"KANINA KA PA BA DIYAN?" Gulat na gulat si Jack.
"Oo naman! Di mo napansin na dinidiligan ko itong pechay namin? Kanina pa kita tinitingnan eh. Sino ba'ng sinisilip silip mo dyan?""
Naramdaman ni Jack na namula ang mukha niya. Maraming salitang gustong sabay-sabay na umalpas mula sa bibig, pero lahat yun ay na-traffic sa kanyang lalamunan. "Kasi… Kasi ganito…"
"Jack?" Si Camille at Brett, biglang sumulpot sa harapan nila. "Ano'ng ginagawa mo dito?"
"Ha? A, eh…" Ano pa, kundi naghuhukay ng sarili kong libingan. "May pinaguusapan lang kami." Sabay nguso kay Thea.
"Pinag-uusapan?" Namimilog ang mga mata ni Thea sa gulat—involved pala siya dito, bakit di niya alam? "Nag-uusap tayo?"
"Oo, di ba?" Wala ka nang lusot, Jack. You're so dead. "Di ba yung tungkol sa Prom?"
"Prom?" Napapangiwi na si Thea sa pagkalito.
"Naguusap din kami ni Brett tungkol sa Prom e," singit ni Camille. "Di ba, honey?"
Humagalpak ng sobrang fake na tawa si Jack. "What a coincidence! Kami rin eh! Di ba, Thea? Niyayaya ko kasi siya na kung pwede ako na lang ka-date niya."
"Wow. Ang sweet naman," sabi ni Camille. "Dito mo pa talaga inabangan si Thea para mag-propose! Dito sa botanical garden! Para kang nandakma ng palaka ah!" May kakaibang kislap ang mga mata ni Camille. Kilala ni Jack ito—hindi nito binibili ang mga palusot ng binata. "At pumayag ka na ba, Thea?"
"Ha?" Hindi malaman ni Thea kung ano'ng isasagot; para siyang isdang nawala sa tubig.
"Naguusap pa nga kami eh," biglang sabi ni Jack, sabay hatak sa kamay ni Thea palayo sa lugar na yun. "Pwede konting privacy? Nakakasira kayo ng diskarte eh."
Nakalabas na sila ng botanical garden bago pa man makahirit ng sagot si Camille. Alam ni Jack ang naglalaro sa isip nito. Hindi ito naniniwala sa palusot niya. Malamang naaawa pa ito kay Thea sa pagkakadamay niya.
Walang direksyon kung saan gustong magpunta ni Jack—basta lakad lang, hatak-hatak si Thea, na sa sobrang gulat at pagkalito'y hindi naka-angal. Nang may masalubong silang isang grupo ng mga kaklase, naghiyawan ang mga ito pagkakita sa kanila. "Uuuy! Kayo na ba? Is that for real?" Kantiyaw ng mga ito.
Dun parang biglang nahimasmasan si Thea. "Teka nga," sabay bawi ng kamay mula sa pagkakahawak ni Jack. "Mag-'ano' ba tayo? Saka anong Prom ang sinasabi mo? Nagdidilig lang ako ng—" Nun lang na-realize ni Thea na dala pa rin pala nya ang plastic na pandilig.
Kamot-ulo si Jack. "Ako na magsasauli niyan. Pasensiya na."
Nakasimangot si Thea. Tinitingnan mula ulo hanggang paa si Jack. "Seryoso ka ba?"
"Seryoso sa alin?"
"Sa Prom!" Ibinuhos ni Thea sa lupa ang natirang tubig sa pandilig. "Parang napasubo ka lang yata eh. Hindi naman ako tanga."
"Ha, eh…" Nakaramdam ng pagkapahiya si Jack. Sa sobrang desperado niya, nakagamit tuloy siya ng tao ng di niya sinasadya. "Sorry ha."
"OK lang," sabi ni Thea, na hindi mukhang OK.
Maganda naman si Thea ah, naisip ni Jack. Cute. Parang si Barbie Forteza, morena version. Hindi niya lang ito napapansin dati dahil may ibang barkada ito na laging kasama. Pero ang alam niya, wala namang boyfriend ito. "Pero kung wala ka naman talagang kasama sa Prom, bakit hindi na nga lang tayo?"
Namilog ang mga mata ni Thea—pero may bigla siyang na-realize kaya naningkit ulit. "Ah, ganun. Ako ang second option mo dahil hindi pwede si Camille! No, thanks!"
"Hindi naman tayo magpapakasal eh, pupunta lang tayo ng Prom. What's the big deal?"
"What's the big deal? Ikaw kaya ang sumagot niyan? Si Brett na ang laging kasama ni Camille. Ano feeling ng maging second option?"
"Thea—"
Pero tinalikuran na siya ni Thea. Mukhang galit nga ito. Naalala niya bigla ang kasabihan: Hell hath no fury than a woman scorned.
Sinundan na lang ni Jack ng tingin ang papalayong dalaga na dala pa rin ang pandilig ng halaman. Ang malas naman ng Lunes niya, naisip ni Jack. Bad omen ito. Actually, hindi lang Lunes niya ang malas, kundi ang buong buhay niya.