Kinagabihan nang araw na iyon ay nanatili si Milo sa lilim ng puno ng Balete na nasa kanilang bakuran, kasalukuyan nang nagpapahinga ang mga kasamahan niya. Mahinang buntong-hininga ang pinakawalan niya bago sumandal sa katawan ng puno, napatingala pa siya sa kalangitan at doon lamang niya naramdaman ang katahimikang matagal na din niyang inaasam.
Akmang pipikit na siya ay naramdaman na man niya ang biglang pagbabago ng simoy ng hangin. Umayos siya nang upo at napangiti nang paisa-isang naglitawan ang mga kaibigan niyang nakatira sa puno ng balete.
"Maligayang pagbabalik Milo!" Masayang bati sa kaniya ng mga lambana. Isa-isang lumapit ang mga ito sa kaniya at kinumusta siya. Nagpakuwento rin ang mga ito nang mga nangyari sa kaniyang paglalakbay. Dumaan ang gabing iyon na puno ng kasiyahan, tila ba ang lahat ng nilalang na naninirahan sa puno ng balete ay nagdiriwang. Hindi na din namalayan ni Milo na nakatulog na ito roon at nang magising siya ay bumungad sa kaniya ang mukha ang dalawa niyang kaibigan na nakangisi pa sa kaniya.
"Bakit dito ka natulog, akala namin kung napaano ka na," puna ni Nardo. Bumangon naman si Milo at nagpalinga-linga, papasikat pa lang ang araw at wala na din sa paligid ang kaniyang mga kaibigang elemento.
"Malamig kasi ang simoy ng hangin kagabi rito kaya hindi ko na namalayang nakatulog ako. Ba't ang aga niyo naman yata?" wika at tanong ni Milo.
"Hindi ba, sabi ni Lolo kahapon, pupuntahan natin 'yong kabilang lupa para doon itayo ang bahay nina Manong Gustavo. Grabe hindi pa rin ako makapaniwalang isa siyang aswang. May mabubuti palang aswang. Akala ko kasi puro masasama lang ang mga aswang e'," turan ni Nardo na tinanguan naman ni Ben bilang pagsang-ayon sa sinabi nito.
"Oo naman, katulad lang din sila ng mga tao. May mga aswang na mabubuti at may mga taong masasama. Sa panahon natin ngayon, may mga aswang na na katulad ni Manong Gustavo na naghahangad nang payapa at tahimik na buhay, sila 'yong naghahanap ng pagbabago at dapat natin bigyan ng pagkakataon na maipamalas nila ang kabutihan nila para sa mga tao." tugon ni Milo na hinangaan naman ng dalawa. Magmula nang makabalik si Milo sa kanilang lugar ay humanga na sila rito. Tila ba hindi na ito ang dating lalampa-lampa nilang kaibigan. Sa tuwing makikita nila ang binata ay hindi nila maipagkakaila ang kakaibang karisma nito.
"Grabe, sa tagal mong nawala, nagbago ka na talaga ng tuluyan Milo. Mas lumawak na din ang kaisipan mo. At tingnan mo nga 'yan, kahit sa pisikal na aspeto napakalaki ng pinagbago mo." Natatawang puna pa nito na tinutukoy ang medyo lumaki niyang mga kalamnan. Tama nga naman ang mga ito dahil noon ay patpatin talaga siya ngunit ngayon ay mas gumanda na ang hubog ng katawan niya.
"Puro talaga kayo biro, tara maghanda na tayo ng almusal. Alam kong may dala kayong saging at camote kaya ,iluto na natin yan, para paggising ng iba ay kakain na lang."
At 'yon nga ang ginawa nila, pinagtulungan na nilang hugasan ang mga kamote at saging na saba na dala ni Nardo at Ben. Si Milo naman ay nagsalang na ng malaking kaldero sa kanilang kalan sa labas ng kubo ni Lolo Ador. Habang hinihintay nilang maluto ang kanilang pagkain ay nagkakape na sila habang nagkukuwentuhan sa labas. Panay pa tawanan ang mga ito dahil sa mga pabiro at kuwelang pagkukuwento ni Ben na sinasamahan pa ng aksyon. Misan pa nga ay ginagaya pa nito ang paraan ng pananalita ng ibang tao o di kaya naman ay mga tunog na ginagawa naman ng mga hayop.
Nasa kalagitnaan sila ng pagtawa nang bumukas ang pinto at iniluwa nito ang kakamot-kamot na si Simon. Dagli itong bumati sa kanila at nakisali na sa kanilang kuwentuhan. Mayamaya pa ay paisa-isa na rin nagising ang iba pa. Nang maluto na ang kamote at saging na nilaga nila ay agad na nilang nilagay ito sa isang sisidlang gawa sa hinabing balat ng kawayan. Dinala nila ito papasok sa kubo at doon pinagsaluhan.
Matapos ang kanilang simpleng agahan ay tinungo naman nila ang lugar na pagtatayuan ng bahay nila Gustavo. Hindi iyon kalayuan sa kubo ni Lolo Ador, mga limang minutong lakaran lamang at tanaw din ito sa mismong bakuran ng matanda.
Nakaharap din iyon sa malawak na palayan ni Lolo Ador at pinalilibutan ng puno ang likuran parte nito na nagustuhan naman ni Gustavo.
"Dito ko talaga binalak ipatayo ang bahay niyo dahil alam kung magugustuhan mo ang lugar na ito. Papuntang gubat na ang likurang parte nito at sagana sa mga hayop ang gubat." Nakangiting wika ng matanda.
"Maraming salamat po Tatay Ador, napakalaking bagay po ito para sa bagong simula ng aming pamilya." Masayang wika naman ni Gustavo.
"Walang anuman, kaibigan ka ng aking apo at alam kong mabuting tao ka sa kabila ng angkang kinabibilangan mo. Huwag kang mag-alala, masisiyahan kayo sa pananatili rito," wika pa mg matanda.
Inumpisahan na nina Milo ang paggawa sa bahay ni Gustavo. Tulong-tulong na itinayo nila ang payak ngunit komportableng bahay para sa mag-anak. Higit sa sampong kalalakihan kasama na sina Milo at Simon sa tumulong kay Gustavo. Mabilis na nabuo nila ang pondasyon ng bahay. Gawa iyon sa malalaking kawayan. Maging ang pinaka-dingding nito ay gawa rin sa kawayan.
Inabot lang ng tatlong araw bago mabuo ang buong bahay na titirhan nina Gustavo. Tuwang tuwa naman si Agnes nang makita ang magiging bahay nila. May mga upuan, mesa na din na gawa sa kawayan. Maging ang papag nilang hihigaan ay nakaayos na rin.
"Napakaganda ng bahay natin Gustavo." Naluluha pang wika ni Agnes habang karga ang anak nilang si Gino.
"Oo Agnes, napakaganda. Sa wakas ay magkakaroon na din tayo ng mapayapang buhay. Kahit ano mang unos ay sabay nating susuungin. Walang kahit sino ang makakabuwag ng ating pagsasama." Wika pa ni Gustavo at niyakap ang asawa at anak.
...
"Nakakatuwa talaga si Manong Gustavo, hangad ko ang kaligayahan nila." Sambit lang ni Milo habang palayo na sila sa bahay nito.
"Oo nga, bukas kami naman ang aalis, pansamantala muna kaming uuwi sa bahay namin. Iyon kasi ang pangako namin kay Ina at ama. Isang linggo lang kami rito at babalik din kami agad. Paano ka Liway, sasama ka ba sa amin ni Simon?" Wika ni Maya.
"Oo, sasama ako, marami pa akong nais malaman at nais ko rin mapasailalim sa pagtuturo ng inyong ina." Sagot ni Liway.
Bigla namang nakaramdam mg lungkot si Milo sa nalaman. Alam na niyang darating ang panahon na magkakahiwalay sila ng landas. Tapos na ang kanilang misyon at wala nang dahilan si Maya at Simon na manatili sa Talisay. Isa pa, may pamilya din namang babalikan ang mga ito.
"Bigla ka yatang natahimik diyan Milo? Dadalaw pa naman kami kapag may pagkakataon. At alalahanin mo, kaya naming gumamit ng lagusan, mas madali pa mga ngayon dahil kasama na namin si Liway. " Nakangiting wika ni Simon.
"Alam ko naman iyon pero 'di ko lang talaga maiwasan ang hindi malungkot sa mga pagkakataong ito," tugon ni Milo.
"Alam ko namang pagkawala lang ni Maya ang kinalulungkot mo. Kung gusto mo, iiwan na lang namin si Maya dito. " Biro pa ni Simon. Nanlaki naman ang mga mata ni Milo at bahagyang pinamulahan ng pisngi. Napaangat naman ang kilay ni Maya at malakas na binatukan ang kapatid. Tatawa-tawa pa si Simon habang lumalayo sa kanila.
Kinabukasan ay pormal na ngang nagpaalam sa kanila sina Maya, Simon at Liway. Pagkaalis nila ay agad ding nakaramdam ng katahimikan si Milo. Namayani ang kalungkutan sa dibdib niya na marahas din naman niyang iwinaglit sa isipan niya.
"Hindi dapat ako nalulungkot nang ganito. Padayon lang Milo. " Wika pa niya sa kaniyang sarili.
Sa bawat araw na nagdaan ay muling pinagpatuloy ni Milo ang buhay na nakasanayan niya. Minsan pa ay nanggagamot na rin siya kapag hindi na kaya ng Lolo niya. Malakas pa naman si Lolo Ador subalit ayaw niyang masyadong napapagod ito kaya naman mas minamabuti. Niyang aiya na lang ang manggamot.
Naging kilala na din si Milo sa Talisay bilang isnag manggagamot kagaya ng kaniyang Lolo. Napakaraming tao na ang kanilang natulungan. Si Gustavo naman ay masyaang namuhay sa bukid kasama ang pamilya niya. Ipinakilala siyang pamangkin ni Lolo Asor sa mga taong nagagawi roon. Malugod namang tinanggap ng mga tao si Gustavo at ang pamilya nito.
Matuling lumipas ang panahon at isang taon na din ang nagdaan at isang kagimbal-gimbal na balita ang siyang pupunit sa kanilang tahimik na buhay...