webnovel

Camino de Regreso a Ti

Si Juliet ay isang mag-aaral ng medisina sa kasulukuyang panahon at magtatapos na sana sa susunod na taon nang madawit siya nang hindi inaasahan sa paglalakbay ng isang misteryosong lalaki. Napunta siya sa mundong malayo sa mundong kaniyang kinagisnan. Makabalik pa kaya siya sa sarili niyang mundo o matututunan na rin niyang mahalin ang bagong mundong kabibilangan niya?

PlayfulEros · 历史言情
分數不夠
98 Chs
avataravatar

XCII

Nang mamatay si Koronel Fernan Fernandez, ang kapatid niyang mamamahayag at manunulat na si Manuel Fernandez ang naging utak ng rebolusyon at nagsilbing tagapayo ni Heneral Enriquez.

"Hindi mabibigo ang rebolusyon hangga't tama ang pamumuno rito." Ito ang wika ni Manuel Fernandez sa tuwing tinatanong sa kaniya kung may patutunguhan pa ba ang rebolusyon. Ito ang mga salitang naging sandigan ng mga Pilipino upang magkaisa sa ilalim ng pamumuno ni Heneral Enriquez sa rebolusyon.

"Huwag kayong lumaban para sa pangalan ko. Huwag kayong lumaban dahil lang sa utos ko. Manindigan kayo. Lumaban kayo para sa inyong prinsipyo at hindi para sa mga taong inyong iniidolo. Lumaban kayo para sa bayan." Mga salita ito ni Heneral Enriquez na kinakapitan ng kaniyang mga sundalo at maging mga kapwa heneral, kabilang na sina Heneral Gregorio del Pilar, Heneral Manuel Tinio, at iba pang sumanib sa kanilang pwersa upang lumaban. At ngayong nandito na naman sila sa harap ng kamatayan, ito ang mga salitang kanilang kinakapitan. Na lumalaban sila para sa kanilang sariling prinsipyo bilang mga Pilipino, na lumalaban sila para sa kalayaan at hindi para sa kung sino.

"Handa ba kayong mamatay para sa bayan?!" Sigaw ni Niño.

"Opo,  heneral!" Sabay-sabay na sagot ng mga sundalo.

"Kung gayon ay lumaban tayo para sa kalayaan!" Muling sigaw ni Niño at kinasa ang hawak na baril, ganun din ang iba pang mga sundalo.

"Fuego!!!"

Tumagal nang ilang taon ang pakikipaglaban ng mga sundalong Pilipino sa mga Amerikano. Patuloy na lumaban ang mga Pilipino, pinatunayan na marunong tayong makipagdigma nang may kadakilaan at paninindigan, na hindi na tayo mga bata.

Pagkatapos ng ilang taong pakikipagdigma na tila ba wala nang katapusan, kinilala na rin ng mga Amerikano ang kalayaan ng Pilipinas. Nagwagi tayo. Nagwagi ang pwersa ng batang rebolusyonaryong heneral.

Ngayon na ang araw ng pagpili ng bagong presidente ng republika. Ito ang pinaka-aabangan ng lahat, ang pag-upo ng heneral na nanguna sa rebolusyon laban sa mga Amerikano. Ngunit imbis na nasa pagpupulong ay nasa puntod ng kaniyang kaibigan ang heneral.

"Nandito ka lang pala, Kuya Niño!" Napalingon si Niño kay Manuel. Napatukod ang mga kamay ng binata sa kaniyang tuhod atsaka hinabol ang hininga. Napagod siya sa pagtakbo papunta kay Niño. Nang nakakahinga na ulit siya nang maayos ay tumayo na siya muli nang tuwid atsaka nagpatuloy sa sasabihin.

"Kanina ka pa hinahanap sa pulong. May iilan ding sibilyan na kwinestyon ang pagpapalit ng presidente dahil hindi pa naman tapos ang paglilitis kay Aguinaldo at hindi naman daw naghirap ang bayan nang siya ang nasa pwesto kaya kinausap ko sila at napagtanto rin naman nila ang punto ko. Pero huwag kang mag-alala, Kuya. Lahat ng heneral at ating mga kasamahan ay walang duda sa iyong pamununo." Balita ni Manuel.

"Ano ang nangyari sa pagtutol ng mga sibilyan? Ano ang iyong sinabi sa kanila?" Tanong ni Niño.

"Sinabi kong hindi porket hindi sila ang naghihirap at nagdurusa ay wala nang mali sa sistema." Sagot ni Manuel. "Mapang-abuso ang pamumuno ni Heneral Aguinaldo kaya dapat lamang itong palitan ng patas, tapat, at mabuting pamumuno."

"Isa pa, ang mabuting pinuno'y hindi nagtatagal sa puwesto. Ang pagtatagal sa kapangyarihan ay nagdudulot ng kasakiman sa kapangyarihan at pang-aabuso sa mga mahihirap na patuloy na naghihirap dahil sa maling pamamalakad. Ang mabuting pinuno'y handang ipasa ang kapangyarihan at responsibilidad sa susunod na mamumuno upang ipagpatuloy ang kaniyang mga magagandang nasimulan at itigil naman ang mga hindi nakatulong sa mga mamamayan." Dagdag pa ni Manuel sa lahat ng kaniyang sinabi.

Napangiti si Niño sa mga salitang lumabas mula sa labi ni Manuel. Hindi mapagkakailang kasing mulat at lalim ito mag-isip ni Fernan o 'di kaya'y mas malalim pa nga. Ngunit nawala rin ang ngiti sa labi ng heneral nang maalala ang pakay ng binatang manunulat sa pagpunta nito rito.

"Manuel," Tawag ni Niño sa binata at hinawakan ito sa balikat. "Isa akong sundalo, hindi pulitiko. Hindi sa ngayon."

"A-Anong ibig mong ipahawatig, Kuya Niño?" Nagtataka at kinakabahang tanong ni Manuel.

"Maayos kong napangunahan ang rebolusyon sapagkat isa akong sundalo, Manuel. Ako si Heneral Enrique Luis Enriquez. Mahal ko ang bayan sa puntong handa akong ialay ang aking buhay para rito ngunit ibang usapan ang pulitiko. Gaano man kalalim ang aking pagmamahal sa Pilipinas, kahit kailan ay hindi ko hinangad ang kapangyarihan ng isang taong nakaluklok sa mataas na puwesto." Paliwanag ni Niño.

"Hindi ko nais maging presidente."

Nabato si Manuel sa kaniyang kinatatayuan dahil sa narinig mula sa heneral. Anong gagawin niya? Dapat ba niya itong pilitin sa posisyong hindi naman nito nais kunin?

Gaano man kagusto ni Manuel maging presidente si Niño, hindi niya magawang ipilit dito ang hindi nito gusto. Matagal nang alam ni Manuel na walang interes si Niño sa puwesto. Matagal niyang nakasama ang heneral bilang tagapayo nito at bawat kilos at salitang binibitawan nito mula noon ay mga senyales na wala itong balak maging pangulo ng republika. Alam din niyang sa buong panahon na nakikipaglaban sila sa mga Amerikano ay tahimik nitong pinagmamasdan at sinusuri ang kanilang mga kasamahan, tila ba naghahanap ng tunay na karapat-dapat sa puwesto.

"Kung gayon... sino ang tingin mong karapat-dapat sa posisyon?" Tanong ni Manuel.

Nagulat si Niño sa tanong ng binata nang tila ba nahulaan nito ang lahat ng tumatakbo sa utak niya ngunit hindi na siya nagtaka. Matalino si Manuel, katulad ito ni Fernan. At habang tumatanda ito ay mas lalo itong nagiging mulat sa kaniyang paligid, mas nagiging matalas mag-isip kaysa dati, at mas nauunawaan ang kaniyang mga nasasaksihang pangyayari buhat na rin ng kaniyang mga karanasan. Kinuha ni Niño mula sa bulsa ang isang sobre at inabot iyon kay Manuel.

"Ibigay mo ito kay Heneral Goyo." Wika ng heneral pagka-abot ng sobre. Tumango si Manuel at ipinasok ang sobre sa dala-dalang maletin.

"Nagtitiwala ako sa'yo, Manuel." Saad ni Niño sa binata bago ito tuluyang umalis.

¤¤¤

Tahimik ang lahat. Hinihintay ang sasabihin ni Heneral Del Pilar ngunit binabasa pa nito ang liham mula kay Heneral Enriquez. Matapos basahin ay tiniklop na muli ni Goyo ang liham. Lahat ay nakatutok sa kaniya ngayon.

"Nais ni Heneral Enriquez na... magkaroon ng eleksiyon."

Umingay ang lahat nang marinig ang sinabi ni Goyo.

"Ano pang eleksiyon? Lahat naman tayo rito ay siya ang gustong maging bagong pangulo." Sabat ng isa sa mga heneral.

"Oo nga!"

"Tama!"

Umingay ang silid dahil sa mga pag sang-ayon ng lahat sa sinabi ng huling heneral.

"...dahil hindi niya nais maging bagong pangulo." Tuloy ni Goyo na nakapagtahimik sa lahat.

"Gusto niya si Ginoong Manuel Fernandez bilang bagong pangulo." Wika ni Goyo at tumingin kay Manuel na hindi rin makapaniwala sa narinig. Siya ang nagdala ng liham ngunit hindi niya inaasahan na ito ang laman nito. Napatingin din ang lahat kay Manuel. Lahat sila ay nanatiling tahimik.

"Ngunit nais niyang magkasundo ang lahat kaya sinabi niya, lahat ng tingin niyong karapat-dapat ay inyong inomina bilang kandidato ng eleksiyon para sa pagka-pangulo." Dagdag ni Goyo.

"Sang-ayon ako na karapat-dapat si Manuel Fernandez bilang bagong pangulo ng republika." Wika ni Andong kaya napatingin sa kaniya ang lahat.

Napaisip ang mga heneral at iba pa sa sinabi ni Andong. Lahat sila ay pinag-isipang mabuti kung nararapat nga ba si Manuel bilang bagong pangulo. Hindi na sila katulad ng dati na sunud-sunuran sa may kapangyarihan. Sa tulong ni Niño, natuto ang mga Pilipinong manindigan para sa kanilang mga sarili, sa kung ano ang tingin nilang tama at mabuti.

"Bibigyan ko kayo ng panahon para mag-isip. Pag-isipan nating mabuti kung sino ang karapat-dapat na maging bagong presidente." Wika ni Goyo at nagkaroon na nga ng diskusiyon ukol dito.

Matagal nang alam ni Andong ang lahat ng plano ni Niño. Bilang kaibigan, sa kaniya sinasabi ng heneral lahat ng paghihirap nito bilang pinuno ng rebolusyon, lahat ng pagkatuwa nito tuwing nagwawagi sila, lahat ng pagdadalamhati nito kapag marami ang nasasawi, at lahat ng pangarap nito sa bayang kanilang ipinaglalaban.

Bilang kaibigan din ni Niño, sa kaniya nito sinabi ang nais nitong gawin ngayong tapos na ang digmaan. Bilang nag-iisa nalang ngayon na matalik niyang kaibigan, sa kaniya ito unang nagpaalam.

Maraming salamat sa pagbabasa!

- E

PlayfulEroscreators' thoughts