webnovel

Prologue

Napakaingay.

Nakakabingi ang dumadagundong na sigawan ng mga tao. Sa gitna ng malaking stadium ay kitang kita nila ang dami ng mga taong patuloy na sumusuporta sa kanila. Punong puno ang venue, halos lamunin na ng hiyawan ang lugar kung saan ginaganap ang kauna-unahang concert nila.

"Jin! Jin! Jin!" 

Naririnig niya ang mga tagahanga niya na paulit-ulit na sinisigaw ang kanyang pangalan. Isang matamis na ngiti naman ang ginanti niya sa kanila.

"Rising Sun! Rising Sun!" Sigaw naman sa kabilang dako. Ito ang pangalan ng kanilang grupo kung saan siya ngayon nabibilang. Parang kelan lang nung nagsimula silang mangarap at ngayon ang lahat ng iyon ay nabibigyan na nila ng katuparan. Paano nga ba sila nagsimula?

Pinikit niya ang kanyang mata habang abala ang kanilang leader sa pagkuha ng atensyon ng mga manunuod. Ano nga ba ang dahilan niya sa pagkanta? Bakit nga ba nandito siya sa gitna ng stage? Para saan ang mga awit na kanilang kinakanta? Para saan at para kanino ang mga kantang kanyang sinusulat? May pinaglalaanan ba siya?

Muli niyang idinilat ang kanyang mga mata at iginala niya ito sa paligid, tila may hinahanap. Sa kabila ng dami ng tao sa lugar na iyon, isang pares ng pamilyar na mata ang pumukaw sa atensyon niya. Mga matang punong puno ng kalungkutan. Mga matang punong puno ng emosyon na maaaring kumawala anumang oras. Gaano man kalayo ang distansya nila, hindi niya maikakaila na kilalang kilala niya ang taong nagmamay-ari ng malulungkot na pares ng mga mata na iyon. Pagmamay-ari iyon ng babaeng pinakamamahal niya.

Nagtama ang kanilang mga paningin, at kitang kita niya ang pagkislap ng luha sa mga mata nito. Halos madurog ang puso niya sa kanyang nasasaksihan. Batid niya na siya ang dahilan ng pagluha ng babaeng iyon. Siya ang dahilan kung bakit nasasaktan ang babaeng iyon.

Kasalanan niya, alam niyang kasalanan niya ang lahat at wala man lang siyang magawa.

Matagal ang naging palitan nila ng tingin bago sila nagpakawala ng malungkot na ngiti para sa isa't isa.

"Paalam," basa niya sa labi nito bago ito tuluyang umalis.

Dito na ba talaga magtatapos ang lahat?