webnovel

Kabanata 12: Matinding Sagupaan

BIGLANG bumukas ang pinto. Iniluwa niyon ang apo nina Apung Grasya at Apung Asyu. Isa iyong babae na sa tantiya niya ay nasa early 30's nito.

"Mayap a abak kekayu. Ako nga pala si Nichole. Isa akong Mamalian. Ano ang puwede kong maitulong sa inyo?"

Nagulat si Alex. "Mamalian? Ibig sabihin, may kakayahan kang papasukin ang kaluluwa sa iyong katawan?"

"Tama ka. Maaari ko bang malaman kung ano ang problema?"

Agad niyang sinabi rito ang tungkol sa isang lalaking pugot na nagpapakita sa kanya. Umupo ang babae sa harap niya at ipinatong sa kanyang ulo ang palad nito.

"Tawagin mo ang lalaking pugot na nagpapakita sa `yo. Tawagin mo siya sa isip mo. At kapag nakikita mo na siya, sabihan mo ako, upang magawa ko ang parte ko."

Sinunod niya ang sinabi nito. Ipinikit niya ang mga mata at iginuhit sa kanyang utak ang lalaking nakasutanang itim na walang ulo. Tinawag niya ito sa pamamagitan ng kanyang isip. Nakiusap siya na magpakita itong muli.

Nang idilat niya ang mga mata, laking gulat niya nang masilayan ito sa likuran ni Nichole. Hindi niya maiwasang kilabutan sa presensiya nito.

"N-Nandito na siya!"

Doon pa lang siya binitawan ng babae at ipinatong sa dibdib ang mga kamay nito. "Makisabu kung mayap. Gamitan me ing kanakung katawan bang makapang-amanu king kekaming bisita," sambit nito na ang ibig sabihin sa Tagalog ay inuutusan nitong pumasok ang kaluluwa sa katawan nito upang makausap ang kanilang bisita.

Unti-unting naging usok ang lalaking walang ulo at pumasok sa bibig ng babae. Ilang sandali pa, nagsalita ito. Sa pagkakataong iyon, lalaki na ang boses ni Nichole. Iyon ang boses ng lalaking sumapi rito.

"Mayap a aldo keka, Alexander," bati nito sa kanya.

"M-Magandang araw din. Ikaw ba ang lalaking walang ulo na nagpapakita sa akin?"

"Ako nga. Masaya ako sa iyong pagdating dito sa ating baryo."

"Maaari ko bang malaman kung sino ka?"

"Ako si Leoron del Puero Salvador. Pumapangalawa ako sa kapatid ni Padre Mateo na naghahari dito ngayon sa baryo."

Hindi siya makapaniwala sa narinig. Saka niya naalala ang litratong pinakita sa kanya ni Mary Jane sa kusina noon ng binatang pari. Ang litrato ng tatlong magkakapatid na sina Mateo, Leoron at Teodoro.

"Ikaw si Leoron? A-ano ang kailangan mo sa akin? Bakit ka nagpapakita sa akin?"

"Huwag kang matakot, Alexander. Hindi ako masamang tao. Kaya nga patay na ako ngayon, dahil kinalaban ko rin ang sarili kong kapatid at pamilya."

Nangunot ang noo niya. "A-Ano ang ibig mong sabihin?"

"Sa aming tatlo, ako lang ang lumaki sa piling ng aking ina. Siya ang nagturo sa akin na maging mabuting tao. Ito ang dahilan kaya hindi ako naging katulad ng mga kapatid ko na nilamon ng kasamaan dahil lumaki naman sila sa poder ni ama. Magkahiwalay na ang mga magulang namin noong isilang kami. Sa aming tatlo, ako lang ang nabawi ni ina kay ama."

Marami pa siyang natuklasan dito. Ayon pa kay Leoron, ilang beses daw nitong pinaglaban ang karapatan ng mga inosenteng tao noon sa kanilang baryo. Subalit lagi itong nakakatanggap ng parusa sa kanyang ama na walang iba kundi ang tinatawag nilang Bathalang Dalumdum na ginagawang panginoon ngayon ng mga miyembro sa simbahan ni Padre Mateo.

Dahil doon, kinamuhian na rin ito ng dalawang kapatid hanggang sa lumaki silang tatlo. At nang sakupin ng mga ito ang buong baryo, napilitan si Leoron na gamitin ang kapangyarihan upang mapigilan sina Mateo at Teodoro sa pagkitil ng buhay at pagkalat ng kanilang kasamaan sa lugar.

"Tulad mo, isa rin akong Ustuang, Alex. Ginamit ko ang aking Kalam kaya nagkaroon ng matinding pagsabog noon dito sa buong baryo. Namatay rito ang aking ama, ang mga tauhan nila, pati na si Teodoro. Ngunit sa kasamaang palad, nakatakas si Mateo bago ko pa pasabugin ang aking sarili, kaya hindi siya kasama sa mga nasawi."

"Isa ka ring Ustuang?" hindi makapaniwalang sambit ni Alex, parang nagkaroon ng kakampi.

"Sa aming tatlo, ako lang ang Ustuang. Sina Mateo at Teodoro ay parehong Ukluban. Kaya sila naging Ukluban sa murang edad ay dahil tinuruan sila ni ama. Ako naman, hindi ko na pinangarap na matutunan pa ang lahat ng Kalam para lang maging Ukluban. Natutunan kong mahalin ang sarili kong kapangyarihan dahil umaasa akong balang araw ay magagamit ko ito laban sa kanila. Noon pa man kasi, batid ko na ang balak nilang gawin sa buong baryo. Nais nila itong sakupin dahil nilamon na sila ng labis na pagkaganid sa kapangyarihan."

Sinabi rin nito na bago maganap ang matinding pagsabog noon, nagtayo ang kanilang ama ng panibagong relihiyon sa baryong iyon. At iyon ang tinatawag nilang Kalam Religion na pilit pa ring binubuhay ngayon ni Mateo sa Pisamban Ning Mikakalam.

"Leoron, sana'y matulungan mo ako. Ano ba ang dapat nating gawin para madaig sina Padre Mateo nang hindi ginagamit ang Kalam ko?"

"May isang bagay akong alam na makakapatay sa kanya. Ito ay ang gintong patalim na kung tawagin ay banduana. Ito lang ang tanging sandata na maaaring makapaslang kay Mateo. Kung makukuha mo ito sa kanilang simbahan, magagamit mo ito laban sa kanya."

"Maraming salamat, Leoron! Salamat sa iyong tulong. Sana'y magtagumpay akong makuha ang sandatang iyon para matapos na ang kasamaan nina Mateo."

"Tutulungan kitang makapunta roon. Hindi mo kakayanin mag-isa. Hihiramin ko muna ang katawan ng babaeng ito upang masamahan kita."

Nabuhayan siya ng loob. "Dakal a salamat, Leoron!"

Tuluyang nilukob ng kaluluwa ang katawan ni Nichole. Di nagtagal, nagbago na rin ang anyo nito. Nasa kaanyuan na nito ang hitsura at katawang lupa ni Leoron.

"Bakit ka pa pupunta roon?" pigil sa kanila ni Ofelia. "Huwag mo nang ituloy ang balak mo, Alex! Tumakas na lang tayo! Huwag mo nang kalabanin si…" biglang naputol ang sasabihin nito nang sumikip ang pakiramdam nito.

Kasunod niyon ang pagkabagsak nito sa sahig at ang pagsusuka ng dugo. Parehong nagulat sina Alex at Leoron sa nangyari.

Labis ang kanilang pagkasindak nang makita kung paano tinubuan ng malalaking sugat si Ofelia sa buong katawan. Kasunod niyon ang paglabas ng mga insekto roon.

Napaatras sila sa takot. Pagkatapos lumabas ng mga insekto ay nagsiliparan ito sa paligid.

Napilitan si Leoron na buksan ang mga bintana upang makalabas ang mga ito.

Hindi kinaya ni Ofelia ang dami ng mga dugo at insektong lumabas sa katawan nito. Agad din itong binawian ng buhay.

Labis-labis ang panlulumo ni Alex nang makita ang pagkalagot ng hininga ng babaeng kumupkop at nagpalaki sa kanya.

Tulad ng tunay niyang ina ay wala na rin ito. Napayakap siya rito nang mahigpit. Hindi na alintana ang dugo na bumahid sa balat niya.

Awang-awa naman si Leoron nang makita siya sa ganoong kalagayan. "Sigurado ako, Mambabarang ang gumawa nito sa iyong ina!"

Naalala ni Alex ang Tito Pisok niya pati si Mary Jane. Naiwan sa bahay ang mga ito. Nagmadali siyang tumayo at ibinilin muna kina Apung Grasya ang katawan ng kanyang ina.

Sabay na silang umalis ni Leoron para iligtas ang natitira pang mahal nila sa buhay. Ngunit pagkauwi nila sa kanyang bahay, nagtaka siya dahil wala na sa lupa ang kinatatayuan ng kanilang tirahan.

Pati na rin ang iba pang mga bahay sa kanilang paligid ay nawala rin. Sa halip ay napalitan iyon ng mga nitso. Nagtaka siya. Sa isang iglap ay tila naging sementeryo ang kanilang lugar.

"Nararamdaman ko, isang Uple ang may kagagawan nito! Nililito lang nila tayo!" sabi sa kanya ni Leoron.

Sa galit ay napilitan nang sumigaw si Alex. Alam na niya kung sino ang puwedeng gumawa nito. "Renzoooo! Alam kong nandito kaaaaa! Magpakita kaaaaaa!"

Sa isang kurap lang niya, bigla itong lumitaw sa harapan niya. Ilang beses pa itong naglaho at nagpalipat-lipat sa iba't ibang lugar bago ito muling lumitaw sa harap niya.

Halos mahilo siya sa ginagawa nitong ilusyon sa kanya.

"Itigil mo ito, Renzo! Nasaan na ang bahay namin! Ibalik mo ang dating hitsura ng lugar namin!"

Sa isang kurap muli niya, nagbalik sa dati ang lugar nila, pati na ang kanilang bahay. Ngunit nagulat siya nang makitang nakabitin patiwarik sa harap ng kanilang bahay ang Tito Pisok niya. Wala na itong buhay at naliligo sa sariling dugo habang patuloy itong sinasaksak ni Christian gamit ang maliit nitong patalim.

Narinig naman niyang sumigaw si Mary Jane habang bihag-bihag ng ilang mga tauhan. Nagpakita na rin sina Padre Mateo kasama ang bago nitong kasamahan… Walang iba kundi si Teodoro del Pureo Salvador.

Hindi makapaniwala si Leoron. "Teodoro? B-Buhay ka?"

"Nariyan ka rin pala, Leoron. Paano na 'yan? Buhay na muli ako! Nasayang lang ang iyong sakripisyo dahil nandito na akong muli at maghahasik ng lagim kasama ang kapatid kong si Mateo!"

Nagtiim-bagang si Leoron. "Hindi kayo magtatagumpay!"

"Wala ka nang magagawa, Leoron! Isa ka na lamang kaluluwa na nagtatago sa katawang iyan! Wala ka nang kapangyarihan! Hindi mo na kami mapipigilan!" Isang malutong na halakhak ang pinakawalan ni Teodoro pagkatapos niyon.

Nilamon ng labis na galit si Alex. "Kung siya wala nang magagawa, ako meron!" Napalingon ang lahat sa kanya.

"Alam ko na ang Kalam ko. Alam ko ring kinatatakuyan n'yo ako, dahil ako lang ang puwedeng makapuksa sa inyo! Totoo ang sinasabi ko 'di ba? Ang Ustuang na gaya ko ang makakapatay sa inyong lahat!"

Nawala ang ngiti ni Teodoro sa narinig saka ito lumingon sa kapatid. "Balu na ne ing Kalam na!" anito na ang ibig sabihin sa tagalog ay alam na ni Alex ang kapangyarihan nito.

Inilabas ni Mateo ang banduana. "Bago mo pa magamit ang iyong Kalam, papatayin na kita! Hindi na kita kailangan sa simbahan ko! Magagawa naming sakupin ang buong Masantol kahit kaming dalawa na lang ng kapatid kong si Teodoro!"

Bago pa ito makagawa ng aksyon, patakbong lumapit dito si Leoron at pilit inagaw ang banduana. Nag-agawan sila sa gintong patalim hanggang sa pareho silang nagpagulong-gulong sa lupa.

Nang mabitawan iyon ni Mateo, isang sunod-sunod na suntok ang pinakawalan ni Leoron sa mukha nito.

Hindi naman nagpatinag si Mateo. Ginamit niya ang mga paa upang itulak ito palayo. Siya naman ang pumatong dito at pinaulanan din ng malalakas na suntok ang kapatid. Saka ito tumayo at muling kinuha ang banduana.

Sa pagkakataong iyon, bahagyang lumuwag ang pagkakahawak ng mga tauhan kay Mary Jane. Doon niya sinubukang magwala hanggang sa ganap siyang mabitawan ng mga ito.

Kumaripas siya nang takbo patungo kay Alex at napayakap dito. Hinagod-hagod naman ng lalaki ang kanyang likod.

"Sumakay ka na ng bangka! Tumakas ka na rito! Pumunta ka sa Puti! O kahit saan basta lumayo ka muna rito!"

Narinig ni Leoron ang sinabing iyon kaya umatras na ito sa laban nina Mateo. "Ako na ang bahala sa kaibigan mo, Alexander! Ililigtas ko siya rito!" Nilapitan nito si Mary Jane at tinulungang makasakay sa isang bangka. Sabay nilang nilisan ang baryong iyon at pansamantalang nagtungo sa Puti.

Ang naiwan na lang doon ay si Alex kasama ang hukbo nina Mateo. Bigla namang umalis si Teodoro sa kinatatayuan at namitas ng isang kapirasong halaman sa paligid. Saka ito umusal ng isang makapangyarihang dasal habang itinatapat sa bibig ang halamang iyon.

Ginagamit nito ang kapangyarihan ng Manggagawe para lumikha ng itim na mahika sa pamamagitan ng halaman. Ang mahikang iyon ay naging itim na usok na kumalat at pumasok sa bawat kabahayan.

Ilang sandali pa, isa-isang nagsilabasan ang mga tao sa kani-kanilang kabahayan. Lahat ng mga tahanan sa buong baryo ay pinasukan ng usok na ito.

"Nasa ilalim na sila ngayon ng aking kapangyarihan… At gagawin nila anuman ang ating naisin, kapatid kong Mateo!" turan nito sabay halakhak nang malakas.

Pinalibutan siya ng mga taong iyon na naging itim din ang mga mata. Bakas na bakas sa anyo ng mga ito ang itim na mahikang bumabalot sa kanilang utak at diwa.

Isang malakas na halakhak ang pinakawalan ni Mateo. "Paano ka na n'yan, Alexander? Mag-isa ka na lang! Wala ka nang laban! Akala mo siguro may mahihingian ka pang tulong dito? Nakakalimutan mo yata na ako ang haring Ukluban sa baryong ito, kaming dalawa ng kapatid kong si Teodoro! Kaya huwag ka nang magtaka kung bakit sa amin pumapanig ngayon ang lahat ng mga tao rito…"

"Hindi ako takot sa inyo!"

"Nakalimutan ko rin palang sabihin sa iyo. Ako ang bumarang at pumatay kanina sa ina-inahan mo! Kaya ngayon, literal ka nang nag-iisa rito! Wala ka nang mapupuntahan!"

"Hindeeeee! Humanda ka sa gagawin ko, Mateo! Hindi ko na paabutin bukas ang inyong kasamaan!"

Ngunit bago pa siya makagawa ng aksyon, nilapitan na siya ng dalawang tauhan at binihag ang kanyang mga kamay.

Nilapitan naman siya ni Mateo at itinaas ang banduana. "Sa kapangyarihan ng sandatang ito, hindi mo magagamit ang iyong kapangyarihan! Agad kang mamamatay at hindi na mabubuhay kahit anong ritwal pa ang gawin sa bangkay mo!"

TO BE CONTINUED…