Siguradong pupunta si Han Ruchu sa charity gala…
Kinuha ni Qiao Anhao ang kanyang phone para tignan kung anong petsa na…
Bukas na ang gala…
Pinapangako niya sa sarili niya na unti-unti niyang pagbabayarin si Han Ruchu
sa lahat ng mga kasalanan na ginawa nito!
Kung ngayon siya pupunta sa mansyon ng mga Xu para sugurin si Han Ruchu,
malaki ang posibilidad na walang maniniwala sakanya dahil wala siyang dalang
kahit anong ebidensya. Magiging problema niya rin kapag ipinatawag ang
auntie at uncle niya dahil sa ganda ng relasyon ng dalawang pamilya, tiyak na
papagalitan lang siya dahil masyado siyang nagmamagaling.
Para mapabagsak niya ang isang napaka samang babae, hindi siya pwedeng
magpadalos-dalos….
Kailangan niyang umisip ng plano na hindi niya kailangang mamisikal, pero
kung siya ang masusunod, gusto niyang sampalin ito hanggang sa mapagod
siya!
Tama… Kailangan niyang kumalma. Desidido siyang gumanti kaya hindi muna
siya bumaba ng sasakyan hanggang sa makaisip siya ng magandang
plano…Hinding hindi niya makakalimutan noong gabing tumakas siya sa ospital
para kausapin si Lu Jinnian. Kung saan saan siya nagpunta pero hindi niya
talaga ito makita.
Pero habang naghahanap siya, nakasalubong niya ang assistant nito at napaka
rami nitong pinaliwanag sakanya… Sinabi nito na naghanda si Lu Jinnian ng
isang recording pen na magsisilbing ebidensya na si Han Ruchu talaga ang
pumatay sa anak nila…Gusto sana itong iparinig sakanya ni Lu Jinnian noong
Chinese Valentine's day. Pero nakakalungkot dahil hindi natuloy…
May naisip na siya… Dali-dali siyang bumaba sa sasakyan at tumakbo papasok
ng bahay.
Noong umuwi sila ni Lu Jinnian galing sa America, tandang-tanda niya na isang
maleta lang ang dala nito. Mula noong ikasal sila, sa Mian Xiu Garden na sila
palaging umuuwi at wala siyang naalala na bumili si Lu Jinnian ng bagong
maleta. Ngayong nasa isang business trip ito, kahit pa gamitin nito ang
nasabing maleta, sigurado namang siya na hindi nito dadalhin ang recording
pen…Kaya ibig sabihin, nandito lang sa villa ang recording pen… Tama!
Kailangan niya itong mahanap at hiramin muna!
Dahil sa mga naisip ni Qiao Anhao, nagmamadali siyang umakyat at dumiretso
sa kwarto nila para halughugin ang lahat ng kahon at kabinet na mayroon sila.
Wala pang ilang minuto siyang nagkalkal, ang dating napaka linis nilang kwarto
ay parang biglang dinaanan ng dilubyo. Kung saan saan niya lang tinapon ang
bawat madampot niya kaya bandang huli, halos wala na rin siyang
mapwestuhan.
Nang wala siyang napala sa kwarto nila, hindi siya nakuntento kaya inisa-isa
niya ang iba pang mga kwarto sa mansyon hanggang sa makarating siya sa
study room ni Lu Jinnian.
Kinuha niya ang mga dokumentong nakapatong sa lamesa. Sinilip niya lang ang
mga ito ng mabilisan at noong wala siyang nakitang kahit ano, padabog niya
itong binalik sa lamesa. Sa sobrang pagkataranta niya, hindi niya namalayan na
may ilang dokumento dumulas kaya maraming papel ang nagkalat sa sahig.
Sumalampak siya sa sahig at sa sobrang pagkadesperado, inisa-isa niya
namang buksan ang drawer ng lamesa, kung saan puro dokumento at kung
anu-anong gamit lang ang mga nakita niya. Pero wala siyang balak na tumigil…
Hinila niya ang upuan na nasa kanyang harapan niya at tumuntong dito para
maabot niya naman ang book case.
Tinignan niya ang bawat sulok ng bookcase hanggang sa mapansin niya na
may isang nakalock na drawer sa bandang ibabang kanan ng kabinet.
Habang pinilipit niyang sirain ang lock, naalala niya na may napansin siyang
mga susi sa isa sa mga kinalkal niyang drawer kaya nagmamadali siyang
bumaba sa upuan para kunin ang mga ito. Hindi pumasok ang una at
pangalawa, pero buti nalang sa ikatlong susi nagtagumpay na siyang mabuksan
ito!
Pagkabukas niya ng drawer, tumambad sakanya ang napakaraming "NanJin95
Supreme" na brand ng sigarilyo.
Kumunot ang noo ni Qiao Anhao at walang pagdadalawang isip niyang kinuha
ang mga ito para itapon sa basurahan na nasa kanyang tabi. Sa ilalim ng mga
sigarilyo, may nakatagong isang phone, recording pen, kulay pulang marriage
certificate at folder.
Sa wakas, nahanap niya rin! Dali-dali niyang kinuha ang recording pen at
pinindot ang play button, at wala pang ilang segundo, may narinig siyang
bumubulong.