webnovel

Chapter 16

Matapos magamot ang sugat ni Vivian sa pisngi ay bumalik na ito sa lawa upang muling makipaglaro sa mga kauri nito. Naiwan naman sa loob ng palasyo si Elysia kasama si Galathea. Kasalukuyan silang naglalakad patungo sa kusina upang tingnan ang ginagawa ni Loreen at makikain na rin. 

Hindi pa man din sila nakakarating ay nakasalubong naman nila si Ramon na halatang galit na galit. Masamang tingin naman ang pinukol nito kay Elysia at isang matamis na ngiti lang ang iginanti ng dalaga rito.

"Hindi ka ba nakokonsensya sa ginagawa mo, Elysia. Kamag-anak mo kami pero kung ituring kami ng mga tao rito ay mas mababa pa kami sa hayop. Nasisiyahan ka ba sa nangyayari sa amin?" tiim-bagang na tanong ni Ramon. Nakita ni Elysia ang nakakuyom nitong kamao, bakas sa mukha nito ang galit at pagkapoot. Ekpresyon na hindi niya maipakita noon sa kanila noong siya ang nasa sitwasyon nila.

"Binabalik ko lang kung ano ang ginawa niyo sa akin noon. HIndi ba't tuwang-tuwa rin kayo noon? Hindi ko rin magawang magalit noon at ang tanging nagagawa ko ay magkuyom ng aking kamao, tulad mo ngayon," mahinahong tugon niya.

"Sino ang mag-aakalang darating ang panahon na ito, kahit siguro kayo ay hindi makapaniwala, 'di ba? Nakakatawang isipin na ang akala niyong papat*y sa akin ay siyang magiging kalbaryo niyo. Marami pa tayong pagsasamahan, magtiis muna kayo dahil sa ngayon, hindi pa kayo ang prayoridad ko, kaya kung ayaw niyong mauna sa listahan ko, magpakabait kayo," banta ni Elysia. Namilog ang mga mata ni Ramon habang sinusundan ng tingin ang papalayong pinsan. 

Nang marating na nina Elysia at Galathea ang kusina ay agad naman nilang nakita si Loreen na abala sa ginagawa nito, kasama nito ang iba pang nilalang na may matutulis na tainga na sa pagkakatanda ni Elysia ay mga Elf na kadalasang naninirahan sa mga tagong gubat. Narinig din niya sa kuwento na ang mga elf daw na 'yon ay mga nilalang na nawalan ng tahanan noong umatake ang grupo ng mga dambuhalang orcs sa gubat ng Kanluran. Bukal sa loob silang kinupkop ni Vladimir sa kanilang palasyo at doon na namalagi simula noon.

Iilan na lamang ang natira sa kanilang lahi, kakaiba ang uri nila dahil bukod sa kulay kayumanggi nilang mga balat, mahahaba ang kulay puti nilang buhok. Maging ang mga mata nila ay maihahalintulad mo sa kumikislap na tubig ng batis. Ang tanging pagkakapareho lang nila sa ibang uri ng mga elf ay ang matutulis nilang mga tainga.

"O, nagugutom na ba kayo? Sandali na lang ito, Siyanga pala Elysia, sa isang linggo pa darating dito si Luvan upang ipagpatuloy ang naudlot mong pagsasanay. Habang naghihintay ka, maaari kang magsanay sa ilalim ni Gertrudis," suhestiyon ni Loreen at may kung sino itong sinenyasan. Lumapit ang isang babaeng elf na may matangkad at balingkinitang postura. Namumukod-tangi ang buhok nitong may kulay pula sa dulo na tila ba umaapoy ito.

"Ito si Gertrudis, isa siyang elf subalit may dugo rin siyang pyromancer— isang taong kayang manipulahin ang apoy. Bihasa rin si Gertrudis sa paggamit ng pana kaya mas maigi kung matututunan mo rin ito." 

Saglit namang napatingin si Elysia sa babae at bahagya itong nginitian. Matapos nga nilang mag-almusal ay agad na silang tumungo sa training ground kung saan pagdating nila ay naihanda na ni Loreen ang kanilang gagamitin.

Halos hindi na namalayan ni Elysia ang oras nang magsimula na silang magsanay ni Gertrudis. Natuwa din siya dahil maayos niyang naisasagawa ang mga iniuutos ni Gertudis sa kaniya. Maging ang postura niya sa paghahatak ng pana ay naisaayos na rin niya. Mahinahon magsalita si Gertrudis, maamo at malambing, hindi tulad sa matapang at maangas na tinig naman ni Luvan. Subalit parehong nakuha ng mga ito ang kaniyang respeto. 

Hapon na nang magdesisyon si Gertrudis na tapusin ang kanilang pagsasanay. Agad naman hinatak ni Elysia ang pagod niyang katawan papasok sa kaniyang silid. Kung saan naabutan niyang tulog pa rin si Vladimir. May mga pagkakataon talagang natutulog si Vladimir sa umaga, at kadalasan ay sa silid niya ito natutulog.

Matapos niyang maligo at mag-ayos ay agad na siyang sumampa sa higaan upang magpahinga bago ang kanilang hapunan. Akmang papaidlip siya ay nakarinig naman siya ng mahinang bulung-bulungan na nasa labas lamang ng kaniyang silid. Kilala niya ang boses na iyon at sigurado siyang si Alicia iyon at ang kaniyang tiyahin.

Muli niyang iminulat ang kaniyang mga mata at bahagyang napangisi.

Mukhang hindi talaga magpapakabait ang kaniyang pinsan at tiyahin hangga't hindi nila nakikita ang kanilang mga kabaong. Muli siyang bumangon at nakiramdam, kung tama ang pagkakarinig niya ay nagbabalak ang pinsan niyang akitin si Vlad. Napatingin naman siya sa tulog na tulog na binata at napangiti.

Bakit pa ba niya pag-aaksiyahan ng panahon ang mga 'yon, alam naman niyang hindi basta-basta papatol si Vlad sa pinsan niya. Pero paano kung maakit ito sa dugo ng pinsan? Saglit siyang napasip at tumaas ang kilay sa binata.

"Ano'ng iniisip mo, bakit pakiramdam ko, nanganganib ang buhay ko?" tanong ni Vladimir na nagpapitlag sa kaniya. Doon lang niya napagtantong lumipad na naman ang isip niya habang matamang nakatitig sa binata. Mabilis na umakyat ang dugo niya sa mukha, dahilan para uminit iyon. Alam niyang sa pagkakataong iyon ay pinamumulahan na siya ng pisngi at wala na siyang mailulusot pa.

"Ha? Ah—eh, wala. Huwag mo na lang akong pansinin," kaila niya at agad na nag-iwas ng tingin at bumaba sa higaan. Subalit hindi pa man niya naiaapak ang kaniyang paa sa sahig ay mabilis naman siyang hintak ni Vladimir pabalik sa higaan, dahilan para muli siyang mapahiga sa tabi nito.

"Naririnig mo ba sila? Wala pang taong nakakuha ng atensiyon ko bukod sa'yo. Kung naiisip mo na baka patulan ko ang pinsan mo, malayong mangyari iyon. Kaya, huwag mo sanang isipin 'yon, sa dug* mo lang ako naaakit. Dahil kung isa akong bampira na hayok sa dug* malamang, nabuhay akong katulad ni Vincent," mahabang paliwanag nito sa mahinahonnitong boses. Ramdam niya ang sensiridad sa boses ng binata kaya napangiti naman siya.

"Sabi mo eh—pero hindi talaga iyon." muli niyang kaila at natawa na lang ang binata. Kinagabihan ng araw ding iyon ay naging abala na si Vladimir sa bulwagan ng kaniyang trono, kasama niya ang kaniyang mga alagad at nasa kanan naman niya nakatayo si Alastair. at sa tabi niya nakaupo rin si Caled.

Kasalukuyan nilang pinag-uusapan ang mga hakbang na kanilang gagawin upang mapaghandaan ang nagbabadyang panganib na dulot ng pag-atake ng grupo ni Vincent.

"Mahigpit nang pinapatupad sa bawat bukana ang pagbabantay, lahat ng area na maaaring daan ng mga kalaban ay isinara na. nakabantay at handa na ring magbigay ng hudyat ang ating mga tagamasid," salaysay ni Alastair.

"Kulang pa ang paghahandang iyan, hindi lingid sa ating kaalaman na tuso si Vincent, simula't-sapol, alam nating lahat na hindi sila magpapatalo. Wala sa dugo niyo ang nagpapatlo kaya alam kung alam mo ang likaw ng bituka ng kapatid mo," wika ni Caled at isang ngisi lang ang tugon ni Vladimir. 

Tama naman ito, higit kanino man , si Vladimir ang mas nakakakilala sa kaniyang kapatid. Mula pa man noon ay mainit na ang dugo nila sa isa't-isa at wala ni isa sa kanila ang nais na magparaya. Hindi si Vincent na uhaw sa kapangyarihan, lalong hindi siya na uhaw mabigyan ng hustisya ang namayapa niyang ina.

Nagpatuloy pa ang kanilang pag-uusap na iyon hanggang sa lumalim na ang gabi. Paisa-isa naring nagsialisan ang kaniyang mga tauhan upang bumalik sa kani-kanilang binabantayan. Si Caled naman ay nanatiling nakaupo sa tabi ni Vladimir at napapalatak na tinungga ang isang baso ng alak na nasa kamay nito.

"Kahit kailan talaga Vlad, napakatuso ng kapatid mo. Pakiramdam ko tuloy ay nakikipaglaro tayo sa dem*nyo," sambit ni Caled nang maubos ang laman ng kaniyang baso.

"Wala siyang hindi gagawin para lang mapatumba ako, Mahigit isang daan taon na rin ang tunggalian namin at kahit paano ay nakakasabay na ako sa kaniya. Sa ngayon, umaasa na lamang ako sa propesiya ni Chlea." Nangalumbaba si Vlad at napatingin sa maliwanag na singa ng buwan na ngayon ay kitang-kita sa malaking siwang ng bintana na nasa kanilang harapan.

"Ang propesiya —sadyang mapaglaro ang tadhana ano, sa isang tao pa talaga naitalaga ang isang mabigat na gampanin. Kakayanin ba ng katawan niya?" tanong ni Caled.

"Naniniwala akong kaya niya. Nasa dugo niya ang pagiging manunugis, hindi pa huli para malinang ang kakayahan niya. Bata pa si Elysia, hindi pa siya sumsapit sa hustong edad, kung kaya't may oras pa tayo na sanayin siya at matutuhan niya ang lahat ng kailangan niya para makaligtas at makipagsabayan sa atin," wika ni Vladimir. May ngiting nakapagkit sa kaniyang mga labi na tila hindi maalis-alis. Napansin naman ito ni Caled kaya bigla itong natawa, animo'y nahihinuha na niya na malalim na talaga ang tama ng kaibigan niyang ito.

"Nabanggit din sa akin ni Galathea na nagsasanay siya ngayon ng paggamit ng pana at palaso. Malaking bagay ang matututuhan niya, dahil magagamit niya iyon sa malayuan," puna ni Caled.

"Oo, sa katanuyan, si Luvan ay darating sa susunod na linggo upang ipagpatuloy ang pagsasanay niya sa paggamit ng espada. Pagkatapos ng pisikal na pakikipaglaban, saka namin siya isasalang sa paggamit ng mahika na ituturo naman ni Loreen," dagdag pa ni Vlad. 

Mabilis na lumipasa ang mga araw, unti-unti nang natututuhan ni Elysia ang mga itinututro sa kaniya. Sa katanuyan ay tila ba umaayon sa kanila ang pagkakataon dahil sa bilis matuto ng dalaga.