webnovel

Ruined Heart

Hindi ginusto ni Maureen ang mahulog sa amo niyang si Zeus, ngunit nangyari pa rin. Ang hindi niya alam, pasakit pala ang aabutin niya sa pagkahumaling sa mayamang katulad nito. Matapos ang ilang taon, may himalang darating sa kanya na makakapagpabago ng buhay niya. Ang akala niya'y maayos na niyang mundo'y guguluhing muli ng unang lalaking minahal. Hahayaan ba niyang makapasok itong muli sa kanyang buhay at pati na sa kanyang puso?

elysha_jane · 青春言情
分數不夠
60 Chs

Kabanata 40

Kabanata 40

"Lahat ng ginawa n'yo sa'kin nakaukit sa puso at isip k—ay, mali! Mali! Tsk."

Napapasapo na lang ako sa noo ko dahil sa linyang kinakabisado ko. Ilang linggo na rin simula nang pumasok ako doon sa acting workshop. At isa nga ito sa mga ibinigay na activity samin. Binigyan kami ng isang line na kailangan naming i-acting sa harap ng isang batikang direktor.

Napabuntong-hininga na lang ako. Mahirap pero kailangan ko 'tong gawin. Para sa'kin, para kay Mommy at para kay Itay. Ito na ang landas na dapat kong tahakin, kaya hindi ako dapat tumigil.

Magkakabisado na sana akong muli nang tumunog ang cellphone ko. Nakakatuwang isipin na parang dati lang, kahit mumurahing cellphone ay wala ako. Pero ngayon, mamahalin pa ang gamit ko. Pero hindi naman gaanong nakakatuwa.

"Oh, Cent! Napatawag ka?" bati ko kay Vincent na siyang tumawag sa'kin.

Sa mga linggong iginugol ko doon sa workshop, siya lang talaga ang nag-iisang napalapit sa akin. Para na rin siyang si Jacob. Hay, nakaka-miss din ang la 'yon. Gusto ko na silang makita ulit, kaya lang medyo ayoko pang bumalik doon sa Doña Blanca.

"Nagkakabisado ka pa rin ng lines?" tanong naman sa akin ni Vincent.

"Oo, e," sagot ko. "Ikaw ba?"

"Well, medyo memorize ko na," sagot naman niya. "I'm still practicing it now."

"So, bakit ka tumawag? Para ako naman ang maistorbo sa pagpa-practice?" natatawang tanong ko sa kanya. Isa na nga si Vincent sa dahilan kung bakit natatagalan ko pa sa mundo ko ngayon.

"Wala lang. Just checkin' on you. Masama ba?" tugon naman niya.

"Hindi naman," sagot ko at napangiti. "Nga pala, good luck sa'tin bukas, a? Galingan natin!"

"Yeah. Of course," sagot naman niya. "Hey, you know, may sinulat akong kanta. Gusto ko sanang iparinig sa'yo, pero, yeah, next time na lang."

"Hala! Bakit next time pa?" reklamo ko sa kanya.

"Well, we need to practice," sagot naman niya.

"Ang gulo mong kausap!" kunwari ay inis na sabi ko sa kanya.

"Sabi ko naman sa'yo, nangangamusta lang, e. So, bye," sabi niya at pagkatapos noon ay ibinaba na niya ang tawag.

Napatawa na lang ako. Siraulo rin talaga 'tong si Vincent! Pero sa tinagal naming magkakilala, nalaman kong nasa puso din pala niya ang musika. Kaya bukod sa pagiging artista, gusto rin daw niyang maging singer.

Muli ko na lamang pinikit ang mga mata ko at kinondisyon ang sarili. Pagkatapos ay muli kong sinubukan kung kabisado ko na ba ang linya. Habang nagkakabisado ay sinusubukan ko na ring samahan ng emosyon.

Sa totoo lang, habang nag-eensayo ako ay mas lalo kong napapagtanto na hindi talaga para sa akin ang trabahong 'to. Ni hindi ko man lang makuha ang tamang emosyon. Ni hindi ko mapaiyak kaagad ang sarili. Sinubukan kong isipin si Itay, dahil sabi ay humugot daw mula sa sariling karanasan. Kaya lang, kaunti lang ang iniyak ko.

Bakit kaya ganoon? Paano kaya nagagawa ng mga artistang umiyak na lang basta-basta at todo-todo pa? Hay. . . Siguro tama sila. Siguro nga hindi naman talaga ako nababagay dito at pinipilit ko lang.

* * *

Nang dumating ang araw namagpe-perform na kami ay para bang bigla akong lalagnatin. Ang bigat sa pakiramdam! Grabe rin ang pagkabog ng puso ko. Pakiramdam ko nga, parang gusto ko na lang tumakbo pauwi at magkulong sa kwarto ko. Ito ang unang beses na gagawin ko 'to. Kaya sobra-sobra pa ang takot ko.

Napalingon naman ako sa katabi ko nang matawa ito. Syempre, sino pa ba? Walang iba kung hindi si Vincent? Sa inis ko ay inihampas ko sa braso niya ang nakarolyo kong mga papel.

"Ba't mo 'ko tinatawanan? Ha?" sita ko sa kanya.

"Yung mukha mo kasi! Para kang dina-diarrhea," sagot niya habang nagpipigil pa ng tawa.

Sinamaan ko naman siya ng tingin. "Kung alam ko lang, kinakabahan ka rin 'no."

"Well, kalma lang!" Hinawakan naman niya ang dalawang balikat ko na parang minamasahe ako. "Failed or not, matatapos din naman 'yan."

"Thank you, a? Nakatulong 'yung sinabi mo," inis na sabi ko at inirapan ko pa siya. Madalas talaga, hindi ako nang-iirap. Pero dahil ka-close ko na itong si Vincent, nabibiro ko na siya nang ganito.

"Di mo ba na-gets? Ang sa'kin lang, kung ma-fail mo man, there's always another chance!" paliwanag pa niya sa'kin.

Napabuntong-hininga na lang ako. Nakakakaba talaga! Kahit ano'ng sabihin niya, kinakabahan pa rin ako, e.

"Tsk, kaya mo 'yan!" pagpapalakas pa niya ng loob ko. Tipid na lang akong ngumiti sa kanya.

Ilang sandali pa ay ako na ang tinawag. Mas nauna ako kaysa kay Vincent, kaya naman katakut-takot ang kaba ko habang papunta sa opisina ni Direk Minerva Cruz. Isa raw itong batikang direktor na minsan na ring naging artista. Kaya naman napaka-metikuloso raw nito.

Lalo tuloy akong kinakabahan.

"Good afteroon po, Direk." Pinigilan ko ang mautal, dahil natatakot akong una pa lang ay mapansin na ni Direk na kinakabahan ako.

"Oh, the famous Maureen Olivarez," bati niya sa akin sabay ngiti. Para rin siyang si Ma'am Adel, e. 'Yon nga lang, hindi ko alam kung sino'ng mas nakakatakot sa kanila.

Isang ngiti lang naman ang naisagot ko. Sa totoo lang, hindi palagay ang loob ko sa tuwing nababanggit nila 'yon. Mas gusto ko na lang na ituring nila akong ordinaryo lang. Na hindi ako nakakabit sa pangalan ng mga Dela Rama at ng mga Olivarez.

Pakiramdam ko kasi, nabubuhay lang ako sa mga anino nila. Na para bang wala akong sariling pagkatao. Kaya lang, hindi ko na 'yon mababago pa, e. Dahil sila—sila ang bumago sa pagkatao ko.

"Are you ready?" tanong niya mayamaya.

Humugot ako ng malalim na hininga at malakas na nagsalita, "Opo, Direk!"

"Go!"

Itinuon ko ang mga mata ko sa dingding na nasa likuran ni Direk. Sinasabi ko sa sarili kong galingan at mag-focus, para hindi ko mabigo si Mommy. Nang masabi ko 'yon ay humugot ako ng malalim na hininga at sinimulang bigkasin ang linyang pinraktis ko.

Pinilit kong magmukhang galit. Nagtiim ng mga panga at ______

"Saksi ang Diyos. Di lahat ng araw sa inyo. Hindi lahat ng batas, kayo. Lahat ng ginawa n'yo sa'kin nakaukit sa puso at diwa ko. Lahat ng hirap at sakit—"

"Wait, cut!" biglang sigaw ni Direk Minerva kaya napahinto kaagad ako at kinakabahang tumingin sa kanya. Ano ba naman 'yan, Maureen! Sabi na nga ba't hindi ko makakaya 'to, e.

"Yung boses mo tunog galit, pero hindi ko makita 'yung emosyon sa mukha mo. Konti pa," sabi pa niya.

Napatango-tango na lang ako.

"Nasaktan ka na ba?"

"Po?" nagulat ako sa tanong niya na 'yon. Biglaan naman kasi, e.

"Sabi ko nasaktan ka na ba?!" mas lumakas pa ang boses niya na parang sinisigawan na niya ako.

"Opo, Direk. Opo," sagot ko naman.

Sa totoo lang, natatakot na ako ngayon kay Direk. Gustong-gusto ko nang lumabas sa opisina na 'to o kaya ay magpakain sa lupa. Sobrang hirap pala ng dinaranas ng mga artista.

"Oh, tell me about it," sabi pa niya at pinagkrus ang mga braso niya, tsaka sumandal sa upuan niya.

"Mahirap lang po kami ni Itay. Simula po no'ng bata pa 'ko, hindi maiiwasan na may mga umaapi sa'min. Na pinaparamdam samin na mas angat sila sa'min. Feeling nila pwede po nila kaming tapak-tapakan," pagkukuwento ko.

Napatango-tango naman si Direk Minerva. "Nagalit ka ba sa kanila?"

Tumango-tango. "Kinaiisan ko po sila."

"Hmm. Kung kaharap mo sila ngayon, ano'ng sasabihin mo sa kanila? Imagine. Imagine kaharap mo lahat ng taong nanakit sa'yo. 'Yung mga taong minaliit ka. Go," utos pa niya.

Humugot akong muli ng malalim na buntong-hininga. Naisip ko sila Marquita, na bobo ang tingin sa'min. Si Ma'am Helen, na napakababa ng tingin sa katulad ko. Si Sir Zeus, na pinaasa ako—idamay pa 'yung kapatid niya!

Lalong-lalo na ang mga taong nakapaligid sa'kin ngayon. Si Ma'am Adel at ang mga Lorenzino na inalis si Itay sa pagkatao ko. Ang mga taong walang ginawa kung hindi ang husgahan ako dahil sa pinagmulan ko.

"Bakit? Bakit gustong-gusto n'yong inaapi kami? Porque ba mas angat kayo? Porque ba maraming bagay na meron kayo at wala kami?"

Habang sinasabi ko ang mga salitang 'yon ay nakaramdam ako ng matinding sakit sa puso ko. Sakit na para bang may kahalong nag-aapoy na galit.

Naramdaman ko na ngang tumulo ang luha mula sa mga mata ko, pero pinagpatuloy ko ang pagbibitaw ng mga salita, "Kahit mahirap lang kami, wala kayong karapatan na apigin kami na'ng gano'n! Kasi tao rin kami! Nasasaktan din kami! May kaya rin kaming patunayan kahit ganito lang kami!"

"Saksi ang Diyos. Di lahat ng araw sa inyo. Hindi lahat ng batas, kayo. Lahat ng ginawa n'yo sa'kin, nakaukit sa puso at diwa ko. Lahat ng hirap at sakit, ibabalik ko sa inyo! Lahat kayo! Matitikman ninyo ang batas ng isang alipin!" (From "Pangako Sa'yo")

Ramdam na ramdam ko pa ang panginginig ko at paghabol ng hininga ko matapos kong masabi 'yon nang maayos.

"Yan! Perfect!" komento ni Ma'am Minerva na sa wakas ay ngumiti na sa akin.

Napangiti rin tuloy ako nang malawak habang nakaawang pa ang mga labi ko. Talaga ba? N-Nagawa ko nang tama? Matutuwa nito si Mommy!

"Alam mo, Maureen, magagamit mo 'yang mga pinagdaanan mo para panghugutan ng matinding emosyon," dagdag pa ni Direk.

Napatango-tango naman ako at nakinig nang mabuti sa mga sasabihin pa niya.

"Kasi 'yon ang kailangan sa acting. Kailangan, ma-convince mo sila na kung ano 'yung emosyon na nasa dialogue mo, 'yon din 'yung emosyon na nararamdaman mo."

"Opo, Direk," tugon ko at tumango-tango pa habang pilit na isinasaulo ang mga payo ni Direk.

Matapos din 'yon ay pinalabas na ako ni Direk sa opisina niya para sa susunod na sasalang. Habang papalapit sa kinauupuan namin ay nagpupunas pa ako ng luha. May narinig pa ang akong nag-aakala na napagalitan ako nang todo ni Direk. Hindi ko na lang sila sinagot.

"Oh? Ayos ka lang?" may pag-aalalang tanong sa akin ni Vincent nang umupo ako sa tabi niya.

"Ayos na ayos," sagot ko naman.

"Wow!" manghang sabi niya habang natatawa pa. Palatawa rin talaga 'tong si Vincent. "Parang kanina lang kabadong-kabado ka d'yan ah."

Napangiti ako at sumagot sa kanya, "Sabihin na lang natin na may maganda rin palang naidudulot sa buhay ko 'yung mga taong nanakit sa'kin."

* * *

"Naku, Miss Maureen, kung ako 'yung salamin, baka natunaw na 'ko. Kanina ka pa nakatitig d'yan," sabi sa akin ng personal assistant ko. Bahagya naman akong natawa.

"Ang ganda-ganda ko kasi," biro ko sa kanya.

"Ay, naku, Ma'am!" reaksyon na lang niya na mukhang wala nang masabi.

"Just kidding," sabi ko na lang pagkatapos ay tuluyan siyang nilingon at nginitian.

Ang tanging rason kung bakit minsan, hindi ko mapigilan ang mapatingin sa salamin ay dahil kahit papa'no, nami-miss ko pa rin ang dating ako. 'Yung tunay na ako. Si Maureen Calderon na simple lang at ang tanging gusto lang ay makapagtapos ng pag-aaral, at mabigyan ng maginhawang buhay ang tatay niya.

Ngayon, ibang-ibang Maureen na ang nakikita ko sa tuwing mapapatingin ako sa salamin, o di kaya sa picture ko. Isang sopistikadang dalaga na nabibihisan ng magagarang damit. Isang dalagang hindi halos mawalan ng kulay ang mga talukap, pisngi at mga labi.

At higit sa lahat, isang dalagang tinitingala, hinahangaan at minamahal ng karamihan. Iyon na lang siguro ang pinaka-reward ko sa bagong buhay kong 'to.

Sa mga nakalipas na taon, aaminin kong hindi pa rin naging madali ang buhay ko. Dumami man ang mga taga-suporta ko, dumami rin naman ang mga nanghuhusga sa pagkatao ko. Pero kagaya ni Mommy noon, at gaya rin ni Itay na hinarap ang lahat ng pagsubok para sa'kin, hindi ako sumuko.

Pilit man akong saktan at pabagsakin ng mga taong nakapaligid sa akin, tinatagan ko ang loob ko. Para kung dumating man ang panahon, hinding-hindi na nila ako mapapabagsak. Dahil hindi na ako 'yung dating Maureen na kinakayan-kayanan lang nila.

Iba na ang sitwasyon ko ngayon.

"Miss Maureen? Ready ka na po ba?" tanong sa akin ng isa sa mga staff doon.

Humawak ako sa dalawang hawakan ng upuan kong may pangalan ko pa mismo sa likuran. Pagkatapos ay unti-unti akong tumayo—tila isang modelong pumupukaw ng interes ng lahat ng manonood. Then, I stood firmly even with six-inched high heels, like a queen standing in front of her people.

"Of course!" sagot ko na punong-puno ng confidence.

I'm not the one who should prepare. The ones who should are those people who ruined my heart years ago. They should get ready for the new me—braver than before, fiercer than ever.

Itutuloy . . .