webnovel

Nasa Kabilang Silid Lamang

編輯: LiberReverieGroup

Gayunman, ang kanyang mukha ay kakikitaan ng pang-unawa.

"Ginawa ito marahil ni Mubai para kay Lin Lin. Sa susunod, dapat mo nang isipin ang sarili mo at ang mga taong nasa paligid mo. Kung may mangyaring masama sa iyo, huwag sanang itulot ng Diyos, paano na lamang ang gagawin naming lahat?"

At ang luha ay mabilis na dumating. Magaling niyang nagampanan ang pagiging maaalalahaning fiance,

Agad siyang inalo ni Ginang Xi. Bahagya naman niyang pinagalitan si Mubai, "Oo nga naman, kailangan nating tulungan ang ating kapwa sa ating makakaya – pero, Mubai, kailangang matuto kang basahin ang sitwasyon. Maswerte ka sa pagkakataong ito na makaligtas ng may malilit at hindi seryosong galos. Hindi ka na responsable para sa iyong sarili lamang, malapit na kayong ikasal ni Tianxin. Ano ang gagawin ng kawawang bata na ito kung may masamang mangyari sa iyo?"

"Auntie, ayos lang po ito. Hindi natin dapat na sisihin si Mubai," mabait na susog ni Tianxin at maunawain nitong idinagdag, "Gumagawa naman siya ng mabuting bagay eh."

"Pero dapat pa din niyang pag-ingatan ang kanyang sarili bago niya tulungan ang ibang tao…"

Handa na muling maglitanya si Ginang Xi ng magalang na sumabad si Mubai, "Sige, Mom. Naiintindihan ko na. Magkita na lamang tayo mamaya dahil gusto ko nang magpahinga ngayon."

"Mubai, mananatili ako rito para alagaan ka!" Masuyong sambit ni Tianxin.

"Hindi na kailangan, ang kailangan ko ay oras na mapag-isa para gumaling." Mariing pagtutol ni Mubai.

Ngumuso si Tianxin at kinagat ang kanyang mga labi, "Pero gusto kong manatili rito; pangako hindi kita iistorbohin…"

"Hindi na talaga kailangan pa." Ang tono ni Mubai ay hindi nagbago.

Hindi na nagpumilit pa si Tianxin sa takot na magalit si Mubai.

Tumango siya ng nakakaunawa. "Sige, ipangako mo sa akin na magpapahinga ka ng maigi. Babalik na lamang ako para ipagluto ka ng sabaw, dadalhin ko ito dito mamaya."

Hindi na sumagot pa si Mubai, at tinanggap ito ni Tianxin bilang tugon na 'salamat'.

Nakipagpalitan pa ng ilang salita si Ginoong Xi sa kanyang anak at lahat sila ay lumisan na sa silid.

Sa oras na lumabas sila sa silid nito, nasalubong nila si Lu Qi.

Nang mapansin siya, binigyan siya ni Ginang Xi ng isang malaking ngiti. "Doctor Lu, salamat sa tulong mo sa pagtingin sa aming Mubai. Kung may kinakailangan siya, huwag kang magdalawang-isip na tawagan kami."

Gumanti din si Lu Qi ng ngiti. "Auntie, huwag kang mag-alala. Ang sugat ni Mubai ay hindi seryoso, gagaling siya agad."

"Mabuti naman kung ganoon."

"Oo nga pala, Doctor Lu, may mga impormasyon ka ba sa kundisyon ni Xia Xinghe?" Biglang sabad ni Tianxin para magtanong.

"Papagaling na rin si Miss Xia. Kakatapos ko lamang suriin ang kanyang mga sugat. Naririto siya sa silid na ito," sabi ni Lu Qi habang itinuturo niya ang pintuan sa likuran niya.

So, nasa kabilang silid lang pala…

Matapos nilang magpaalam kay Lu Qi, hindi maiwasan ni Tianxin na sumilip ng madaanan nila ang bukas na pintuan ni Xinghe.

Wala pa ring malay si Xinghe habang binabantayan siya ni Xia Zhi sa tabi ng kama nito. Nang makita sila nito, sinimangutan sila nito.

"Tara na," sabi ni Ginang Xi. Sa kanyang mga mata, si Xia Xinghe ay isa na lamang estranghero.

Inialis na ni Tianxin ang kanyang mga mata at sumunod.

Walang nakapansin sa kalupitang mababanaag sa mga mata niya…

Isinara ni Xia Zhi ang pintuan. Ayaw na niyang makakita pa ng mga hindi kaaya-ayang tao.

Bumalik na siya sa kanyang puwesto sa tabi ng kama ni Xinghe. Naghintay siya ng matagal pero walang senyales na gigising si Xinghe.

Ang totoo, nagmumukhang malubha ang kanyang sitwasyon. Nagpatuloy siya sa pagbaling sa kanyang pagtulog.

At ang kanyang noo ay nagsimula ng pagpawisan…

Nagmamadaling hinanap ni Xia Zhi si Lu Qi na siya namang nasa silid ni Mubai.

Sa bandang huli, bumuntot si Mubai sa kanila.

Nang makita niya ang kundisyon ni Xinghe, napasimangot siya ng hindi sadya. "Ano ang problema?"

"Wala akong ideya. Ang alam ko maayos lang siya nung una pero sa ilang rason, bigla siyang hindi mapakali. Doctor Lu, pakitingnan naman ang kapatid ko, ano ang nangyayari sa kanya?" Nag-aalalang pakiusap ni Xia Zhi.