webnovel

The Intrepid Flame - Chapter 3

Naiwaksi naman niya ang mga nakababahalang isipin nang dakong alas sais na ng gabi.

Unti-unti niyang nahila ang direksiyon ng kanyang utak patungo sa aralin na sinisikap niyang ipasok sa mga ulo ng mga batang estudyante habang pinagdidiskusyunan ang tungkol sa mga sinulat na drama ni Shakespeare.

Hindi niya namalayan ang pagtakbo ng mga sandali habang isa-isang hinihimay ang mga katangian at kabulukan ng tao.

"O, class, see you next week. Isulat ninyo sa notebook na may quiz tayo sa Elective," habilin niya habang namamaalam.

Minsan isang linggo lamang ang klase niya sa second year high school. Ideya niya ang paglalagay ng Elective Subject sa English Literature.

Nakakatuwa naman na marami-rami pala ang may interes dito. Nakakalungkot naman na isang beses lamang sa isang linggo ang kanilang sesyon.

"Goodbye, teacher," hiyaw ng mga estudyante habang nagliligpit ng mga libro at notebook.

Dinampot ni Selina ang index card na sinusulatan ng topic na dapat i-discuss, pati ang maliit na attendance notebook mula sa lamesa at tumayo sa tabi ng pintuan.

Pinapauna niya ang mga bata sa paglabas. Napapangiti siya, may mga munting Romeo at Juliet na sa mga ito.

Pinatay niya ang switch ng mga ilaw bago lumabas ng silid. Hinila niya pasara ang pinto. Nadaanan siya ni Dely.

"Uuwi ka pa lang?" tanong niya sa co-teacher. "Kanina pa tapos ang klase mo, hindi ba?"

Tumango si Dely habang nagsasabay sila sa paghakbang sa koridor. "Tinapos ko na kasi ang lesson plan dito para wala na akong aasikasuhin sa bahay." Lumapit ito nang husto sa kanya. "May lakad kasi kami ni Jon," bulong nito, nakangiti.

Aywan kung bakit kumaba na naman ang dibdib niya. Bigla na naman kasing nagbalik ang alaala ng naging usapan nila ni Alden sa may batis kaninang tanghali.

Hindi siya kumibo. Ngumiti lang siya sa kaibigan.

Hindi naman napansin ni Dely ang pananahimik niya. Marahil sanay na sa kanya na hindi gaanong masalita.

Nakikinig siya sa mga kuwento ng kasabay na titser kaya hindi niya napuna ang papalapit na anino sa kanila. Namalayan na lang niya na napahinto na sa paglakad ang kanyang kasabay.

Nagtaas siya ng paningin para tingnan kung ano ang naiwan nito ngunit ang mga matang sing-dilim ng gabi ang naapuhap ng kanyang tingin.

"Magandang gabi sa inyo, mga binibini," bati ni Alden. Nakangiti nang pormal sa kanilang dalawa. "Maaari ko ba kayong ihatid sa inyong patutunguhan?"

Napamaang si Selina. Hindi alam kung ano ang isasagot. Si Dely ang nagsalita.

"Naku, kaya pala kanina ko pa kayo natatanaw dito, mayor," bulalas ng namumulang dalaga. Sumulyap nang panakaw kay Selina. "Halika ka na, ihahatid daw tayo ni Sir."

Saka pa lang nakagalaw si Selina. "Ha? A, e, ikaw na lang. Maglalakad lang ako," tanggi niya.

Humangos na siya palayo. Naulinigan niyang hinabol siya ni Alden, tinatawag ang pangalan niya.

Huminto siya dahil napag-isip-isip niyang hindi dapat na mapahiya ang mayor sa harap ng ibang tao. Wala namang ipinakitang masama sa kanilang pamilya ang pamilya ni Alden.

Humarap siya uli dito. Lumapit uli siya sa lalaki.

"M-may nakalimutan pala akong sabihin," pagdadahilan niya, sabay ngiti nang matipid.

Nagpapalipat-lipat sa kanilang dalawa ang nalilitong tingin ni Dely ngunit hindi nila pareho pinapansin. Patay-malisya.

Sumakay si Dely sa likod. Tila sinasadyang ikalat ang mga dalang gamit para mapilitan si Selina na sa harapan na maupo. Kahit naman hindi ganito ang ginagawa ng babae, sa harap pa rin siya mauupo. Nakapag-isip-isip siya na hindi dapat tinatalikuran ang mga bagay na nakakalito. Lilikha lamang ito ng takot at pangamba sa kalooban at isipan.

Malapit lamang si Dely kaya nauna itong bumaba. Makahulugan ang ngiti nito sa kanya habang nagpapasalamat kay Alden.

Magalang naman ang lalaki. Tinanguan ang mga taong nakatayo sa tabi ng tarangkahan nina Dely. Bumati sa mga matatanda.

Marahan ang pagpapatakbo ni Alden ng sasakyan. Isang lumang Landrover na inalisan ng bubong. Tag-init pa kasi at medyo maalinsangan ang gabi kaya hindi pa kinakailangang ibaba ang nakarolyong espesyal na plastik para pananggalang sa ulan.

Pakiramdam ni Selina, namamasyal sila sa ilalim ng liwanag ng buwan. Malapit na sila sa kanilang kalye nang may maisip siya. Sinasadya ng lalaki na mabagal ang kanilang takbo para makita sila ng mga tao nang malinaw. Para bang idini-display siya.

Bumaling siya rito. Gusto niyang magdamdam sa ginagawa ng lalaki. Pinipilit siya nito sa isang sitwasyon na hindi naman siya payag. Kundi siya naging matalas, matatagpuan lamang niya ang kanyang sarili na naiipit na at nasusukol ng lalaking ito sa isang sulok.

"You're disgusting, Alden," gigil na bulong niya rito. "Itigil mo na ang ginagawa mong ito. Hindi magtatagumpay ang balak mo!"

Sumulyap sa kanya si Alden. "Aren't you being too suspicious?" wika nito. Walang emosyon ang mukha nito.

"May pruweba ako," pilit niya. "Kahit na kailan, hindi ka nagpakita ng interes na ihatid ako."

"That's what you think," salo naman nito. Bahagyang ngumiti sa dako niya habang nagmamaneho. Napansin niyang unti-unti nang bumibilis ang pagpapatakbo nito sa sasakyan.

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Alam mo bang ikaw na yata ang pinakamailap na babaeng nakilala ko?" tugon ni Alden. "Napakahirap mong hulihin. Kahit na kausap ka na minsan, parang wala ka pa rin sa harapan namin. You have become a challenge to me."

"Ano'ng ibig mong sabihin?" ulit niya. Parang wala na siyang ibang maisip sabihin.

Sumulyap sa kanya ang binata. Tumawa nang mahina at patudyo ito nang makita ang ekpresyon niya.

"Bakit nagugulat ka? Masama ba ang maa-attract ako sa iyo?"

Nasapo niya ang mga pisnging namumula. "Bakit ka nagsasalita nang ganyan?" tanong niya, paos ang tinig. Parang nililipad sa hangin ang kanyang pag-iisip. "Bakit ako pa?"

Tumaas ang makakapal na kilay. "I like you," wika nito. "I've always admired you, Selina."

"Hindi ako naniniwala sa iyo, Alden. Magaganda ang mga kapatid ko. Bakit hindi sila ang i-admire mo?"

"Oh, I also admire them," kaswal na tugon ng lalaki. "But I like you more. You're intelligent and smart."

Napapikit si Selina. Parang bigla siyang nahulog sa isang bangin na ubod ng lalim. Inaasahan ba niyang sabihin ng lalaki na may ganda rin siyang kanya lang?

Hindi agad siya nakapagsalita habang pinipigil niya ang kanyang damdamin.

"You're also industrious and efficient," dagdag pa nito.

"Thank you," wika niya nang muli niyang matiyak na wala nang panginginig sa kanyang tinig. "Puwede bang ibalik mo ang sasakyan? Lumampas na tayo sa gate namin," utos niya.

Ayaw niyang isipin na sinadya ng lalaki. Napundi kasi ang bumbilya ng ilaw nila sa poste ng tarangkahan.

"No, hinihintay tayo ni Mama. Ipinagpaalam na kita sa inyo na sa amin ka magdi-dinner," pahayag nito. Kaswal ang tono nito.

"Sa amin ka lang nagpaalam, pero sa akin ay hindi pa. Ayaw kong makipag-dinner sa inyo," gitil niya.

"Exactly, Selina. Alam kong tatanggi ka," salo ni Alden. Nagpatuloy lamang ang sasakyan sa pagbagtas ng rough road na gamit nila pareho.

Magkatabi ang mga lupain ng Cicero at Tamon. Walang bakod na nakapagitan dahil magmula sa mga ninuno, magkaibigan ang mga miyembro ng bawa't henerasyon. Kumbaga, walang masamang tinapay sa pagitan ng dalawang angkan.

Kung saka-sakali, ngayon pa lang magkakaroon.

Tumigas ang anyo niya habang nakatitig siya sa lalaki.

"Hindi ko akalain na magagawa mo ang ganito, Alden. Kung nasaktan ka nang husto kay Ate, huwag naman ako ang pagbuntunan mo," akusa niya.

Sumulyap sa kanya si Alden. "Ano ba ang iniisip mong ginagawa ko sa iyo?" usig nito.

"Ako ang pinagbabalingan mo. Porke napurnada ang mga plano mo, pipilitin mo naman ako para matuloy lang ang makinasyon na inaasahan mong mangyari."

"That's ridiculous."

Hindi siya nakasalita nang biglang humarurot ang sasakyan. Lumampas sila sa tarangkahan ng mga Tamon.

Humawak siya nang mahigpit sa pinto at sa gilid ng upuan para hindi siya matinag sa kinauupuan kapag lumiliko nang pabigla ang lalaki.

Nanlalaki ang mga mata niya habang nakatingin kay Alden. Nakita niya, sa unang pagkakataon, ang tigas at determinasyon ng mga hugis sa matatag na mukha.

Nakatagilid sa kanya ito. Kitang-kita niya ang pagtitiim ng mga bagang kaya umuusli ang mga buto ng panga.

At ang pagsingasing ng ilong nito. Aristokratiko ang pagkakahubog ng matangos na ilong at mataas na noo nito kaya agaw-pansin kahit na nasa karamihan ng mga tao.

"S-saan mo ako dadalhin?" tanong niya matapos ang ilang ulit na paglunok.

Ni hindi tumingin sa kanya ang lalaki. "Papatunayan ko ang mga inaakusa mo sa akin."

"Alden--"

"Iniisip mong may balak akong masama sa iyo, hindi ba? Puwes, gagawin ko lahat ng mga iyan sa iyo."

Parang sinakal ang lalamunan niya. "Alden, pasensiya ka na. Hindi ko alam ang sinasabi ko kanina...."

"Tsk! Tsk! Ang hirap sa iyo, Selina, you're too sharp. Pasalamat ka, iginagalang ko pa ang relasyon ng ating mga pamilya. I'll accept your apology," wika nito sa tonong nambibitin. "On one condition."

Gumapang ang isang kamay ni Selina sa kanyang leeg. Nanlalaki ang mga mata niya. Hindi siya makapaniwala sa kanyang naririnig.

"A-anong kundisyon?"

"Hahayaan mong umakyat ako ng ligaw sa iyo," tugon ng suwabeng boses-lalaki.

Nagkatinginan sila. Hindi niya namalayan na huminto na pala ang makina ng sasakyan. Naulinigan na lamang niya ang mga huni ng mga kulisap at insektong panggabi sa bukid habang sumasaliw ang mabibigat na lagabog sa kanyang dibdib.

Maya-maya, tumango siya.