Nabigla si Cisney nang makita ang kanyang kasintahan na kanina lamang ay kanyang pinagmamasdan mula sa malayo. Ang mga mata nito'y nakatitig nang masama kay Lexus, ang kanyang panga ay nagiigting dahil marahil sa inis sa kanyang nasasaksihan. Pilit pa ring tinatanggal ng babae ang kamay ni Lexus sa kanyang braso ngunit mas lalo lamang hinigpitan nito ang pagkakahawak sa kanya habang ito'y nakatingin din at nakangisi kay Seth.
"Tinatanong kita, Lexus, anong ginagawa mo?" kalmado pa rin ang tinig ng Prinsipe Seth kahit mahahalata ang galit sa kanyang mukha.
"Masama ba na makipag-usap ako sa isang tagapagsilbi sa palasyo?" nakangising sagot naman ni Lexus.
"Kapag nakikipag-usap ba ay kailangan nakahawak ka rin sa kanyang braso?" tanong muli ni Seth.
"Ano bang pakialam mo? Huwag mong sabihing nagseselos ka?"
Lalo namang nagalit si Seth sa kanyang narinig, lumapit siya kay Lexus at pilit na tinanggal ang kamay nito na kakakapit kay Cisney. Nang matanggal niya ay hinila niya ang babae palapit sa kanya, "Ayos ka lang ba?" malambing na tanong ni Seth sa babae, tumango naman ito ngunit mababakas pa rin sa mukha nito ang takot.
"Kung ganoon ay tama nga ang aking hinala. May relasyon nga kayong dalawa," wika ni Lexus.
"At ano naman sa iyo kung mayroon nga?" galit na sagot ni Seth.
Tumawa naman si Lexus, "wala na bang mas idudumi pa ang iyong pagkatao? Bukod sa pagiging bastardo ay pumapatol ka rin sa isang alipin?"
Lalong nag-igting ang mga panga ni Seth dahil sa narinig ngunit nagawa pa rin nitong magsalita nang kalmado, "Cisney, bumalik ka na ng kusina. Kakausapin ko lamang ang aking pinsan."
Nag-aalala man si Cisney sa maaaring mangyari ay wala na rin siyang nagawa kung hindi ang sundin ang utos ni Seth. Patakbo siyang bumalik sa kusina habang si Seth ay galit pa rin na nakakatitig kay Lexus.
"At ano naman ang ating pag-uusapan?" tanong ni Lexus sa kanya.
"Doon tayo sa hardin," wika ni Seth, nakangiti siya ngunit ang kanyang mga palad ay nakakuyom dahil sa matinding galit, "paniguradong walang tao roon, mas makakapag-usap tayo nang maayos," dugtong ni Seth bago sinimulang maglakad palabas nang palasyo patungo sa kanilang hardin. Sinundan naman siya ni Lexus.
Nang makarating sila sa bahagi ng hardin kung saan walang dumadaan na tao ay huminto si Seth, "ngayon Lexus, pakiulit nga ang iyong sinabi kanina," wika niya. Hindi alam ni Lexus ang ekspresyon sa mukha ngayon ni Seth dahil nakatalikod ito, ngunit batid niyang galit pa rin ito. Ngumisi siya. Napakadaling painitin ng ulo ng lalakeng ito.
"Alin doon? Iyon bang madumi ang iyong pagkatao dahil bukod sa pagiging bastardo ay pumapatol ka rin sa isang alipin?" paguulit ni Lexus, "hindi mo naman kailangang magalit dahil do'n."
"Hindi naman ako galit," sagot ni Seth, dahan-dahan siyang humarap kay Lexus, ngunit dahil natatakpan ng ulap ang buwan ay madilim ang paligid at hindi nito makita ang kanyang mukha, "lahat naman ng sinabi mo ay totoo, hindi ako tunay na anak ng aking ama at ina at kasintahan ko si Cisney. Totoo lahat ng sinasabi mo tungkol sa akin simula pa noong bata tayo.. At alam mo ba kung ano ang pinakatotoo sa lahat ng balitang ipinakalat mo?" unti-unting nawala ang mga ulap na nakatakip sa bilog na buwan at unti-unti ring naliwanagan ang mukha ni Seth.
Napaatras si Lexus sa kanyang nakita, ang mata ni Seth ay namumula ay na parang dugo at mula sa kanyang labi ay makikita ang matutulis at mahahabang pangil. Akmang tatakbo na siya ngunit bigla na lamang nanigas ang kanyang buong katawan at hindi siya makagalaw, nilapitan siya ni Seth at bumulong sa kanyang tainga, "saan ka pupunta? Hindi pa tayo tapos mag-usap. Naalala mo ba noong mga bata tayo, ipinagkakalat mong masama ang ugali ko at nagpapanggap lamang akong anghel ngunit isa talaga akong demonyo? Iyon ang pinakatotoo sa lahat ng balitang ipinakalat mo."
Nanlaki ang mata ni Lexus nang makaramdam siya ng sakit mula sa kanyang leeg, parang may kung anong tumusok dito at hinihila palabas ang kanyang kaluluwa. Tinignan niya si Seth at mas lalo siyang natakot, ang mata nito'y nakatitig sa kanya habang ang kanyang mga pangil ay nakabaon sa kanyang leeg.
Unti-unting nanghina ang katawan ni Lexus, "T-tama na.. patawad, Seth. P-patawarin mo ako.." wika niya ngunit hindi siya pinakikinggan nito, tila hindi si Seth ang nasa kanyang harapan. Walang nagawa si Lexus. Naramdaman niya ang matinding panghihina at ang huling bagay na kanyang nakita ay ang mukha ni Seth na nakangiti habang pinanonood siya nitong bawian ng buhay.
this is kinda short, sorry. I wasn't feeling well these past few days so I wasn't able to update. Anyways, thank you all for reading this ❤️