Kahit si Ginang Xi ay malamig na ang pakitungo sa kanya. "Well, Yun Ruobing, handa na kaming marinig ang paliwanag mo. Bakit ito nangyari?"
"Ako, pero hindi ko talaga alam, ang lahat ay dapat na tumatakbo ng maayos…" nauutal na paliwanag ni Ruobing, ang kanyang katawan ay kakikitaan ng iisang emosyon, ang kawalan ng pag-asa.
"Pero paanong hindi mo alam?" Pamimilit ni Ginang Xi.
"Siyempre hindi niya alam kung ano ang problema sa produkto, dahil ang disenyo ay hindi naman talaga kanya sa umpisa pa lang," ang malinaw na boses ni Xinghe ay narinig ng madla.
Lahat sila ay tumingin agad dito—
Naglalakad din ito patungo sa kanila ng walang pagmamadali, ang tiwala nito sa sarili ang nagpatahimik sa madla.
Tumingin din sa kanya si Ruobing at nanlaki ang mga mata niya sa pagkakaintindi.
Ngayon ay tuluyan na niyang naiintindihan kung ano ang nangyari. Sinabi na sa kanila ni Xinghe sa simula pa lamang: ang disenyo ay peke!
Ang ibig sabihin ang hawak nitong braso ang tunay!
Pinagpawisan ng malamig si Ruobing ng malaman na hindi magtatagal at lalabas na ang katotohanan.
Kung natataranta siya dati, ngayon… pakiramdam niya ay guguho na ang langit.
Ang tanging pagpipilian niya ay ang manalangin na hindi siya ibubuko ni Xinghe.
Pero posible ba iyon?
Ang sumunod na pangungusap ni Xinghe ay tumagos sa kanyang nanghihinang puso. "Hindi ba't sinabi ko na ninakaw niya ang pekeng disenyo ko? Kaya natural lamang na ang produktong natapos niya ay depektibo."
Sa oras na iyon, ang pakiramdam ng mga Xi ay kumplikado.
Binalaan na sila ni Xinghe na ang produkto ay depektibo pero mas pinili nilang huwag maniwala dito at inakusahan ito ng pagnanakaw ng disenyo na ang katotohanan ay pag-aari pala nito.
Sa lahat ng nakita nilang nangyari, halos lahat sa kanila ang nakakita ng katotohanan…
Ang kanilang mga mukha ay namula sa sobrang pagkapahiya.
Dahil desisyon nila na kampihan si Ruobing kaya nangyari ang trahedyang ito!
"Hindi, ang disenyo ay akin, hindi ko ito ninakaw!" Lumabas sa bibig ni Ruobing ang pagtatanggol sa sarili. Sa oras na ito, wala na siyang ibang magagawa kundi manatili sa kanyang orihinal na kwento, "Lolo XI, sumusumpa ako na ang disenyo ay akin pero wala talaga akong ideya kung ano ang naging problema. Ito ang kapabayaan at pagkakamali ko at aayusin ko tio; mas magiging maayos na ito sa susunod, pinapangako ko!"
"Kalokohan, hindi mo alam kung saan nagkamali ang produkto mo, pero mayroon ka pa ding lakas ng loob na angkinin ang disenyo bilang iyo," tawa ni Xinghe habang naniningkit ang mga mata niyang nagbibigay babala kay Ruobing.
"Kahit sa oras na ito, ayaw mo pa ding aminin ang pagkakamali mo? Kung hindi dahil sa kasakiman mo, naiwasan sana ni Old Madame Xi ang trahedyang ito. Sasabihin ko sa iyo ngayon, ang kanyang nervous system ay nasira dahil sa pagsabog at baka iyon pa ang maging dahilan para hindi na siya magkaroon ng pagkakataong masukatan at mabigyan pa ng isang artipisyal na braso mula ngayon!"
Ano…
Napuno ng takot ang mga mata ni Ruobing, at nanigas ang buong katawan niya sa lugar na iyon.
Paanong naging ganoon kaseryoso ang epekto?
"Yun Ruobing, sundin mo ang payo ko, at aminin mo na ang kasalanan mo bago pa lumala ang lahat!" Tinitigan siya ni Xinghe at sinabi iyon ng walang emosyon.
Biglang bumalik sa pokus si Ruobing at tuluy-tuloy na ipinilig ang kanyang ulo, "Wala akong ginawang masama, ang disenyo ay akin; hindi ko ito ninakaw. Xia Xinghe, hindi ako papayag na sa akin mo ibunton ito!"
"Kung ang disenyo ay tulad ng sinasabi mong 'iyo', sabihin mo sa amin, ano ang eksaktong nangyari bakit nagloko ito?" Biglang dagdag ni Mubai, "Kung hindi mo masabi ibig sabihin ay hindi talaga sa iyo ang disenyo!"
Nasukol na si Ruobing. Agad na sinunod ng iba ang sinabi ni Mubai bilang halimbawa.
"Tama si Mubai. Kung sa iyo talaga ang disenyo, kailangang alam mo kung ano ang nangyaring pagkakamali dito.:
"Yun Ruobing, wala kaming buong araw na sasayangin sa iyo. Sabihin mo na, ano ang eksaktong pagkakamali. O… nagsinungaling ka sa amin at ang disenyo ay hindi talaga iyo?" Sarkastikong tanong ni Ginang Xi.