webnovel

Kabanata 13: Pagbabalik ng Kalbaryo

AKMANG isasaksak na nito iyon sa kanyang dibdib ngunit nagawa pa niyang sipain ang lalaki sa mukha.

Napaatras ito at nabitawan ang banduana. Doon siya pumalag sa dalawang tauhan at pinagsusuntok ang mga ito.

Saka siya lumapit sa kinaroroonan ng banduana at pinulot iyon. Bigla naman siyang sinipa ni Mateo hanggang sa matumba siya sa lupa. Pilit nitong inagaw sa kanya ang banduana.

Naramdaman ni Alex ang unti-unting pagbigat ng mga kamao ni Mateo. Hindi na niya iyon kinakaya. Mukhang ginagamit nito ang kapangyarihan ng Manlilingu para daigin siya sa lakas.

Napilitan na siyang itapon ang banduana sa ilog upang hindi ito makuha ng kalaban. Saka niya hinayaan ang lalaki na paulanan siya ng mabibigat na suntok sa mukha na halos ikasuka niya ng dugo.

Sa lakas ng mga atakeng pinakawalan nito, halos hindi na makilala ang kanyang mukha sa tindi ng pagdurugo. Kulang na lang ay durugin ng lalaki ang kanyang ulo.

Ilang beses pa siyang binuhat nito at pinagbabagsak sa lupa na halos ikabali ng kanyang mga buto. Wala na siyang laban sa lakas na taglay nito gamit ang kapangyarihan ng Manlilingu.

Sa muling pagkabagsak niya sa lupa, pumatong sa kanyang harapan ang lalaki at nagpakawala ng mahigpit na sakal sa kanyang leeg. Halos maubusan na siya ng hininga sa bigat ng mga kamay nito.

Hindi na kinakaya ni Alex ang taglay na lakas ni Padre Mateo gamit ang kapangyarihan ng Manlilingu.

Sa nagdidilim niyang paningin, nakita pa niya kung paano siya nilukuban ng mga kapitbahay na nasa ilalim ngayon ng pinakawalang mahika ni Teodoro.

NANG magising siya, nakagapos na ang dalawang kamay niya sa isang malaking krus. Nakita pa niyang pinagmamasdan sina nina Mateo at Teodoro sa harap kasama ang ilan nilang mga tauhan at sakristan.

"Gising na pala ang ispesyal na panauhin natin ngayon dito sa ating simbahan…" ani Teodoro habang nakatitig sa kanya.

"Ano'ng pakiramdam ngayon, Alexander Soriano? Na nag-iisa ka na lang dito at wala ka nang malalapitan? Sa tingin mo ba, may magagawa ka pa para pigilan kami?" nanunuksong wika naman sa kanya ni Mateo.

Saglit na bumaba ng altar ang dalawa at nagtungo sa likod ng simbahan. Naiwan naman doon ang mga tauhan at sakristan para bantayan siya habang nakatali sa krus.

"Kapatid, ano ba ang ginawa mo para hindi magamit ni Alexander ang kanyang Kalam?" tanong ni Mateo rito nang tuluyan silang makalabas.

"Gamit ang Kalam ng Manggagawe, nilagyan ko ng itim na mahika ang mga tali sa kamay at paa ni Alexander sa krus na iyon. Hangga't nakagapos siya roon, hindi niya magagamit ang kanyang Kalam."

Doon ay sabay nang napangiti ang dalawa habang nagpapalitan ng mapanuksong titig.

"Mabuti na lang talaga at naibalik ka na namin, Kapatid kong Teodoro. Hindi na ako mahihirapan pang sakupin ang buong Masantol para mapalawak pa ang relihiyong binuo ng ating ama."

"Huwag kang mag-alala, kapatid kong Mateo. Wala nang kahit sino pa rito ang puwedeng pumantay sa ating dalawang Ukluban. Hindi natin kailangang madaliin ang lahat. Gusto ko munang pahirapan si Alexander dahil malaki ang kasalanan ng kanyang ina sa atin."

Nagbalik-tanaw si Teodoro sa huling giyerang naganap noon kung saan bumuo si Charito ng sarili nitong hukbo upang kalabanin sila. Sa mga panahong iyon ay wala pa siyang sariling katawan at isa lamang siyang usok na gumagabay kay Mateo, ngunit alam din niya ang lahat ng pangyayari.

Alam niya kung paano nagtaksil si Charito nang magboluntaryo itong pumasok sa simbahan nila. Dahil sa katapangang ibinigay nito sa kanila, pinagkalooban nila ito ng iba pang mga Kalam na lingid sa kanilang kaalaman ay gagamitin lang pala ng babae laban sa kanila.

Ipinasa ni Charito sa itinatago nitong hukbo ang mga Kalam na nakuha nito kung kaya't mas lumawak ang puwersa nito at nagawa silang pantayan.

Ngunit dahil wala silang kakamping Ukluban sa kanilang hukbo, nagawa pa rin nila itong daigin. Ngunit kapalit naman niyon ay ang daan-daang mga miyembro ng kanilang simbahan na nasawi dahil sa matinding giyera.

Isa si Charito sa mga nagrerebelde noon sa kanilang pamamalakad sa buong baryo. Kung kaya't kahit patay na ito, gagantihan pa rin nila ang anak nito ngayon na si Alexander Soriano.

Dito nila ibubuhos ang hirap at kalbaryong hindi nila naiparanas noon sa ina nito dahil namatay ito sa mabilis na paraan.

"Tama ka, Teodoro. Kailangang maghirap nang husto si Alexander bago natin siya burahin sa mundo. Ang ina niya ang dahilan kung bakit hindi natuloy noon ang plano kong sakupin ang buong Masantol. Pero ngayon, bago natin isagawa ang ating mga plano, nais kong masilayan ni Alexander kung paano natin sasakupin ang buong lugar na ito. Nais kong makita niya kung paano tayo magtagumpay habang siya ay nagmamakaawa sa kanyang buhay."

"Gusto ko ang naiisip mo, Kapatid. Kaya halika na. Bumalik na tayo roon. Gusto kong ako naman ang sumuntok sa hayop na lalaking iyon!"

Doon din nahinto ang kanilang usapan dahil sa narinig na ingay. Parang may nagkakagulo sa loob ng simbahan.

Nang balikan nila ang altar, nasa lupa na ang ulo ng ilan sa mga tauhan at sakristan nila. Ang iba ay nakita pa nilang tumakbo palabas upang iligtas ang sarili nilang buhay.

At mas lalo silang nagulat nang makita kung sino ang pumatay sa mga ito, walang iba kundi ang kapatid nilang si Leoron na hawak ngayon ang sandata nitong matagal na itinago sa kailaliman.

"Lapastangan!" madiing sambit dito ni Teodoro. "At nagbalik ka pa talaga? Akala mo ba may magagawa ka para pigilan kami? Batid naman naming hiram lang 'yang katawang ginagamit mo!"

"Nagawa ko na kayong paslangin noon. At magagawa ko uli iyon ngayon!" matapang na sagot dito ni Leoron at itinutok sa kanila ang hawak nitong sandata.

Hindi pa rin makapagsalita si Alex sa labis na panghihina. Pinanood na lamang niya ang naglalagablab na kaganapan.

Nagpakawala ng mapanuksong halakhak si Teodoro. "Ano naman ang gagawin mo, Kapatid kong Leoron? Patay ka na 'di ba? Hindi mo na magagamit ang iyong Kalam dahil wala ka nang Kalam! Hindi mo na uli magagawang magpasabog dito para wasakin kaming lahat! Hanggang d'yan lang ang kaya mong gawin!"

Isang mapanuksong ngiti naman ang itinugon ni Leoron. "Ukluban ka pa naman pero hindi mo alam ang tungkol sa Akbar. Nakakalimutan mo yata na puwede pa ring magamit ng isang namatay na Ustuang ang kanyang Kalam kapag nakahiram siya ng ibang katawan at nabasbasan ng Magbantala at Manggagawe. At ang tawag sa ritwal na iyon, Akbar! Buti pa ako, natatandaan ko pa lahat ang mga turo ni ama kahit hindi ako naging Ukluban gaya n'yo!"

Bago nagbalik doon si Leoron, nagpabasbas na siya sa isang Magbantala at Manggagawe upang magkaroon siyang muli ng isa pang pagkakataon para magamit ang kanyang Kalam.

At dahil isa na lamang siyang kaluluwa na nagtatago sa katawan ng iba, hindi na niya mararamdaman ang sakit ng kamatayan kapag pinasabog ang sarili.

Magbabalik lamang siya sa pagiging kaluluwa. At puwede niya iyong gawin muli hangga't may ibang katawan pa siyang mahihiraman at masasapian.

Doon nawala ang ngiti ni Teodoro. Sa tagal na rin ng panahong pumanaw ang kanilang ama, marami na rin pala siyang mga bagay na nakalimutan sa mga turo nito.

"Kung ganoon, sinasabi mo ba sa amin na pasasabugin mo kami uli gamit ang katawang iyan na hiniram mo lang? Hindi mo ba inisip na ang nagmamay-ari n'yan ang tunay na mamamatay sa gagawin mo at hindi ikaw? Paano kung ang may-ari ng katawang iyan ay gusto pa palang mabuhay? Papatayin mo ba siya para lang sa sarili mong kagustuhan? Kung ganoon pala, parang pumatay ka na rin ng tao! Hindi ka na magiging mabuti pang nilalang. Mababahiran na rin ng kasalanan ang iyong kaluluwa at matutulad ka na rin sa amin!" sabat sa kanya ni Mateo.

"Siguro nga magkakasala ako sa gagawin ko. Pero kung ito lang naman ang paraan para mapabagsak kayong muli, hindi ako magdadalawang isip na gawin ito! Kaya hindi rin ako natatakot na mapunta sa impiyerno, Mateo. Magkita-kita tayo roon at sabay-sabay tayong susunugin!"

"Tumigil ka!" Dumukot ng isang pirasong uling si Teodoro sa bulsa at gumuhit ng katawan ng tao sa sahig. Pagkatapos niya itong usalan ng maikling dasal, idiniin niya ang kanyang palad sa tiyan ng drawing na iyon.

Bigla namang nabitawan ni Leoron ang hawak na sandata nang mamilipit sa sakit ang kanyang tiyan. Kinulam siya ni Teodoro gamit ang Kalam nito. Ngayon ay hindi na siya makatayo sa labis na pananakit ng kanyang tiyan. Parang pinupunit ang kanyang mga bituka at laman.

Habang nasa ganoon siyang kalagayan, saglit na lumabas si Mateo at kumuha ng isang pirasong halaman sa likod ng simbahan. Pagbalik nito, itinutok ng lalaki sa kanya ang halaman habang binubulungan ito ng dasal.

Unti-unti namang nanigas sa kinaroroonan ang katawan ni Leoron. Hindi na siya makagalaw. Pakiramdam niya parang nagiging bato siya.

Ginagamit ni Mateo ang kapangyarihan ng Manggagawe para lumikha ng itim na mahikang nagpapatigas ngayon sa buo niyang katawan.

"Tingnan natin kung magamit mo rin ang iyong Kalam ngayong hindi ka makagalaw d'yan. Manigas ka!" asik sa kanya ni Teodoro saka ito lumabas ng simbahan.

Lumingon naman si Mateo kay Alex na nakagapos pa rin sa krus habang nanunuod lang sa kanila.

"Iiwan ko muna kayong dalawa rito. Wala rin naman kayong magagawa para iligtas ang mga sarili n'yo." Saka niya tinalikuran ang mga ito at sumunod na rin kay Teodoro sa labas.

Doon pa lang nagkaroon ng pagkakataon sina Alex at Leoron na makapag-usap.

"Salamat sa pagdalaw mo sa akin dito, Leoron. Pati tuloy ikaw napahamak pa," malungkot na wika ni Alex dito.

Hawak pa rin ng lalaki ang sumasakit nitong tiyan ngunit hindi naman nito maigalaw ang buong katawan.

"Patay na ako, Alexander. Huwag mo akong alalahanin. Maaari akong lumabas sa katawang ito anumang sandali. Ngunit hindi rin kita puwedeng iwan lalo na't alam ko ang balak gawin sa iyo ng mga kapatid ko. Sa `yo nila ibubuhos ang kanilang galit sa iyong ina. Ayokong maranasan mo ang kalbaryong dinanas ng mga tao rito. Kaya habang nandito pa ako sa katawang ito, patuloy kitang gagabayan sa abot ng makakaya ko."

"Maraming salamat talaga. Pero paano natin magagawa 'yon? Pareho na tayong bihag dito? Saka sigurado ka ba sa gagawin mo? Na pasasabugin mo uli ang lugar na ito? Paano na si Nichole? Hindi ba't katawan niya 'yan?"

"Aaminin ko, maysado akong nagpadalus-dalos ng desisyon kanina. Nakalimutan kong hiram ko nga lang pala ang katawang ito. Ang totoo n'yan, nagdadalawang-isip na rin ako ngayon kung itutuloy ko pa iyon. Ayokong makapatay ng inosenteng tao dahil lamang sa kagustuhan kong mapataob sina Mateo at Teodoro. Siguro'y mag-iisip na lang ako ng ibang paraan."

"Bakit hindi na lang ako? Buhay pa naman ako, Leoron. Ako na lang ang gagawa niyan dahil sarili ko namang katawan ito."

"Ngunit kapag ginawa mo iyon, mamamatay ka rin, Alexander. Sigurado ka bang nais mong ialay ang sarili mong buhay para lang matalo ang mga kapatid ko?"

"Ayoko rin namang gawin ito… Pero dahil sa pagkamatay ng Nanay Ofelia ko, pati na ni Tito Pisok ko, parang nawalan na ako ng ganang mabuhay pa. Wala na akong pamilya na uuwian. Saka ang dami ko na ring kasalanan noong nasa Maynila pa lang kami. Naging magnanakaw kami ng nanay ko. Andami naming pinasok na mga illegal na gawain para lang labanan ang kahirapan. Kaya imbes na maghirap pa tayong lahat dito dahil lang sa mga kapatid mo, mas pipiliin kong mamatay na lang din sa sarili kong Kalam kung iyon lang ang maghahatid ng kapayapaan at pagbabago lugar na ito. At para kahit papaano rin, may magawa man lang akong mabuti."

"Ang mga kasalanang nagawa mo noon ay mahuhugasan pa rin naman kung kikilalanin mo ang Panginoong Diyos at susundin ang mga aral niya. Bata ka pa, Alexander. Marami ka pang puwedeng gawin sa buhay. Mababago mo pa ang sarili mo. Makakabawi ka pa sa mga kasalanan mo. Gugustuhin mo pa rin bang ialay ang sarili mong buhay?"

Doon hindi nakasagot si Alexander. Naisip niya, tama nga naman ang lalaki. Sa edad niyang ito, nasa stage pa lang siya kung saan nagsisimula pa lang siyang harapin ang realidad ng buhay.

At tunay rin na kahit may nagawa pang kasalanan ang isang tao, hindi pa huli ang lahat sa kanya para magbago at maituwid ang mga pagkakamali. Alam niyang mabuti ang Diyos, at magagawa nitong patawarin siya kung ibibigay niya ang buong sarili rito at pipiliting baguhin ang nakagawiang buhay sa nakaraan.

"Pero ano na ang gagawin natin para mapabagsak sina Mateo at Teodoro? 'Di ba ang mga Ustuang lang na gaya natin ang puwedeng makadaig sa kanila?"

"Maghahanap tayo ng ibang paraan, Alexander. Siguradong may iba pang paraan para mapigilan natin sila. Hangga't maaari, ayokong mamatay ka. Ayokong matulad ka sa iyong ina na ibinuwis ang sariling buhay para lang kalabanin ang mga kapatid ko. Kaya naman ngayong may nahihiraman na ako ng katawan, gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para matulungan ka."

"Salamat nang marami, Leoron. Mabuti na lang hindi ka naging katulad ng mga kapatid mo na walang kasing sama. Naniniwala akong magtatagumpay tayo sa ating mga plano dahil malinis ang hangarin natin. Hindi gaya nila na masyado nang nilamon ng kapangyarihan at wala na silang ibang inisip kundi ang magmataas sa ating lahat."

"Tama ka. Kaya naman hihintayin ko lang na mawala ang epekto ng sumpang binigay sa akin ng mga kapatid ko para makaalis na ako rito."

"Sigurado ka bang mawawala iyan?"

"Patay na ako, Alexander. Isa na lamang akong kaluluwa na nakikihiram ng katawan. Kung anuman ang sumpa at sakit na ipataw nila sa akin, hindi na ito magiging permanente."

Mahigit tatlong oras ang lumipas bago nawala ang sakit ng tiyan ni Leoron. Sa pagkakataon ding iyon ay nagagawa na niyang gumalaw.

Nilapitan niya si Alexander at kinalag ito mula sa pagkakatali roon. At habang wala pa ang dalawa, sinamantala na nila ang pagkakataon para tumakas.

ABALA naman si Mateo habang nililibot si Teodoro sa buong bahay nila. Ngayon lang ito muli nakatapak sa bahay nilang iyon na namana pa nila sa kanilang ama.

"Sigurado ka bang hindi natin babalikan sina Alexander at Leoron sa simbahan? Baka wala pang nagbabantay sa kanila roon," mayamaya'y usisa ni Mateo.

"Wala rin naman silang magagawa, Kapatid. Alam nila na ang tanging paraan lang para madaig tayo ay ang Kalam nila na pasabugin ang lugar na ito. Pero sa panahon ngayon, sino ba naman ang gugustuhing mamatay para lang matalo ang kanilang kalaban, hindi ba? Lalo na si Alexander. Sa mura niyang edad, papayag ba siyang maaga siyang mamaalam sa mundo kung gagamitin lang din niya ang kanyang Kalam?" sagot naman dito ni Teodoro.

"Maniwala ka sa akin, Kapatid kong Mateo. Hindi magagamit ni Alexander ang kanyang Kalam sa atin. Sigurado akong takot din iyong mamatay! At kahit makatakas pa sila ngayon, wala rin naman silang ibang mapupuntahan dahil kaya naman natin silang sundan anumang sandali."

"May punto ka d'yan, Kapatid. Siguro nga'y hindi ko na dapat sila masyadong pinoproblema. Lalo na't dalawa na tayong Ukluban dito ngayon. Wala nang makahihigit pa sa atin."

Kinagabihan, muling nagsulat si Teodoro ng mga ritwal sa iba't ibang bahagi ng pader ng kanilang bahay. Ginamit niya ang Kulitan Script na isang makalumang alpabeto ng mga Kapampangan.

Gamit ang kapangyarihan ng Magbantala, binigyan niya ng karagdagang proteksyon ang kanilang bahay upang hindi ito mapasok basta-basta ng kahit na sinong nilalang na puwedeng kumalaban sa kanila.

Sa pamamagitan din ng dasal na iyon na isinulat sa pader, madali nilang matutukoy kung ang panauhin na nakakapasok ay tunay na mapagkakatiwalaan o nagpapanggap lamang para linlangin sila.

"Kay ganda talagang pagmasdan ang Kulitan, Kapatid kong Mateo. Sining sa paningin ang hitsura ng ating makalumang panulat. Sadyang mayaman din ang Kapampangan sa ganitong bahagi ng kultura. Hindi lang mga Tagalog ang may sariling panulat, kundi tayo ring mga Kapampangan. Dito nakapaloob sa mga alpabetong ito ang pagkakakilanlan natin bilang mga Kapampangan…" wika ni Teodoro kay Mateo habang pinapabasa niya rito ang mga dasal na isinulat niya sa pader.

"Siyang tunay, Teodoro. Kaya nga ako, Kulitan pa rin ang pamamaraan ng aking pagsusulat lalo na sa mga itim na librong ginagawa ko. Ayokong mabura sa mundong ito ang makalumang panulat na sumisimbulo ng pagkatao ng mga Kapampangan kaya patuloy ko itong gagamitin at ituturo sa ating mga nasasakupan."

"At siyempre, hindi lang ang panulat na ito ang palalawakin natin. Pati na rin ang relihiyong Kalam na itinatag noon ng ating ama. Muli natin itong bubuuin at ikakalat sa buong Masantol."

Tumango si Mateo bilang pagsang-ayon. "Alam kong magagawa natin ang lahat ng iyan dahil magkasama na tayong dalawa. Hindi dapat minamaliit ang kapangyarihan ng dalawang pinagsamang Ukluban…"

Saka sila nagpakawala ng malutong na tawanan.

TO BE CONTINUED…