Hindi naman mangyayari ang lahat ng ito kung hindi dahil sa kalokohang iyon. Malinaw pa rin sa aking isipan ang mga pangyayari noong araw na iyon. Kung hindi ko ba ginawa ang bagay na iyon, nandito kaya ako ngayon? Malamang sa malamang ay hindi.
Nakatingin ako sa bawat lugar na dinadaanan ng sinasakyan kong bus. Lahat ito ay bago sa aking paningin. Mag a-alas tres na ng hapon, medyo tinanghali din kasi ako ng byahe. Paano naligaw pa ako sa terminal dahil hindi ko mahanap itong bus na sasakyan ko. Halos limang oras na akong nakaupo, ang sakit-sakit na ng pwet ko.
"Pakiayos na po ang mga gamit nyo malapit na po tayo sa babaan." sigaw ng konduktor.
Napa-yes ako nang narinig ko iyon. Mabuti naman at malapit na ang babaan, gusto kong mag-inat.
Nakaupo ako ngayon sa loob ng terminal na pinagbabaan sa amin. Dala-dala ko ang isang malaking maleta kung saan para bang inimpake ko na ang buong buhay ko. Sinabi kasi sa akin ni Lola na may susundo daw sa akin dito. Hanapin ko lamang daw ang manong na may dalang papel kung saan nakasulat ang aking pangalan. May 15 minutes na simula nang bumaba ako pero wala pa rin akong nakikitang manong na may papel kung saan nakasulat ang pangalan ko. Hindi ko rin ma-contact si Lola dahil nawalan ng signal ang cellphone ko.
Sa totoo lang wala akong masyadong ala-ala tungkol kay Lola. Hindi rin naman kami masyadong close. Noong bata ako natatandaan ko na bumibisita sya paminsan-minsan sa akin sa Maynila, laging may dalang mga laruan at pasalubong sa akin. Noong huling bisita nya sa akin 7th birthday ko iyon. May dala syang pansit at sya raw mismo ang nagluto nun. Pero ayun na ang huling pagbisita nya, taon-taon nagpapadala na lamang sya ng liham para sa akin tuwing birthday ko.
"Ma'am Erina?!" may narinig akong sumigaw ng aking pangalan. Agad kong hinanap kung saan nanggaling iyon.
Nakita ko ang isang matandang may hawak na papel kung saan nakasulat ang "Maligayang Pagdating, Erina." Agad akong tumayo at kumaway sa matandang iyon.
"Dito po, Manong." sigaw ko.
Hindi pamilyar sa akin ang Manong na ito, ngayon ko pa lamang siya nakita. Siguro ay nasa 60 na ang kanyang edad. Nakasuot ito ng white t-shirt at maong short, may shades sa kanyang ulo na ginawa niyang supil dahil may kahabaan ang buhok ng Manong. Parang rockstar itong si Manong, ah. Ayos!
"M-ma'am Erina. Kayo po ba yan? K-kayo po ang apo ni Madam Gloria, hindi ba?" hingal na hingal na tanong sa akin ni Manong.
"Opo, ako nga. Bakit parang hingal na hingal ho kayo? Tumakbo lang po ba kayo papunta dito? Gusto nyo po ng tubig? Ibibili ko muna kayo." pag-aalok ko naman.
"Ay, naku. Ang bait mo naman, Hija, para kang si Madam Gloria may mabuting puso. Pero hindi na kailangan , ayos lang ako. Nasiraan kasi ako ng tricycle kaya medyo hingal ako at kaya natagalan bago ako makarating dito." pagpapaliwanag naman sa akin ng Manong. Napatingin sya sa maletang nasa gilid ko.
"Ito na po ba ang lahat ng gamit nyo?" pag-tatanong niya.
"Opo, Manong. Medyo may kabigatan po tulungan ko na po kayo." pag-aalok ko ng tulong.
"Ay, naku, Ma'am. Hindi na kailangan malakas pa po ako, wala lang sa itsura, hehe. Tara na po doon ko ipinarada ang tricycle." natutuwa ako sa Manong na ito, makulit syang kausap at para bang masaya lagi.
Sa sobrang laki ng maleta ko ay hindi na ako magkakasya sa loob ng tricycle. Hindi rin naman mailagay ni Manong sa bubong ang maleta dahil wala siyang dalang tali.
"Pasenya na po pero sanay po ba kayong umangkas sa tricycle, Ma'am Erina?" tanong sa akin ni Manong habang nakatingin sa maleta at kinakamot ang kanyang ulo.
Napatingin muna ako sa likod na bahagi ng motor bago ako umangkas. Patagilid akong umangkas dito, ginaya ko na lamang ang upo ng mga nakikita kong umaangas sa tricycle. Sa totoo lang, hindi pa ako nakakasakay ng tricycle. Kung hindi kasi bus o kotse ang sinasakyan ko, nag-tataxi naman ako. Masyado ring maingay ang mga to para sa akin kaya hindi ko na sinubukang sumakay dito noon.
"Ready na po kayo, Ma'am? Alis na po tayo, tyak na excited na si Madam Gloria na makita kayo. Hawak po kayong mabuti ha? Let's goooooo!" masiglang sigaw ni Manong, binaba niya ang kanyang shade sa mga mata at agad na pinaadar ang tricycle.
Hindi na ako nakaimik dahil kinakabahan akong mahulog dito. Ang awkward naman kung ang unang meeting namin ni Lola after so many years puro injury at galos ako. Syempre dapat makita nya kung gaano na ako ka-cute at kaganda ngayon.
"Manong saan na po tayo papunta nito?" pag-uusisa ko nang medyo nakampante na ako sa pag-angkas.
"Sa Barangay F-hddhdlhd." pag-sagot nya.
Hindi ko naintindihan ang sagot ni Manong. Napakaingay kasi ng makina ng tricycle at medyo mabilis din ang aming takbo.
"Ano po, Manong?" pagtatanong ko ulit.
Naunawaan ko na lamang ang ibig-sabihin ni Manong nung nabasa ko ang nakasulat sa arkong nadaanan namin.
Nakasulat sa arkong iyon ang " MALIGAYANG PAGDATING SA BARANGAY FELICIDAD."
Note: Nakakaiyak naman 2022 ko pa gustong isulat to. Tapos ayan naisulat ko na.(Yung unang kabanata) Pati ba naman librong isusulat i-c-cram ko, huhu.