Mayroong dalawang klase ng lihim ang tao: ang isa na nais nitong panatilihin sa kaniyang sarili, at ang isa na hindi nito maaaring ipaalam sa iba.~ Ally Carte ~
-----
Malabo ang anyo ng paligid. Para ba ang lahat ng bagay ay mistulang natatakpan ng isang manipis na ulap. May kaunting sinag ng araw na nakasilip sa siwang ng bintana, ngunit hindi ito sapat para punuin ang buong paligid ng taglay nitong liwanag.
Tama...
Ito ang unang nasilayan ng batang lalaki nang siya'y nagkamalay sa isang maliit na silid. Natagpuan niya ang kaniyang sarili na nakahiga sa isang matigas na kama, balot ng kumot ang katawan at may basang tela na nakapatong sa kaniyang noo.
Napatanong tuloy siya sa kaniyang sarili, "Nasaan ako?" Pero ni isang detalye tungkol sa kung nasaan siya't kung paano siya napunta sa lugar na iyon ay hindi niya maalala. Ang malinaw lang sa kaniya noong mga oras na iyon ay ang nakakapasong init na sumisingaw sa buo niyang katawan at ang nakangangatal-panga na ginaw na animo'y yelong nakabalot sa kaniya.
Hindi nagtagal...
Tok-Tok-Tok!
Tatlong magkakasunod na katok sa pinto ang kaniyang narinig. Napilitan tuloy siyang ipaling ang kaniyang tingin sa pinto kung saan nakita niya ang dahan-dahan nitong pagbukas hanggang sa pumasok ang isang matandang babae na may dala na isang mangkok ng mainit na sopas.
"Ah, gising ka na pala." matamis at maaliwalas na ngiti ang naging pagbati ng matanda sa may sakit na batang lalaki. "Kumusta ang pakiramdam mo?"
Pinili ng batang lalaki na hindi sagutin ang pangungumusta ng matanda. Hindi niya maipagkaila ang pag-aalangan sa kaniyang mga mata lalo na sa tuwing nagtatagpo ang mga tingin nila ng matanda na ngayon pa lang niya nakilala. Sa tantiya ng bata, lagpas pitumpung taon na ang matanda. Pikit na halos ang mga mata ng matanda dahil sa kaniyang edad, kulubot ang mukha at balat, purong puti ang nakapuyod nitong buhok at bahagya nang baluktot ang likod. Ngunit mukha namang malusog ang matanda. Mas malusog pa nga itong tingnan kaysa sa kaniya na bukod sa payat na'y may iniinda pang sakit sa katawan.
Naramdaman naman ng matandang babae ang pagkailang sa kaniya ng batang dinala sa kanilang tahanan tatlong araw na ang nakakaraan ng isa sa kaniyang mga apo. Sa tantiya naman ng matanda ay mga nasa dose o trese anyos lamang ang edad ng bata. Payat ang pangangatawan, medyo maputla, ngunit magagawan na iyon ng paraan sa oras na malamanan na ng pagkain ang sikmura ng bata.
Maingat na ipinatong ng matanda ang mainit na mangkok ng sopas sa maliit na lamesitang katabi ng hinihigaan ng bata. Itinabi muna niya ang mga nakakalat na damit ng kaniyang mga apo at mga gamit sa isang tabi para magkaroon siya ng espasyo na pwede niyang magalawan. Pagkatapos ay sunod naman niyang binuksan ang bintana upang makapasok ang sariwang hangin at ang mainit-init na sikat ng araw. Bahagya pa ngang nasilaw noong una ang bata, ngunit kalauna'y nagawa rin ng mga mata niyang umangkop sa liwanag.
"Gusto mo na bang kumain?" biglang kibo ng matandang babae sa batang lalaki. Bagama't mukha namang mabait ang matanda, hindi parin kumportable ang bata na makipag-usap. Ang naisip niyang gawin ay ang tumango o umiling depende sa mga tanong sa kaniya ng matandang babae.
"Kung gano'n ay hindi ka pa gutom" tugon ng matanda matapos umiling ng bata sa tanong niya kung gusto na ba nitong kumain. Dahil doon kaya minabuti muna ng matanda na takpan ang sopas upang hindi ito pasukin ng mga ipis na panay ang paroo't parito sa sahig. "Basta't kung nagugutom ka ay tawagin mo lang ako. Nariyan lang naman ako sa labas. Kung 'di man kita marinig, tiyak na maririnig ka ang aking mga apo."
Tumango lang ang batang lalaki sa bilin ng matanda. Unti-unti na sana siyang dinadalaw ng antok noong mga oras na iyon, nang biglang nagbukas ng malakas ang pinto at pumasok ang isang binatilyo.
"Kumusta Lola!" masiglang binati ng binatilyo ang matanda. "Ano? Gising na po ba ang bisita natin?"
"Hay, ano ka ba namang bata ka!" kahit kulubot na ang mukha ng matanda ay kita parin kung paano ito kumunot sa inasal ng isa sa kaniyang apo lalo na sa harapan ng kanilang bisita. "Ilang beses ko ba na sinabi sa iyo na kakatok ka sa pinto!"
Natahimik bigla ang binatilyo sa sinabi ng matanda. Dahan-dahan siyang umatras at lumabas ng silid. Isinara niya ang pinto at pagkatapos ay...
Tok! Tok! Tok!
"Lola! Pwede po bang pumasok?"
Napailing na lang ang matanda.
"O s'ya, sige na. Pasok"
Binuksan muli ng binatilyo ang pinto at pumasok sa silid.
"Pasensya na po, Lola. Medyo nasabik lang po kasi ako eh. Hehehe" nakangisi ang binatilyo sa kaniyang lola habang nangangatwiran.
"O sige na. Pero sa susunod na ulitin mo pa ulit ang asal na 'yan, makakatikim ka na talaga sa akin ng kurot sa singit!"
"Lola naman!" napahawak ang binatilyo sa kaniyang harapan. "Ang laki-laki ko na eh! Sa singit parin?"
"At saan mo naman gusto? Sige nga?"
"O s-sige po, sa singit na lang. Baka kung saan pa po ninyo ako kurutin eh."
"Ikaw talaga na bata ka!"
"Hehehe, kayo naman Lola. Biro lang po!" nilapitan ng binatilyo ang kaniyang lola at niyakap ito mula sa likod. "Gusto ko lang po na magpasalamat sa pagtanggap ninyo sa kaniya dito, Lola."
Narinig ng batang may sakit ang sinabi ng binatilyo. Napatingin siya sa mukha nito na pamilyar sa kaniyang alaala. Kulay pula ang buhok nito na natatakpan ng makapal ba kulay tsokolateng bonet. Matangkad siya, katamtaman ang pangangatawan at mukhang naglalaro sa labinlima hanggang labimpito ang kaniyang edad.
Tama.
Sigurado ang batang lalaki na ang binatilyong iyon ang taong huli niyang nakita bago siya nawalan ng malay sa gitna ng kalye noong gabi ng unang pagdating niya sa siyudad ng Dublin.
"I—ikaw...?" sa wakas ay umimik din ang batang lalaki habang nakatingin siya sa binatilyong nakayakap sa matanda.
"O, bakit bata?" nilapitan naman ng binatilyo ang batang lalaki. "Kumusta? Ayos na ba ang pakiramdam mo?"
Tumango ang bata sa tanong. Ngunit maluha-luha siya noong mga oras na iyon dahil hindi niya inakala na may tutulong pa sa kaniya noong gabi na halos gupuin na siya ng matinding pagod mula sa malayong paglalakbay na kaniyang ginawa.
"Salamat po." ang sabi ng bata sa binatilyo. Alam ng binatilyo ang nais sabihin ng bata sa maikli nitong pasasalamat. Ngumisi siya ng pagkalaki-laki sa bata at pabirong nagwika.
"Naku, wala 'yon! Maliit na bagay!" magiliw na sagot ng binatilyong si Lorcan. "Suwerte mo dahil naroon ka sa lugar kung saan nagkataon na naroon ako."
"O s'ya, sige na." Tumayo ang matanda at nagpaalam na sa dalawa. "Nasa kusina lang ako. Maghahanda lang ako ng pagkain para sa mga bata."
"Sige, Lola."
Nakahakbang na ang matanda palabas ng silid nang bigla siyang kinibo ng batang nakaratay sa kama para magpasalamat.
"Salamat po sa inyo, Lola."
Lumingon ang matanda at tumugon ng matamis at maaliwalas na ngiti bago nito tuluyang nilisan ang silid.
"Ayos!" umupo si Lorcan sa silyang inupuan kanina ng kaniyang lola at magiliw na kinumusta ang binata. "Kumusta ang pakiramdam mo? Nga pala, ang pangalan ko ay Lorcan. At 'yong nag-alaga sa iyo dito kanina, siya ang lola ko, si Lola Elma. Ikaw? Anong pangalan mo? Ilang taon ka na? Saan ka nakatira? At anong ginagawa mo rito sa siyudad ng Dublin?"
Napakurap ng kaniyang mga mata ang bata dahil sa sunu-sunod na tanong sa kaniya ng binatilyo.
"Ah...eh..."
Nahalata naman ng binatilyong si Lorcan na nahihirapan sumagot sa kaniya ang may sakit na batang lalaki dahil sa dami ng kaniyang tanong.
"Hehehe, pasensya na! Ang dami ko bang tanong? Sige, pangalan mo na lang muna. Anong pangalan mo?"
Sumagot naman agad ang bata sa tanong.
"Fiann. Ako si...Fiann"
"Ikinagagalak kitang makilala, Fiann." Ani Lorcan sa kaniya. "Masaya ako na maayos na ang lagay mo ngayon kumpara noong una kitang nakita. Tatlong araw ka rin na walang malay, alam mo ba 'yon?"
"T—tatlong araw?" nanlaki ang mga mata ng bata sa kaniyang nalaman. "H—hindi pwede..."
Walang anu-ano'y pilit na bumangon ang bata mula sa kaniyang kinahihigaan.
"Kailangan ko nang umalis!"
"Teka! Teka!" awat ni Lorcan kay Fiann. "Anong ginagawa mo! Hindi ka pa magaling ah!"
Pilit na ibinalik ng binatilyo ang naliliyo pang batang lalaki sa higaan nito. Palibhasa'y hinang-hina pa ang batang si Fiann dahil sa mataas na lagnat kaya wala itong nagawa para pigilan si Lorcan sa pag-awat sa kaniya.
"Kailangan kong umalis, pakiusap!"
"Hindi pwede." klaradong pagtutol ni Lorcan sa gustong mangyari ni Fiann. "Hindi mo ba nakikita ang sarili mo? Mahina ka pa!"
"Pero kasi..."
"Kasi ano?"
Biglang tumiklop ang bibig ni Fiann sa sumunod na tanong ni Lorcan sa kaniya. May kung anong pumigil sa bata na sabihin ang totoong dahilan ng pagpupumilit niyang bumangon sa kabila ng kaniyang kondisyon.
"Oh? Ba't natahimik ka?" biglang tanong ni Lorcan sa kaniya. "Kung ano man 'yan, sabihin mo na. Baka makatulong ako."
Lumihis ng tingin ang batang si Fiann upang makaiwas. Halatang hindi nito gustong magsabi ng kahit na ano sa binatilyong si Lorcan lalo na't ngayon pa lang naman sila nagkakilala.
"O sige. Nauunawaan ko. Malamang na isa 'yang sikreto na ayaw mong may makaalam na kahit na sino." Ani Lorcan kay Fiann. "Pero kung ano man 'yang hindi mo gustong ibahagi sa akin, walang problema. Pero kailangan mo munang magpalakas bago ka gumawa ng anumang hakbang."
Ibinalot ni Lorcan ang makapal na kumot sa nangangatal na katawan ni Fiann. Kinuha niya ang bimpo na nasa mesa at binasa ito ng tubig na nasa palanggana. Pagkatapos ay saka niya ito ipinatong sa noo ng batang si Fiann na muli na namang inaapoy ng lagnat.
"Huwag kang pasaway, maliwanag!" Tumayo na si Lorcan upang hayaan na makapagpahinga ng mabuti si Fiann. "Kung may kailangan ka, tawagin mo lang ako."
Hindi na nakasagot pa ang batang si Fiann. Unti-unti na kasing nilamon ng panghihina at pagod ang kaniyang katawan dahil sa mataas na lagnat. Minabuti ni Fiann na ipikit muna ang kaniyang mga mata. Hindi naglaon ay dinalaw din siya ng antok hanggang sa tuluyan na siyang nakatulog sa kaniyang higaan.
------
"Sige, lapit."
Pagkatapos ikasa ni Jack ang kaniyang baril ay agad niyang kinalabit ang gatilyo at isa-isang inasinta sa ulo ng mga halimaw. Hindi na nagkaroon pa ng pagkakataon na makalapit nang husto ang mga halimaw sa kanila ni Rowan dahil sa bilis ng mga kamay ni Jack sa pagbaril. Napakalinis at napakagaan ng bawat galaw niya na parang nakasakay lang siya sa hangin. Kalkulado ni Jack ang bawat kilos ng kalaban na sinabayan pa ng liksi ng kaniyang katawan at lakas ng kaniyang mga suntok at sipa.
Ang galing!
Dahil doon kaya hindi naiwasan ni Rowan ang hindi mapahanga sa kaniyang mga nakita.
Siya ba talaga si Jack?
Ngunit hindi rin naiwasan ng binata na hindi magulat at mandiri sa sunud-sunod na pagsabog at pagtilamsik ng mga piraso ng laman at dugo mula sa mga napatay na halimaw ni Jack. Nahahati tuloy ang atensyon niya sa pakikipaglaban at pag-iwas sa mga halimaw na gusto siyang gawing hapunan at sa mga nagtatalsikang karne ng mga halimaw mula sa mga napatay ni Jack.
"Parang hindi naman sila nauubos, Jack!" dumaing si Rowan kay Jack habang pilit na itinataboy ang mga halimaw na gusto siyang haklatin gamit ang kaniyang mga suntok at sipa na hindi manlang makagawa ni kaunting gasgas sa kaniyang mga kalaban.
"Hindi talaga sila mauubos hangga't may nakikita sila na gaya mo!" sagot naman ng gabay sa daing ng binata. Nagkarga muli ng bala si Jack at mabilis niya itong kinasa para paputukin sa mga kalaban. "Kaya hanapin mo na kung nasaan ang mga relikya mo para makaalis na tayo!"
"Ha?!" napilitan si Rowan na dumikit kay Jack dahil hindi na niya kaya ang dumaraming bilang ng mga kalaban. "Ako talaga?! Eh ikaw itong may baril sa ating dalawa ah?!"
"Iyon na nga eh! Masyado akong abala rito!" isang halimaw pa ang nagawang pasabugin ni Jack bago niya nagawang sagutin muli si Rowan. "Nakikita mo ba 'yang mga bagay na nakasabit sa mga baywang nila? Mga relikya ang mga 'yan! Nagnanakaw sila ng mga relikya mula sa mga kaluluwa para gawing mga palamuti o pain! Isa sa mga 'yan ang sa iyo! Kapag nahanap mo, sabihin mo sa akin at ako nang bahala!"
"T-teka lang!" aminado si Rowan na nataranta siya sa mga atas na ibinigay sa kaniya ng gabay niyang si Jack. "Masyado silang marami! At ang bibilis pa nila! Para namang imposible na makita ko ang mga relikya ko gamit lang ang mga mata!"
"Kung gano'n ay gamitin mo ang pakiramdam mo!" ang sabi ni Jack sa kaniya. "Konektado sa iyo ang mga relikya! Kaya alam ng kaluluwa mo kung nasaan sila kahit hindi mo sila nakikita gamit ang mga mata!"
Napakurap ng kaniyang mga mata si Rowan habang hayagang sinasabi ng kaniyang nanigas na mukha ang mga katagang, "Ano?!"
Wala nang oras na dapat pang masayang. Agad na itinulak ni Jack si Rowan gamit ang kaniyang siko at pasinghal na nagwika.
"Huwag ka nang matulala d'yan! Kilos na!"
Napaigtad si Rowan dahil sa gulat. "O-oo! Oo na! Sige, kikilos na!"
Napilitan ang binata na sundin ang utos ni Jack. Ngunit hindi niya alam kung saan at paano siya magsisimula.
Nakakapangilabot talaga ang dami nila!
Nakapalibot sa kanila ni Jack ang napakaraming buwitre na halatang gutom na gutom at masyadong agresibo. Paroo't parito ang iba sa kanila sa ere, habang ang iba naman ay sa ilalim ng lupa umaatake.
"Gamitin ang pakiramdam! Gamitin ang pakiramdam!"
Mukha lang madaling gawin ang sinasabi ni Jack na 'pakiramdaman ang mga relikya', pero mahirap kapag nasa aktuwal na senaryo na. Ganoon mismo ang naranasan ng binatang si Rowan. Kailangan niyang gawin ang isang bagay na mukhang imposibleng mangyari. Daig pa niya ang naghahanap ng karayom sa loob ng isang madilim na silid. Imposibleng mahanap niya ang isang bagay gamit lang ang pakiramdam.
At sa gitna ng kaabalahan ni Rowan sa paghahanap sa mga nawawala niyang relikya na 'di umano'y nakasabit lang sa baywang ng isa sa mga halimaw na nakapalibot sa kanila ay bigla na lang umihip sa kanang tainga niya ang isang malamig na hangin na may kasamang mahina ngunit klaradong bulong.
Kuya Rowan...
Mabilis na nilingon ni Rowan ang pinagmulan ng tinig. Saktong paglingon niya ay papalapit naman sa direksyon niya ang isang halimaw. Ngunit imbis na umiwas o tumakbo ay nanatili siya sa kaniyang kinatatayuan ang binata. Nakatutok kasi ang pansin niya ng mga bagay na nakasabit sa baywang ng papalapit na halimaw kung saan kabilang ang kaniyang mga relikya: isang pakpak na panulat, isang pananda sa aklat, at isang laruang parasyut.
"Nakita ko na!" biglang usal ni Rowan, sabay turo niya sa halimaw na papalapit sa kaniya. Mabuti na lang at alerto parin si Jack sa kabila ng kaliwa't kanang pakikipaglaban niya sa mga halimaw. Agad niyang ipinihit ang kaniyang katawan papunta sa direksyon na itinuro ni Rowan at itinutok ang kaniyang baril sa ulo ng papalapit na halimaw.
"Huli ka ngayon!"
Ipinutok ni Jack ang baril. Saktong bumaon sa noo ng halimaw ang bala at agad itong sumabog. Tumilamsik ang mga laman at dugo nito sa mga batuhan habang naiwan naman ang katawan nito na nakabulagta sa lupa. Mabilis na tinakbo ni Jack ang katawan at agad na kinuha sa baywang nito ang tatlong relikya ni Rowan na nakatali pa sa isa't isa.
"Saluhin mo!"
Inihagis ni Jack ang mga relikya kay Rowan na agad namang nasambot ng binata.
"Bilis! Magtago ka sa likod ng mga batuhan!"
Sumunod naman agad si Rowan kahit wala siyang kaide-ideya kung ano ang pinaplanong gawin ng kaniyang gabay. Pagkatapos niyang makapagtago sa likod ng mga batuhan ay inilabas ni Jack mula sa loob ng kaniyang bulsa ang isang piraso ng puting tela na sa unang tingin ay mukhang isang basahan. Mabilis niyang ibinalot sa kamao niya ang nasabing tela at pagkatapos ay saka naman niya inilabas ang isang palito ng posporo na nakasiksik sa kanan niyang manggas na ikiniskis niya sa kuko ng kaniyang hinlalaki upang sumilab.
"Ito ang kainin ninyo, mga halimaw!"
Mabilis na nagliyab ang telang nakabalot sa kamao ni Jack matapos niya itong silaban. Ilang sandali pa'y lumikha ito ng makabulag-matang liwanag na ginawang abo ang mga halimaw na nakapalibot sa kanila sa isang iglap lang. Hindi nakita ni Rowan ang lahat ng mga nangyari dahil nasa likod siya ng mga bato. Ngunit dinig na dinig niya ang malakas na ungol at ingit ng mga halimaw na parang mga baboy na kinakatay hanggang sa mamatay ang mga ito.
Hindi nagtagal ay nawala rin ang liwanag na pansamantalang lumamon sa buong lugar. Kasabay din nitong nawala ang malalagom na ungol at matitinis na hiyaw ng mga halimaw. Literal na niyakap ang buong lambak ng mga buwitre ng matinding katahimikan kung saan ang tanging ingay lang na maririnig ay ang kaluskos ng mga nagliliparang buhangin mula sa mga nadurog na bato at lupa.
"J—Jack?"
Bahagyang nag-alala si Rowan sa kalagayan ng kaniyang gabay kaya nagpasiya siya na lumabas sa pinagtataguan nitong malaking bato. Paglabas niya ay nakita niya si Jack na nakatayo parin puwesto nito, ligtas at walang anumang tinamo na pinsala.
Subalit...
"J—Jack?"
May kung anong talim na nakita si Rowan na lumiim sa mga mata ng gabay na si Jack habang nakatanaw ito sa isang mataas at matarik na bato. Nagtaka ang binata kung ano ang mayroon sa dakong iyon kaya ipinihit niya roon ang kaniyang tingin. Doon ay nakita niya ang isang matangkad na lalaki na nakasuot ng purong itim at may nagbabagang pulang mga mata. Hindi gaanong makita ni Rowan ang mukha ng nasabing lalaki na nakatayo sa tuktok ng matarik na bato habang nakikipagbuno ng titigan sa gabay na si Jack. Ngunit kung pagbabasehan niya ang reaksyon ng kaniyang gabay, masasabi niyang hindi isang kakampi ang lalaking bigla na lang nagpakita sa eksena.
Nakatiklop ng mariin ang mga kamay ni Jack na halatang nagpipigil ng kaniyang sarili na sugurin ang lalaking nagpakita.
"Sinasabi ko na nga ba't ikaw 'yan, Mephistopheles!" ang sabi ni Jack sa lalaking nasa tuktok ng mataas na bato.
Ngunit imbis na sumagot ay nagpakita lamang ng isang malamig at malapad na ngiti ang lalaking tinawag ni Jack sa pangalan na Mephistopheles. Ilang sandali pa'y bumuka ang bibig nito at nagbanggit ng mga salita na bukod-tanging si Jack lamang ang nakaunawa. Pagkatapos niyon ay saka naglaho ang lalaki na parang usok sa hangin at wala itong iniwan na anumang bakas.
Kitang kita ni Rowan kung paano binalot ng matinding kilabot ang mukha ni Jack matapos magpakita ng misteryosong lalaki. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakita niya ang kaniyang gabay sa ganoong hitsura na para bang may kung ano itong matinding pinangangambahan.
Dahil sa pag-aalala kaya sinubukan ni Rowan na lumapit kay Jack upang nag-usisa.
"Sino ang lalaking 'yon, Jack?"
Natauhan si Jack sa ilang minuto na pagkatulala niya. Ngunit imbis na sagutin ang tanong ni Rowan, sa halip ay agad siyang umiwas.
"Tara na. Umalis na tayo." Isinuksok ni Jack ang baril sa kaniyang tagiliran at nagmadaling naglakad palayo. Lalo tuloy nahiwagaan si Rowan sa 'di magandang kinikilos ni Jack kaya lalo lamang din siyang nangulit at nagtanong.
"Sino ang lalaki na 'yon? Magsalita ka naman! Kausapin mo ako!"
"Hindi ito ang oras para kulitin mo ako ng kung anu-ano, Rowan!" alsado na ang boses ni Jack sa naging pagsagot niya kay Rowan. Dahil doon kaya lalo lamang nag-init ang binata at sapilitang hinaklat ang kamay ni Jack upang mapilitan itong magsalita sa kaniya.
"Kausapin mo ako kapag kinakausap kita!"
Pinandilatan ni Rowan ng mga mata si Jack. Ngunit nagmatigas parin si Jack sa kabila ng pagpapakita ni Rowan ng tapang sa kaniya sa pamamagitan matalas nitong pananalita.
"Wala akong kailangan na sabihin sa iyo, Rowan." Matigas na sambit ni Jack sa binata. "At kung mayroon man, hindi ko sasabihin 'yon sa iyo. Ang intindihin mo ay ang sarili mo at ang pagtawid mo sa liwanag. Huwag mong problemahin ang sa akin. Nagkakaintindihan ba tayo?"
Gustung gusto ng binata na gumanti ng sagot, ngunit sa hindi malaman na kadahilanan ay wala siyang masabi na maipambabato niya sa kaniyang gabay. Aminado siya na nasindak siya ng bahagya sa ipinakitang ugali sa kaniya ni Jack. Pero mas lamang ang pagkabahala niya na may kung anong bagay siya na kailangan niyang malaman pero ayaw itong ipaalam ni Jack sa kaniya.
Hindi ko alam kung ano ang sinisikreto mo sa akin, Jack. Pero malalaman at malalaman ko rin 'yan.
Sa kabila ng naging mainit na pagtatalo ay minabuti parin ni Rowan na ipagpatuloy ang paglalakbay kasama si Jack. Ngunit sa pagkakataong ito, hawak na ni Rowan sa kaniyang mga kamay ang kaniyang mga relikya na maaaring susi sa kaniyang nawawalang mga alaala at tulay para makatawid ang kaniyang kaluluwa sa kabilang buhay.