Si Juliet ay isang mag-aaral ng medisina sa kasulukuyang panahon at magtatapos na sana sa susunod na taon nang madawit siya nang hindi inaasahan sa paglalakbay ng isang misteryosong lalaki. Napunta siya sa mundong malayo sa mundong kaniyang kinagisnan. Makabalik pa kaya siya sa sarili niyang mundo o matututunan na rin niyang mahalin ang bagong mundong kabibilangan niya?
Juliet
Nagsimula nang tumugtog ang mga musikero para sa sayaw kaya nagsimula na rin kaming magsayaw ni Niño kasama ang iba pang mga tao.
Habang nakahawak ang mga kamay at patuloy kaming nagsasayaw, hinayaan ko lang lusawin ako ng mga titig niya na tumatagos sa buong pagkatao ko. Ewan ko ba bakit hindi namin magawang alisin ang tingin namin sa isa't-isa. Pakiramdam ko matutunaw na ako sa mga titig niya pero nakikipag-titigan pa rin naman ako. Baliw ko rin eh, 'no?
"Maligayang kaarawan." Bati ko sa kaniya at kumurba naman agad ang mga labi niya dahilan para lumubog ang dimple niya.
"Salamat, binibini." Pagpapasalamat niya at finally ay nagawa ko na ring alisin ang tingin ko sa kaniya para itago ang kilig ko huhu.
Namention ko na ba kung gaano kasarap pakinggan ng boses ni Niño? Ang ganda ng boses niya kahit nagsasalita lang tapos parang ang ganda ng bawat salitang lumalabas sa bibig niya dahil sa paraan niya ng pagbigkas nito. Malinaw at maayos. Nakakaturn-on. Char!
"Pwede bang magsalita ka lang?" Sabi ko habang nakatingin sa dibdib niyang katapat ng mukha ko at amoy na amoy ko siya dahil nakatapat ang ilong ko sa chest niya. Grabe, ang bango rin talaga niya huhu.
Bahagya siyang natawa sa sinabi ko. "Kung iyan ang nais mo'y gagawin ko, binibini."
"Dahil hiniling mong magsalita lang ako, kukunin ko na ang pagkakataong ito upang sabihin ang mga bagay na nais kong sabihin nang personal." Sabi pa niya kaya napatingala ako sa kaniya.
"Ikaw ang tala ng aking kalangitan." Saad niya habang nakatingin nang diretso sa mga mata ko. Hindi ko inalis ang tingin ko sa mga mata niya na parang may gustong sabihin maliban sa mga lumalabas sa bibig niya.
"Ikaw ang aking liwanag sa gitna ng kadiliman." Sabi pa niya bago ako umikot.
Pagkabalik ko sa mga bisig niya, binulong niya sa akin. "Ikaw ang rason kung bakit ako lumaban, lumalaban, at lalaban."
"Sapagkat naniniwala akong magkikita tayong muli sa dulo ng walang hanggan."
Habang sumusunod pa rin sa steps ng sayaw, napaisip ako. Tumutula ba siya?
Inanalyze kong mabuti.
Tala raw ako at liwanag... mukha ba akong bumbilya?
Atsaka ano raw? Ako ang rason bakit siya lumalaban? Hindi ko na talaga gets. At ano 'yung sense ng magkikita kami sa dulo ng walang hanggan?
First of all, kapag sinabing walang hanggan o infinity, ibig sabihin walang katapusan, walang dulo. Kaya ano 'yung sinasabi niyang magkikita kami sa DULO ng WALANG HANGGAN?? Minsan 'di ko alam kung nag-iisip 'to si Niño eh, tsk. Gwapo pa naman.
"Ikaw ang rason ko, Juliet." Sabi pa niya at ewan ko ba bakit nang magtama ang mga tingin namin sa pagkakataong 'to ay biglang bumilis ang pagtibok ng puso ko. Bigla ring nag-init ang mukha ko.
Omygosh! Nilalagnat na ba ako? Pati ba immune system ko hindi na kinaya ang kagwapuhan ni Niño??
Pagkatapos ng sayaw ay dali-dali akong hinila ni Niño kung saan sa labas ng mansion nila.
"Saan ba tayo pupunta?" Tanong ko habang tumatakbo pa rin kasama siya.
"Kahit saan basta't malayo sa kanila." Sagot niya.
Magrereact pa sa ako nang may tumamang manipis na sanga ng puno sa leeg ko. Ouch!
Napahinto rin naman si Niño nang maramdaman niyang hindi na ako sumusunod sa kaniya.
"May problema ba, binibini?" Tanong niya.
"W-Wala..." sagot ko at sumunod na ulit sa kaniya.
"Sigurado ka ba?" Tanong pa niya kaya tumangu-tango ako.
Naglakad na ulit kami at huminto lang nang wala na kaming makita dahil sa dilim ng paligid.
"Binibini? Nasaan ka?" Bulong ni Niño dahil hindi na kami magkakitaan.
"Nandito." Sagot ko naman at nakapa ko ang likod niya. Umikot siya para humarap sa akin at nakapa ang mga braso ko.
"Dito ka lang. May kukunin lang ako." Sabi niya.
"Ha? Anong kukunin mo? Ang dilim-dilim na nga." Saad ko.
"Mga panggatong." Sagot niya at narinig ko na ang footsteps niya sa mga tuyong dahon meaning naglalakad na siya.
Sandali pa'y nakarinig ulit ako ng footsteps palapit kaya naman nagsalita ako.
"Niño?"
"Ako nga, binibini." Narinig kong sabi niya kaya naman nakahinga na ako nang maluwag. Grabe ang dilim kaya medyo inaantok na ako dahil kanina pa ako walang makita. Hinaharangan ng mga puno ang liwanag ng mga stars at buwan.
Nagulat ako nang magliwanag na ang paligid dahil sa apoy na biglang sumulpot sa harap ko. Nakita ko naman si Niño sa tapat nun na inaayos pa ang mga kahoy na sinusunog niya.
"Paano ka pa nakahanap ng mga panggatong eh sobrang dilim?" Lapit ko kay Niño.
Humarap siya sa akin and his face says it all. He has this facial expression that says "magaling kasi ako" so I let him be. It's quite true after all.
Umupo ako sa lapag sa tapat ng apoy.
"Hindi ba marurumihan ang iyong kasuotan, binibini?" Tanong niya habang may hawak pang isang kahoy na pinanggagalaw-galaw niya sa iba pang kahoy na nasa apoy.
"Hayaan mo na." Sagot ko at nagulat ako nang umupo rin siya sa tabi ko.
"Baliw ka ba? Puting-puti 'yung uniform mo tapos umupo ka?" Saway ko sa kaniya kasi ghaad!
Teh, 'yung uniform niya as in sobrang puti, walang consideration sa labandera! Paano pa kapag nagpakasal kami edi ako mahihirapan niyan huhu gusto ko na magback-out slight.
"Puti rin naman ang iyong kasuotan." Sabat niya at ico-correct ko pa sana siya na dirty white 'to pero hindi ko alam ang Filipino ng dirty white at ang pangit naman kapag sinabi kong 'maruming puti' kaya nevermind.
Napatingin ako kay Niño at nakuha ng uniform niya ang atensyon ko. Bigla kong naalala na sinabi sa akin ni Doña Isabela na gusto niyang makahanap si Niño ng babaeng makakapag-convince sa kaniya na huwag nang bumalik sa gera para na rin sa kaligtasan niya at para sa sake ng pamilya at magiging pamilya niya kaya naman naisip ko, kaya ko ba siyang i-convince? Gusto ko ba siyang i-convince?
"Niño," Tawag ko sa kaniya pero dahil nakatingin naman siya sa akin ay nagpatuloy na ako.
"Wala ka bang balak bitawan ang pagiging heneral? Ang pagiging isang sundalo?" Tanong ko.
Bahagya siyang ngumiti nang malungkot at ipinako ang tingin sa akin.
"Kapag tinalikuran ko ang aking pagiging isang sundalo ay para ko na ring tinalikuran ang aking bayan." Sagot niya at dito palang ay gets ko nang hindi ko siya maco-convince pero pinush ko pa rin.
"Paano kung gusto kong huwag ka nang bumalik sa gera kapag kinasal tayo?" Tanong ko.
Alam kong ang toxic ng sinabi ko pero gusto kong malaman kung anong isasagot niya. Hindi ko gustong talikuran niya ang tungkulin niya pero hindi ko rin gustong mamatay siya. Maaaring nagbabago ang kasaysayan pero hindi ibig sabihin no'n ay naligtas na rin si Niño sa kamatayan.
"Ang pakikipaglaban ko para sa bayan ay pakikipaglaban ko rin para sa iyo, binibini. Sana'y maunawaan mo." Sagot niya na nakatingin nang diretso sa akin.
That hit me hard. Nakikipaglaban siya para sa bayan, para sa mga mamamayan, para sa kalayaan, at kinabukasan.
"Ang pagkamit sa kalayaan ng bayan ay pagkamit rin sa kalayaan nating lahat at iyon ang ipinaglalaban ko."
"Isa akong sundalong tapat sa bayan, tungkulin, prinsipyo, at higit sa lahat... sa iyo." Sabi pa niya at nagform na ang playful smile sa labi niya.
Napailing-iling nalang ako sa huli niyang sinabi pero deep inside ay nagwawala na ang puso ko sa kilig. Ghad, heart! Ang babaw ng kaligayahan mo. Ang rupok heart, ang rupok!