Janinna
"Hoy, okay lang 'yan madami pang iba na mas maganda, mas matalino, na mas mamahalin mo at mamahalin ka rin pabalik. Tama na drama, 'di bagay sa'yo."
"Paano kung siya lang talaga gusto ko?"
"Sus! Gusto pa lang naman pala, 'di mo naman mahal eh."
"Paano kung siya na pala talaga tapos ayan, wala na."
"Ang drama mo! Kung kayo, kayo talaga!"
Halatang naiinis nanaman siya, ang bugnutin talaga pambihira. Andito kami ngayon sa sa 7Eleven, kinukwento kung paanong binasted ako ni Bianca pero mukhang nauubos nanaman ang pasensiya niya sa mga kwento ko.
"Nakakababa lang ng ego eh, akala ko kasi na malaki ang pag-asa ko kasi pinakilala niya ako sa magulang niya. Sino ba namang hindi aasa sa ganoon?" sagot ko sa kaniya para naman alam niya yung buong kwento.
"Alam mo naman siguro na minsan lang ako magkagusto 'di ba? Ito din yung unang beses na liligawan ko iyong gusto kong babae. Nag-ipon ako ng lakas ng loob na sabihin sa kanya, ipaalam sa magulang niya tapos ganon lang?" dagdag ko pa.
"Bakit kayo ganyan? Kayo itong pumasok sa buhay ng mga babaeng gusto ninyo tapos 'pag hindi kayo sinagot o kapag hiniwalayan kayo, isusumbat niyo lahat ng gastos niyo, lahat ng effort, aba'y wag ganon. Hindi pagmamahal kapag ganoon."
Paanong hindi pagmamahal?
"Pagmamahal 'yon, siya na yung nakita ko na makakasama ko sa hinaharap, siya lang yung nagustuhan ko ng ganoon. Iyong tinitignan ko siya na parang wala ng iba akong makikitang tulad niya." Dapat kasi ako ang kampihan mo, ako ang kaibigan mo.
"Hindi lang don nasasabi na mahal mo na. Bata ka pa para isipin na true love na 'yon."
"Bat ikaw, nagmahal ka na ba?" Bigla siyang natigilan sa tanong ko. Hindi ko siya mabasa.
"Na-basted ka lang, dinadamay mo pa ako jan sa mahal mahal na 'yan. Bata pa tayo para isipin na mahahanap na natin ang true love sa edad na diese sais. Saka na lang natin hilingin yung para sa atin kapag kaya na natin masaktan at magparaya."
Bakit ba hindi kita mabasa? Bakit parang ang daming tinatagong emosyon ng mga mata mo Janinna Sta. Ana?
Parang nangungusap yung mga mata niya na maraming gustong sabihin. Nalulunod ako na parang nakikita ko ang kaluluwa niya sa pagtitig pa lang sa mga mahiwaga niyang mata.
"Sana ikaw na lang ang unang nakita ko para ikaw na lang ang una kong nagustuhan. Basted din kaya ako sayo kung ikaw ang niligawan ko?"
Siguro nga lutang na ako, noong araw na iyon para masabi ko ng hindi namamalayan ang mga kataga na hindi naman niya dapat marinig.
"Hindi naman natin malalaman dahil hindi naman 'yun ang nangyari."
At ang sagot niyang hindi naging malinaw ang dating sa akin.
Huli na ba ako Janinna?
.