Walking distance lang naman ang Furniture.com mula sa bahay ng mga Oliveros sa Our Lady of Lourdes Subdivision. Ang bahay din nina Darlene ay malapit sa gate ng subdivision kaya saglit lang kung maglalakad ka palabas. Pero nang umagang iyon ay nagdala pa rin sila ng kotse para kung sakaling matapos kaagad sa trabaho si Kenneth ay diretso na sila sa Tarlac Downtown Cinema.
Kasabay nila halos dumating si Ryan. Lalong na-excite si Darlene nang makita ang kanyang ninong.
"Ninong!" Lumapit siya dito, pero kataka-takang tinignan lang siya nito. Dati kasi ay ginugulo nito ang buhok niya o kinakalong pa ito kahit na nga eight years old na siya ngayon.
"Ba't ka pumasok?" tanong naman ni Kenneth na nakalapit na rin kay Ryan.
"Ikaw? Bakit ka pumasok?" ganting tanong ni Ryan kay Kenneth.
"May tatapusin lang akong presentation para sa meeting ko sa Monday," sagot naman ni Kenneth.
Napatingin si Ryan kay Darlene. "At ikaw?"
"Manonood po kami ng Night of the Museum ni Daddy!" full of energy na sagot ni Darlene. Pero seryoso pa ring nakatingin sa kanya si Ryan.
"Kung matatapos ako kaagad," ang sabi naman ni Kenneth.
"Gusto n'yo pong sumama, Ninong?" yaya ni Darlene kay Ryan.
"Marami pa kong gagawin."
Tinalikuran na ni Ryan ang mag-ama. Sumunod naman ang dalawa sa pagpasok sa loob ng Furniture.com. Bukod sa main office ay ang three-storey building din ang nagsisilbing main showroom ng kanilang kumpanya. Kaya naman halos salamin lahat ang buong pader ng building, maliban na lamang sa may likuran at sa third floor kung nasaan ang main office ng kumpanya.
"Tinatapos mo pa rin ba iyong bagong design?" tanong ni Kenneth.
"Oo. Marami pa akong idadagdag doon sa set," sagot naman ni Ryan.
"Akala ko ba, tatapusin mo kagabi iyon?"
Tumingin si Ryan kay Darlene. "May inasikaso lang ako."
Sumakay ang tatlo sa may elevator. Kahit na simpleng showroom lang at opisina ang building na iyon ay nagpagawa pa rin sila ng elevator para naman hindi mahirapan ang kanilang mga tauhan na mag-akyat ng mga furniture sa ikalawang palapag.
Pagkarating sa third floor ay kaagad lumabas ng elevator si Ryan. "Mauna na ako. Marami pa akong gagawin and I'll appreciate it kung walang mang-iistorbo sa akin."
"Bakit ba parang ang sungit-sungit mo ngayon?" tanong ni Kenneth sa kaibigan. Tsaka siya napangiti. "Sabi ko naman kasi, maghanap ka na ng mapapangasawa at nang hindi ka tumatandang binata. Nagiging masungit ka tuloy."
"Tse!" ani Ryan sa kaibigan. Tsaka na ito pumasok sa opisina nito.
Natatawang pinagmasdan na lamang ng mag-ama si Ryan.
"O, narinig mo iyong sinabi ng matandang binata mong ninong? Bawal siyang istorbohin. Baka masungitan ka niyan kapag kinulit mo," paalala naman ni Kenneth kay Darlene.
"Hindi naman po siguro, Daddy. Baka joke lang iyon ni Ninong. 'Di ba palabiro naman talaga siya?"
"Oo, pero… ewan ko ba. These past few days, parang nagiging masungit iyang ninong mo. Sign of aging na nga siguro."
Napabungisngis si Darlene sa sinabi ng ama. Napangiti naman si Kenneth.
"O siya, halika na doon sa opisina at may tatapusin pa ako."
"Dad, pwede po ba akong bumili ng food doon sa may tindahan? Nakalimutan ko po palang magdala," ang sabi niya.
"O sige. Pero walang junk foods, ha?" Inilabas ni Kenneth ang wallet at saka kumuha ng one hundred pesos mula doon.
"Opo Dad." Kinuha ni Darlene ang pera.
"O sige. Mag-iingat ka at tignan mong mabuti kung may sasakyan."
"Sige po."
Bumalik sa may elevator si Darlene, at si Kenneth naman ay pumasok na sa opisina nito.
Isang sari-sari store ang pinuntahan ni Darlene sa may tabi ng Furniture.com. Bumili siya ng isang chocolate coated at isang milk coated Knick Knacks fish biscuits. Tinernuhan niya ito ng C2 Green Tea Apple at ang sukli ay ibinili niya ng Cloud 9 chocolate bar at ilang mga candy. Inubos niya talaga ang isandaang pisong ibinigay ni Kenneth sa kanya.
Pero imbes na dumiretso sa opisina ng ama ay sa opisina ni Ryan pumunta si Darlene. Ang totoo, iyon talaga ang plano niya – ang puntahan ang ninong niya at tanungin ng tungkol sa sulat ng mommy niya.
Hindi na siya kumatok pa sa pintuan. Dahan-dahan na lamang niyang binuksan ang pintuan at sumilip sa loob ng opisina ni Ryan.
"Ang sabi ko, huwag akong iistorbohin."
"Hi Ninong!" balewalang bati ni Darlene dito. Tuluyan na rin siyang pumasok sa loob ng opisina at lumapit sa may mesa ni Ryan. Bitbit pa rin niya ang mga pinamili na nakalagay sa puting plastic. Umupo siya sa may harapan ng mesa ng ninong niya. "Ano po iyong ginagawa ninyo?"
"Darlene, I don't have time for that now," ani Ryan na hindi man lang tinitignan ang inaanak.
"Ano pong 'that?' Tinatanong ko lang naman po kung ano ang ginagawa ninyo."
"I know where this is heading to. It's the letter, right?"
"Nabasa n'yo na po?" Na-excite siyang bigla sa narinig.
Tumigil sa ginagawa si Ryan at saka tumingin sa kanya. "Yes… But, I'm sorry. I can't help you."
Natigilan si Darlene sa narinig.
"Look… Samantha de Vera has been missing in action since… since fifteen years. Iyong huling kita ko sa kanya ay noong bago siya umalis papuntang America. Wala na akong balita sa kanya kaya hindi kita matutulungan diyan sa utos ng mommy mo."
"Pero meron naman po sigurong way para makausap ninyo siya. Baka pwede po kayong bumalik doon sa bahay nila sa Moonville. O kaya, gawin ninyo siyang friend sa Facebook o kaya sa Twitter at Instagram." Maging siya na eight years old pa lamang ay may Facebook account na. Siguro naman ay ganoon din ang Samantha de Vera na iyon na halos kasing-edad na ng daddy niya.
"Iba na ang nakatira sa bahay nila sa Moonville. Their father died four years ago. Ang alam ko ang family ng Kuya Raul niya ang nakatira doon, pero hindi naman kami close nun. Baka nga hindi na ako natatandaan nun. I can't just go to their house and tell her brother that I'm Sam's high school friend. At iyong sa FB naman at iba pang social media sites, matagal ko nang ginawa iyon. Pero hindi ko siya nakita kailan man. Parang ayaw talaga niyang magpakita pa."
"Paano po kaya natin siya mako-contact?" Ayaw talaga niyang sukuan ang paghahanap sa Samantha de Vera na iyon.
"Mahirap na nga kasi. Ang tagal na, Lene. We don't even know if she still considers us as her friends. Baka mamaya hindi na rin niya kami maalala. And besides, if we had the chance to find her and talk to her, what will we say? Sasabihin ba natin sa kanya na pakasalan niya ang daddy mo without even knowing if she still cares for him as much as she did before? Baka mamaya lalo lang mag-freak out iyon."
"Pero first love po siya ni daddy…" Iyon ang sabi ng mommy niya sa sulat. Hindi pa niya masyadong alam kung ano ang first love. Basta ang narinig niya tungkol doon ay mahirap itong makalimutan.
"Hindi naman totoo iyong first love never dies! Huwag kang maniniwala doon. Kagaya ng daddy mo. Okay, maybe he felt something special for Sam before. Pero nang makilala niya ang mommy mo, hindi ba nawala iyong love na iyon at iyong mommy mo na ang naging bagong love niya? Kaya nga nagpakasal silang dalawa. Imposible naman na hindi mahal ni Kenneth si Kristine pero nagpakasal pa rin siya dito.
"Kung ipipilit mo iyang teorya mong iyan, para na ring sinabi mo na panakip-butas lang ang mommy mo. Na pinakasalan lang siya ng daddy mo kasi hindi niya napakasalan iyong totoong mahal niya. Para mo na ring sinabing hindi talaga mahal ni Kenneth si Kristine at hindi talaga niya kagustuhan makasal sila at magkaroon ng anak. Gusto mo ba iyong ganoon, na parang hindi talaga love ng daddy mo ang mommy mo?"
"Hindi naman po siguro–"
"Ganoon iyon, Lene. Bata ka pa kasi kaya hindi mo pa maiintindihan. Hindi ko nga alam kung bakit nagbilin ng ganito ang mommy mo knowing na bata ka pa at marami ka pang hindi maintindihan. How did she expect you to do this gayong 8 years old ka pa lang? Tapos dinamay-damay pa ako ng mommy mo sa kalokohan niya. Alam mo, siya ang totoong bully kasi ginawa niya ang lahat para makuha ang gusto niya, at iyon pa rin ang ginagawa niya hanggang ngayon."
Nagulat si Darlene sa mga sinabi ni Ryan. Ang totoo, hindi niya maintindihan ang iba doon. Hindi rin niya alam kung bakit parang galit ang Ninong Ryan niya. Basta ang alam niya, galit ang ninong niya at ayaw siya nitong tulungan sa misyong ibinigay ng mommy niya sa kanya.
"Nasaan po iyong sulat?"
Para namang natauhan si Ryan sa panandaliang pagbi-beast mode. Napatingin ito kay Darlene at parang gusto pang magsalita, pero walang masabi. Ibinigay na lamang nito ang sulat kay Darlene.
Dali-daling lumabas ng opisina si Darlene habang pinipigilan ang mga luha dahil sa takot sa kanyang ninong. Dumiretso siya sa opisina ng ama.
Napatingin naman sa kanya si Kenneth na nakaupo na at kasalukuyang may ginagawa sa laptop nito.
"O?" Natigilan ito nang makita ang namumula niyang mata.
"Uuwi na po ako, Dad." Kinusot niya ang mga mata upang hindi tumulo ang luha niya.
"Ano'ng nangyari sa'yo?" Akmang tatayo na si Kenneth.
"Wala po," sagot niya sabay iling.
Tinitigan siya ni Kenneth. "'Di ba, bumili ka? May nangyari ba?"
Muli siyang umiling.
"Iyong mga binili mo?"
Naiwan pala niya iyong mga binili niya sa opisina ni Ryan. "Nakay Ninong Ryan po."
Mukhang alam na ni Kenneth kung ano ang dahilan at parang maiiyak ang anak. "'Di ba sinabi na ng ninong mo na ayaw niyang paistorbo? Nakagalitan ka ba niya?"
Hindi makasagot si Darlene. Hindi rin siya makailing dahil totoo namang nagalit sa kanya si Ryan. Feeling nga niya ay tuluyan na siyang mapapaiyak.
"O sige. Umuwi ka na muna at tatapusin ko lang itong ginagawa ko."
Tinalikuran na niya ang ama. Dire-diretso siyang lumabas ng opisina at pumasok sa elevator.