webnovel

High School Zero

Tammy Pendleton has three goals. 1. To become King 2. To bring honor to her school 3. To find her childhood friend, Blue This is Tammy Pendleton's adventures to become number one! *Written in Filipino/Tagalog language*

AlesanaMarie · 青春言情
分數不夠
56 Chs

Chapter Twenty-Nine

Kung sino man ang makakakita sa nangyayari ngayon sa loob ng bar, aakalain nila na may nagaganap na shooting ng pelikula. Mga lalaki na hindi bababa ng bente ang bilang ang nakaluhod sa sahig at nakayuko. Sa dibdib nila maririnig ang malakas na tibok ng kanilang puso. Puno ng nerbyos ang kanilang mukha at malamig na pinagpapawisan ang kanilang katawan.

Sa tanang buhay nila, hindi nila naisip na mangyayari ito sa kanila. Ang mga tauhan ni Bombi ay nakaramdam ng paninisi sa kanilang leader. Kung hindi dahil dito, hindi nila ito mararanasan. Kung tinanggap lang sana nito ang pagkatalo, hindi sana sila nandito at nakaluhod ngayon!

Lahat ng ito ay kasalanan ni Bombi! Sa puntong ito, nag-desisyon sila na sagipin ang kanilang sarili at ilagay ang lahat ng sisi sa ulo ng leader nila.

"Niklaus, ipaliwanag mo kung ano ang ginagawa ninyo rito," malamig na tanong ng Mama ni Tammy. Nakaupo ito sa isang silya habang pinagmamasdan ang mga lalaking nakaluhod sa harapan nito. Para itong tumitingin sa mga insekto.

Hindi man kilala ng grupo ni Bombi kung sino ito. Nararamdaman naman nila na may kapangyarihan ito na kunin ang kanilang mga buhay. Nababalot ito ng aura ng isang makapangyarihang tao. Siguro ay asawa ito ng isang mayamang negosyante o politiko; iyon ang hula nila.

Kaagad na napalunok si Nix saka lumapit sa Mama ni Tammy.

"Ma'am, nandito po kami para iligtas ang kaibigan ni Tammy."

Tumalas ang tingin ng babae sa mga nakaluhod na lalaki. "Kinidnap nila ang apo ni Sir Faust?" Tumawa ito at sandaling nabato-balani ang mga lalaki dahil sa mala-anghel nitong tawa. "Very good. Ross, tawagan mo ang secretary ni Sir Faust. Ipaliwanag mo ang nangyayari."

"Yes, Ma'am," sagot ng lalaking naka-itim at kinuha ang cellphone nito sa loob ng coat.

"Wait! Tita, please hwag nyo po munang sabihin kay Lolo! Pauuwiin niya ako sa bahay! Wala po akong kasama ron!" pakiusap ni Willow. Nabilaukan pa ito sa kinakain na siomai na dala ni Tammy. Kaagad na pinalo ni Tammy ang likod nito ngunit mas lalo itong napa-ubo. Tumingin si Willow nang masama sa kaibigan. Napahinto naman si Tammy sa ginagawa.

"He's still your Lolo so he needs to know. Besides, kailangan niyang masabihan in advance para linisin ang kalat dito."

"Kalat...?" tanong ni Willow.

Tumingin ang babae sa anak na nakatayo katabi ni Willow. "Natasha, come closer."

Lumapit si Tammy sa ina. Itinuro nito ang mga baraha sa lamesa.

"Explain this," utos ng Mama ni Tammy.

"Nag-sugal po kami Mama," diretsong amin ni Tammy.

"Sugal? At ano ang premyo?" tumingin ito kay Willow. "Si Willow?"

"Hindi po, Mama."

Sa likod ng dalawang babae. Nag-punas ng pawis sa noo si Nix. Napansin ito ng apat na bodyguards at nagtaka kung bakit basang basa ito sa pawis.

"Oh? Kung ganon, ano?"

Natigilan saglit si Tammy. "M-Mga daliri po, Mama."

Nagulat ang apat na lalaking kasama ng Mama ni Tammy. Napatingin ang mga ito sa anak ng kanilang boss. Hindi nila akalain na ganito kalaki ang tapang ng kanilang 'Young Miss'. Walang duda na anak talaga ito ng Boss nila! Pumayag ito sa ganoong klase ng pusta!

Hindi nalalayo ang reaksyon ng Mama ni Tammy mula sa mga tauhan nito. 'Mga daliri?!' Mabilis itong tumingin sa magagandang kamay ng anak. Nilipat nito ang tingin sa grupo ng mga lalaki. Balak ng mga ito na putulin ang magagandang daliri ng anak niya?! Ano'ng klase ng 'perverted acts' ang balak ng mga ito sa anak niya?!

Napangiwi sa gilid si Nix nang mabasa ang iniisip ng Mama ni Tammy. Kung alam lang nito na si Tammy ang may suhestyon na daliri ang ipusta...

"Did you win? Of course you did," mariin na sabi ng babae. "Go, get your prize."

Nanlamig si Bombi sa sinabi ng babae.

"T-Teka! Hindi pa siya nananalo sa pangalawang laban namin!"

"Oh?" Tumaas ang isang kilay ng babae saka tumingin sa anak.

"Kailangan namin lumabas ni Nix para manalo sa ikalawa, Mama."

"Okay. Lumabas muna kayo ni Niklaus."

Hinila ni Tammy si Nix sa kamay at saka sila lumabas ng bar. Makalipas ang ilang segundo, muli silang pumasok.

"There. Now, go get your prize," muling sabi ng Mama ni Tammy.

"SANDALI LANG! H-HINDI IYON COUNTED!" malakas na sigaw ni Bombi.

"Nakalabas na kami, ang ibig sabihin kami ang panalo sa ikalawang laro," paliwanag ni Nix.

"Paano ninyo masasabi na kayo ang nanalo?! Hindi ito counted kung—"

Ngumisi si Nix. "Ayon sa sinabi mo kanina, walang rules. Kaya paano mo nasabi na hindi ito counted?"

Natigilan si Bombi. Naalala niyang sinabi nga niya kanina na walang rules. P*TAAA!!! Ilan pang malulutong na mura ang nasabi ni Bombi sa kanyang isip. Bakit hindi siya nag-isip nang mabuti kanina?! Gusto niyang iuntog ang ulo sa pader sa sariling katangahan!

"Tom, get a knife," utos ng babae sa bodyguard nito.

Kaagad na sumunod ang lalaki at sandaling umalis.

"T-Teka lang!" sabi ni Bombi na tuluyan nang nawalan ng kulay ang mukha. Pinagpapawisan itong tumingala sa babaeng nakaupo sa silya. "P-Pag-usapan natin to! Pera... tama! Magbabayad ako kahit magkano!" Desperado itong tumingin kay Tammy. "G-Gusto mo ng isang milyon, hindi ba? Ibibigay ko sa'yo ang isang milyon mo!"

Muling tumaas ang isang kilay ng Mama ni Tammy. Tumingin ito sa anak. "Isang milyon?"

Lumamig nang husto ang tingin ni Tammy kay Bombi. Naramdaman naman iyon ng lalaki at bigla itong kinilabutan. Kaagad na sumara ang bibig nito.

"Opo, Mama. Nag-laro na po kami dati."

Matagal siyang tinitigan ng kanyang Mama. Bumalik si Tom na may dalang kutsilyo galing sa kitchen. Binuhusan nito iyon ng alak.

"Do you want to personally cut his fingers, Natasha?"

"I'll do it," sabi ni Nix at mabilis na kinuha ang kutsilyo na hawak ni Tom. Mabilis itong lumapit kay Bombi.

Napaatras naman si Bombi at puno ng takot ang mukha habang nakatingin kay Nix.

"H-HWAG!" sigaw ni Bombi na maiiyak na.

"Sandali lang," pigil ni Tammy kay Nix. "Hindi siya ang gusto ko."

Natahimik ang lahat sa sinabi ni Tammy. Napahinto si Nix sa paglapit kay Bombi.

"Ang dalawang lalaki na humawak kanina kay Willow. Lumapit kayo," utos ni Tammy at tumingin sa mga tauhan ni Bombi.

Simula palang ay ang dalawa na ang target niya. Hindi niya nagustuhan na hinawakan ang kaibigan niya sa ganoong paraan. Sa ganitong paraan din, makukumpleto ang plano niya na sirain nang tuluyan ang mga ito.

Tumingin nang mabuti si Willow kay Tammy. Bakit puputulan ng daliri ang dalawang lalaki na humawak sa kanya? Hindi niya maintindihan. Dahil ba hinawakan siya sa braso ng mga ito? Pero may plano na si Willow para sa dalawa. Natural na sasabihin niya ito sa Lolo niya at hahayaan niyang ang Lolo niya ang gumawa ng paghihiganti. Hindi lang ang dalawang lalaki ang mapaparusahan kundi ang buong grupo. 'Hmp! Sino ang nagsabi sa kanila na kidnapin ang magandang apo ni Faust Rosendale? Nililigawan ba ng mga ito si Kamatayan?'

"John! Mark!" sigaw ni Bombi nang mahimasmasan. Puno ng pasasalamat ang puso nito dahil nasagip ang mga daliri nito.

Ngunit sa gulat ni Bombi, hindi lumapit ang dalawang tauhan na tinawag.

"JOHN! MARK!" ulit nito.

Nagkatinginan ang dalawang lalaki na tinawag. Lumipat ang tingin nila kay Tammy.

"Yung sinabi mo kanina na pwede kaming tumanggi, totoo ba 'yon?" tanong ni John kay Tammy.

"Oo," seryosong sagot ni Tammy sa lalaki. "At ang leader ninyo ang papalit sa pwesto ninyo."

"Kung ganon, pass," mabilis na sagot ni John kay Tammy.

"Ako rin, pass..." sagot rin ni Mark.

Bakit nila kailangan putulin ang mga daliri nila? At ang isa pa, nautusan lang naman sila ni Bombi kanina. Wala silang balak na magpaka-bayani at ialay ang kanilang mga daliri! Sa nangyari ngayon, maliwanag sa kanila na hindi na nila dapat pang ituring na leader si Bombi. Dahil sa plano nito, nahila sila sa ganitong klase ng gusot.

"JOHN! MARK! INUUTUSAN KO KAYO!"

Umiwas ng tingin ang dalawang lalaki at nag-panggap na walang naririnig. Ganoon din ang ibang mga tauhan ni Bombi. Maging sina Jose at Duran ay pilit na pinapaliit ang sarili upang makapag-tago.

"Nix." Tumingin si Tammy kay Nix at tumango. "I want his two thumbs."

Kuminang ang mata ni Nix. Alam niya kung gaano kaimportante ang mga daliri na iyon. Gustong tumawa ni Nix. Siguradong hindi na makakapag-balasa ng baraha si Bombi.

"As you wish."

Umiling si Bombi. Nanginginig ang buong katawan nito sa takot. Gusto nitong tumakbo ngunit nanghihina ang mga paa nito.

"H-Hindi ito patas!"

"Wala bang nag-sabi sa'yo na hindi patas ang mundo?"

Ngumiti si Nix habang hawak ang malaking kutsilyo. Amoy na amoy ang matapang na alcohol na ibinuhos dito.

Sa labas ng bar, maririnig ang malakas na sigaw at iyak ni Bombi. Ngunit kahit na gaano kalakas ang naging sigaw nito, walang tumulong dito.

Sa ganoong paraan nabuwag ang grupo ng mga taong naghahari sa kwarto tres ng Blackridge Hill. At ang balitang ito ay magdadala ng malaking pagbabago sa lugar na iyon... sa hinaharap.

***

Mabibilang lang ang mga bagay na nagdadala ng takot sa puso ni Tammy. Una, kapahamakan ng mga taong mahalaga sa kanya. Pangalawa, ang maging mahina. Pangatlo, ang magkamali. Pang-apat, ang maiwan. Pang-lima, ang pag-tawag sa kanyang buong pangalan ng Mama niya.

Sa tuwing naririnig niya ang buong pangalan niya, kakaibang takot ang nararamdaman niya. Kaya naman hangga't maaari ay iniiwasan niyang sabihin sa mga tao ang buo niyang pangalan. Sa tuwing naririnig niya iyon ay mukha ng Mama niya na may nakakatakot na ngiti ang lumalabas sa isip niya.

Hindi niya maiwasan na kabahan.

"Natasha Milagrosa, alam mo ba ang pagkakamali mo?" tanong ng Mama niya habang nakatingin sa kanya; nakangiti at naghihintay ng sagot. Naka-upo ito sa sofa at naka-halukipkip.

"Opo, Mama. Sorry po, Mama," naka-yukong sabi ni Tammy habang nakatayo sa harapan nito. "Hindi na po ulit ako mag-susugal, Mama."

"We have all the money in the world, Natasha. It's fine kung pera lang ang usapan ninyo. Pero kung masasaktan ka o ang mga taong mahalaga sa'yo. Don't do it. Also, don't fight a losing battle."

"Naiintindihan ko po, Mama."

"Tumawag ka kung gagabihin ka ng uwi. Always bring Nix with you."

"Opo, Mama."

Naka-uwi na sila ngayon sa bahay nila matapos niyang makuha ang kanyang premyo. Ibinalot iyon ni Nix sa plastic ngunit umiling siya nang ibibigay sa kanya ng binata. Wala siyang balak itago ang mga daliri ni Bombi.

"Nabasa ko ang proposal ninyo ni Timmy. Not bad. Para roon ba ang isang milyon na napanalunan mo?" usisa ng kanyang ina.

"Opo, Mama. Nakuha ko na po ang pera sa tulong ni Nix."

Dahil sa hacking skills ni Nix, mabilis nitong na-transfer ang pera sa untraceable accout bago inilipat sa account ni Tammy.

Bumuntong hininga si Samantha at mariin na tinignan ang anak. Parang kailan lang ay maliit pa ang anak niya ngunit ngayon ay napapasok na sa ganitong klase ng gulo. Hindi niya maiwasan na maalala ang nakaraan niya. Noong dalaga pa siya, napasok din siya sa maraming gulo. Pero kalimitan naman ay may kinalaman sa lalaking pinakasalan niya. Ngunit si Tammy, ang anak niya, mukhang mismong ito ang pumapasok sa mga gulo.

Hindi niya maiwasan na mag-alala para sa hinaharap.

Hinilot niya ang kanyang ulo. Pagod siya sa trabaho sa kompanya, at nang umuwi siya at malaman na nag-iisa sa bahay ang kanyang bunso, kaagad siyang nag-alala. Hindi lumalagpas sa curfew nito si Tammy.

Kaya naman ginawa niya ang dapat gawin ng isang ina kapag lumalagpas sa curfew ang anak. Tinawagan niya ang mga tauhan niya at ipina-trace ang location nito. Karamihan sa gamit ng mga anak niya ay may tracker, sakaling mawala ito ay madali lang niyang mahahanap.

Nang huminto ang kotse niya sa isang bar, hindi siya makapaniwala. Inutusan niya ang apat na bodyguards na pumasok at tignan kung nandoon nga ang anak. Ano ba naman kasi ang gagawin nito sa isang bar? Isa lang itong menor de edad. Sino'ng nagpapasok sa anak niya roon?! Kailangan niyang ipasara ang lugar na iyon!

Pumasok sa kanya ang alaala niya noong unang beses na pumasok siya sa bar. Menor de edad din siya. At ang nangyari na 'yon na naghatid sa kanila patungong ospital...

Ipinilig niya ang ulo at inalis sa isip ang mga alaala. Tumingin siyang muli sa anak.

"Tammy, halika rito, umupo ka sa tabi ko."

Kaagad na sumunod ang anak niya. Napangiti siya nang mawala ang nerbyos sa mukha nito. Niyakap niya ito at hinaplos ang mahabang buhok nito. Ilang minuto silang nasa ganoong posisyon bago siya muling magsalita.

"Malapit na ang exams mo. Kailangan mong maging top one. Natatandaan mo pa ang usapan natin, hindi ba? Hindi mo pababayaan ang studies mo kapalit ng pag-pasok mo sa school na 'yon." Umpisa palang ay gusto niyang sa St Celestine mag-aral si Tammy ngunit naging matigas ito sa desisyon na pumasok sa Pendleton High. Wala siyang nagawa kundi ang pumayag.

"Opo, Mama."

"Good. Umakyat ka na sa kwarto mo."

"Good night po, Mama."

"Good night."

Pumunta siya sa kanyang opisina at nag-dial sa kanyang cellphone. Umupo siya sa harap ng kanyang lamesa.

"Cecil, how are you?"