TAONG 2014...
Ang mag-asawang Dela Cruz ay naninirahan pa lamang noon sa isang bukid. Dahil wala pa ang mga itong nahahanap na trabaho bukod sa pagsasaka kaya nagtitiis muna doon.
Isang gabi, iiwan na naman si Andrea ng asawang si Tony mag-isa sa bahay ng mga ito dahil kailangang magbantay ng huli ng palayan. Kahit natatakot si Andrea dahil sa mga kuwentong may engkanto umanong naninirahan sa malaking puno ng balete na nasa likod ng bahay ng mga ito ay binalewala iyon. Wala naman itong magawa. Hindi pinapasama ni Tony si Andrea sa palayan dahil buntis ito at mahamog sa labas.
"Hon, sasama na lang ako," pilit ni Andrea sa asawa.
"Hon, kung ang ikinakatakot mo ay may aswang, hindi sila makakalapit sa 'yo dahil may proteksiyon ang bahay natin," sagot ni Tony. Lumapit ito noon sa isang albularyo para humingi ng mga gamot o bagay kontra aswang.
Napabuntong-hininga na lamang si Andrea at isa-isang sinarhan ang mga bintana, inihanda ang lock ng pintuan.
"Oh, paano? Aalis na ako, ah?"paalam ni Tony sa asawa, humalik sa pisngi nito. Tumango si Andrea. Batid pa rin ni Tony ang takot ng asawa pero kailangan itong iwan para may mapagkakitaan at makain...
Naupo si Andrea sa kama na gawa sa kawayan at inabala ang sarili sa pagtatahi ng damit pambata para sa magiging anak. Nilibang na lang nito ang sarili sa halip na mag-isip ng nakakatakot na mga bagay.
Hindi nito alam na ang engkantong sinasabi ng mga kapitbahay ay nakatingin na dito nang may paghanga. Hindi maipagkakaila na napakagandang babae ni Andrea. Sa edad na bente-dos ay naroroon pa rin ang balingkinitan nitong katawan kahit may nakaumbok na kaunti sa tiyan dahil apat na buwang buntis na. Ang kutis nito ay parang singputi ng sariwang gatas, ang mga labi ay malarosas ang kulay. Kaya kahit hindi pangkaraniwang nilalang ay mabibihag nito.
Ilang oras pa bago napagdesisyonan ni Andrea na matulog. At doon na gagawin ng engkanto ang plano nito.
Napadilat si Andrea nang maramdaman na may humahaplos dito. Laking gulat nito nang makita ang isang lalaki-hindi pangkaraniwang lalaki dahil sa taglay nitong kaguwapuhan at may patulis na tainga. Sisigaw na sana si Andrea pero para binusalan ang bibig nito ng kung anong bagay para hindi ito makagawa ng ingay.
"Ang ganda-ganda mo, Andrea. Aangkinin kita ngayon,"sabi ng lalaki.
Ang nagawa na lamang ni Andrea ay umiyak habang inaangkin ng isang hindi pangkaraniwang nilalang ang katawan nito.
Noong oras na iyon ay pauwi na si Tony, alam nito paano hawiin ang tarangkahan kaya hindi na nag-abalang kumatok. Ayaw din nitong istorbohin ang natutulog na asawa. Nang makapasok si Tony, nakita nito ang asawa na nakapikit at umuungol habang umiiyak na tila binangungot.
Dali-dali nitong ginising ang asawa. "Andrea! Andrea, gumising ka!" Tinapik ni Tony ang braso ng asawa pero hindi pa rin ito nagigising. Kaya ginawa nito ang isa sa mga pamahiin, kinagat ni Tony ang hinlalaki sa paa ng asawa at nagtagumpay naman ito. Nagising si Andrea.
"Tony? Tony, totoo 'yong engkanto sa likod ng bahay natin!" naiiyak na sambit ni Andrea habang nakayapos kay Tony.
"Ssshhh, Andrea, tama na. Binabangungot ka lang," sagot ni Tony.
Tumahimik na lamang si Andrea at inisip na masamang panaginip nga lang iyon...
At iyon ang dahilan kung bakit hindi itinuturing na anak ni Andrea si Tina. Dahil iniisip nitong anak ng engkanto si Tina. Hindi iyon matanggap ni Andrea kaya ang galit sa engkanto ay ibinuhos kay Tina.
Isang araw, nasa hapag-kainan ang mag-iina. Wala si Tony dahil nasa trabaho na ito. Habang kumakain, hindi maubos-ubos ang mga utos na nanggagaling kina Andrea at Nana kay Tina. Si Tina nama'y sinusunod ito ng walang pag-aalinlangan kahit hindi nito matapos-tapos ang pagkain.
Inutusan ni Andrea si Tina na kumuha ng isang pitsel ng tubig dahil matatapos na itong kumain. Ngunit pinatid ni Nana ang paa ni Tina kaya nabuhos ang laman ng pitsel at saktong kay Andrea napunta.
"Hala, Tina, tingnan mo. Hindi ka kasi nag-iingat eh," sigaw ni Nana.
"Tina! Halika nga ditong bata ka," singhal ni Andrea. Hinablot nito ang buhok ni Tina at kinaladkad patungo sa kuwarto nito. "Alam kong sinadya mo 'yon. Alam mo bang ang mahal ng singil ng tubig tapos itatapon mo lang?" Kinuha ni Andrea ang sinturon ni Tony.
"N-Nay hindi ko po 'yon sinasadya, natapid lang po ako sa-sa-" Hindi alam ni Tina kung ano ang idudugtong kahit alam na si Nana ang pumatid dito.
"Ano? Hindi ka makapagsalita dahil totoo? At balak mo pang magsinungaling?" bulyaw ni Andrea at hinampas ng palo sa pwet ang bata gamit ang sinturon ni Tony.
Hindi na lamang sumagot si Tina at tinatanggap ang parusa na hindi naman dapat dito. Walang kwenta kahit isumbong nito na pinatid ito ni Nana. Alam ni Tina na hindi ito paniniwalaan.
Habang pumapalahaw ng iyak si Tina ay naroroon naman si Nana sa likod ng pinto, nakikinig. Batid nito ang sakit na nararamdaman ng kakambal. Nakakaramdam ito ng konsensiya sa ginawa pero takot umamin dahil baka mapalo din kaya nanahimik lang ito.
Natigil ang pananakit ni Andrea kay Tina nang may kumatok sa pintuan. Bumaba si Andrea at napagbuksan ang dalawang pulis. "Ano pong maitutulong ko?" tanong nito.
"Kayo po ba ang asawa ni Tony Dela Cruz?" tanong ng isa sa mga pulis.
Nakaramdam ng kaba si Andrea. "Ah, opo ako nga. Bakit po?"
"Naaksidente po ang asawa ninyo. Nasagasaan siya ng isang sasakyan. Hindi na siya nadala sa hospital para gamutin. Dead on the spot na po siya," pormal na sambit ng isang pulis.
Tila gumuho naman ang mundo ni Andrea sa narinig, nag-unahan na ang mga luha sa pagpatak galing sa mga mata.
Si Tina naman ay nakikinig din, hindi lubos maisip na wala na ang ama. Hindi ito naniniwala. Kaya pala parang kakaiba na ang pakiramdam nito kagabi habang katabi ang ama, para bang nagpapaalam na ito...
"Tina, anak?"masuyong tawag ni Tony sa anak. Nagmamadaling bumangon si Tina sa higaan. Mag-isa lamang ito sa bahay dahil umalis sina Andrea at Nana papunta sa mall. Hindi ito isinama dahil pagtatawanan lamang daw doon.
"Tay!"masayang sambit ni Tina at lumukso sa ama para yumakap.
"Oh, bakit parang malungkot ka yata?" tanong ni Tony, inihiga uli nito sa kutson ang anak at tinabihan.
"Nalulungkot lang po ako dahil hindi ako isinama nina nanay sa mall, gustong-gusto ko pong makapunta doon. Gusto ko pong makita ang itsura noon," sagot ni Tina. Ni minsan ay hindi pa ito nakapunta sa mall o nakalabas man lang sa lugar na ito.
"Hayaan mo, ipapasyal kita bukas kapag mapaaga ang uwi ko."
Lumundag ang puso ni Tina sa tuwa, niyakap ang ama. "Salamat po, 'Tay." Hinalikan ni Tina sa pisngi ang ama.
Niyakap naman ito ni Tony at hinalikan sa tuktok ng ulo. "Walang anuman, anak. Lagi mong tatandaan na nandito lang ako sa tabi mo, ha? Mahal na mahal kita, anak. Mahal na mahal ka ni Tatay." Pagkatapos ay niyakap nito ang anak ng buong puso...
At ngayon wala na ang ama ni Tina. Iniisip ni Tina kung may tatanggap pa ba dito? Sarili nitong ina ay hindi ito matanggap, ibang tao pa ba?
Tahimik na napaluha si Tina. Ang ama na lang nito ang mayroon nito, pero maaga pang kinuha. 'Tay, bakit niyo po ako iniwan? Wala ng magtatanggol sa akin, magmamahal ng lubos at yayakap sa akin. 'Tay, bakit? Napahagulhol na si Tina dahil doon.
You can interact with me here,
FB: Alina Genesis
IG: _alinagenesis
Twitter: JennyoniichanWP