webnovel

Rowan's Odyssey

May tatlong dahilan kung bakit hindi makatawid si Rowan sa kabilang-buhay: Una, nawalan siya ng alaala. Pangalawa, may isang bagay pa siya na kailangang gawin sa lupa. At pangatlo, kailangan niyang malaman kung paano siya "namatay" Sa tulong ng misteryosong lalaki na nagpakilalang si "Jack", magagawa kaya ni Rowan na makatawid sa kabilang-buhay sa tamang oras? O tuluyan na bang magiging huli ang lahat para sa kaniya?

Rosencruetz · 灵异恐怖
分數不夠
19 Chs

Kabanata I: Wakas

Ang kamatayan ay hindi ang wakas ng buhay;

Ito ang simula ng walang hanggang paglalakbay.

~Debasish Mridha~

------

Ito ay kuwento ng isang binata na ang pangalan ay Rowan, at nagsimula ang kaniyang kuwento sa katapusan. Ang totoo, ang istoryang ito ay hindi lamang tungkol sa kaniya, ngunit nagsimula ang lahat sa araw kung saan nagtapos ang mga huling sandali ng buhay niya sa isang 'di maipaliwanag na dahilan. At kung paano iyon nangyari? Wala ring nakakaalam. Matapos siyang lamunin ng buo ng isang kakaiba at nakakasilaw na liwanag ay bigla na lang siyang nagising sa gitna ng isang malawak na lupain na napapalibutan ng mga puting bulaklak.

Mga liryo.

Literal na nakahiga si Rowan sa kumpol ng mga puting liryo. Nakapalibot sa kaniya ang mga ito na parang mga bantay, habang ang mga nagkikiskisan nitong mga dahon, sanga at mga bulaklak ay tila umaawit upang ihele ang kaniyang kaluluwa. Pakiramdam tuloy ng binata ay nasa langit siya nang dahil sa mga bulaklak. Binigyan siya nito ng pakiramdam na iba sa karaniwan, tulad ng kung ano ang pakiramdam ng isang tao kapag ito'y nananaginip.

Subalit...

Huh?

Unti-unti ay napansin ng binata ang malaking kaibahan ng inakala niyang panaginip sa natural na anyo ng realidad. Natauhan siya, at walang anu-ano'y bumangon siya. Mabilis niyang iginala ang kaniyang tingin at hinaplos ang mga bulaklak at damo na sa tabi niya.

H—hindi ito...isang panaginip?

Tama. Hindi nga 'yon isang panaginip.

Totoo ang mga bulaklak, ganoon din ang mga damo. Ramdam niya ang banayad na hampas ng hangin na mas sariwa at manamis-namis ang amoy kumpara sa pangkaraniwang simoy nito. Subalit ang anyo ng langit ay hindi tulad ng nakasanayan niyang makita. Para iyong isang malaking tabing ng hamog na nagpapalit ng kulay. Mula sa pula ay nagiging bughaw, tapos ay nagiging berde at pagdaka'y nagiging dilaw. Gusto niyang mamangha, pero mas lamang ang pagkalito niya sa mga bagay na kasalukuyang nasa paligid niya.

Mga tatlo o apat na beses na kinusot ni Rowan ang kaniyang mga mata. Pagkatapos ay huminga siya ng malalim habang sinusubukan niyang sagutin ang tatlong tanong sa kaniyang isipan:

Una, nasaan siya?

Pangalawa, bakit mag-isa lang siya?

At pangatlo...

May nawawala ba sa akin?

Makalipas ang ilang minuto ng malalim na pag-iisip ay napansin ni Rowan na wala siyang maalala ni isa tungkol sa kung ano ang nangyari sa kaniya. At kahit na anong piga ang gawin niya sa kaniyang utak, ni isa ay wala siyang maalala.

Ngunit hindi lamang isang partikular na pangyayari ang hindi niya maalala, kundi halos lahat ng pangyayari sa kaniyang buhay ay hindi niya matandaan.

A—anong nangyari sa akin? B—bakit wala akong maalala!

Matinding takot at pagkalito ang yumakap sa binatang si Rowan. Maliban sa kaniyang pangalan ay wala na siyang anumang matandaan tungkol sa kaniyang sarili at sa kaniyang pinagmulan. At habang balisa na nag-iisip ng posibleng mga dahilan si Rowan ay napansin niya mula sa 'di kalayuan ang isang mahabang puting mesa. Nagpasiya siya na lumapit kahit na siya'y nag-aalangan. At nang siya'y nakalapit, tatlong bagay lang ang nakita niya na nakapatong sa mesa; isang pakpak na panulat, isang pananda sa aklat at isang laruang parasyut. May kung anong naramdaman na kakaiba si Rowan habang pinagmamasdan niya ang mga bagay na nakapatong sa puting mesa. Para iyong isang kutob na may malaking papel ang mga bagay na iyon sa misteryong bumabalot sa kasalukuyan niyang kalagayan.

Hanggang sa...

"Kumusta, Rowan?"

Isang tinig ang nanaig at bumasag sa katahimikan.

"Kanina pa kita hinihintay."

Nabigla ang binatang si Rowan sa narinig niyang boses na nagmula sa likuran niya. Agad siyang lumingon at nakita niya ang isang lalaki. Kasing itim ng gabi ang kaniyang suot, ganoon din ang kulay ng kaniyang maalong buhok na tugma sa matingkad niyang asul ngunit patay na mga mata. Lumapit siya sa binata at inunat ang kaniyang kanang kamay na nag-aanyayang sumama ito sa kaniya.

"Halika." Aniya. "Tutulungan kitang mahanap ang liwanag."

Napaatras ng bahagya si Rowan mula sa kinatatayuan niya habang balot ng pagtataka ang kaniyang namumutlang mukha.

"Teka, sino ka?"

Subalit bago paman naipakilala ng lalaki ang kaniyang sarili sa binatang si Rowan ay naramdaman nito ang panganib na nagbabadyang lumapit sa kanila.

"Narito na sila..."

Walang babala na hinablot ng lalaking nakapurong itim ang kamay ni Rowan at pagkatapos ay saka niya ito dali-daling inialis sa lugar.

"Sumama ka sa akin, bilis!" Ang sabi ng lalaki kay Rowan na tila may kung anong pinagmamadalian.

"T—teka? Ano?"

Ngunit bago sila umalis sa lugar ay kinuha muna ng lalaki ang tatlong bagay na nakapatong sa puting mesa at inilagay niya ang mga iyon sa loob ng kaniyang bulsa. Pagkatapos ay nagmadali na siyang umalis sa lugar na iyon kasama ang litung-lito na si Rowan na para bang may kung ano silang dapat na takasan.

"Sandali lang muna!" pilit na nanlaban si Rowan hanggang sa mapilitan ang lalaki na huminto sa paghatak sa kaniya. "Hindi ako basta sumasama sa mga taong 'di ko kilala!"

"Makikilala mo rin ako mamaya." Mabilis at walang paliguy-ligoy na sagot ng lalaki sa kaniya. Muli nilang ipinagpatuloy ang pagtakas hanggang sa makarating sila sa dulong bahagi ng lupain kung saan matatagpuan ang isang malawak na itim na ilog na may nakaabang na isang puting bangka.

"Sakay." Utos ng lalaki sa binatang si Rowan na ikinapantig naman ng tainga ng binata.

"At bakit naman ako sasakay d'yan?" protesta niya.

"Dahil sinabi ko." Malamig at may talim na tugon ng lalaki sa binata. "Kapag hindi ka pa sumakay ngayon, tiyak na maaabutan nila tayo."

Balak pa sanang sagutin ni Rowan ang lalaki. Ngunit naudlot iyon nang may narinig siyang kakaibang ingay na nagmula sa lugar na pinanggalingan nila kanina. Para 'yong tunog ng pinagsama-samang yapag ng malalaking paa, sapat upang mayanig ang kalupaan. Pinagmasdan ng mabuti ng binata kung ano iyon, at laking gulat niya nang may nakita siyang isang nakakatakot na halimaw. Ang ulo nito ay tulad ng sa buwitre, ang katawan naman nito ay sa isang leon, at ang buntot ay tulad ng sa ahas. Bumubuga ng itim na usok ang tuka ng halimaw at mapapansin mo rin ang naglalakihan at matatalas nitong mga pangil na kapareho ng sa pirana.

"T—teka! Ano ang bagay na 'yan?!"

Hindi paman nakakabawi mula sa matinding pagkagulat si Rowan ay nasundan agad iyon ng 'di pangkaraniwan at mabilis na pagkalanta ng mga liryo na nakapalibot sa kanila. Pagkatapos ay sumunod naman niyang naramdaman ang malakas na pagyanig mula sa ilalim ng lupa na tila ba may kung anong malaking bagay na aahon mula sa ilalim anumang oras.

"Kailangan na nating makaalis agad sa lugar na 'to!"

Kinuha ng lalaki ang sagwan na nasa gilid ng bangka at inumpisahan na niya agad ang mabilis na pagsagwan upang makaalis sila sa pampang. Ngunit dahil sa labis na paggalaw ng tubig dulot ng pagyanig sa ilalim ng lupa ay nahirapan ang lalaki na sagwanin ang tubig patungo sa direksyon na kailangan nilang tahakin.

"Kumapit ka sa gilid ng bangka!" utos ng lalaki sa binatang si Rowan.

Dahil narin sa pagkataranta kaya hindi narinig ni Rowan ang sinabi ng lalaki. Sa lakas ng mga sumunod na pagyanig ay nawalan ng balanse si Rowan at nahulog ito sa tubig.

"Rowan!"

Napilitan ang lalaki na nakapurong itim na huminto sa pagsagwan upang sagipin ang binatang si Rowan. Ngunit nang ililigtas na sana niya ang nalulunod na binata ay saka naman siya biglang dinambahan ng halimaw na kanina pa sumusunod sa kanila.

"Ah!"

Mabuti na lang at naisangga ng lalaki ang hawak niyang sagwan sa matatalim na pangil ng halimaw bago paman lumapat ang mga iyon sa ulo niya.

"Hindi ko kayo hahayaan na makuha siya mula sa akin!"

Buong-lakas na itinulak ng lalaki palayo sa kaniya ang halimaw. Ngunit hindi nagpadaig ang kalaban at mabilis nitong hinatak ang binti ng lalaki para ihampas sa upuan ng bangka. Mabuti na lang at mabilis na nakapag-isip ng paraan ang lalaki upang kontrahin ang halimaw. Nakuha ng lalaki ang isa pang sagwan sa gilid ng bangka at saka niya mabilis na isinaksak ang dulo ng hawakan nito sa mata ng halimaw.

"Gyarrr!!!"

Tagumpay na nakawala ang lalaki sa kamay ng halimaw. Ngunit dahil sa labis na pagwawala na ginawa ng kalaban kaya nahulog mula sa bulsa niya ang tatlong bagay na kinuha nito mula sa lupain ng mga liryo kanina.

"Hindi! Ang mga relikya!"

Tinangka ng lalaki na kuhanin ang mga gamit. Ngunit naunahan siya ng halimaw na makuha ang mga iyon at dali-dali itong tumakas pagkatapos.

Tsk, malas!

Wala nang nagawa pa ang lalaki sa nangyari. Kahit gusto niyang sundan ang halimaw para bawiin ang mga natangay na relikya ay hindi na niya nagawa dahil kailangan pa niyang unahing sagipin si Rowan mula sa panganib.

"Nand'yan na ako, Rowan! Ililigtas kita!"

Samantala, noong mga oras na iyon ay nasa malalim na bahagi na ng tubig ang binatang si Rowan. Hindi niya maikampay ang kaniyang mga kamay at paa upang makaahon mula sa ilalim ng tubig dahil may kung anong puwersa mula sa ilalim ang humahatak sa kaniya pababa. Wala rin siyang makita sa kaniyang paligid at nanunuot ang lamig ng tubig sa kaniyang balat at ang takot na mamatay sa ganoong sitwasyon.

H—hindi pa ako p'wedeng mamatay! H—hindi sa ganitong paraan!

At sa gitna ng patuloy na paglubog ni Rowan sa pinakamalalim na bahagi ng ilog ay isang maliit na liwanag na nagmumula sa ibabaw ng tubig ang nakita niya. Noong una, inakala niyang imahinasyon lang niya ang nakitang liwanag. Ngunit habang tumatagal ay palapit ng palapit ang liwanag na iyon sa direksyon niya. Doon niya nakita na isa pala 'yong maliit na pailaw—isang maliit na selyadong gasera na imbis na mitsa na ibinabad sa langis, isang nagbabagang bato ang pinaka apoy ng nasabing pailaw. At ang may bitbit ng pailaw? Walang iba kundi ang misteryosong lalaki na naka-itim na kasuotan.

Dahil sa kagustuhan na makaligtas, hindi na nagdalawang-isip pa si Rowan at agad niyang inunat ang kaniyang kamay para abutin ang papalapit na lalaki. Kinuha naman ng lalaki ang kamay ni Rowan at dali-dali itong lumangoy para makarating sila sa ibabaw ng tubig.

"Whoa!"

Pag-ahon ni Rowan sa tubig ay agad siyang yumakap sa gilid ng bangka, hangus na hangos at bahagyang nangangatal.

"O ano, ayos ka lang?"

Tumingala si Rowan at nakita niya ang misteryosong lalaki na nagligtas sa kaniya. Muling inunat ng lalaking iyon ang kaniyang kamay upang tulungan ang binata na makasampa sa bangka.

"Oo? Sa tingin ko?"

"Mabuti naman kung ganoon."

Pagkatapos nilang makasakay ay dali-daling sinimulan ng lalaki ang pagsagwan sa sinasakyan nilang bangka. Iyon din ang naging pagkakataon ni Rowan para pasalamatan ang lalaking nagligtas sa kaniya mula sa mga halimaw.

"S—salamat sa pagliligtas mo sa akin."

"Huwag kang magpasalamat." Sagot ng lalaki sa kaniya. "Obligasyon ko na siguruhing ligtas ang kaluluwa mo mula sa mga tulad nila."

T—teka, kaluluwa?

Nagtaka si Rowan sa sinabi ng lalaki kaya agad itong nag-usisa.

"A—anong ibig mong sabihin? Anong kaluluwa?"

"Patay ka na, hindi ba? Natural, isa ka na lang kaluluwa ngayon."

Namilog ng husto ang mga mata ni Rowan sa narinig.

"P—patay?"

Inulit pa ni Rowan ang sinabi ng lalaki sa pagbabaka-sakali na namali lang siya ng dinig.

Ngunit...

"Oo. Patay ka na."

Pareho parin ang naging sagot ng lalaki sa binata at 'di mo makikitaan ng pagbibiro ang kaniyang mukha.

"Hindi...imposible! Hindi 'yan totoo! Nagsisinungaling ka!"

"Teka, kalma ka lang." Sagot sa kaniya ng lalaki. "Normal lang sa isang kaluluwa ang ganiyang reaksyon. Maniwala ka, naiintindihan ko 'yan. Sa una, hindi nila tanggap na patay na sila kaya pilit nilang pinapaniwala ang sarili nila na hindi sila patay at..."

"Sinabi ko na!" walang anu-ano'y galit na tumayo si Rowan mula sa kaniyang kinauupuan na kamuntikan nang ikataob ng sinasakyan nilang bangka. "Hindi ko alam! Wala akong naaalala! Maski isa, wala! Pangalan ko lang ang naaalala ko! At sa tingin ko, may kinalaman ka sa mga nangyayaring 'to sa akin! Ikaw ang may kasalanan, tama ba? Umamin ka na!"

"Teka! Teka!" hinila ng lalaki ang kamay ni Rowan upang mapilitan itong umupo sa gilid ng bangka. "Kumalma ka lang muna, pwede? Gusto mo yatang mahulog ulit sa ginagawa mong 'yan eh."

"At paano naman ako kakalma!" marahas na inalis ni Rowan ang kamay ng lalaki na nakahawak sa kamay niya at nagwika, "Wala kang alam! Hindi mo alam kung anong nararamdaman ko ngayon! Ni hindi nga kita kilala eh! Tapos sasabihin mo sa akin na kumalma ako?"

"Ako si Jack."

At biglang inalok ng lalaki ang kaniyang kamay kay Rowan at nagpakilala sa pangalan na Jack.

"Ako ang gabay mo, at ako ang tutulong sa iyo na makatawid sa kabilang-buhay, doon sa tinatawag ng lahat na liwanag. At tama ka, wala nga akong alam sa nararamdaman mo ngayon. Pero hangga't nasa pangangalaga kita, ang gagawin mo lang ay kumalma at sundin ang lahat ng sasabihin ko. Ginagarantiya ko sa iyo na makakatawid ka sa kabilang buhay sa tamang oras. Pero mangyayari lang iyon kung hindi ka magmamatigas at kung pagkakatiwalaan mo ako."

Namula ng husto ang mukha ni Rowan dahil sa matinding inis. Sa tindi nga ng inis niya'y halos mangilid ang luha sa gilid ng kaniyang mga mata at magkiskisan ng husto ang kaniyang mga ngipin. Napakarami niyang gustong sabihin, napakarami niyang gustong iprotesta, ngunit hindi niya malaman kung alin sa mga iyon ang una niyang bibigkasin. Gusto niyang magmura, magwala, o 'di kaya'y itaob ang bangkang sinasakyan nila. Ngunit sa 'di malaman na dahila'y 'di niya iyon magawa.

Marahil, dahil narin sa pagkabigla.

O 'di kaya'y sa takot.

Hindi na niya alam.

Ang alam lang niya noong mga oras na iyon ay...

"Isa lang 'tong bangungot."

At sa huli ay pinili na lang ni Rowan na pigilan ang kaniyang panggigigil at idaan na lang iyon sa pagmumukmok sa isang tabi.

"Iisipin ko na lang na parte ka lang din ng bangungot na 'to! Hindi magtatagal, siguradong magigising din ako at makakaalis din agad ako rito."

Ipinagpatuloy na muli ni Jack ang kaniyang pagsagwan. At habang abala siya sa kaniyang ginagawa ay sinimulan narin niyang ipaliwanag kay Rowan ang tatakbuhin ng kanilang paglalakbay.

"Bibigyan kita ng kaunting ideya tungkol sa paglalakbay natin, kaya makinig ka."

At inumpisahan na ni Jack ang pagpapaliwanag kay Rowan.

"Maglalakbay tayo rito sa Hantungan ng mga Kaluluwa para hanapin ang liwanag, ang kailangan mo para makarating sa kabilang-buhay. Pero para mabuksan mo ang liwanag, kakailanganin mo ng susi. At ang mga relikya na kinuha kanina ng buwitre ang susi. Kapag wala ang mga 'yon, wala ring silbi ang lagusan. May apatnapung araw lamang tayong dalawa para mahanap ang liwanag na nakalaan para sa iyo at ang mga ninakaw na relikya. Kapag hindi natin nahanap ang mga 'yon sa tamang oras, makukulong ka rito sa Hantungan ng mga Kaluluwa, habang buhay."

Ngunit tulad ng inaasahan, imbis na seryosohin ay pinilosopo pa ni Rowan ang mga sinabi sa kaniya ng lalaking si Jack.

"At sa tingin mo nama'y paniniwalaan ko 'yang mga sinabi mo, gano'n ba?" sarkastiko niyang sagot sa kausap. "Eh paano kung sabihin ko sa iyo na hindi ako naniniwala sa mga sinasabi mo?"

At pasimple namang umarko ang ngiti sa labi ni Jack.

"Ayos lang. Hindi naman kita pinipilit na maniwala eh." Rason niya sa binata. "Pero hindi ko na kasalanan kapag nahuli ka't kinain ng mga halimaw na humabol sa atin kanina."

Nawalan ng kulay ang mukha ni Rowan kasabay ng pagtaas ng mga balahibo niya sa katawan dahil sa paalala ni Jack. Dahil doon, hindi na niya nagawang makipagtalo pa at nagpasiya na lang na makisunod muna pansamantala sa agos ng sitwasyon.

Hindi rin naman nagtagal ang paglalakbay ng dalawa sa itim na ilog. Makalipas lang ang ilang oras ay nakalabas din sila roon at nakarating sa isang malawak na karagatan ng kumukulong dugo na nababalutan ng makapal na pulang hamog. At sa gitna ng nasabing karagatan na iyon ay makikita ang isang malaki at mukhang mapanganib na isla kung saan magsisimula ang totoong paglalakbay ng binatang si Rowan kasama ang misteryosong lalaki na nagpakilala sa pangalan na Jack.

"Maghanda ka na." Hudyat ni Jack sa binata. "Dito sa lugar na ito mag-uumpisa ang totoong paglalakbay mo, Rowan."