webnovel

High School Zero

Tammy Pendleton has three goals. 1. To become King 2. To bring honor to her school 3. To find her childhood friend, Blue This is Tammy Pendleton's adventures to become number one! *Written in Filipino/Tagalog language*

AlesanaMarie · 青春言情
分數不夠
56 Chs

Chapter Fifteen

Isang itim na Rolls-Royce Phantom ang pumasok sa loob ng Pendleton High. Naalarma ang buong faculty ng eskwelahan nang bigla itong magpakita. Hindi nila inaasahan ang pagdating nito. Kaagad silang pumunta sa labas ng building upang batiin ang dumating.

Mula sa driver's seat, bumaba ang isang matangkad na lalaki. Suot pa nito ang business attire nito at halatang kababalik lamang mula sa ibang bansa. Nakatakip sa mga mata nito ang itim na itim na salamin.

"Maligayang pagbabalik po, Chairman," halos sabay sabay na sabi ng mga guro.

Tumango lamang ang lalaki sa mga bumati sa kanya. Nakalinya sa magkabilang gilid ng kanyang daraanan ang mga guro. Nilagpasan niya ang mga ito at naglakad patungo sa gymnasium ng school.

"Chairman, hindi po namin inaasahan ang pagdating ninyo," ang sabi ng Vice Principal na nakasunod sa kanya. Pinagpapawisan ang noo nito. Nasa likod nito ang iba pang guro.

"I'm just here to watch the tournament for a while," ang tipid na sagot ng lalaki. "I have a flight to Hongkong after this."

Ang ilang estudyante na nakakasalubong niya ay hindi mapigilan na mapalingon sa kanya. Hindi dahil sa nakasunod sa kanya ang halos buong faculty, kundi dahil sa charisma niya na humahatak sa atensyon nila. Sumisigaw ng atensyon ang buong ayos at tindig ng misteryosong lalaki.

"Ah, ganoon po ba?" nakangiting tanong ng Vice Principal. "Kung ganoon, doon po tayo sa VIP room. Naihanda na po namin iyon kung sakaling kayo ay makakarating."

***

Kinuha ni Tammy ang kanyang inumin nang malaglag ito mula sa vending machine. Kaagad niya itong binuksan at ininom. Tumingin siya sa kanyang puting wristwatch. May fifteen minutes pa bago ulit sila mag-umpisa sa tournament. Ito na ang huling laban niya.

"Nervous?" tanong ng lalaking biglang sumandal sa gilid ng vending machine.

"Saan?" tanong ni Tammy dito.

Ngumisi ang lalaki. "Final match mo na. Ahh. Sino kaya ang mananalo? Alam mo bang may pustahan tungkol sa inyong dalawa. Kanino sa tingin mo ako pumusta?"

"Do I have to care, Nix? Pera mo naman 'yan."

"How cold, Tam Cat. You are not cute at all. Pero seryoso Princess, mag-iingat ka kay Banri."

"Wala akong plano na magpatalo sa kanya."

"Psh. Alam ko, alam ko. By the way, I have a good news for you."

"Ano 'yon?"

"May dumating na importanteng bisita kanina para mapanood ang final fight ninyo. Hulaan mo kung sino?" nakangiting sabi ni Nix.

Natigilan si Tammy. Kanina ay nakasalubong niya ang ilang instructors na nagmamadaling pumunta sa harap ng building. Kung ganoon ang reaksyon ng mga ito sa bisita...

"Then it must be 'that' person."

"Tch. You don't look happy at all. Anyway, babalik na ako sa pwesto ko. Galingan mo mamaya, Princess. Nasa iyo ang pusta ko."

Tumango si Tammy at umalis na rin doon upang pumunta sa gymnasium. Abala ang isip niya sa balita ng pagdating ng may ari ng school. Matagal na rin niya itong hindi nakikita.

Kung ganoon, dumating ito para panoorin siya?

***

[Welcome sa mga bagong dating! Muli tayong nagbabalik para panoorin ang huling laban na magpapasya kung sino nga ba ang magiging King ng mga first years!]

[Muli kayang magiging history maker si Tammy Pendleton o muling patutunayan ni Banri Lee na wala paring tatalo sa kanya? Malalaman natin 'yan mamaya.]

"Malakas ba yung Banri?" tanong ni Willow sa mga kasama niyang babae.

"Yung si Banri? Malakas 'yon, mabilis din," sagot ni Fatima.

"Ang balita ko nakapagpatumba 'yon ng fifteen na tao noong nasa elementary palang siya," kwento ni Lizel.

"Isa siyang monster!" sabi ni Cami. "Ang bilis din niyang kumilos. Swish! Swish! Sa sobrang bilis niya, nagkakatunog ang mga suntok niya sa hangin."

"Mukhang sinanay talaga si Banri nang maigi ng Tatay niya para maging world boxing champion," sabi ni Fatima.

"Ahh." Tumango tango si Willow. "Ganon ba?"

"Uy ang ganda ng reaction niya, wala lang?" sabi ni Fatima.

"Di ka ba nag-aalala kay Tammy?" tanong ni Lizel.

"Tammy's friend, malakas ba si Tammy? Mananalo kaya siya laban kay Banri?" tanong ni Cami.

"Hm. Hayaan ninyo 'yan si Tammy, ginusto niya 'yan e," kibit balikat na sabi ni Willow.

"Ay wow. Supportive friend."

"Sabi ko sa kanya dati doon kami sa St Celestine. Di man lang nagsabi na dito pala siya mag-eenroll. Noong pinuntahan ko siya rito, hindi man lang niya ako nakilala. Tapos ngayon, di man lang ibinalita na pumasok pala siya sa tournament. Nakuuu. Kung hindi ko lang siya kaibigan nasaktan ko na siya e. Kapag natalo siya rito hihilahin ko siya papuntang St Celestine High."

"Oh. Wow."

[Heto na po mga kaibigan, nakikita nating pumapasok na sa ring ang ating mga kalahok. Sa right side, ang Alpha na mula sa Class 1-D, Banri Lee!!!]

[Sa left side naman ay nandoon si Tammy Pendleton, ang Alpha ng Class 1-A!!! Ang history maker! Ang ating crowd's favorite!]

[Napaka-interesting ng dalawang Alpha na ito dahil sa dalawang laban nila, parehong K.O. ang mga kalaban nila.]

[Sa pagkakataon na ito, sino kaya sa kanila ang makakakuha ng ikatlong knockout?!]

[Kasalukuyang ipinapaliwanag muli ng referee ang mga rules ng laban. Mukhang kalmado silang dalawa.]

[Teka, napapansin mo ba ang suot ni Banri sa dalawa niyang kamay?]

[Ohh! Nakasuot po si Banri ng dalawang boxing gloves!]

[Natatakot ba siyang saktan nang husto ang kalaban niya?]

[Ahh. Sa tingin ko partner, natatakot siyang manakit ng babae.]

[Oh! Ito kaya ang unang beses na lalabanan niya ang isang babae sa ring?]

[Ano kaya ang reaction ni Tammy Pendleton dito?]

Biglang tumawa si Willow.

"Bakit ka natawa? Ano'ng meron?"

"Look at Tammy's face, she's angry."

"Huh?"

"Hindi naman ah. Normal nga lang siya e."

"Hahaha! She's really pissed," tawa ni Willow.

Itinaas ng referee ang isang kamay nito. "Ready..."

"You, what do you think you're doing?" tanong ni Tammy sa kalaban.

"Hwag mo akong daanin sa ingles mo. Baka biglang dumugo ang ilong ko rito, mapalabas ako sa ring nang di oras. O baka naman iyon ang gusto mong mangyari? Easy win," nakangising sagot ni Banri.

"Hindi mo kailangan mag-lagay ng boxing gloves."

"Tch. Ako ang magdedesisyon kung kailangan o hindi. Bakit? Napipikon ka ba? Hwag kang mag-alala, gumamit din naman ako ng gloves sa mga laban ko kanina mas manipis nga lang iyon kumpara sa suot ko ngayon."

"Bakit hindi iyon ang gamitin mo?"

"FIGHT!!!" sigaw ng referee.

Itinaas ni Banri ang dalawang kamay at nagsimulang gumalaw ang mga paa nito.

"Hwag mong pansinin ang mga gloves ko, Pendleton. Ayoko lang na mapagalitan ni Mama at ng mga Ate ko kapag nalaman nilang lumaban ako sa isang babae nang walang suot na gloves."

Bumuntong hininga si Tammy. Kahit hindi ito ang gusto niyang maging klase ng laban nila... bahala na.

"Marunong ka ng boxing, hindi ba? Bakit hindi mo subukan sa akin?" nakangiting sabi ni Banri. "Kung sakaling matamaan mo ako, baka magbago ang desisyon ko at tanggalin itong gloves na suot ko."

"Deal," sabi ni Tammy. Itinaas niya ang dalawa niyang kamay. Halos pareho na sila ni Banri ng ayos at ginagawa.

Mabilis na sumugod si Tammy at nagbigay ng isang jab na sinundan ng tatlong hook at isang straight. Ngunit hindi niya natamaan si Banri, maganda ang depensa nito at na-block lahat ng atake niya. Bukod pa roon, hindi man lang ito napa-atras.

Inulit niya ang ilang combo ng jab, hook at straight ngunit wala paring nakalusot sa depensa ni Banri. Sinubukan din niya mag-feint pero nabasa nito ang galaw niya.

Ngumiti si Banri. "Not bad, Pendleton. Alam ko na kung bakit natalo mo si Gum sa laban ninyo kanina."

Pinagpawisan si Tammy. Tinignan niya ang porma ni Banri. Maganda ang footwork nito. Maayos ang balanse ng katawan at galaw nito. Mabilis ang mga mata nito. Siguro ay dahil na rin sa sanay ito sa boxing kaya nababasa nito ang mga galaw niya.

"Pero alam mo na siguro na hinding hindi ka mananalo laban sa akin."

"Tch." Sa unang pagkakataon, nakaramdam si Tammy ng pagka-inis. Mahirap man aminin, pero tama ito. Hindi siya mananalo laban kay Banri.

"Tapos ka na ba? Kung ganon, ako naman," sabi ni Banri na nagbigay pa ng tatlong segundo kay Tammy bago ito sumugod.

Isang mabigat na suntok ang unang bumati kay Tammy. Agad niya iyong na-block. Ramdam na ramdam niya sa kanyang mga braso ang pressure na ibinibigay sa kanya ng mga atake ng kalaban niya. Hindi niya alam kung matatagalan niya ang mga kasunod pa.

Hindi lang mabilis si Banri, malakas ito. Kahit na nakasuot ito ng gloves ay ramdam ni Tammy ang impact ng mga kamao nito. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kanya kung sakaling wala itong suot na gloves.

Kaya pala ganon nalang ang paalala ni Nix sa kanya na mag-ingat.

Hindi niya nabilang kung gaano karaming suntok ang na-block niya. Nang tumigil si Banri at lumayo sa kanya, saka lang niya nakita na halos malalaglag na pala siya sa gilid ng ring.

Agad siyang natigilan, isang suntok nalang at talo na siya.

***

Mahigpit na hawak ni Willow ang kanyang panyo. Ngayon lang niya nakita na napapaatras si Tammy nang ganon. Napakalakas ni Banri para kay Tammy!

"Mukhang matutupad ang hiling mo na matalo si Tammy. Pwede mo na siyang hilahin sa school ninyo," sabi ng katabi niya.

"Hindi ito pwedeng mangyari!" Kaagad siyang tumayo. "TAMMY!!!!!!!! GO TAMMY!!!!!! HWAG KANG MAGPAPATALO!!!! TAMMY!!!!!" malakas na sigaw ni Willow.

***

Napasipol si Banri nang mapansin si Willow na sumisigaw sa audience area. Hindi iyon pinansin ni Tammy ngunit di niya mapigilan na mahiya nang kaunti.

"Sinusuportahan ka ng kaibigan mo," naka-ngiting sabi ni Banri. Mukha itong masaya para sa kanya.

"Bakit ka tumigil? Panalo ka na dapat kanina," seryosong sabi ni Tammy na hindi mapigilan ang inis.

"Naisip ko lang na bukod sa boxing, may alam ka pang ibang technique, hindi ba? Bakit hindi mo subukan sa akin ang lahat ng alam mo para naman hindi ka mag-sisi sa huli," paliwanag ni Banri.

Naikuyom ni Tammy ang dalawa niyang kamay. Ibinaba niya iyon sa magkabilang gilid niya at muling ibinuka. Huminga siya nang malalim at kinalma ang sarili. Sa simula palang ng laban nila, nawalan na siya ng kontrol sa emosyon niya. Dahil nainsulto siya sa suot nitong gloves. Sa simula palang, talo na siya.

"Malakas ka. Mabilis ka. Nababasa mo lahat ng galaw ko. Kumpara sa huling laban ko, mas buo ang depensa mo. Hinding hindi ako mananalo sa'yo sa boxing," aminadong sabi ni Tammy.

"Sumusuko ka na ba?"

"Ano'ng pangalan mo?" tanong ni Tammy.

"Huh?"

"Gusto kong malaman kung ano ang pangalan mo."

"Ako si Banri Lee. Hwag mo na ulit kakalimutan 'yan. Balang araw, mapapanood mo ako sa TV. Maging proud ka dahil nakalaban mo ako ngayon," masayang sabi nito.

"Hmm. Banri Lee, hindi ko sasayangin ang pagkakataon na ibinigay mo sa akin. At sisiguraduhin ko na pagsisisihan mo iyon habang buhay."

Ngumiti si Banri. "Ganyan nga. Lumaban ka, Pendleton. Ibigay mo ang lahat ng meron ka para talunin ako."

"Simula ngayon, magse-seryoso na ako. Kaya humanda ka na."

"Oo ba. Malugod kong tinatanggap ang hamon mo."

***

"Ano'ng ginagawa ni Tammy? Bakit siya naka-tayo lang?" tanong ni Fatima nang lumipas ang isang minuto na walang ginagawa si Tammy sa ring.

"Nagha-handa siya," sagot ni Willow.

"Nagha-handa saan?"

"Na tapusin na ang laban."

***

Nang buksan ni Tammy ang mga mata niya, sinigurado niyang walang emosyon o tensyon na dumadaloy sa kanya. Inalis niya ang anumang bagay na gumugulo sa kanyang isip.

Tinignan lamang niya ang kalaban niyang si Banri.

Nang sumugod si Banri sa kanya, hindi na siya nag-aksaya ng oras para i-block ang suntok nito. Mabilis siyang umiwas at lumipat sa gilid ni Banri. Hinawakan niya ang kakasuntok lang na braso nito, binigyan niya ng hampas ang loob ng siko ni Banri at agad itong tumiklop. Isang suntok sa gilid ng katawan at isa sa gilid ng ulo ang sumunod na ginawa ni Tammy.

Sa bilis ng nangyari, kahit ang mga manonood ay hindi nasundan ang galaw ni Tammy. Napaka-linis ng ginawa nitong pag-atake kay Banri.

Tatlong magkakasunod na strikes ang nagawa ni Tammy sa isang iglap. Kaagad siyang umatras matapos ang atake niya.

Gulat ang mukha ni Banri na tumingin sa kanya. Napahawak ito sa tinamaang tagiliran.

"Ano'ng..." sambit nito.

"Sinabi ko na sa'yo, simula ngayon, magse-seryoso na ako. At katulad ng sinabi mo, aalisin mo ang gloves mo kung matatamaan kita."

Tumawa si Banri. "Kung ganon, seseryosohin ko na rin ang laban natin. Hindi na ulit kita bibigyan ng isa pang pagkakataon."

Inalis ni Banri ang kanyang mga gloves at itinapon sa labas ng ring. Seryoso na ang mukha nito.

"HOY BANRIIIIIII!!!!" may sumigaw na lalaki mula sa audience area. "IBALIK MO ANG GLOVES MO!!!"

"SHIT! Ano'ng ginagawa ng Tatang ko rito?!" tanong ni Banri nang lingunin ang sumigaw na lalaki.

"LINTEK!!! ISUOT MO ANG GLOVES MO KUNG AYAW MONG HILAHIN KITA MULA RIYAN!!!"

Napuno ng tawanan ang buong gymnasium.

"MANAHIMIK KA TATANG!!! SINO ANG NAG-SABI SA'YO NA PUMUNTA KA RITO?!! MANOOD KA LANG DYAN AT TUMAHIMIK!!!" sigaw ni Banri pabalik. Pulang pula ang mukha nitong humarap kay Tammy. "Hwag mo siyang pansinin."

"Sigurado ka?"

"Tch!"

Muling sumugod si Banri kay Tammy. Naghintay lang si Tammy sa kanyang kinatatayuan, nang makalapit na si Banri ay saka siya gumalaw. Hindi ulit siya gumamit ng depensa. Pinuntirya ng sipa niya ang gilid ng tuhod ni Banri, agad itong nawalan ng balanse, saka niya ito binigyan ng sipa sa gilid ng ulo. Napa-atras si Banri dahil sa nangyari. At nag-sigawan ang mga manonood.

***

"Ako lang ba ang nakapansin o ibang style na ang ginagamit ni Tammy kumpara sa mga nagamit na niya," sabi ni Lizel. "Mas smooth ang movements niya ngayon."

"Ohoho~ Of course iba na ang gamit ni Tammy," ang proud na sabi ni Willow. "Yan ang totoong fighting style niya. Wala pang nananalo sa kanya kapag ginamit niya 'yan. Isa siyang expert."

"Ano ba ang tawag sa gamit niyang fighting style?" tanong ni Cami.

"Gumagamit si Tammy ng 'Systema'. Isang uri ng Russian martial art. Ibang uri ang Systema kumpara sa ibang fighting style. May pressure points na pinupuntirya ang Systema kaya madalas na nawawalan ng balanse ang mga kalaban niya."

"So, mananalo na ba si Tammy?"

"Pero mas malakas parin si Banri. Nakita nyo naman kanina hindi ba? Muntik nang malaglag si Tammy sa ring."

"Hmm."

***

"Haaah..." Malalim na huminga si Banri. "Magaling ka, Pendleton."

"Thanks. I know. Pagod ka na ba?"

"Asa ka," nakangisi nitong sabi. "Warm up palang ito para sa akin."

Tumingin si Tammy sa screen sa itaas. May six minutes nalang silang natitira para tapusin ang laban. Kung wala pa sa kanilang nananalo, ang mga judges na ang magde-desisyon kung sino ang magiging panalo.

"Tapusin na natin 'to, Banri."

"Bakit hindi mo subukan na sumugod naman, Pendleton."

"Bakit, pagod ka na?"

"Ugh."

Mabilis na sumugod si Banri kay Tammy. Nagpakawala ito ng isang mabilis na jab. Muling umiwas si Tammy at... sa isang iglap ay hawak na ni Banri ang dalawang kamay ni Tammy.

"HAHAHAHA! Hindi mo na ulit iyon magagamit sa akin, Pendleton. Alam ko na ang mga galaw mo."

Isang feint! Nahulog si Tammy sa feint ni Banri. Isang malaking miscalculation sa galaw niya.

"Tatlong minuto nalang bago matapos ang laban natin, Pendleton. Sa scores na nakuha ko sa umpisa ng laban natin, ako ang magiging panalo," nakangiti nitong sabi.

Inalala ni Tammy ang nangyari sa unang laban nila. Maganda ang ipinakita nitong depensa at na-corner siya nito kanina. Kahit pa nakabawi siya sa ilang suntok at sipa niya, hindi niya masasabi na siya na ang panalo.

Sinubukan ni Tammy na hilahin ang dalawa niyang kamay mula kay Banri. Ngunit mahigpit ang hawak nito, masyado talagang malakas si Banri para sa kanya.

Sinubukan niyang gamitin ang kanyang mga paa ngunit kaagad iyong nabasa ni Banri. Inapakan nito ang dalawa niyang paa.

"Isang minuto..." sabi ni Banri habang nakatingin sa screen.

Nag-simulang mag-countdown ang mga nasa audience area.

"Ban.Ri." ang inis na sambit ni Tammy habang nakatingin sa lalaki.

"Magaling ka Pendleton, pero— "

Nang tignan ni Tammy si Banri gamit ang kulay abo nitong mga mata, biglang naparalisa ang buong katawan ng lalaki. Nagbibigay ng kakaibang emosyon kay Banri ang mga mata ni Tammy at naging sanhi ito para ma-blanko saglit ang isip nito.

"DOOOOOOWN!!!!!!" ang sigaw ng referee.

"ARGH!!!"

Natahimik ang mga manonood sa gymnasium nang makita nila na bumagsak ang isa kina Banri at Tammy.

Napa-upo si Banri sa sahig habang hawak ang mukha nito. Tumingala ito kay Tammy.

Ngumiti si Tammy. "Too bad, Banri. Ikaw na sana ang panalo."

"PENDLETON!" sigaw ni Banri at agad na napatigil nang maramdaman na may umagos mula sa ilong nito.

Kaagad na nilapitan ng referee si Banri at tinignan ang dumudugong ilong nito.

[Isang amaaaaazing na headbutt mga kaibigan! Isang headbutt ang ginamit ni Tammy Pendleton laban kay Banri Lee!!!]

[Napabagsak niya si Banri gamit ang headbutt!!!]

[Nakakagulat na pangyayari sa papatapos na countdown!!!]

[Isang pahabol na alas ang ginamit ni Tammy Pendleton. Napakahusay!]

Natapos ang countdown. Itinaas ng referee ang isang kamay ni Tammy Pendleton bilang kampyon ng laban. Napuno ng sigawan at palakpakan ang buong gymnasium. At kalahati sa mga manonood ay tumatawa dahil sa nangyari.

"YAY!!! TAMMY!!!!" ang sigaw ni Willow habang pumapalakpak.

"Akala ko ba gusto niyang matalo si Tammy?"

"Hwag mo nalang pansinin."