Ibayong kaligayahan ang nadama ni Alex nang makalapit sa mga kaibigan.
"Alex!" tili ni Issay na siyang unang lumapit sa kanya at yumakap.
"Grabe naman makatili!" ang sabi naman ni Steffi na sumunod na nagbeso kay Alex.
"Na-miss ko lang kasi siya," pagtatanggol ni Issay sa sarili. "Ikaw ba, hindi mo na-miss?"
Si Sam naman ang sumunod na nagbeso kay Alex. Pagkatapos noon ay umupo na si Alex sa bakanteng lugar sa tabi ni Sam.
"Na-miss," sagot ni Steffi kay Issay. "Kaya lang hindi naman ako titili ng ganoon. Pasalamat ka busy sa pagkukwentuhan iyong ibang students kaya walang gaanong nakapansin sa inyo."
"Tama na nga iyan!" saway ni Sam sa dalawa. "Ngayon na nga lang natin nakasama ulit si Alex, ganyan pa kayong dalawa."
"Na-miss ko kayong tatlo," ani Alex na parang maiiyak pa ang reaksiyon ng mukha.
"Kami rin, na-miss ka namin," ang sabi naman ni Issay. "Lumipat ka na kasi ng school. Sa BS ka na rin lang."
Natawa si Alex sa sinabi nito.
"O sige, meron bang Fine Arts sa BS?" ang sabi naman ni Steffi.
"Kasi naman eh! Bakit kasi wala tayong parehong subjects?" ang sabi na lamang ni Issay. Hindi kasi niya ma-contest iyong sinabi ni Steffi.
"Oo nga," sang-ayon naman ni Sam. "Sa dinami-dami ng mga subjects namin, wala man lang pareho sa'yo."
"Wala, eh. Kapalaran," ang tanging nasabi na lamang ni Alex.
"Speaking of kapalaran, ang dami naming gustong itanong sa iyo," ani Issay.
"Marami ba?" tanong naman ni Sam. "Parang wala naman."
"Umandar na naman ang pagka-chismosa nito," ang sabi naman ni Steffi.
"Chismosa ka diyan! Don't tell me ayaw n'yo ring malaman itong mga itatanong ko?" ani Issay.
"Ano ba kasi iyon?" tanong ni Alex dito. "Hindi mo man lang ako kumustahin muna, Issay."
"Oo nga," ang sabi naman ni Steffi.
"Eee! Alam ko namang nasa mabuti kang kalagayan. Kami rin naman ganoon," ani Issay.
Hindi na nagkomento pa si Alex. Kung alam lang nito ang pinagdaraanan niya.
"Kaya heto na lang ang i-chicka mo sa amin," pagpapatuloy ni Issay.
"Ano nga kasi iyon?" tanong ni Alex dito.
"Paano ba naging boyfriend ng ate mo iyang si Bryan de Vera?"
"Ha?" Hindi niya inaasahan ang tanong na iyon.
"Eh kasi, crush niya si Bryan de Vera," natatawang sumbong ni Steffi.
Natawa rin sina Alex at Sam kay Issay.
"Eh kasi naman, sino ba ang hindi magkaka-crush kay Bryan de Vera? Kayo, aminin ninyo, crush n'yo rin siya, eh!" ani Issay kina Steffi at Sam.
Si Steffi ang sunod na nagkwento. "Alam mo kasi, Alex, noong orientation ng Business School, na-love at first sight itong si Issay kay Bryan. Katabi kasi namin sila noon sa may auditorium, sila nung barkada niya. Eh noon lang namin siya unang nakita kasi nga hindi siya dito nag-high school, 'di ba?"
"Oo," sagot ng nakangiting si Alex. "Sa Manila siya galing."
"Ang gwapo-gwapo kasi tapos ang gentleman pa," ang sabi ni Issay na ikinatawa ulit ng tatlo.
"Nakakahiya itong si Issay," ang sabi naman ni Sam. "Eh sobrang makatitig kasi siya kay Bryan noon. Napansin yata. Kaya hayun, inalok ng mineral water."
Tawanan sina Steffi, Sam at Alex. Si Issay naman ay napasimangot.
"Akala ko makaka-score na ako. Naisip ko iyong ininuman niyang mineral water bottle ang ibinigay niya sa akin. Tapos hindi naman pala nakabukas. Buo pa iyong seal!" ani Issay.
Muling natawa ang tatlo sa sinabi nito.
"Tapos may pa-angel-angel pa siya noong Mr. BS. Angel Martinez pala ang tinutukoy niya. Hmp!" Napahalukipkip ang napipikong si Issay.
Natawa si Alex sa inarte ng kaibigan. Noon lang niya na-realize na for the first time, after a long time, ngayon lang siya nakatawa ulit. At dahil iyon sa mga kaibigan niya. She felt glad na muli niyang nakasama ang mga ito. Hindi niya tuloy mapigilan ang ma-overwhelm at mapaluha dahil doon.
Mabuti na lang at muling nagsalita si Issay.
"Ang ate mo, ha? Ang galing-galing magtago."
"Well, it's a very long story," ani Alex. "But the thing is, they really love each other. So Issay, I'm sorry pero wala ka na talagang pag-asa kay Bryan. Totally head over heels siya kay Ate Angel."
"Naiintindihan ko naman iyon, eh. Sino ba naman ako kumpara sa isang Angel Martinez?" ani Issay.
"Alam mo, siguradong matatawa si Ate kapag nalaman niya iyan," ani Alex.
"Uy! Huwag mo namang sabihin. Baka mamaya magalit siya," ani Issay.
"Hindi magagalit iyon," ang sabi naman ni Alex. "Mabait si Ate. Para namang hindi kita matagal nang friend."
"Natatakot itong si Issay kay Ate Angel kasi pasaway ito," ang sabi naman ni Sam.
"'Di ba nga nasabihan dati ni Ate Angel na itigil muna ang crush crush at mag-concentrate sa pag-aaral?" ang sabi naman ni Steffi.
"Eh kasi naman, ang bababa ng quizzes. Puro yung crush ang laman ng utak," pagtatanggol naman ni Alex sa kapatid.
Pero parang hindi na niya kailangan pang gawin iyon dahil sang-ayon naman ang dalawa niyang kaibigan sa sinabi niya.
"Iyan tuloy, nasita ni Ate Angel," ani Steffi.
"Concerned lang naman siya sa'yo noon," ani Sam.
"Alam ko naman iyon," ang sabi naman ni Issay. "Alam ko namang mabait si Ate Angel. Kaya nga deserve niya ang isang Bryan de Vera. Bagay nga silang dalawa, 'di ba?"
"So, hindi ka na maninimdim?" pabirong tanong ni Alex.
"Naiiyak na niya lahat, actually," ang sabi naman ni Steffi.
Tawanan ulit ang tatlo. Si Issay naman ay sumimangot ulit.
"Alam mo, ang totoo niyan, siya ang presidente ng love team nina Ate Angel at ni Bryan," ang sabi ulit ni Steffi.
Napangiti na si Issay. "Brangelica forever! Ang kumontra, malalagas ang buhok. Kaya iyang Gina Aguilar na iyan, humanda siya kapag humadlang pa siya sa pagmamahalan nina Angel Martinez at Bryan de Vera."
Tawanan ulit ang tatlo.
"Eh bakit hindi mo siya sinabunutan noong cinonfront niya si Ate Angel?" tanong ni Alex dito. Naaaliw talaga siya sa pinaka-kengkoy na kaibigan.
"Eh na-shock nga ako noon! Ang alam ko lang magkaklase sina Ate Angel at Bryan, tapos sila na pala," sagot ni Issay. "Balak ko pa naman sanang magpatulong sa ate mo. Tapos, naunahan na pala niya ako."
"Hay naku Girl! Napaka-OA kaya niyang Issay na iyan," sumbong pa ni Sam kay Alex. "Gusto pa daw niyang uminom para makalimot sa sakit ng natuklasan niya."
Natatawang napatingin si Alex kay Issay na napasimangot ulit.
"Teka sandali! Meron pa akong gusto itanong," muli'y hirit ni Issay.
"Ano na naman?" ganting tanong ni Alex.
"Si Richard Quinto." Inginuso ni Issay ang lalaki.
Natigilan si Alex sa tanong ni Issay. Nakatalikod siya sa direksyon nina Richard kaya may excuse siya na hindi ito makita.
"Oo nga pala," gatong naman ni Steffi sa tanong ni Issay. "The last time that we talked, sa Twitter, you told us that you had an encounter and you realized you kinda liked him."
"Hindi nga pwede, 'di ba?" ang sabi naman ni Sam. "Romeo and Juliet nga, 'di ba?"
"Eh bakit kasama nilang mag-lunch?" tanong ulit ni Issay.
Mabuti na lamang at kaaagad na may naisip na sagot si Alex. "Pinsan siya ni Bryan, so nakakasama din namin siya kapag minsan."
"Eh paano iyon? 'Di ba, crush mo siya?" tanong ni Steffi.
"Wala." Napaiwas siya ng tingin. "Eh 'di ba nga, bawal?"
"Ang hirap siguro ng lagay mo, Girl," ani Issay.
"Hay! Ang mga matatanda talaga," ani Steffi. "Bakit kasi may grudge pa ang families ninyo? Eh di sana, happy ever after na ang peg ninyo?"
Nagkibit-balikat siya. "Wala, eh. Kapalaran..."
"Alam ninyo, balita sa klase namin na si Kim daw ang nililigawan niyang si Richard," ang sabi naman ni Sam.
"Totoo ba iyon, Alex?" tanong ni Steffi.
"Ewan ko," sagot niya. "Hindi ko naman siya nakakakwentuhan. Hindi naman kami nag-uusap," pagsisinungaling niya.
Sana ay hindi napansin ng mga kaibigan niya ang biglang pagbabago ng mood niya. Para kasing biglang may tumusok sa puso niya pagkarinig ng sinabi ni Sam. So, tingin pala ng mga nakakakita ay nagliligawan sina Richard at Kim. Ganoon na ba sila ka-close kaya ganoon na rin ang tingin ng mga tao sa kanilang dalawa?
"Well, masisisi ba natin si Richard? Eh Ms. BS si Kim. Ang ganda tapos mabait pa daw sabi ng mga nakakakilala sa kanya," ang sabi naman ni Issay.
"Habulin din ng mga boys iyan," ani Steffi. "Halos lahat ng mga nakakaklase kong lalaki, may crush sa kanya mula nang manalo siyang Ms. BS."
"Yung mga natira, sa iyo may crush," ang sabi naman ni Issay.
"Don't mention the obvious," gatong naman ni Steffi sa biro ni Issay.
Biglang sumama na naman ang mood ni Alex dahil sa mga naririnig sa mga kaibigan. Kaya naman discretely ay iniba niya ang usapan.
"Eh iyong mga classmate mo, Issay? 'Di ba classmate mo si Edward Cullen?"
"Ay, oo nga pala!" Biglang na-excite si Issay. "Girl, ang gwapo-gwapo niya. As in!"
Muli namang natawa ang tatlo sa kinikilig na si Issay. Pagkatapos noon ay ikinuwento na nito ang tungkol sa crush nitong kaklase. Natuwa naman si Alex dahil from that moment on ay hindi na nila muli pang napag-usapan pa sina Richard at si Kim.
🤺🏌🏼♂️🏊🏻♀️
❥ 𝚈𝚎𝚜. 𝙸'𝚖 𝚓𝚎𝚊𝚕𝚘𝚞𝚜. 𝚆𝚑𝚢? 𝙱𝚎𝚌𝚊𝚞𝚜𝚎 𝚜𝚑𝚎'𝚜 𝚋𝚎𝚊𝚞𝚝𝚒𝚏𝚞𝚕, 𝚊𝚗𝚍 𝙸'𝚖... 𝚆𝚎𝚕𝚕, 𝚖𝚎. ❣︎