webnovel

Ang Panibago Niyang Paglalakbay

編輯: LiberReverieGroup

Hindi kailanman naintindihan ni Tong Yan na ang isang relasyon ay nangangailangan ng pagsusumikap mula sa magkaparehong partido. Hindi kayang pumalakpak ng nag-iisang kamay, at pareho din ito para sa isang relasyon, pagkakaibigan, pagmamahal o kaugnayan sa pamilya.

Inaakala pa din niya na karapat-dapat siya sa lahat ng pagmamahal na dati ay ibinubuhos sa kanya dahil lamang sa siya si Tong Yan.

Kaya, ang tanong ngayon ay naging ganito: Kailan pa niya matututunan ang kanyang leksiyon bago pa mahuli ang lahat?

Wala nang panahon pa si Xinghe para pakitunguhan ang mga pagwawala ni Tong Yan. Naghahanda na siyang umalis para sa Country R. Magiging isa itong panibagong paglalakbay para sa kanya; wala siyang ideya kung ano ang mangyayari sa kanya sa hinaharap.

Gayunpaman, ibibigay niya dito ang lahat ng kanyang makakaya. Tinulungan siya ni Mubai na ihanda ang lahat at personal pa siyang inihatid sa airport.

Gusto sana nitong sumama sa kanya, pero hindi siya makaalis. Hindi pa siya bumabalik sa Xi Empire mula nang maaksidente siya. Kahit na maayos ang takbo ng kumpanya, pansamantala lamang ito. Ang kumpanya ay hindi tatakbo ng habambuhay kung wala siya.

Isa pa, si Xinghe ay pupunta sa Country R alang-alang sa Shen family, kaya walang saysay sa kanya ang sumama. At ang pinakaimportante dito, hindi gusto ni Xinghe na iwanan niya ang kanyang trabaho dahil dito…

Kailangan niyang bumalik sa kumpanya ngayon kung hindi ay natatakot siya na baka sundan niya ito sa eroplano.

"Tandaan mo na alagaan ang sarili mo at magmatyag sa anumang panganib. Pupunta ako para makita ka kapag natapos ko na ang lahat dito," patuloy na sinasabi sa kanya ni Mubai.

Bahagyang ngumiti si Xinghe. "Ganyan ba kita pinag-aalala? Isa pa, hindi naman ako mawawala nang ganoon katagal, babalik din ako agad."

"Mainam nga kung ganoon, pero kung may kailangan kang kahit ano, pakiusap ay tawagan mo ako. Huwag mong harapin ang lahat ng nag-iisa."

"Okay."

Hinaplos ni Mubai ang kanyang buhok at magiliw na nag-utos, "At saka, huwag mong kalimutan na alalahanin ako."

"Oo," pangako ni Xinghe na may bahagyang ngiti, pero hindi maiwasan ni Mubai na hindi tumawa. Pagkatapos nito ay hinila niya ito para yakapin ng mahigpit. Saka lamang niya binitawan si Xinghe kung kailan nalalapit na ang oras ng pag-alis.

Mabigat ang puso na nagpaalam sa kanya si Xinghe bago ito pumunta na sa cabin. Hindi nagtagal at lumipad na ang eroplano.

Naupo sa tabi ng bintana si Xinghe at nakita si Mubai, na nandoon pa din at nakatayo sa kinalalagyan nito, pinanonood ang kanyang pag-alis. Hinanap ng kanilang mga mata ang isa't isa at patuloy na nagtinginan hanggang sa hindi na nila makita ang isa't isa.

Narinig niya ang boses ni Sam sa kanyang tabi. "Talaga bang kailangan pang may ganito? Isang linggo lang naman ah."

Dumagdag pa si Ali, "Isa pa, dalawang oras lamang ang byahe sa eroplano, hindi naman tayo pupunta sa napakalayong lugar."

"Kung gusto talaga ni Mr. Xi, magagawa niyang lumipad ng balikan sa dalawang bansa araw-araw," mahinang mungkahi ni Cairn, kahit na nalalangkapan ng selos at saya ang kanyang tono; napapagod na din siya sa nakikitang eksena nang pagiging lovey-dovey.

Binuksan ni Wolf ang kanyang bibig at sinabi, "Madali lang sa ating sabihin ito dahil hindi natin naiintindihan ang nararamdaman nila."

"Hey, kanino ka ba kakampi?" Pinandilatan siya ni Sam.

Nagreklamo din si Ali, "Sinisira mo ang team formation."

"Traydor," sulsol pa ni Cairn ng may seryosong mukha.

Sumagot si Sam, "Sinasabi ko lang ang totoo. Tayo, na mga single pa, ay siguradong hindi naiintindihan ang nararamdaman nila!"

"Ano kaya at ipalasap ko sa iyo ang kamatayan?"

"Sang-ayon ako diyan!"

"Hulihin siya!"

Dinaganan siya ng tatlo, at nagkagulo na. Hindi maiwasan ni Xinghe na mapangiti habang pinapanood ang kalokohan ng mga ito.

Sa kaparehong panahon, sa wakas ay inialis na ni Mubai ang kanyang tingin. Pumasok na ito sa kanyang kotse at pinasibad na ito paalis. Hindi niya iindahin ang mga pansamantalang hiwalayan na ganito, dahil tulad ni Xinghe, isa siyang taong may layunin.