webnovel

Finding Ethan: The Dream That You Seek (Tagalog, Filipino) - Falling For the Secret Superstar

“Kahit nakatayo ka lang diyan at nakangiti sa akin, kinikilig na ako.” Ethan Ravales just wanted to escape from his suffocating life as the Philippine’s prime leading man. Pakiramdam niya ay kinakain na ng kanyang sistema ang kanyang kaluluwa. Para hanapin ang sarili ay tumakas siya hanggang mapadpad sa Isla Juventus matapos iligtas mula sa isang magnanakaw ang isang magandang dalaga—si Aurora. Hindi inakala ni Ethan na makakaya niyang mabuhay sa Isla Juventus—na walang kuryente, Internet, o signal man lang ng cell phone, at bilang Alvaro Baltazar na isang ordinaryong lalaki. Hindi rin niya napaghandaan ang espesyal na naramdaman nang makilala at makasama niya sa isla si Aurora. Handa na siyang iwan ang mundong nakagisnan para kay Aurora. Ngunit nang may magpaalala kay Ethan ng mundong iniwan niya ay napaisip siya. Ano ang kaya niyang gawin para kay Aurora? Handa ba siya sa maaaring mangyari kapag nalaman ni Aurora ang tunay niyang pagkatao? The final book of Finding Ethan Series, a collaboration with Leonna, Gezille and @Tyramisu.

Sofia_PHR · 综合
分數不夠
55 Chs

Chapter 48

Nanlisik lalo ang mga mata nito. "Magaling. At tuturuan mo pa ako kung ano ang dapat kong gawin sa anak ko at kung paano pakikitunguhan ang mga tagadito. Dayo ka lang."

Sumasakit na ang ulo ni Ethan at gusto na niyang sabunutan ang sarili sa frustration. It was not easy to argue with the father of the girl he liked. Hindi pa niya naranasang humarap sa magulang ng babaeng gusto niya. He didn't have to. Ngayon lang niya naranasang ipaglaban ang isang bagay na importante sa babaeng mahalaga sa kanya. He must do something about this. Hindi niya pwedeng biguin si Aurora at ang mga kasama sa play.

"Mabuti nga po sinasabi ko sa inyo at humaharap ako mismo sa inyo. Ayoko pong isipin ninyo na duwag ang lalaking pinili ng anak ninyo. Na hindi ko kayang pangatawanan si Aurora." Tumuwid siya ng tayo. "Alam ko po na ayaw ninyo sa akin para kay Aurora. Humihingi po ako ng pasensiya kung sa palagay po ninyo niloko namin kayo. Kung pwede po sana isantabi natin muna ito. May mas importante pong bagay kaysa sa personal nating problema. Pagkatapos po nitong play at pista pwede po tayong mag-usap tungkol sa amin ni Aurora. Kailangan po namin siya ngayon."

Nananatiya siyang pinagmasdan ng matandang lalaki. "Lalayuan mo na ba ang anak ko matapos ito?"

"Hindi po. Dahil gusto ko po siya. Di ako papayag na mahiwalay sa kanya," aniya sa matatag na boses.

"Paano kung hindi ako pumayag?"

Nanindigan na si Ethan at matapang na sinalubong ang naghahamong tingin ni Manoy Gener. "Minsan ko na po kayong pinagbigyan. Iniwasan ko po si Aurora. Pero kahit anong gawin namin, hindi po namin kayang iwasan ang nararamdaman namin. Ayaw po niya na magalit kayo sa kanya kaya namin itinago. Nagpapakatotoo po ako ngayon sa harap ninyo," walang gatol niyang sabi.

Tinalikuran siya ng matandang lalaki at naglakad papasok sa loob. Nanatiling nakatayo sa pinto si Ethan. Hindi niya alam ang gagawin. Aalis na ba siya? Hanggang kailan siya maghihintay? Ano pa ba ang kailangan niyang gawin para payagan ni Manoy Gener na lumabas si Aurora.

Kinatok ng matandang lalaki ang pinto. "Aurora, lumabas ka na diyan. Tama na ang iyak. Mag-ayos ka na. Nandito na ang sundo mo."

Nakasimangot pa na lumabas si Aurora nang lumabas. Magulo ang buhok nito at kahit na di niya nakikita ang mukha nito ay alam niyang mugto ang mata nito sa pag-iyak. She went through hell. Nang iangat nito ang mukha ay umaliwalas ang mukha nito. "Alvaro..."

Humakbang ito at akmang susugurin siya ng yakap nang bigla itong harangan ng tungkod ni Manoy Gener. "Bawal ang yakap. Bawal ni hawakan ang dulo ng kamay." Puro tango ang ginawa nila ng binata. Pagkuwan ay tinawag nito si Manang Soling. "Samahan mo sila. Tiyakin mo na hindi sila magdidikit malibang nasa entablado. Maliwanag ba?"

"Yes, my dear," kinikilig na sabi ng matandang babae.

"Magbibihis muna ako, Amay," sabi ni Aurora at dali-daling bumalik sa kuwarto nito.

"Pagbibigyan kita sa ngayon. Pero matapos ang pagtatanghal, mag-uusap tayo nang masinsinan."

"Opo, Manoy Gener!" Niyakap niya ang matandang lalaki sa labis na tuwa. "Salamat po."

"Huwag mo akong yakapin. Naalibadbaran ako. Baka mamaya di ko na pasamahin sa iyo ang anak ko," banta sa kanya nito.

Parang mababaliw si Alvaro habang nakapagitan si Manang Soling sa kanila ng dalaga. Magkalapit nga sila pero mistulang pader ang nakapagitan sa kanilang dalawa. Ni hindi niya mahawakan kahit ang dulo ng daliri ni Aurora o ang hibla ng buhok nito. It was such a pain. And he would do anything just to hold her right now.

"Pwede ko ba siyang kausapin?" tanong ni Alvaro kay Manang Soling.

"Sige. Basta no kiss, no touch," babala ng matandang babae. "Kung gusto mo siyang halikan, dadaan muna sa akin." At ngumuso ang matandang babae.

Napaurong ang binata. "H-Hindi na lang po. May sasabihin lang po ako." Huminga siya nang malalim. "I am sorry, Aurora. Hindi ko dapat sinabi sa tatay mo ang tungkol sa relasyon natin. Pero wala naman akong magagawa kundi sabihin ang totoo. Sana hindi ka galit sa akin."

Pilit siyang sinilip ng dalaga. "Hindi. Kasalanan ko rin dahil itinago ko. Akala ko iyon ang mas makakabuti sa atin. Kahit saan naman tingnan, paglalayuin pa rin niya tayo."

"Huwag na kasi kayong magsisihan. Pareho din naman kayong may kasalanan," singit ni Manay Soling.

Tipid na ngumiti ang dalaga. "Ang mahalaga nandito tayo at magkasama ulit. Akala ko talaga hindi na ako palalabasin pa ni Amay. Galit na galit siya."

He saw the fear and vulnerability in her eyes. "I just wish I can hold you and kiss you right now." Inabot niya ang kamay sa likuran ni Manang Soling. He wanted to comfort Aurora. Gusto niyang tiyakin dito na magiging maayos din ang lahat. Na mananatili siya sa tabi nito hangga't kaya niya.

Biglang tinampal ni Manay Soling ang kamay niya. "Um! Sabi nang no touch. Kahit na naaawa ako sa inyong dalawa, hindi ko pwedeng labagin ang bilin ni Gener ko. Mas mahal ko iyon."

Sabay silang bumuntong-hininga ni Aurora at tahimik na naglakad hanggang makarating sa entablado kung saan naghahanda na ang mga tao para sa pagtatanghal.

"Rora! Nandito na si Rora!" sigawan ng mga kasamahan nila nang makita na ang dalaga.

"Bumalik na siya sa atin! Tuloy na ang pagtatanghal!" masayang sigawan ni Ma'am Mercy. Lumingon sa kanila ang direktor. "Maraming salamat, Alvaro."

Tumango lang siya at malungkot na ngumiti. Ito ang pinakamahirap na pagtatanghal para sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kanila ni Aurora matapos ito. Natatakot siya na maaring ito na ang huling sandali na magkakasama sila.