Linggo, ika-14 ng Enero
Para sa iyo,
Ikaw na pumukaw sa aking pansin.
Kumusta?
Ang totoo, hindi ko alam kung ano ang iyong pangalan, ngunit matagal na kitang pinagmamasdan mula rito sa isang bahagi ng barikan kung saan kita madalas na makita. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na hindi ka mapansin lalo na sa tuwing umaarko nang bahagya ang iyong mga labi. Gabi-gabi'y nagpupunta ako rito para lang masilayan ang nakangiti mong mga mata. Hindi ako nagsasawang pakinggan ang iyong tinig na kasing lamig ng niyebe, gayun din ang kahanga-hangang mga salita na lumalabas mula sa mamula-mula't pino mong mga labi na parang gayuma na patuloy akong inaakit.
Para kang isang panaginip na nagkatotoo.
Isang magandang larawan na nakatatak na sa aking isip at 'di na maglalaho.
Ikaw?
Naniniwala ka ba sa Pag ibig sa Unang Tingin?
Mukha kasing ganoon ang nangyari sa akin.
Lubos na gumagalang,
~ L ~
-----
Martes, ika-16 ng Enero
Para sa iyo...
Hindi ako umaasa ng anumang tugon mula sa iyo dahil tulad nang nakikita mo, ang lahat ng liham ko sa iyo'y nakatago lang dito sa aking tokador. Balak ko nga sana'y sunugin na lang ang mga ito, ngunit naisip ko na baka dumating ang pagkakataon na magkalakas ako ng loob na ibigay ang mga ito sa iyo. Bagama't binalaan na ako ng aking mga kaibigan na tigilan na ang kabaliwan kong ito dahil mapanganib, ngunit magagawa mo bang utusan ang puso na huminto kung nais nitong maghabol sa kaniyang iniibig?
Hindi ba't hindi?
Napakahirap para sa akin na basta ka na lang kalimutan.
Sapagka't ang puso't isip ko'y walang ibang laman, kundi ikaw lang.
~ L ~
-----
Huwebes, ika-19 ng Enero
Para sa iyo,
Ikaw na nagtataglay ng kaakit-akit ngunit mapanglaw na mga mata.
Hindi ko alam kung anong uri ng mahika ang ginamit mo sa akin upang hindi maalis sa isip ko ang ganda ng iyong mga mata. Halos kakulay ng mga mata mo ang bagong supang na dahon sa isang mayabong na sanga, ngunit ang pagkalilim nito'y hindi ganoon kadaling mailarawan. Para bang nag-aagaw ang kulay berde't dilaw sa iyong mga mata, na may asul na gumagapang sa paligid na tila gustong mangibabaw. Hindi ko makalimutan ang sandaling kumurap ka't kung paano hinarang ng mahaba at malambot mong pilikmata ang iyong kagandahan, na mas nangibabaw kaysa sa iyong makisig at nakabalangkas na tampok. At nang binuksan mong muli ang iyong mga mata, hindi parin ako makabawi sa kakaibang anyo ng iyong tingin na nakatutok sa tanawin na nasa labas, titig na tumatagos sa salamin na parang liwanag, ngunit nangungusap at nagsusumamo mula sa 'di nakikitang pangungulila't kalungkutan.
Doon ko naramdam, sa kauna-unahang pagkakataon, na may pumintig mula sa loob ng aking dibdib. Para akong hinilamusan ng hangin. Bawat ugat, maging ang pinakamaliit na himay sa aking laman ay lumukso't nagkabuhay.
Tama.
Hindi ka na naalis sa isip ko magmula noong araw na iyon.
Mapapatawad mo kaya ako kung bigla kong sabihin sa iyo na gusto kita?
Mula rito sa barikan kung saan kita unang nakita…
~ L ~
P.S
Edward, tama?
Nalaman ko lang mula sa matandang barista ang iyong pangalan.
Bagay na bagay sa iyo.
Malakas ang dating.
Tunog maharlika…
…at kaibig-ibig.
-----
Linggo, ika-22 ng Enero
Para sa iyo,
Ikaw na parati kong pinagmamasdan...
Hindi na bago sa akin ang malamlam na usok mula sa paborito mong sigaro na pumipilipit sa hangin at lumilikha ng malulungkot na mga alon habang tinatamaan ng maliliit na batik ng liwanag mula sa malamlam na ilaw ng barikan. Para akong lumalanghap ng sinilabang tuyong dahon. Masakit sa ilong, ngunit para sa iyo, ang amoy nito'y kasing bango ng bagong pitas na bulaklak.
At sa isang bahagi naman ng barikan ay naroon ang isang maliit na aparador na gawa sa salamin. Nakalagay sa loob nito ang mga botelyang naglalaman ng iba't ibang klase ng mamahaling mga alak, kabilang ang alak na paborito mong inumin. Mayamaya pa'y muli mong tinawag ang pansin ng barista at humingi ng isa pang tagay ng paborito mong alak. Kahit dito sa malayo'y pansin ko ang unti-unting pamumula ng iyong mukha na parang rosas, ngunit patuloy ka parin sa pag-inom na para bang wala nang bukas. Pilit na ikinukubli ng matapang mong anyo ang nagmumultong kalungkutan. At habang pinagmamasdan kita mula rito sa kinauupuan ko'y mas lalo akong nahihikayat na lapitan ka't damayan.
Ngunit hindi ko nagawa.
Nabahag ang aking buntot. Bigla akong kinain ng matinding karuwagan.
Labis akong nagsisisi ngayon sa 'di ko paglapit sa iyo. Isang pambihirang pagkakataon ang aking sinayang. At hanggang sa mga oras na ito'y hindi ka mawala sa isip ko, lalo na ang larawan ng iyong pag-iisa na nakapinta na sa aking isipan.
Lakas ng loob, nasaan ka?
Mula sa akin na lihim na tumatangi sa iyo,
~ L ~
-----
Linggo, ika-29 ng Enero
Para sa iyo,
Ikaw na nag-iisang tao na inalayan ko ng isang tula.
Tulad mo'y isang araw,
Sa gitna ng matinding taglamig
Binigyan mo ng init,
Itong nanlalamig kong dibdib
Sa totoo lang ay maraming beses ko nang tinangka na lapitan ka. Gusto kong makipagkilala sa iyo at magkaroon ng pagkakataon na makausap ka't maging kaibigan. Ngunit sa tuwing tinatangka kong ihakbang ang aking mga paa'y bigla akong napapaatras. Parati akong nauunahan ng kaba na kung dumagundong sa dibdib ko'y para akong matitibag.
"Hindi na bale. Sa susunod na makita ko siyang muli, lalapitan ko na siya't kakausapin."
Iyon ang ipinangako ko sa aking sarili.
Ngunit hindi iyon nangyari.
Dahil sa sumunod na araw na muli kitang nakita'y may kasama ka nang isang lalaki.
Tinawag mo siyang Miguel kung hindi ako nagkakamali.
Napansin ko agad ang kaibahan ng kutis niya kaysa sa iba. Ang kulay ng balat niya'y tulad nang kay Adonis na kayumanggi at makinis, katerno ng kaniyang kulay kakaw na mga mata na bilugan ngunit nangungusap. Ang kaniyang mga labi'y manipis ngunit maganda ang pagkakaarko't kakulay pa ng mapusyaw na rosas. Sa tantiya ko'y mga nasa dalawampu't limang taon na ang kaniyang edad. Mas matangkad siya ng kaunti kaysa sa iyo, mga lagpas anim na talampakan. Dahil doon kaya mas lalong umangat ang kaniyang kakisigan. Bagama't payat ay kitang kita parin ang magandang hubog ng laman sa kaniyang mga braso't binti. Hindi ko maipagkakaila ang ganda ng pagkakahulma sa kaniyang panga na parang inukit ng mga kamay ni Bathala.
Mukhang hindi lang siya basta masiyahin tingnan, nagawa ka pa niyang mapangiti at mapatawa ng malakas sa kalagitnaan ng inyong pag-uusap. Hindi rin limitado sa mga babae sa barikan ang kaniyang pagiging maginoo't magiliw, dahil maging sa iyo ay ganoon din ang kaniyang pagtrato, na para bang higit pa sa magkakilala ang inyong turingan. Bukambibig din niya ang magaganda't positibong mga bagay tungkol sa buhay, isang katangian na maaari mong asahan sa mga panahon ng iyong pagkalumbay.
Sa totoo lang…
Natulala ako't naging tuod noong nakita ko kayo sa gano'ng kasayang larawan.
Bigla akong nanaghili nang hindi ko namamalayan.
"Karibal ko ba siya sa iyong pagtangi?"
Sana nga'y hindi.
Mula sa akin na patuloy na umaasa...
~ L ~
------
Huwebes, ika-2 ng Pebrero
Para sa iyo…
Nabigla ako sa paanyaya sa akin ng lalaking parati mong kasama. Nagpakilala siya sa akin sa pangalan na Miguel Alspach. Hindi ko alam kung ano ang kailangan niya sa akin, pero mahalaga raw na makapag-usap kaming dalawa nang masinsinan.
Bakit kaya?
~ L ~
-----
Sabado, ika-11 ng Pebrero
Para sa iyo,
Ikaw na siyang pumupuno sa mga puwang sa aking puso...
Kumusta ka na?
Masaya ka ba ngayon?
Anong iniisip mo?
Ilan lamang ito sa mga tanong na nakasilid sa aking isipan. Ilang gabi narin akong walang maayos na tulog sapagka't walang ibang laman ang isip ko kung hindi ikaw. Iniisip ko kung sino ang katabi mo ngayon sa malambot na kama, kung sino ang pumupupog ng halik sa iyong matamis na labi't kung sino ang nagpapainit at lumalanyos sa bawat taludtod ng iyong katawan.
Siya ba?
Huwag kang mag-alala, alam ko na ang lahat.
Nalaman ni Miguel ang lihim kong nararamdaman para sa iyo. Noong araw na iyon mismo'y bigla niya akong kinausap at walang anu-ano��y sinaktan niya ako't pinagbantaan ng masama. Hanggang ngayo'y markado pa sa pisngi ko ang kaniyang kamao, pero ang 'di mawala-wala sa akin ay ang sakit na malamang ikaw at siya ay matagal na pa lang may espesyal na relasyon.
Ngunit sa kabila ng lahat ay wala akong pinagsisisihan.
Hindi ako nagsisising sinulatan parin kita noong araw na iyon.
Hindi ako nagsisising nagpakilala ako sa iyo.
Hindi ako nagsisising sinabi ko sa iyo ang tunay na nararamdaman ko.
'Yong totoo? Nagulat ako nang tumugon ka sa sulat ko.
Ngunit inaamin ko, nasaktan ako sa naging sagot mo.
"Marami ka pang makikitang higit kaysa sa akin." Ang sabi mo.
Ngunit alam mo ba kung ano ang itinugon ng isip ko?
"Wala na akong makikitang higit kaysa sa iyo."
Sinisisi ko rin ang sarili ko dahil naging duwag ako.
Mas pinili kong makuntento sa pagtanaw na lang sa iyo.
Ngunit sa mundong ito…
Ang mga tulad ko'y itinataboy…
Inuusig…
Kaya ako natakot.
Pero gusto ko na malaman mo na nang dahil sa mga nangyari���y natuto akong tumayo.
Makahanap man ako ngayon ng iba'y ikaw parin ang pinakatatangi ko.
Mahal kita, Edward.
Parati kitang iisipin, kahit saan ako magpunta.
Maging sa pinakahuling patak ng aking hininga, ikaw lang…at wala nang iba pa.
Mula sa akin na lubos na nagmamahal sa iyo…
-----
"…Lucas."
Hindi napigilan ng binatang si Rowan ang kaniyang mga luha na mangilid sa kaniyang mga mata matapos niyang mabasa ang lahat ng naiwang liham ng kaniyang kaibigan na si Lucas, na ngayo'y isa nang malamig na bangkay matapos itong mapatay sa bugbog ng mga sundalong Nazi sa kampo ng Dachau.
"Isa 'yan sa mga huling habilin sa akin ni Lucas. Ibigay ko raw sa iyo ang mga sulat na iyan para ibigay sa lalaking nagngangalang Edward Von Walde."
Mangiyak-ngiyak ang lalaking nagpakilala kay Rowan sa pangalan na Billy habang inihahabilin ang mga naiwang sulat ni Lucas. Isa si Billy sa mga mapapalad na napawalang-sala't pinalaya ng Nazi mula sa kampo ng Dachau. Mula sa Alemanya'y bumiyahe pa siya papuntang Irlanda para tuparin ang ipinangako niya kay Lucas na siyang nagsalba sa kaniya mula sa bingit ng kamatayan.
"Utang ko kay Lucas ang aking buhay. Aksidente kong napatay ang isang guwardiya dahil sa tangka niyang panghahalay at pananakit sa akin. Naroon si Lucas noong mangyari 'yon, at alam niyang parusang kamatayan ang naghihintay sa sinomang manakit o makapatay sa mga bantay na Nazi. Gumawa siya ng paraan para hindi ako maparusahan. Pinagsuot niya ako ng damit na may pulang tatsulok para magawa kong makihalo sa grupo ng mga pinaghihinalaang komunista. Nagpaiwan siya sa lugar kung saan ko napatay ang guwardiya kaya siya ang napagbintangan at naparusahan."
Inilabas ng lalaki mula sa kaniyang maleta ang isang damit. Guray-guray na ito't puno pa ng mga mansta ng dugo mula sa naglalakihang mga sugat. Sa kaliwang bahagi ng damit ay naroon ang simbulo ng mga bilanggong kasama sa grupo ng mga homosekswal, isang kalimbahing tatsulok kung saan kabilang ang nabilanggo't napatay na si Lucas.
"Isang bayani ang iyong kaibigan, Ginoong Rowan. Hindi ko kailanman makakalimutan ang sakripisyong ginawa niya hangga't ako'y nabubuhay."
"Oo, alam ko."
Tinanggap ni Rowan ang mga sulat maging ang sira-sirang damit na pag-aari ng kaniyang kaibigan na si Lucas. Pag-uwi niya sa Dublin ay agad siyang dumiretso hindi sa tahanan ni Ginoong Edward kundi sa libingan nito na nasa sementeryo ng Glasnevin.
"Sigurado akong masayang masaya na ngayon si Lucas dahil sa wakas, makikita ka na niya, Ginoong Edward."
Iniwan ni Rowan ang mga sulat ang ang damit sa harapan ng puntod. Pagkatapos ay nagpasiya nang umalis ang binata kasabay ng malakas na pagbugso ng malamig na hangin habang ang mga tuyong dahon sa paligid ng puntod ay marahang winalis at itinaboy sa himpapawid.