Ikatlong Kabanata
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Unang bumungad sa aking paningin ang kremang kisame. Napakunot ako ng noo nang malamang hindi iyon pamilyar sa 'kin.Ilang saglit pa akong tumitig doon, inaalala kung bakit ako nakahiga sa may kalambutang kama. Biglang nanakit ang ulo ko kaya napahawak ako dito at napadaing."Binibini, ikaw pala'y nagkamalay na," tinig ng isang babae ang nagpawala ng atensyon ko sa sumasakit kong ulo. Napatingin ako sa kaniya.Nakasuot ito ng pang-madreng damit. Kayumanggi at puti ang kulay noon. Bata pa siya pero sa tingin ko ay mas matanda pa siya sa akin ng ilang taon. Siguro'y nasa late 20's hanggang early 30's na. Siya'y isang mestiza. Bilugang mata, matangos na ilong, may kakapalang pormadong kilay, at manipis na kulay rosas na mga labi ang tanging makikita sa kaniya."Kumusta na ba ang iyong pakiramdam? Ayos ka lang ba?" Mahahalata sa kaniyang boses ang pag-aalala. Natigil ako sa pagtitig sa kaniya."H-hindi ko alam," iyon ang nasagot ko. Hindi ko matantya ang sarili ko ngayon. Nagdesisyon akong umupo muna sa kama at inalalayan naman ako ng batang madre.Pinagmasdan ko muna ang paligid. May mga kama sa aking hilera, gano'n rin sa katapat nito. Ang ilan dito ay okupado ng mga katulad kong siguro'y pasyente at inaalagaan ng iba pang madre. May isang desk sa hindi kalayuan kung nasaan ang isang matandang madre. Ilang mga pintuan ang naririto at isang hagdan papaakyat ang akin pang namataan. May mga kahoy na cabinet rin na hindi ko alam kung ano ang mga laman.Napatulala ako sa kawalan matapos. Inalala kung anong nangyari bago ako mapunta dito.Nanlaki ang mga mata ko ng maalala ang aksidenteng kinasangkutan ko. Ang alam ko, kasama ko ang isang Ale na nagpapasama malapit sa belfry ng Santa Monica. Lola Susana ang tawag ko sa kaniya at siya ang isa sa nakasaksi nang mangyari ang aksidenteng pagsagasa sa 'kin ng motorsiklo. Iyon ay dahil iniligtas ko ang isang bata.Agad kong kinapa ang aking ulunan at napansing wala man lang kahit anong benda ang naroroon para sa nagdugo kong ulo. Alam ko ay mayroong dugo na lumabas dito. Pero bakit..."Sister, anong nangyari sa 'kin? Bakit wala man lang akong benda pagkatapos kong masagasaan ng motor?" Naghihisterya kong tanong. Gulat niya akong tiningnan."B-binibini, pasensya na kung ikaw ma'y hindi ko maintindihan ngunit huminahon ka na muna. Hayaan mong ihayag ko sa 'yo ang nangyari," nauutal pa siya sa pagsasalita, mukhang nataranta sa inakto ko.Huminga ako nang malalim at pilit kinalma ang sarili gaya ng sabi niya kahit pa kasing gulo ng nabuhol na sinulid ang isip ko. Umupo ang madre sa gilid ng aking kama at hinawakan ang aking kamay."Isang hindi kilalang tao ang nagdala sa 'yo dito sa ospital madaling araw noong nakaraan. Nakahiga ka sa tapat ng simbahan ng San Jose De Granada at may katabi kang sulat. Ang sabi roon ay natagpuan ka sa isang kalye at hinimatay sa daan," sambit nito. Tumaas ang aking kilay sa huling sinabi ng madre.Ako? Hinimatay lang?"Sister," pagtawag ko sa kaniya. Nagsalubong ang kaniyang mga kilay niya."S-sister?" Matigas ang pagkakasabi niya doon, mukhang hindi alam ang sinasabi ko. "Ako ba ang iyong tinutukoy?" Aniya sabay turo sa kaniyang sarili. Kahit pa nagtataka sa kinikilos niya ay tumango ako."Bago ko makalimutan, nais kong ipakilala ang sarili sa iyo. Ako si Maria Rosanna. Isang mongha at isa rin sa mga nangangalaga sa ospital na 'to," sambit ng madre."Ikaw ba'y may katanungan?" Siguradong nahalata niya sa mukha ko kung gaano ako kalito ngayon. Nang sabihin niya iyon ay hindi na ako nagdalawang-isip na magtanong."A-anong araw na po ngayon?" Kabado kong tanong. Pinilit kong salubungin ang kaniyang tingin."Sa aking kaalaman, ngayon ay araw ng Biyernes, ika-dalawampu't walo na ng Oktubre." Kung ganoon..."At siya nga pala, halos mag-iisang araw ka nang walang malay," siya na ang nagdugtong sa nabubuong ideya sa isip ko.Tinitigan ko siya at inobserbahan ang kaniyang hitsura. Pinoproseso ko rin ang mga sinasabi niya, pati na rin kung paano siya magsalita. Gusto ko mang matawa pero alam kong hindi maganda 'yon lalo na't sa harap pa ng isang madre. Bumalik sa aking tainga ang sinabi niyang impormasyon.Simbahan ng San Jose de Granada?Pamilyar sa 'kin ang istrukturang iyon. Natural lang dahil iyon ang mga na-search kong impormasyon tungkol sa lumang bayan ng Cavite Puerto. Ilang araw ko nang pinagkakaabalahan ang bagay na 'yon kaya naman saulado ko na. Teka... Huwag mo sabihing...Sana mali ako. Ang hinuha ko. Isang kabaliwan lang ang naiisip ko."P-puwede ko po bang malaman kung anong taon na?" Rinig na rinig ko kung paano dumagundong ang puso ko. Napayukom rin ako ng palad habang hinihintay ang sagot.Makahulugan akong tiningnan ng babae. Gano'n pa man, hindi ko mabasa ang iniisip niya."Isang libo't walong daan at walompu't pito," aniya. Para akong binuhusan ng malamig na tubig matapos niya 'yong sabihin. Ang nakakuyom kong palad ay kusang nawalan ng lakas. Dumoble ang bilis ng tibok ng aking puso."I-isang libo?" Natatakot kong pag-uulit. Ni hindi ko na nga natapos 'yon dahil sa haba. Gumapang ang mga kamay ko sa aking ulunan at napasabunot sa sariling buhok. Hindi ko na maintindihan ang nangyayari. Nababaliw na ba ako?!Kung nananaginip man ako o nag-iilusyon, sana ay magising na ako.Hindi ko alam kung saan ako kumuha ng lakas para tumalon sa kama. Kailangan kong makumpirma ang lahat ng naiisip ko."B-binibini, saan ka pupunta?" Naghihisterya na ang may kabataang madre sa akin. Napahawak siya sa kaniyang dibdib."Sister—a-ang ibig kong sabihin, B-binibining mongha, babalik ako dito, pangako. May kailangan lang akong tingnan," madalian kong sabi at mabilis na naglakad palayo sa kama kahit pa na wala akong tsinelas man lang.Nagsitayuan ang iba pang madreng naroroon nang makita nila akong mukhang baliw na tumayo mula sa aking kama. Pero hindi ko na muna sila pinansin. Sana ay bigyan muna nila ako ng pagpapasensya.Aligaga ako sa kakahanap sa kung saan pwedeng lumabas. Maswerte akong nakita ko ang pintuan dahil sa liwanag na nanggagaling mula doon. Hindi ako nagdalawang-isip na lumisan muna.Nang makalabas ay hinarap ko kaagad ang pinanggalingan ko. Sa kanang bahagi ng gusali ay isang simbahan. Pa-tatsulok ang hugis at may krus sa ibabaw noon. Pinapaganda iyon ng munting kampanaryong makikita rin sa bandang gitnang bubungan ng simbahan. Ang may kahabaang gusali na kakambal nito ay siyang ospital na pinaglabasan ko. Pahaba ang ilang bintana. May puno rin sa katapat nito. Napailing na lang ako sa nakikita ko ngayon.Ang San Jose de Granada Church at San Juan de Dios Hospital.Pinagmasdan ko pa ang kalyeng kinatatayuan. May ilang taong naglalakad. Ang mga kababaiha'y naka-baro, saya, alampay sa balikat, at manipis na tapis sa harap ng kanilang mahabang palda. Ang mga lalaki naman ay naka-kamiseta at maluwag na pantalong siguro'y gawa sa cotton. Sa pananamit pa lang ng bawat isa, kitang-kita ko na agad kung ano ang kanilang estado sa buhay.Naalerto ako nang makitang papalapit na sa pintuan ang madreng umalalay sa 'kin kaya tumakbo ako palayo doon at agad na lumiko pa-kanan.Hindi ko maiwasang maobserbahan ang mga kabahayang madadaanan. Lahat ng 'yon ay puro makaluma, wala man lang bakas ng mga bagong disenyo sa mga nakatayong bahay.Dahan-dahan akong napatigil sa pagtakbo nang marating na ang sunod kong pupuntahan. Literal na napanganga ako sa nakikita ng dalawa kong mata.Kagaya ng inaasahan, naroroon ang kulay pulang bell tower. Para bang korona ang ibabaw no'n dahil sa porma nito, walang pinagkaiba sa kung anong hitsura na alam ko. Ang kinaibahan lang ay kakabit nitong tore ang isang simbahan na dapat ay wala doon. Pa-tatsulok ang hugis noon at may krus sa ibabaw. Ang pintuang pabilog ang ibabaw ay sarado, pati na rin ang parisukat na bintanang nasa ibabaw ng pinto ay gano'n rin. Ang katabing gusali sa sigurado kong kumbento ng simbahan ay wala ring bakas ng presensya ng kahit ano mang nilalang.Ang simbahan ng mga Augustinong Recoletos. Ang San Nicolas Church and Convent na naging Santa Monica paglaon.Napapikit ako at napahinga ng malalim. Piniga ko ang aking utak para alalahanin ang taon na sinabi ng mongha.Isang libo't walong daan at walompu't pito. Isang libo't walong daan at walompu't pito.Napamulat ako ng mata at napagtanto kung ano ang sinabi nitoYear eighteen eighty seven (1887).Sa huli, muli akong tumitig sa simbahan. Nagdesisyon na akong umalis na doon. Patakbo kong sinuyod ang daan patungo sa isa pang kalye. Ang kalye kung saan ako nasagasaan.Bukod sa mga mararangyang kabahayang naabutan ko, hindi na rin kataka-takang mga mararangyang tao ang nagsisidaanan doon. Karamiha'y mga malalapit sa edad ko. Ang mga grupo ng mga binata ay seryosong nag-uusap, samantalang ang mga kababaiha'y hindi ko mawari kung ano ang kanilang ginagawa dahil sa mga abanikong itinatakip nila sa kanilang bibig. Lahat sila ay patungo lamang sa iisang direksyon.Kita ko ang kanilang mga tinging nanghahamak sa 'kin. Pero wala akong pakielam. Lumiko na ako sa kalyeng 'yon, taliwas sa kanilang direksyon at patakbong tinungo ang eksaktong lugar kung saan ako nasagasaan.Nang matiyempuhan ko kung saan siguradong napahiga ako ng mga oras na 'yon ay hindi ako makapaniwalang wala man lang bakas ng dugo doon. Kahit pa isang araw na ang nakalipas, hindi agad nabubura ang bahid ng dugo. Sinubukan ko pang maupo sa gitna ng kalsada para lang doon. Kahit pa natulala na ako ng ilang minuto dahil sa pag-alala ng mga naganap ay wala man lang akong mamataan. Pinili ko na lang na tumayo.Maya-maya pa, isang sunod-sunod na ingay ng kahoy ang narinig ko at nang lumingon ako sa kung saan 'yon nagmumula ay isang kalesa pala ang papadaan. Ang dobleng kaba dahil sa sitwasyon ko ngayon ay naging triple pa. Naalala ko bigla ang sakit na naramdaman ko sa pagkakasagasa, kaya naman ramdam na ramdam ko ang pagtayo ng aking mga balahibo. Para akong natuod sa pinupwestuhan at hindi man lang makahakbang paatras.Isang kamay ang mabilisang humila sa 'king braso patungo sa gilid ng kalsada. Napapikit pa ako dahil sa hindi inaasahang pangyayari. Ramdam kong mabigat ang aking paghinga at tumatama iyon sa isang bagay na nakaharang kaya bumabalik ang init no'n sa akin.Nang imulat ko ang aking mga mata, lalong nanlaki ang mga ito nang mapagtanto ang pagkakalapit ng mga mukha namin.Kasing puti siya ng gatas at taglay niya ang singkit na mga mata, matangos na ilong, at manipis na labi na may magandang porma ng mukha. Isang mestisohing chinito na sa tingin ko ay nasa early 20's ang bumungad sa 'kin.Agaran siyang napabitaw sa 'kin at dumistansiya. Hindi ko mapakiwarian ang ekspresyon ng kaniyang mukha lalo na't napayuko siya."Nais kong ihingi ng kapatawaran ang aking kapangahasan sa iyo, Binibini," sambit ng lalaking at sinabayan pa ng pagbaba niya ng kaniyang sumbrero at itapat sa kaniyang dibdib. "W-wala akong masamang intensyon. Nais ko lamang ilayo ka sa kapahamakan," pagsusumamo pa nito.Para akong nakuryente sa lahat ng mga sinasabi niya, lalo na't napakalalim no'n at hindi pa ako sanay. Agad akong napawasiwas ng dalawa kong kamay."H-huwag kang mag-sorry," panimula ko. Bigla akong natauhan sa sinabi ko nang mapagtantong nag-TagLish ako. "Ang ibig ko lang namang sabihin, huwag kang humingi ng pasensya. Ako ang may kasalanan dahil pahaya-haya ako sa gitna ng daan," natataranta na rin talaga ako sa ginagawa niya.Napatingin ako sa kalesang sana'y babangga sa akin. Hindi ko nakita ang kung sino ang lulan noon pero sa tingin ko ay isang marangyang tao base sa anino ng lalaking nakita ko. Kaunti na lang ay papasok na sa kokote ko ang hinuha ko dahil ang transportasyon dito ay isang kalesa. Hindi kotse, hindi motorsiklo, hindi electronic bike, hindi tricycle, hindi jeep, at mas lalong hindi tanke at naglalakihang sasakyan ng mga militar ang dumaraan kundi isang kalesang hila-hila ng isang kabayo.Nang makalagpas na ang kalesa sa aming dalawa ay napatianod ako at muli akong bumaling sa binatang kaharap. Ngayon ko lang napagmasdan ang kaniyang suot. Siya'y nakadamit pang-europeo simula sa sumbrero, pang-itaas na polo, vest, at coat, at pang-ibabang slacks at sapatos.Para siya ngayong nanigas sa kaniyang kinatatayuan. Kakaibang tingin ang ipinukol sa akin. Gano'n pa man ay hindi ko siya pinansin."Salamat a? Sige, una na ako. Bye," mabilisan akong namaalam sa kaniya at tumakbo palayo.Isang lugar pa ang kailangan kong puntahan. Isang lugar na pwede kong malamang totoo ang lahat ng 'to, at masasabi kong hindi ako nanaginip at nag-iilusyon.Nakarating ako sa dulo ng kalye at tuluyan na akong nanghina.Isang parang bahay na gawa sa bato ang natagpuan ko. May isang malaking daanan sa gitna noon. Sa itaas ay mayroong hilera ng mga parisukat na bintana. Ang trapezoid na bubungan ay kulay pula at doon nakalagak ang isang flag na sa tingin ko ay sa Spain dahil sa kulay pula at dilaw ng telang 'yon. Samantala, sa dalawang magkabilang gilid ng mala-bahay na daan ay naglalakihang pader ng bato na sigurado kong naglalakbay hanggang sa kaduluhan ng mga direksyong 'yon.Ang pader na daan ng Porta Vaga papasok at palabas sa bayang ito.Pinagmasdan ko ang may kalawakang kalupaan. May mga maliliit na damo roon. May ilang kapunuan sa paligid. Ang mga bata ay masigasig na naglalaro at mukhang 'di napapagod. Sa kabilang dako ay ang sikat na sikat na Teatro Caviteño at sa gilid nito'y may mga kalesang mukhang naghihintay ng pasahero sa tapat niyon. Sa gawing kanan ay ang katapat ng Teatro, ang isang pamilyar na istruktura ng simbahan.Ang patio nito na nahaharangan ng mga patayong bato sa gilid at sa harap sa pagitan ng daanan papasok, katulad ng mga nakikita sa terrace ng isang bahay. Ang simbahan ay parang bulubundukin ang hugis at sa gitna ay may krus. Isang pintuang pabilog ay siyang daan papasok at may tatlong bintana sa itaas noon. Ang bell tower naman ay hindi ko inaakalang may kataasan rin. Sa kalkula ko ay may tatlong palapag iyon. Pati ang puno sa mga gilid nito ay napansin ko rin. Mayabong ang mga dahong taglay noon.Ang Ermita de Porta Vaga Church.Pinili kong maglakad papalapit doon. Iniwasan ko ang mga batang maaaring makabangga sa akin."Sandali, sa tingin mo ba'y isa siyang baliw?" narinig kong tanong ng isang batang lalaki sa kaniyang mga kalaro.Napalingon ako dito at kita ko sa grupo ng mga bata ang pagkakatuwa sa 'kin. Bigla silang nag-iwas ng tingin sa 'kin dahil sa ginawa kong paglingon. At kahit pa nakakainsulto ay wala akong balak pumatol sa mga bata.Iniharap ko na lang ang atensyon sa simbahan upang muli itong pagmasdan.Kapansin-pansin ang isang naka-carved na imahen ng Porta Vaga sa ibabang gawi ng krus. Samantala, mula dito sa labas ay may mga nakikita akong relihiyosa na nakaluhod sa luhuran ng mga mahahabang upuan ng simbahan. Kitang-kita ko ang tatlong palapag ng altar sa pinakaharap at nasa gitna ang sigurado kong orihinal na imahen ng Porta Vaga."Binibini," isang pagkalabit sa aking bewang ang aking naramdaman. Pagkalingon ko sa kanan ay isang batang babae na sa tingin ko ay nasa pito hanggang walong taong gulang na. Nakasuot siya ng maliit na baro at munting alampay sa balikat. Sa pang-ibaba ay isang maluwag na saya. Lumuhod ako upang pantayan siya."May kailangan ka ba?" Hindi ko man alam ang kaniyang pakay ay minabuti kong makausap muna ang bata."Kayo po ang may kailangan sa 'kin," hindi man lang nagdalawang-isip ang batang 'yon na sagutin ako sa ganoong paraan. Nagsalubong ang mga kilay ko."A-anong ibig mong sabihin?" Nalito ako sa sinabi niya. Hindi ko naman alam kung ano man ang pinagsasasabi ng batang 'to.Inilahad niya sa 'kin ang isang coat."Ang sabi ng isang ginoo, ibigay ko raw po ito sa inyo panakip ng inyong..." Hindi niya na itinuloy bagkus ay napatingin na lang siya sa katawan ko. Nang sundan ko ang kaniyang mata ay saka ko lamang napagtanto ang suot ko ngayon.Isang puting bestida na umaabot naman sa ankle ko at ramdam ko ang kanipisan nito. Mukhang ito ay damit panloob dahil wala man lang ako bra o kahit anong pantakip sa harap ko, at ramdam kong sa ibaba lang mayroon.Napatungo ako sa hiya. Ipinapanalangin ko sana ay lamunin na ako ng lupa. Kanina pa ako pagala-gala sa lugar na 'to nang ganito lang ang suot. Para akong nagkasala sa batas dahil alam ko kung gaano sila ka-konserbatibo. Kaya pala gano'n ang mga tingin na tinatapon sa 'kin ng mga binata't dalaga na nadaanan ko kanina. Kaya pala ang sabi ng mga bata na naglalaro dito ay nababaliw na ako dahil sa suot ko at idagdag pang nakalugay ang buhok ko. Kaya pala gano'n na lang rin kung makapigil ang mga madre, lalong lalo na ang nag-aalaga sa akin kanina.Napaangat ako ng tingin sa batang naroroon pa rin at nakatayo sa harap ko at muling inalok sa 'kin ang coat.Nakakahiya naman kung kukunin ko 'to kahit pa inalok sa 'kin. Kung hindi ko naman ito tatanggapin, siguradong mapapahiya ako sa daan, lalo na kung makakasalubong ako ng mga taong mataas ang estado ng buhay.Kinuha ko ang coat na 'yon sa bata. Agad ko rin 'yong isinuot sa sarili sa takot na maging tampulan na naman ako ng kahihiyan."Salamat nga pala, bata," nakangiti kong sambit. Isang amoy ng matapang na pabango ang pumasok sa ilong ko at isang tanong ang biglaan kong naisip."May ngalan po ako, Binibini.""Sorry...ah, patawad. Anong pangalan mo?""Eli po ang aking palayaw," turan nito."Siya nga pala, Eli, sino ang nag-abot sa 'yo nito? Kakilala mo ba siya?" Kuryoso kong tanong. Sa halip na makakuha ng salita ay isang pag-iling ang ibinigay niya sa 'kin."Hindi niyo na po kailangang malaman, ngunit mabait siyang ginoo," pilyong sagot ng batang paslit.Napatayo ako ng biglaan kaya napaatras ang batang babae sa akin. Napapikit ako nang muling maalala na na sobrang nakakahiya ako.Ngayon ay hindi lang isang lalaki ang nakakita sa 'king ganito pero dalawa pa!Sunod-sunod na pagtunog ng kampana ang nagpawala sa iniisip ko. Ang angelus."Bata, salamat ulit. Pakisabi sa lalaking nagpabigay nitong coat, salamat rin. Ibabalik ko kamo sa kaniya ito kung may pagkakataon," huling tugon ko sa bata saka ginulo ang kaniyang buhok.Humarap ako sa simbahan, nag-antanda at lumuhod bilang paggalang.Muli akong ngumiti sa batang paslit sa huling pagkakataon at saka tinungo ang pangatlong kalye kung nasaan nakatayo ang babalikang gusali base sa aking kaalaman.Gulong-gulo ang isip ko sa kung ano mang phenomenon ang nagaganap. Kahit ilang beses ko pang sampalin ang sarili, hindi ko na maitatanggi sa sarili ko ang katotohanan. Hindi man kapani-paniwala ang nangyayari pero hindi naman ako sobrang tanga para hindi mapagtantong nandito nga ako sa taong 1887, ang taong sinabi mismo ng binibining mongha.Hindi ko alam kung paano na ako ngayon, paano na ang buhay ko, paano ko ba madidiskubre kung paano ako nakapunta dito. Kung bakit ba nangyayari ang lahat ng 'to at kung ano na ang dapat na gawin ay hindi ko na alam. Ang alam ko lang talaga ay para akong isang batang paslit na hindi alam kung saan dapat tumungo.Muli ay sa Diyos ako umaasa na matutulungan niya ako. Sana ay bigyan niya ako ng mga taong magiging instrumento sa pagbangon ko sa panahong katulad nito.