nya: tatalon ako! Tatakas ako dito! Pero bago sya nakatayo o nakakibo man lang, isinusulat na ni Camille sa board ang pangalan niya, binibilang na ang boto. Walang ibang nakahirit nang ilabas ang resulta: walang ibang nagtangkang lumaban sa kanya bilang vice president. Ganun lang kabilis.

Bilang class president, maraming projects si Camille. Napakasipag nito. Art projects, decorative projects, general cleaning, at kung anu ano pa—at sa bawat proyektong yun, damay si Jack bilang kanang-kamay ni Camille. Hindi nagtagal, naging parang close na sila, naging magkaibigan, nagkakakuwentuhan ng mga pinakamalalim na saloobin. At sa unang pagkakataon, hindi na laging nag-iisa si Jack sa campus. Iniwasan na rin sya ng mga dating nambu-bully sa kanya dahil kay Camille—para kasing tigre ito sa tapang. Si Camille ay yung tipong akala mo walang muwang kapag tahimik, pero kapag napikon biglang labas lahat ng mga pangil.

"Antaba ng utak mo," sabi ni Jack minsan kay Camille habang naglalakad sila sa campus, nagpapaskel ng poster para sa isa sa mga proyekto nila. "Bakit ba andami mong naiisip gawin?"

"Ako pa ang mataba ang utak? Eh ikaw nga lagi ka na lang 100 sa English. Marunong ka pa mag-program ng Android app. Ano bang app ginagawa mo?"

Kibit-balikat si Jack. "Wala lang. Alam mo yung game na Flappy Bird? Gumagawa ako ng tulad nun."

"Laos na yun ah."

"Kaya nga iba na lang ginagawa ko. Pero top secret. Baka mabulilyaso pa."

"Top secret ka pa dyan," sabi ni Camille habang nag-aabot ng poster kay Jack. Maingat na inilapat ni Jack ang poster sa pader na pinahiran ng glue. "Pero pag nag-click yan, promise mo sa akin babalatuhan mo ako ha."

"Oo ba!"

"Tutal wala ka namang girlfriend. Kaya pwede mong ibigay sa akin kalahati ng kikitain mo sa Android app na yan."

"Ano ka siniswerte?" Tatawa-tawa si Jack. "Kapag yumaman na ako, iha-hire kitang alalay. Tapos uutusan kitang magtimpla ng kape."

"In your dreams," sabi ni Camille, nakanguso na parang bata. Ewan, pero parang kiniliti ang puso ni Jack. Cute lang si Camille, laging pinapaalala ni Jack sa sarili nya, pero hindi girlfriend material. Friend lang. Bestfriend. Ambigat kaya ng kamay nito. Magkamali ka lang ng corny na joke, naka-kutos agad. O kurot. Madalas na namumutakti sa pantal ang tagiliran nya sa kakakurot ni Camille. Hindi naman sya syempre pwedeng makaganti ng kurot kay Camille dahil una, hindi nangungurot ang isang tunay at machong machong (description ni Jack sa sarili nya tuwing umagang nasa harap sya ng salamin) lalaking gaya niya. At pangawala, aakusahan sya agad ng "sexual harassment." Hihiritan sya ni Camille ng, "Nanghihipo ka na ah! Isusumbong kita sa teacher!" Paano ka naman mananalo dun?

Pero minsan, naiisip nya, what if?

Tulad ngayon. Naaawa si Jack dito. Kung siya ang boyfriend ni Camille, hindi ito magdurusa nang ganito. Kahit gaano pang pagtatago o pagtanggi ni Camille, halatang halata pa ring namamaga ang mga mata nito. Alanganing lumapit si Jack. Absent si Brett—panay ang sulyap ni Camille sa bakanteng upuan ng binata, iniisip siguro kung ano'ng nangyari dun. Kalagitnaan na noon ng lesson ni Mrs. Santos, pero wala sa diskusyon ang isipan ni Jack. Kagabi, hindi sya nagpakita kay Camille. Nakatago lang sya sa likod ng isang poste, nagdarasal na sana mauntog na ito at magdesisyon na umuwi na at huwag na huwag na muling maniniwala na mabuting tao si Brett. Hindi sya nagpakita kay Camille dahil ayaw niyang dumoble pa ang pagkapahiya nito sa sarili. Ang kaso hindi pa umalis agad si Camille, inabot pa sya ng halos dalawang oras, nakatanga dun, umaasa siguro na bigla na lang bubukas ang pinto ng fastfood at iluluwa ang humahangos at super apologetic na si Brett—isang bagay na hindi nangyari. At nung sa wakas ay tumayo na si Camille at lumabas ng fastfood, naroon lang sa may likod si Jack, nagkukubli sa mga anino—malalim na nun ang gabi, at nag-alala si Jack na baka may kung anong masamang mangyari sa kaibigan kung iiwanan nya ito. Hindi alam ni Camille na naroon lang si Jack sa tabi-tabi, matiyagang nakasubaybay hanggang nakapasok na sya sa gate ng kanilang bahay.

"Camille Lopez," biglang sabi ni Mrs. Santos. "May problema ka ba, iha?" Naghahanap kasi ng volunteer na sasagot sa board ang teacher, ngunit walang nagtataas ng kamay, kahit na ang usually ay makulit na si Camille.

"Ah, w-wala po, Ma'am." Pinilit ngumiti ni Camille, pero mas nagmukhang ngiwi yun kaysa ngiti. "Medyo mainit lang po ang pakiramdam ko."

"Aba, magpunta ka na sa school clinic, iha. Naroon naman ang ating resident doctor."

"Okay lang ako, Ma'am," tanggi ni Camille. "Nakainom na po ako ng gamot kanina eh."

Tinitigan sya ni Mrs. Santos, tinitimbang ang katotohanan sa mga salita nito. Paborito kasi siya ni Mrs. Santos. Actually, paborito si Camille ng lahat ng teacher sa school. "Sigurado ka ha? Baka kung ano na yan?"

"Wala po ito, Ma'am, sigurado po ako." Ngiting ngiti na si Camille, halatang fake, obvious na hindi talaga ito sigurado. "Mamaya po okay na po ako."

Tatango tango si Mrs. Santos. Tyempo namang nag-ring na ang bell—break na. Recess. Nagkanya-kanya ng hangos palabas ng classroom ang mga estudyante.

Sa isang sulok ng canteen natagpuan ni Jack si Camille. Nakatitig ito sa phone nito, tila may hinihintay. Alam ni Jack kung sino at bakit. Pabagsak na umupo sya sa tabi ng dalaga, saka inalok niya ito ng dala nyang siopao.

"Hindi ako kumakain nyan," sabi ni Camille. "Pusa ang palaman nyan e."

"Ansarap kaya ng pusa!" kontra ni Jack, sabay kagat sa siopao. Todo over-acting na nginuya nya ito. "Scrrrrrrumptious!"

"Tse!"

"Bakit ba ang init ng ulo mo?"

Hindi sumagot si Camille. Patay-malisya naman si Jack, kunwari wala siyang alam. Kunwari nung sinabi nyang, "Kumusta naman ang date nyo ni Brett kagabi?" ay hindi nya alam ang buong pangyayari, hanggang sa kahuli-hulihang detalye ng miserableng gabi ng dalaga.

"Okay naman," pagsisinungaling ni Camille. Lihim na napangiwi si Jack—maraming talento si Camille, pero hindi kasama sa mga talento nito ang pagsisinungaling.

Napabuntong-hininga si Jack. Minadaling nguyain at ubusin ang baon nyang siopao (dahil hassle namang magsalita habang puno ng pusa, este, siopao ang bibig mo). Lumunok. Bumuntong-hininga ulit. Saka nya sinabing, "Miss Lopez, kung 'okay' ka talaga, e bakit namamaga yang mga mata mo? Parang magdamag ka yatang umiyak eh."

"Wala ito," sabi ni Camille, kunwari busy sa kababasa ng kung ano sa cellphone nya.

"Anong wala? Halos di mo na maidilat ang mga mata mo sa laki ng eyebags mo. Kamukha mo na lalo si Doraemon—awww!"

Napalingon ang lahat nang napahiyaw nang malakas si Jack—buong diin na kinurot kasi siya ni Camille sa tagiliran.

"Ano? Sino pa kamukha ko? Sige!" sabi ni Camille, pinipilit magpanggap na galit siya.

Nakangiwi pa rin si Jack habang hinihimas-himas ang tagiliran nya. "Awww! Grabe ka talaga. Ansakit naman nun! Dapat sayo naging wrestler ka na lang at—awww!"

Napalingon ulit ang lahat nang napahiyaw ulit si Jack—dahil nakakurot ulit si Camille.

"Awts! Pamatay talaga yang kurot na iyan!" Humarap kay Camille, ala-Jimmy Santos ang mukha. "Ma-cha-khet!"

Tumatawa na si Camille, natutuwa sa pagkakangiwi ng binata. "Buti nga sayo," dugtong pa nito.

Lihim na natuwa na rin si Jack; at least, medyo nakangiti na si Camille. Madali lang naman talaga pasayahin ang dalaga. Hulihin mo lang ang kiliti nito. Kaya lang madalas at his expense, 'ika nga. Tulad ngayon, bugbog-sarado sa kurot ang tagiliran nya.

"Ano talaga ang nangyari kagabi?" subok ulit ni Jack. "Ano ginawa ni Brett?"

Halatang nag-aalangan magsalita ang dalaga.

"Huhulaan ko," sabi ni Jack. "Nagpaka-asshole na naman siya, ano?"

Isang tahimik na pag-amin ang hindi pagkibo ni Camille.

"I told you so!" bunghalit ni Jack, sabay tapik sa balikat ng dalaga.

"Ayan ka na naman sa 'I told you so, I told you so' mo!"

"Eh ano'ng gusto mong sabihin ko sayo? Bakit kasi patay na patay ka dun sa mokong na yun?"

"Hello? Tinatanong pa ba yan? Kelangan pa bang i-memorize iyan?"

Napaismid si Jack. "Kapag ganyan na ang nangyayari, natural kelangan mo nang itanong sa sarili mo iyan, di ba? Ilang beses na bang nangyari ang ganyan?"

Talk to the hand, muwestra ng kamay ni Camille.

"Saka ano ba'ng hinahabol habol mo sa Brett na yun? Porke guwapo sya, matangkad, star basketball player ng school, eh dapat ma-in love ka na agad sa kanya? Bakit, marami namang ibang guwapo dyan at matalino ah." Pause. "Tulad ko."

"Bwahahahaha! Nag-iilusyon na naman po ang isa rito," bunghalit ng dalaga. "Guwapo daw sya. Saan banda, aber?"

"Dito o!" sabay turo sa butas ng ilong.

Tawa si Camille. Ngiti lang si Jack; nasa mukha niya ang pagkakuntento ng isang taong nakapagbenta ng joke.

"Sige na nga, guwapo ka na rin," maya-maya'y pagbibigay ni Camille. "Pero huwag mo masyado dibdibin ha? Baka di ka makatulog."

"Well, hindi naman ang nagniningning na kagwapuhan ko ang pinaguusapan natin e. Kundi si Brett. Kita mo, umiyak ka na naman. Hindi ka ba nagsasawa sa ganyan?"

Hindi kumibo si Camille.

"Wala kang mapapala dun kay Brett, Camille. Iba na lang. O kaya wag ka na muna magboyfriend. Hindi naman nakakamatay ang maging single."

"Oo alam ko yun," sa wakas ay nagsalita si Camille. "Kasi ikaw nga buhay na buhay kahit single since birth ka o."

"Wow, magsasalita ka lang, manlalait ka pa!"

Tawa si Camille. Hindi natawa si Jack. Nang maramdaman na seryoso pala si Jack, inabot ni Camille ang kamay ng binata, pinisil-pisil—yun ang paraan niya ng paglalambing sa kaibigan nang hindi niya kailangang magsalita.

"Tigilan mo yan," sabi ni Jack, sabay bawi sa kamay niya. "Hindi ako natutuwa sa iyo. Nagsasawa na ako sa mga problema mo."

"Eh ano'ng gusto mong gawin ko?"

"Promise mo muna na hindi mo na papansinin yung mokong na yun. I-promise mo na magiging matigas ka na sa kanya—at wag mo nang igagawa yun ng assignment niya! Sobrang swerte na nun ah!"

Matagal na napatahimik si Camille, nag-iisip. Napabuntong-hininga. "Sige," sabi nya.

"Anong 'sige'?"

"Oo, hinding hindi ko na yun papansinin. Kahit gumapang pa siya sa paanan ko," sabi ni Camille.

"Talaga lang ha?"

"Oo promise. Mula ngayon, wala nang Brett sa buhay ko. Kahit na siya pa ang pinakagwapong lalaking nakilala ko, hinding hindi ko na siya papansinin!"

"Medyo may protesta ako dun sa part na 'pinakaguwapong lalaking nakilala' mo, pero pwede na rin."

Napaismid si Camille. "Isisingit mo na naman ang sarili mo. Sinabi na nga'ng guwapo ka rin. GUWAPO. O, ayan. Satisfied?"

"Okay," sabi ni Jack, nakangiti na. "Gusto mo mag-celebrate tayo mamayang uwian? Ititreat kita ng pizza. Saka yung paborito mong chocolate milkshake. Ano?"

"Wow, andaming pera ah."

"Ipon ko iyan, gaga. Kita mong naka-siopao diet ako ilang linggo na. Sinong hindi makakapag-ipon ng limpak-limpak na salapi nun? Ano, mamaya?"

Nag-isip pa saglit si Camille.

"Tsk. Arte. Siya na nga bubusugin mo, nagpapapilit pa," reklamo ng binata.

"Ikaw naman! Masyadong atat! Sige na nga! Kain na tayo!"

"Galit lang? Pakakainin na, utang na loob ko pa?"

"Ayaw mo yata e. Huwag na lang!"

"Biro lang," biglang bawi ni Jack. "Balat-sibuyas ka talaga. Sige mamaya. Wag ka na'ng iiyak-iyak diyan. Baka hindi na si Doraemon makamukha mo--awwww!"

Napalingon ang lahat—nakakurot na naman kasi si Camille sa tagiliran ni Jack; hindi maipinta ang mukha ng binata sa pagkakangiwi.