webnovel

Clouded Feelings (Tagalog)

Ayla Encarquez is a nobody. Can she be a somebody to the man of her life?

_doravella · 现代言情
分數不夠
47 Chs

The After College

Ang akala kong magbabalik naming relasyon ni Tatay ay muling nalamatan nang dahil lang sa nalaman niyang tinulungan ako sa pag-aaral ni Kuya Osias. Pala-isipan pa rin sa akin ang lahat, kung bakit. Pamilya naman kami at may maitutulong naman sila, bakit hindi puwedeng tanggapin?

Matapos ang lahat. Matapos kong makapagtapos ng pag-aaral, parang hindi sapat iyon para bumalik ang pakikitungo sa akin ni Tatay bilang isang tunay na anak. Para akong ampon dito, sampid, napulot lang sa tae ng kalabaw. Sobrang saklap. Pero kahit ganoon, nagpatuloy pa rin ako sa buhay.

Ilang linggo na matapos akong maka-graduate sa kolehiyo. Ilang linggo na rin akong naghahanap ng trabaho. Pero hanggang ngayon, wala pa rin. Naabutan na ako ng pista ng bayan namin, wala pa rin. Ilang resume at curriculum vitae na ang naipasa ko sa mga lokal na kompanya sa Bacolod pero wala pa rin. Hanggang ngayon, naghihintay pa rin ako ng tawag, baka sakaling matawagan para sa isang interview man lang. Ang ilang linggong iyon ay umabot sa mahigit isang buwan na. Araw-araw, walang mintis, naghahanap ako ng trabaho na babagay sa natapos ko. Kasi gusto ko rin namang i-apply ang kung ano talaga ang natapos ko kahit na sabi nila I.T. lang naman daw ito. Hindi LANG ang natapos ko, alam kong malaki ang maitutulong namin sa mundo ng trabaho kaya dapat daw na hindi minamaliit ang kurso namin.

But anyways, 'yon na nga, pista na naman ng aming bayan. Panahon para magsaya, panahon para makipagkita sa mga kaibigan. Sa katunayan, kaka-text lang ni Zubby sa akin na do'n na raw ako mananghalian sa kanila dahil may kaonting salu-salo raw para sa pista ng bayan. Tatanggi pa ba ako? Kainan na ito oh.

"Aylanaaaaaaaaa!" malakas na sigaw ang bumungad sa akin nang makarating ako sa bahay nina Zubby. Nasa labas pa lang ako ng kanilang gate, kung makasigaw na siya ay parang wala ng bukas. Anak ng baboy talaga!

"Na miss kita nang bongga, Aylana!" nagtatatalon na siya sa harapan ko sabay pisil sa aking pisnge tapos babalik na naman sa pagyakap sa akin.

Ako naman ay parang naging tuod lang na nakamasid sa kaniya. Na-miss ko rin naman siya pero alam niyo naman si Zubby na OA talaga.

"Grabe, Ayla, ilang buwan tayong hindi nagkita!" dagdag na sabi niya pa, mukhang mas kalmado na kaysa kanina.

Pinisil ko ang kaniyang pisnge para pakalmahin siya.

"Oo na, miss mo na ako. Miss rin naman kita!" sabi ko naman.

"Halika, halika, pasok ka na sa loob. Gusto ka na ring makita nina Mama!" at bigla na naman niya akong kinaladkad papasok sa kanilang bahay.

May iilang silang bisita, mukhang mga kaibigan o 'di kaya'y mga kamag-anak nina Zubby. Kahit na matagal na kaming magkaibigan ni Zubby, hindi pa rin ako pamilyar sa angkan nila. Kinu-kuwento niya lang sa akin pero hindi ko pa nakikilala at nakikita ang iba. May mga pamilyar na mukha pero hindi ko na pinagtoonan pa ng pansin.

Gaya nang nakagawian, nagbigay-galang ako sa mga magulang ni Zubby. Si Zenna, dalaga na. Si Zarry, malaki na rin. Minsan ko na lang silang makita noong nag-aaral pa kami ng kolehiyo ni Zubby. Pareho rin kasi kaming abala sa aming buhay kaya minsan lang talaga kami magkita noong nakaraan pero magkaibigan pa naman kami.

"Wala si Fabio ngayon pero mamayang gabi, susunod daw siya," biglang sabi ni Zubby habang kumakain ako.

Hindi naman ako nagtatanong tungkol kay Fabio pero bigla-bigla na lang niyang sinasabi sa akin. Tumango na lang ako at hindi na nagtanong pa.

"Ano na ang balita sa 'yo, Zubby?" biglang tanong ko matapos ang katahimikan dala ng pagiging abala sa kaniya-kaniyang pagkain.

"Heto, Octoberian. Pero sigurado na talagang sa susunod na taon ay makaka-graduate na ako." Ngumiti siya, 'yong ngiting palagi niyang ipinapakita sa akin sa tuwing tinatanaw niya ang isang situwasiyon sa positibong paraan.

"At least 'di ba sigurado na? Hindi naman pabilisan itong kolehiyo. E, ano ngayon kung nakapagtapos na ang batchmates natin? Hindi ibig sabihin no'n hindi ka na makakapagtapos. It's a matter of time, just wait for your time to come, as simple as that."

"Naks, 'yong WOW mo Ayla nag-i-english na! Level up! Gusto ko 'yan!"

"Aba siyempre, college graduate na ako so dapat level up na rin 'yan. Baka masabihan pa akong walang pinag-aralan, e."

Pareho kaming natawa ni Zubby sa mga pinagsasabi namin at mas lalong humaba ang aming napag-usapan. Ilang buwang catching-up din kasi itong ginagawa namin.

Hiwalay na pala sila ni Raymond, ibang lalaki na naman ngayon ang boyfriend niya. Classmate niya raw noong elementary. Ipakikilala niya sa akin mamaya kasi sasama raw mamayang gabi. Sa sobrang daming napag-usapan namin ni Zubby, nakalimutan na naming manunood nga pala kami ng street dancing pero wala, e, napasarap talaga ang kuwentuhan namin.

"Dito ka matutulog mamaya ha? Walwalan night tayo. Pawasak!" Matapos niyang kausapin ang iilang kamag-anak niya, bumalik siya sa kaniyang kuwarto kung saan lang ako nanatili habang naghihintay ng gabi. At 'yon na nga ang sinabi niya.

Napangisi na lang ako sabay iling at hindi na sinagot pa ang sinabi niya.

"Iinom ka mamaya ha?" tanong niya ulit nang hindi ako nakasagot sa unang sinabi niya.

"Nasa tamang edad na nga tayo ngayon, Zub, pero hindi ibig sabihin no'n na iinom na ako. Alam mo namang hindi ko talaga gusto ang mga ganiyan," sabi ko naman.

Ibang-iba na si Zubby kaysa noong nasa high school pa lang kami. Marami na siyang barkada ngayon, napapadalas din ang kaniyang pag-iinom, at sinabi niya sa akin na na-experience na niya ang lahat ng kalandian at kamundohan sa mundo. Nang dahil iyon sa mga naging barkada niya sa kolehiyo. Dapat nga sana magtatapos din siya ngayong taon pero dahil minsan siyang napariwa sa buhay, ayan at may isa pang semester na kailangang tapusin tapos sa susunod na taon pa siya makakapagmartsa.

"Manood muna tayo ng pageant sa plaza bago tayo maki-party doon sa rotunda. Panunoorin ko lang 'yong kilala ko, sumali kasi."

Nakaupo lang ako rito sa kama ni Zubby habang nakatingin sa kaniya na abala sa paglagay ng sobrang pulang lipstick sa kaniyang labi. Inayos na rin niya 'yong kilay niyang sobrang kapal kasi may inilagay din siya kanina na eyebrow daw ang tawag tapos 'yong pisnge niya, mapula-pula rin dahil sa clay brush daw. Aba, hindi ko alam, wala akong idea sa mga ganiyan, hindi naman kasi ako naglalagay ng ganiyan sa mukha ko. Simpleng pulbo lang, sapat na sa akin. Kaya siguro mukha akong patapon hanggang ngayon na sobra bente na ang edad ko.

"Sinong kakilala mo 'yong sumali?" tanong ko sa sinabi niya kanina.

Tapos na siyang magkolorete sa kaniyang mukha kaya tumingin na siya sa akin.

"Si Katy Apas, kaklase ko sa isang subject. Sabi kasi niya manood daw kami kaya... ayon."

Tumango na lang ako bilang sagot kasi hindi ko naman kilala ang binanggit niyang pangalan.

"Zubby, nandito na si Fabio at Marlon. Lumabas na kayo riyan ni Ayla!" narinig naming sigaw ni Tita Gina mula sa labas.

"Nandiyan na si Ayla, Tita?" na sinundan naman agad ng boses ni Fabio.

"Yes, mother earth, palabas na!" sigaw agad ni Zubby tapos ay nilingon niya ako. "Narinig mo 'yong pinsan ko? Atat pa rin hanggang ngayon sa 'yo."

"Anong atat ang pinagsasabi mo r'yan, Zubby?" patay-malisyang tanong ko pa sa kaniya, nag-iwas na rin ako ng tingin para maiwasan ang mga mapanuri niyang tingin.

"Asus, deny pa, Ayla. Alam ko naman na may gusto ko na rin sa pinsan ko at may namamagitan na sa inyong dalawa ngayon." Bigla siyang lumapit sa akin sa kama at marahas na dinanggil ang aking balikat.

Pinagsalubong ko ang aking mga kilay at patay-malisya pa rin siyang tiningnan. Pero sa kalooblooban ko, nagpipigil na ako ng ngiti.

"Hindi naman kami ni Fabio, ah," deny ko pa. Kasi totoo naman, hindi naman kami.

"Asus, alam kong hindi pa kayo pero alam kong umamin na siya sa 'yo. O ano? Graduate ka na, kailan mo sasagutin 'yang pinsan ko?"

Napabuntonghininga ako sa sinabi ni Zubby at nakangiti siyang pinagtoonan ng pansin.

"Kailangan na muna niyang mag-focus sa board exam niya at saka—"

"Ha? Sabagay, ilang taon nga nakaya niyang maghintay, 'yang ilang buwan pa kaya. Hindi naman kita pini-pressure kasi kilala naman talaga kita. At least 'di ba, pagkatapos ng taong ito, magkaka-lovelife ka na rin at isang karangalan na siya ang maging unang nobyo mo 'di ba?"

Sumang-ayon ako sa sinabi ni Zubby at tuluyan na nga kaming lumabas ng kaniyang silid.

Nasa ikatlong taon ako sa kolehiyo nang biglang umamin si Fabio sa akin. Hindi na niya napigilan ang kaniyang nararamdaman at para na raw siyang sasabog kaya kahit hindi pa iyon ang tamang panahon, bigla siyang napaamin sa akin. Umamin siyang matagal na raw niya akong gusto at matagal na raw niya akong gustong ligawan. Nakakagulat, siyempre, pero iba sa pakiramdam. Iba sa pakiramdam na may isang taong nagtapat ng kaniyang pag-ibig sa iyong harapan. Kaya pinayagan ko siyang ligawan ako pero hindi ko pa siya sinasagot kasi nga mas gusto kong pagtoonan muna ng pansin ang pag-aaral ko at ang paghahanap ng trabaho. Naiintindihan naman niya ako kaya mahigit dalawang taon na yata siyang nanliligaw sa akin. Handang-handa raw siyang maghintay kasi alam naman niya na kahit ano ang mangyari, kaming dalawa raw ang magkakatuluyan. Mas lalo pang naudlot ang pagsagot ko sa kaniya dahil sa paparating niyang board exam. Gusto ko kasing mag-focus siya roon kasi importante iyon sa kaniya para maging isang ganap na guro na. Sarili muna bago pag-ibig, 'yan ang palaging sinasabi ko sa kaniya kaya sobrang bilib ako kay Fabio kasi pareho ang takbo ng aming utak, hindi nagmamadali sa buhay.

Nang makalabas kami sa silid ni Zubby ay nakita ko agad ang isang pamilyar na mukha bukod kay Fabio.

"Marlon? Anong ginagawa mo rito?" gulat at nakaturo ko pang tanong sa kaniya. Naituro na rin niya ako dahil din sa gulat.

"Magkakilala kayo ni Zubby?"

"Magkakilala kayo ni Fabio?" halos sabay na tanong namin sa isa't-isa.

Okay, ang weird na.

"Magkakilala kayo ni Marlon?" tanong naman ni Zubby kaya siya naman ang natingnan ko.

Tumango ako sa sinabi niya.

"Kaklase ko 'yan si Marlon, 'di ba?"

"Oo, baby, magka-klase nga kami ni Ayla."

Baby?

"Hala, edi mabuti. Mabuti at magkakilala na pala kayong dalawa. Boyfriend ko, Ayla, siya 'yong sinasabi ko sa 'yo."

Ha?

"Boyfriend? May girlfriend ka pala?" nagtatakang tanong ko kay Marlon na nakaturo pa sa kaniya.

"Sinabi niya sa 'yong wala siyang girlfriend, Ayla?"

Biglang nataranta ang mukha ni Marlon dahil sa naging tanong ko. Maski ako, nataranta na rin lalo na no'ng marinig ko ang pagdududa sa boses ni Zubby. Patay na.

"Last month lang naging kami ni Zubby. 'Di ba may sinabi ako sa 'yong nililigawan ko?"

At bigla kong naalala ang napag-usapan namin ni Marlon ilang linggo bago ang graduation.

"Oo nga pala, ang sabi mo nga pala no'n may nililigawan ka. Siya 'yon?" nakaturo pa kay Zubby na tanong ko na agad din niyang tinanguan. "Ang liit ng mundo. Wow! Ang liit talaga. Pero congrats sa inyong dalawa."

"'Yong mundo ko, maliit din tapos nasa harapan ko pa."

Anak ng baboy!

"Ayieee~"

Napatikhim ako dahil sa sinabi ni Fabio. Medyo awkward kasi may ibang taong nakatingin sa aming dalawa. Masiyado kasi akong nasanay na sa tuwing babanat siya nang ganoon ay kaming dalawa lang ang nakakarinig. Hindi kasi talaga ako showy at sweet katulad ng iba at hanggang ngayon ay naninibago pa rin ako kahit ilang taon na simula no'ng magsimula siyang maging ganiyan.

"Hi, Fab…" bati ko naman sa kaniya.

"Halika na, bago pa tayo langgamin dito." At bigla na lang akong kinaladkad ni Zubby palabas ng kanilang bahay bago pa man makasagot si Fabio sa naging pagbati ko. Pinisil lang niya ang pisnge ko at hinayaan si Zubby na i-angkla ang braso niya sa akin.

At dahil malapit lang sa plaza, 'yong tipong paglabas mo pa lang sa bahay nila Zubby ay makikita mo na agad ang plaza, kaya madali lang kaming nakarating. Maraming tao, iba't-ibang edad, iba't-ibang kasarian, iba't-ibang estado sa buhay.

Gaya nga ng sabi ni Zubby kanina, may pageant ngayon dito sa plaza, maraming audience, maraming tao, marami talaga. Hindi mahulogang karayom kumbaga.

Kasama ko ngayon si Zubby kaya malamang may taga-hawi na naman ako sa mga nagsisiksikang tao, but this time, may kasama na akong iba pa na siyang tumutulong kay Zubby para hawiin ang mga taong madadaanan namin. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya nang pa-simple niyang inilagay ang kaniyang braso sa aking balikat. Hindi siya nakatingin sa akin at diretsong sa harapan ang magkasalubong niyang kilay. Sobrang seryoso.

Cute si Fabio. Hindi man siya kasing guwapo ni Vad pero there is something about him that makes me stare more. Naks. De totoo, may appeal si Fabio na good boy looks. Graduate na kami sa college pero 'yong mukha niya, para pa ring nasa high school. Sobrang cute.

Nang makakita ng puwesto sila Zubby, mas lalong inilapit ni Fabio ang balikat ko sa kaniya sa pamamagitan ng pag-akbay pa sa akin palapit sa kaniya. Pinabayaan ko naman kasi siksikan nga rito at baka maapakan pa ang paa ko ng ibang tao.

"OMG! Nandito ang bunso ng mga Lizares! Oo nga pala, umuwi na nga pala ang bunso ng mga Lizares!" nasa harapan namin si Zubby nang bigla siyang nagtititili at mukhang may tinitingnan sa harapan.

Biglang kumabog ang dibdib ko dahil sa sinabi ni Zubby. Bunso ng mga Lizares. Siya lang ang bunso sa Lizares. Itinaas ko naman ang ulo ko para tingnan kung saan man nakatingin si Zubby.

"Saan ba galing ang bunso ng mga Lizares?" pinilit kong maghanap ng isang pamilyar na mukha pero wala akong makitang isang lalaking may mahabang buhok sa batok. "Saan d'yan?" tanong ko pa ulit.

Umalis ba siya ng bansa? Wala na akong balita sa kaniya. Hindi ko na siya nakikita rito sa bayan namin. Matapos ang issue nila sa mga Osmeña, 'yong hindi raw pagsipot ni Tonette Osmeña sa kasal nila dapat ni Decart Lizares at sa kinakaharap ng central nila ngayon, ay wala na akong iba pang balita sa kaniya.

"Ayan oh, 'yang nakapusod ang buhok. Si Darry Lizares." Itinuro ni Zubby ang isang matipuno ring lalaki na nakapusod nga ang halatang mahabang buhok at abalang makipag-usap sa isa ring kilalang tao sa bayan namin.

Siya ang bunso ng mga Lizares?

"May iba pang bunso ang mga Lizares? Akala ko si—"

"'Yong dating crush ko? Hindi ah, siya 'yong bunso. Si Darry. Kauuwi lang raw galing sa Amerika kasi roon naman daw nakatira 'yan."

Ganoon ba? May hawig nga silang dalawa. Mas mahaba lang ang buhok nitong si Darry Lizares kaysa sa kapatid niya na si boy tingkoy.

"Ah ganoon ba," sagot ko na lang kay Zubby kaya nawala rin agad sa akin ang atensiyon niya lalo na nang magsimulang magsalita ang emcee ng patimpalak.

"Hindi mo ba alam na may bunsong anak pa ang mga Lizares?" biglang tanong ni Fabio sa akin kaya lumingon ako sa kaniya at agad umiling.

"Wala naman kasi talaga akong pakialam sa mga Lizares."

Talaga, Ayla? Wala talaga? Apat na taon na ang nakalilipas, alam na alam mo pa rin ang istorya ni Tungkung Langit at Alunsina, ah? Talaga? Talaga!

Tahimik kong pinanood ang mga nagagandahang binibini na sumali sa pageant na ito. Wala naman kasi talaga akong kilala sa kanila at 'yong pangalang Katy Apas lang ang puro sinisigaw ni Zubby. Kaya kalaunan ay nakilala ko na rin siya.

At mas lalo na talagang nawindang ang buong plaza nang lumabas na nga ang pinakahihintay ng lahat na si Daniel Padilla. Siyempre, parang masisira ang plaza ng bayan namin dahil sa kagulohan. Ikaw ba naman haranahin ng isang napakaguwapong si Daniel Padilla.

Hindi naman talaga ako fan ng mga artista, pero in fairness talaga kay Daniel Padilla, ang lakas talaga ng sex appeal sa stage. No wonder, maraming humahanga sa kaniya lalo na sa tambalan nila ni Kathryn Bernardo. Maski si Zubby, halos sabunutan na si Marlon dahil sa sobrang kilig na naramdaman niya nang makita na si Daniel Padilla. Sakto rin kasing malapit kami sa stage kaya kitang-kita talaga kung gaano kaguwapo si Daniel Padilla.

"Brad, mabuti pa 'tong si Ayla, hindi kinikilig kay Daniel Padilla. Tingnan mo nga 'yang girlfriend mo, parang walang boyfriend kung kiligin."

Sa kalagitnaan ng sayahan ng lahat, biglang kinalabit ni Fabio si Marlon at pinag-usapan na nga nila kung gaano ka-hyper si Zubby na hanggang ngayon, wala pa ring pakialam kung grabe na 'yong kilig niya.

"Hindi naman mahilig sa artista 'yang si Ayla, e. Itong pinsan mo, lahat na lang yata ng klase ng tao ay gusto, e."

Nagtawanan silang dalawa dahil sa sinabi ni Marlon. Hindi na ako nangahas na sumingit pa. Wala rin namang makikinig.

Matapos mangharana ni Daniel Padilla sa mga contestants at sa audience, ay in-announce ang papasok sa top five pero sa kasawiang palad ay hindi nakapasok 'yong sinusuportahan ni Zubby kaya napagpasiyahan na nila na umalis na lang kami para pumunta na sa rotunda. Malapit na rin daw matapos 'yang pageant, e, tapos nagsisimula na raw ang kasiyahan doon sa rotunda na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin talaga tinatangkilik.

Nakipagsiksikan ulit kami hanggang sa maglakad na kami papunta sa rotunda. Doon kami dumaan sa kanto ng bahay nila Zubby dahil may daan doon papunta sa rotunda. May daan din naman sa national highway pero mas safe raw kung doon kami dadaan kasi nga walang sasakyan na dumadaan.

Ilang lakaran ang nagawa namin bago namin narating ang rotunda. Hindi na ito katulad no'ng dati na mga banda ang nagpe-perform sa gitna. Ngayon kasi, 'yong mga DJ-DJ na. 'Yong may kinakalikot silang kung anu-ano sa itaas ng stage tapos disco kung disco talaga ang tugtugan.

Kung marami ang tao kanina sa plaza, dito naman sa rotunda, mas marami. May nag-iinuman na sa isang gilid ng daan, may nagsasayawan, may susuray-suray na rin siguro dala ng kalasingan.

Naglakad lang kami nang naglakad hanggang sa malapit na kami sa stage at sa mismong gitna ng rotunda. Ang likuran ng stage ay ang malaking tore na kung tawagin ay Eiffel tower ng Escalante. Para kasi siyang tower do'n sa Paris. Basta parang ganoon. Tapos 'yon nga, nandito na kami malapit sa stage.

Gaya ng inaasahan ko, may barikada na naman para sa mga importanteng anak ng bayan namin.

"Fab, pupuntahan lang muna namin ang barkada ni Marlon, babalik kami agad dito. Okay lang ba?" tumigil kami sa paglalakad at sinabi iyon ni Zubby.

"Okay lang. Baka pumasok din kami sa loob, nakita ko sila Astro, e."

"Kung makapasok man kayo sa loob, text mo ako agad ha? Papasukin mo rin kami," sagot naman ni Zubby sabay lapit sa akin. "I know you're a good girl pero talagang 'wag kang aalis sa tabi ni Fabio ha?"

Umismid ako sa sinabi ni Zubby.

"Oo na, 'wag kang iinom ng marami ha?"

Ngumiti siya sa akin bago naghiwalay ang landas namin.

And now, I'm left with Fabio alone. Iginala ko ang tingin ko sa mga taong nasa harapan ng stage.

Anak ng baboy?

Wala sa oras kong nasapo ang bibig ko dahil sa nakita ko. Madilim sa paligid, lalo na sa puwesto nila, pero alam kong siya 'yon.

"Ayla, dito ka muna ha? Tatawagin ko lang si Astro, baka makapasok tayo sa loob." Narinig kong sabi ni Fabio sa gitna ng ingay pero wala na sa kaniya ang atensiyon ko. Wala sa sarili na lang akong tumango habang nakatingin pa rin sa puwesto ng taong nakita ko ngayong gabi.

Nang makaalis si Fabio sa tabi ko, dahan-dahan akong naglakad palapit sa puwesto nila. Nasa loob sila ng barikada pero nasa isang sulok na sila. Isolated ang naging lugar nila at halatang may pinag-uusapan sila. Gusto kong marinig. Gustong-gusto ko.

Tumayo ako sa barikadang likuran nila, but I maintain a distance para hindi nila malamang may tao kung gusto man talaga nila ng privacy. Gamit ang gilid ng mata ko, inaninag ko ang ginawang galaw ni MJ Osmeña, humarap siya sa kaniyang kausap.

"Sonny Lizares, ano ba ang gusto mong iparating sa akin? Ba't ba nangingialam ka sa buhay ko?" tanong ni MJ Osmeña kay boy tingkoy.

Kahit maingay, pinilit ko ang tenga kong pakinggan kung ano man ang pag-uusapan nila. Alam kong mali ito pero hindi ko talaga mapigilan, e.

"Simple lang, MJ. I want you to stop playing around and be serious with your life before you regret everything."

Anak ng baboy?

Unti-unting kumabog ang dibdib ko nang marinig ko ang boses niya. Gusto ko mang tingnan ang kabuuan niya, pinigilan ko ang sarili ko.

Anong pinag-uusapan nila?

"What would I regret? At saka ano bang pakialam mo? Seryoso ako sa buhay ko. Kasi kung hindi, matagal nang pariwara itong buhay ko, Sonny, kaya paano mo nasasabing naglalaro lang ako?"

Sila na ba? Nagkarelasyon ba silang dalawa? Tandang-tanda ko pa ang ginawa niyang pagtatanong sa amin ni Zubby noon tungkol kay MJ Osmeña. Parang may gusto kasi siya sa babaeng ito noon, e. Hanggang ngayon pa rin ba?

"So you're serious on playing someone's feelings, huh?"

"I am not playing someone's feelings, Sonny. Wala akong pinaglalaruan dahil between me and my flings, may agreement kami na kami lang ang nakakaintindi. You're too judgmental to say na I'm just playing around. I am just enjoying my life."

Agreement? She really sounds like her family. Businessminded people. The Osmeñas.

"Kung hindi ka nga naglalaro, patunayan mo sa akin na seryoso ka talaga. Patunayan mo sa akin, MJ."

"I don't need to prove you anything, Sonny. Ano ba ang pakialam mo sa buhay ko? E, ano ba ngayon sa 'yo kung hindi ako nagseseryoso? Ano ngayon sa 'yo kung sinu-sinong lalaki ang kinakalantari ko? Wala naman akong tinatapakang ibang tao, wala akong sinisirang relasyon. Wala. Kaya ano ngayon sa 'yo, Sonny Lizares?"

Oo nga, ano ngayon kung ganiyan si MJ Osmeña?

"Because I like you!"

Anak ng baboy?

"I fucking care for you because I like you, MJ!"

Umiwas ako ng tingin sa kanilang dalawa. Hindi ko alam kung bakit alam ko na naman ang tungkol dito pero kapag talaga galing sa bibig niya, ibang-iba talaga.

"And I am fucking jealous sa lahat ng lalaking dumaan sa buhay mo! Kasi mabuti pa sila, nabigyan mo ng pagkakataong makilala ka. E, ako? Kailan mo bibigyan ng pagkakataon? Bakit hindi mo ako kayang papasukin sa buhay mo?"

Hindi ba sila? Hindi ba talaga naging sila?

"Alam mo na ang sagot sa mga tanong mo, Sonny. I said it three years ago."

Three years ago? Matagal na siyang nag-confess kay MJ Osmeña pero bakit hanggang ngayon, mukhang naghahabol pa rin siya rito?

"Paano kung hindi ako isang Lizares, papapasukin mo ba ako sa buhay mo?"

Ayoko nang marinig pa ang pag-uusap nila. Maling-mali talaga na makinig sa usapan ng ibang tao.

Tumalikod ako at babalik na sana sa huling lugar na pinag-iwanan sa akin ni Fabio nang kusang matigilan ang paa ko sa sunod na sinabi ni MJ Osmeña.

"Hindi rin. May girlfriend ka, Sonny, at hindi ako naninira ng isang relasyon. Alam ko kung hanggang saan lang ako."

May girlfriend siya? Sino?

"Ayla! Saan ka galing? Wala ka kanina roon, ah?"

Para akong binuhusan ng isang malamig na tubig nang marinig ko ang boses ni Fabio. Nag-angat ako ng tingin at sinalubong ang tingin niya.

"M-May tiningnan lang ako," pagdadahilan ko.

"Sino ba? Kakilala mo ba?" tanong niya sa akin sabay gala ng tingin sa paligid.

Hindi naman niya alam ang weird na nararamdaman ko para kay Sonny. Oo, walang lang ito. Weird nga, e.

"O-Oo…" sagot ko na lang nang matapos na ang usapang ito.

"Pasok na tayo roon sa loob. Sabi ni Astro, okay lang daw."

Maingat na hinawakan ni Fabio ang kamay ko at marahan akong kinaladkad papunta sa entrance papasok sa barikada.

'Yong pinapakalma kong puso, muli na namang tumibok ng mabilis nang mapagtantong papasok kami sa loob. Hindi ko na yata mapapakalma ang puso kong ito.

Habang papasok kami ni Fabio, hindi ko mapigilan ang sarili kong lingunin ang puwesto niya. Wala na siya roon, pati ang babaeng kasama niya, wala na rin.

Iginala ko ang tingin sa paligid, sa mga taong nandito sa loob ng barikada. Marami sila pero kapag talaga alam ng mata mo kung sino ang hinahanap nito, agad mo itong mapapansin.

Nasa gilid siya ng stage, may hawak na isang bote ng beer, kausap ang kaniyang kapatid at 'yong nakita ko kaninang sinabi ni Zubby na bunsong anak daw ng mga Lizares. Tinapik ni Siggy Lizares ang balikat niya at biglang umalis, 'yong Darry Lizares naman ay kinausap ang isa sa mga kambal na kaibigan no'ng MJ Osmeña. Siya, sumandal sa isang malaking box ng sound system at sunod-sunod na tinungga ang hawak na beer, tulala sa isang tabi.

Nagpapatianod lang ako kay Fabio na animo'y ulap sa kalangitan at siya ang hangin, nagpapadala sa kung saan man mapadpad. Pero ni isang segundo, hindi ko inalis ang tingin ko sa kaniya.

Kahit nasa malayo ako, kitang-kita ko na may lungkot sa kaniyang mukha.

Ganoon mo ba talaga kagusto si MJ Osmeña? Pero bakit ang sabi niya, may girlfriend ka? Katulad ka rin ba ng ibang lalaki na kaliwa't-kanan ang nagiging gusto? Kaliwa't-kanan ang mga pinaglalaruang babae?

Ilang taon ko siyang hindi nakita. Maraming nagbago sa kaniya. Mas lalo siyang naging makisig, mas lalong humaba ang buhok niya sa batok, mas lalo siyang naging guwapo. Nag-mature ang mukha niya. Dalawampu't-dalawa na ang edad ko ngayon at kung pagbabasehan ang sinabi ni Zubby noon na limang taon ang agwat naming dalawa, reasonable lang ang kaniyang pisikal na anyo ngayon. Angkop-angkop sa kaniyang postura ang kaniyang edad na dalawapu't-pito.

Umiling ako at nag-iwas ng tingin sa kaniya para batiin ang mga kaibigan ni Fabio. Mga barkada niya noong high school na sina Astro, Jayce, at Kano. Matapos ang batian, pumunta ako sa isang tabi habang abala si Fabio makipag-usap sa ibang kakilala. Iginala ko ang aking tingin sa paligid. Maganda ang musikang aking naririnig. Medyo maingay lang at masakit sa tenga pero maganda naman.

"Please welcome… DJ Siggy!" sigaw ng isang lalaki na nasa ibabaw ng entablado at siyang may hawak ng mikropono.

Dahil sa narinig ko, agad akong napatingin sa may entablado. Nakita ko nga roon ang isa sa mga Lizares na siyang nagmamanipula sa mga gamit na nasa taas. Mas lalong nag-ingay ang lahat, mas lalong nagsayawan, mas lalong nagsigawan.

Hindi ko alam, may ganitong klaseng talento pala itong si Siggy Lizares?

Pinakinggan ko ang musikang gagawin ni Siggy Lizares sa pamamagitan ng pagkalikot ng kung anu-ano sa harapan niya. Isang magandang musika at OPM ang kaniyang naging reference sa EDM na kaniyang ginagawa. Magaling.

Nanatili akong nakatayo, maya't-mayang pinupuntahan ni Fabio para tanungin kung okay lang ba ako. Siyempre, okay din ang isasagot ko. Binigyan na rin niya ako ng isang bottled water at 'yong isang in-can na pineapple juice. Pinabili raw niya iyon sa 7-eleven dahil walang ibang inumin ang nandito kundi ang mga nakalalasing na inumin lang. Hindi naman ako umiinom no'n kaya ito 'yong binigay niya sa akin.

Isinantabi ko ang bottled water na ibinigay niya at sinimsim ang pineapple juice na hawak ko. Ibinalik ko ang tingin ko sa kaniya. Nandoon pa rin siya sa kaninang puwesto niya, may hawak pa rin na bote ng alak, nakatingin sa kaniyang harapan.

Sinubukan kong sundan ng tingin ang tinitingnan niya sa harapan at nang makitang si MJ Osmeña iyon katabi 'yong Darry Lizares, bumalik ang tingin ko sa kaniya. Tahimik lang siya, maya't-maya ang pag-inom sa hawak na beer at ni hindi kumukurap na nakatingin sa kanilang dalawa.

Nagseselos ba siya? Normal na nag-uusap lang naman ang dalawa sa may stage. Wala namang kakaibang nangyayari sa dalawa.

O baka naman si MJ Osmeña lang ang tinitingnan niya?

Nagpalipat-lipat lang sa kanila ang tingin ko hanggang sa nagsiputokan na ang fireworks.

"This rave party is brought to you by Councilor Einny Lizares and the Lizares brothers! Happy Manlambus Festival, Escalante City!"

Tumingala ako at nakangiting pinagmasdan ang iba't-ibang kulay ng fireworks. Minsan lang akong makakita nito sa malapitan, lulubos-lubosin ko na. Palagi kasing sa malayo ko lang napapanood 'to, e. Ito ang unang beses na sobrang lapit ko at kitang-kita ko talaga. Maganda, masarap sa pakiramdam.

"Ang ganda 'no?" narinig kong tanong ni Fabio kaya lumingon ako sa kaniya nang panandalian at ngumiti.

"Sobra…" sabi ko at agad ibinalik ang tingin sa kalangitan. Patuloy pa rin ang fireworks display.

Nanunood kaya siya?

Nang sumagi iyon sa isipan ko, agad kong tinanaw ang kaniyang puwesto.

Anak ng baboy!

Unti-unting nawala ang ngiti ko nang paglingon ko sa kaniyang puwesto, saktong nakatingin siya sa akin. Gusto kong umiwas ng tingin pero hindi ko kaya kasi habang tumatagal ang titig namin sa isa't-isa, mas lalong lumalakas ang tibok ng aking puso.

Gusto kong aminin pero mali. Paano si Fabio?

~